logo text
Adicionar à Biblioteca
logo
logo-text

Baixe este livro dentro do aplicativo

Capítulo 7 TIKTIK

TIKTIK
MADALING HAPON na nang matapos si Beth sa kaniyang paglalaba. Kahit malaki na ang kaniyang tiyan ay tumutulong pa rin siya sa gawaing bahay. Ang asawa naman niya ay laging nasa bukid. Ina-asikaso nito ang kanilang mga panamin na gulay at prutas.
Naglalakad na pauwi si Beth patungo sa kanilang bahay nang may makasalubong siyang isang babae na medyo may kaedaran na. Ginapangan siya ng takot nang titigan nito ang kaniyang umbok na tiyan. Nang medyo malapit na ito sa kaniya ay bigla itong nagsalita.
"Ineng, ang bango mo naman," wika ng babae habang patuloy na nakatingin sa kaniyang tiyan.
Hindi maintindihan ni Beth ang kaniyang nararamdaman. Kinabahan siyang bigla at nangunot ang kaniyang noo sa tinuran ng babae.
"Po? Hindi ko po kayo maintindihan. Bago lang po ba kayo rito?" tanong niya sa babae.
"Ah, wala Ineng, kalimutan mo na iyon. Oo, bagong lipat lang ako rito. Galing kasi ako ng bayan may binili lang ako. Nasa unahan lang ng ilog ang bahay ko at ito lang ang tanging daan patungo roon."
Napatango na lang si Beth sa sinabi nito. Aalis na sana siya nang biglang hawakan ng babae ang kaniyang tiyan. Nararamdaman ni Beth na sumama bigla ang kaniyang pakiramdam.
"Ate, mauna na po ako sa inyo. Kailangan ko pa kasing isampay 'tong mga damit," pagdadahilan niya pero ang totoo'y ginapangan na ng takot ang buo niyang sistema.
"Oh sige, mag-iingat ka Ineng. Kabuwanan mo na ba ngayon? Malaki na kasi ang tiyan mo?" tanong nito kay Beth.
"Opo, sige po ate aalis na ako."
Mabilis na naglakad si Beth palayo sa babaeng nakausap niya kanina. Nang lingunin naman niya ang babae ay nakita niya itong nakatingin sa kaniya. Kinabahan na naman siya kaya mas lalo pa niyang binilisan ang kaniyang mga hakbang. Malapit na si Beth sa kanilang bahay nang makita niya ang kaniyang asawa, si Berto. Abala ito sa pagsisibak ng kahoy kaya hindi siya nito napansin na dumating.
"Tay, nandito ka na pala. Tapos ka na ba roon sa bukid?" Nilapag niya ang dalang palanggana sa lupa at sinimulang isampay ang mga damit.
"Oo Nay, tinapos ko na agad para makauwi ako ng maaga. Alam mo naman na malapit ka ng manganak. Walang tumutulong sa 'yo rito," tugon nito habang patuloy na sinisibak ang kahoy.
Gusto sanang sabihin ni Beth ang nangyari kanina ngunit pinili na lamang niyang manahimik. Ayaw niyang mag-alala ito sa kaniya. Pagkatapos niyang isampay ang mga damit pumasok siya sa loob ng bahay at nagsaing para sa kanilang hapunan. Hindi pa rin mapalagay at mapakali si Beth. Iniisip pa rin niya ang nangyari kanina.
Pagsapit ng gabi ay maagang natulog ang mag-asawa. Nakahiga si Beth malapit sa bintana na gawa lamang sa kawayan. Lingid sa kanilang kaalaman na may isang nilalang na nakadampa sa kanilang bubong at naglalaway itong nakatingin sa tiyan ni Beth. Gumawa ito ng butas gamit ang kaniyang matutulis na mga kamay at pilit na isiniksik ang ulo sa butas na kaniyang ginawa at pagkatapos ay pinahaba ang kaniyang dila patungo sa tiyan ni Beth.
Hindi naman mapakali si Beth sa kaniyang kinahihigaan. Nagising siya dahil biglang sumakit ang kaniyang tiyan. Pagmulat niya ng kaniyang mga mata ay nakita niya ang mahabang dila na patungo sa kaniya. Sumigaw si Beth dahil sa sobrang takot. Nagising naman ang kaniyang asawa dahil sa sigaw ni Beth at nakita nito ang mahabang dila. Mabilis na kinuha ni Berto ang kaniyang itak sa kusina ngunit pagbalik niya ay wala na ito. Lumabas siya sa kanilang bahay at hinanap ang nilalang. Nagsisisigaw ito sa sobrang galit.
"Lumabas ka! Ako ang harapin mo! 'Wag mo akong susubukan hay*p ka! Papatayin talaga kita!" sigaw ni Berto habang iwinasiwas ang kaniyang itak.
Nang hindi niya makita ang nilalang ay bumalik siya sa loob ng kanilang bahay. Nakita niya si Beth na patuloy pa ring umiiyak dahil sa sobrang takot na nararamdaman. Nanginginig at nangangatog ang kaniyang tuhod. Nilapitan siya ni Berto at niyakap ng mahigpit.
"Tay, natatakot ako. Ano'ng klasing nilalang iyon Tay?" umiiyak na tanong niya kay Berto.
" 'Wag kang mag-alala Nay, nandito lang ako sa tabi mo. Hindi ko hahayaan na may masamang mangyari sa 'yo at sa magiging anak natin. Poprotektahan ko kayong dalawa," pagpapakalmang wika nito kay Beth.
"Natatandaan ko pa ang ikinuwento ni Lolo sa 'kin noon tungkol sa isang nilalang na tinatawag nilang tiktik. Ito raw ay isang uri ng aswang na may kakayahang pahabain ang dila. Ang bahagi ng katawan na pinaniniwalaang ginagamit ng isang tiktik para kunin ang sanggol na ipinagbubuntis ng isang nagdadalangtaong babae mula sa sinapupunan nito," pagkukuwento nito kay Beth.
Nang dahil sa pangyayaring iyon hindi na muling nakatulog si Berto. Binabantayan niya ang kaniyang buntis na asawa sa takot na baka balikan sila ng tiktik.
KINABUKASAN maagang nagising si Beth. Abala ito sa pagluluto sa kusina nang may marinig siyang boses sa labas ng kanilang bahay. Tiningnan niya sa bintana kung sino iyon ngunit laking gulat niya nang makita niya ang babae na kausap ang kaniyang asawa. May dala itong mga prutas at gulay. Habang patuloy niyang pinagmamasdan ang babae bigla itong lumingon sa kaniyang kinaroroonan. Napaiktad si Beth dahil sa takot at kilabot na namayani sa kaniyang kalooban.
Nasa ganoon siyang sitwas'yon nang marinig niyang tinawag siya ni Berto.
"Nay! Halika muna rito sa labas!"
Nagdadalawang isip si Beth kung lalabas ba siya ng bahay o hindi. Sumilip siya muli sa bintana at nakita niyang nandoon pa rin ang babae sa kinatatayuan nito. Nandiyan naman si Berto kaya naisipan niyang lumabas na lang ng bahay.
Pagkalabas niya ng bahay hindi niya ipinahalata na natatakot siya sa babaeng kaharap niya ngayon.
"Ineng, magandang umaga sa 'yo. May dala nga pala akong prutas at gulay para sa inyo. Kakapitas ko lang ng mga ito galing sa mga tanim ko. Wala naman akong kakilala rito maliban sa 'yo kaya naisipan kong pumunta rito para ibigay ito sa inyo," ani ng babae habang iniabot nito kay Berto ang dala niyang basket.
"Naku! Maraming salamat mare. Hindi ka na sana nag-abala pa."
Nakikinig lang si Beth sa kanilang dalawa nang mapansin niyang pinagmamasdan ng babae ang kaniyang tiyan kaya nag-isip siya ng paraan upang makaalis.
"Ate, maraming salamat dito sa ibinigay mo."
"Walang anuman Ineng," tugon nito habang patuloy na pinagmamasdan ang kaniyang tiyan.
"Tay babalik na muna ako sa loob baka nasunog na 'yong sinaing ko," sabi niya kay Berto at nagmamadaling pumasok sa loob ng bahay.
Inilagay niya sa lamesa ang basket na puno ng gulay at prutas. Nanginginig ang kaniyang mga kamay habang umiinom ng tubig. Dahil sa nangyari kagabi, iniisip niya na baka may kinalaman ang babae sa nangyari.
Nasa ganoong sitwas'yon siya nang abutan siya ni Berto. Hindi niya namalayan na pumasok na pala ito sa loob ng bahay.
"O, Nay! Ano'ng nangyari sa 'yo? Bakit ka nakatulala?" bakas sa mukha nito ang pag-aalala sa asawa.
"Wala Tay, may iniisip lang ako. 'Wag kang mag-alala sa 'kin." Inilapag niya ang baso sa lamesa at tumayo. Ayaw niyang aminin sa kaniyang asawa ang kutob niya. Ayaw niyang dagdagan pa ang alalahanin nito.
"Basta Nay, kapag may problema ka sabihin mo lang sa 'kin," tugon nito sa kaniya.
Mabilis lumipas ang oras at sumapit na naman ang gabi. Hindi alam ng mag-asawa na bumalik na naman ang tiktik sa pagnanais na makuha nito ang sanggol.
Dumampa ito sa kanilang bubong at katulad no'ng una, inilabas nito ang kaniyang mahabang dila patungo sa tiyan ni Beth. Inalis nito ang kumot na nakapatong sa tiyan.
Mas lalong naging agresibo ang tiktik nang lumantad sa kaniya ang umbok na tiyan. Naaamoy niya ang mabangong sanggol mula sa loob.
Binutas at winakwak ang tiyan ni Beth gamit ang matutulis nitong dila. Walang kamalay-malay si Berto na inaswang na ang kaniyang asawa. Mahimbing itong natutulog dahil sa pagod. Matapos makuha ng tiktik ang sanggol, kinain niya ito at mabilis na umalis.
PAGSAPIT NG UMAGA, maririnig mula sa loob ng bahay ang sigaw at iyak ni Berto habang yakap nito ang kanyang asawa na wakwak ang tiyan at nawawala ang sanggol sa loob ng tiyan nito.
Sinisisi ni Berto ang kaniyang sarili dahil sa nangyari sa asawa niya. Patuloy lang siya sa pag-iyak ngunit wala na siyang magagawa pa para buhayin ulit ang buhay na nawala na.
SAMANTALA abot hanggang tainga naman ang ngiti ng babae habang nakatingin sa bahay ng mag-asawa mula sa malayo. Nagawa na niya ang pagkuha at pagkain sa sanggol kaya nakangiti itong nilisan ang lugar at naghanap na naman muli ng panibagong biktima.
Wakas
TIKTIK II
PATUNGO ako ngayon sa bayan ng San Rafael Peligro kung saan nakatira ang kapatid kong si Tess. Inimbitahan niya akong dumalo sa kanyang kaarawan at may sasabihin daw siya sa 'king importante.
Isang taon ko na ring hindi nakikita si Ate dahil sa trabaho ko sa Manila bilang isang Call Center Agent sa isang sikat na kompanya. Day off ko ngayon kaya pumayag na lang ako sa imbitasyon ni Ate sa 'kin. Sumama si Ate Tess sa asawa niya sa probinsya at doon na sila nanirahan.
Habang nasa byahe ako ay inisip ko kung ano'ng regalo ang bibilhin ko para kay Ate. Hindi naman 'yon mahilig sa aksesorya dahil mas gusto niya 'yong simple lang.
Pumunta ako sa isang sikat na flowershop sa City. Bumili ako ng isang palumpon ng puting rosas at bumili na rin ako ng cake.
Binilhan ko rin si Ate ng cellphone para matuwa naman 'yon. Pagkatapos kong bilhin ang lahat ay ipinagpatuloy ko na ang pagmamaneho patungo sa probinsya nila.
Hindi naman ako mahirapan sa pagpunta roon dahil nakapunta na ako sa kanila dati, dalawang taon na ang nakaraan at tandang-tanda ko pa rin kung saan sila nakatira.
Medyo malayo rin ang probinsya nila ate. Mga dalawang oras pa bago ako makarating sa kanila. Para hindi ako antukin nagpatugtog na lang ako ng musika.
🎶The smile on your face let me know that you need me🎶
There's a truth in your arms saying you'll never leave me🎶
The touch of your hand says you catch me wherever I fall🎶
You say it best 🎶
When you say nothing at all🎶
Patuloy ko lang pinapakinggan ang paborito kong kanta habang nagmamaneho. Medyo malayo na rin ako sa City at iilan na lang ang mga bahay na nakikita ko.
Nasa lubak-lubak na kalsada na ako na siyang naging dahilan upang bagalan ko ang pagmamaneho. Akala ko maayos na ang kalsada rito ngunit hindi pa pala. Tiningnan ko ang palibot ng kalsada, wala pa ring pinagbago, nandiyan pa rin ang mga nagtataasang mga puno sa gilid ng kalsada.
Napangiti ako nang makarating na ako sa maayos na kalsada. Ang parteng iyon lang kasi ang hindi pa naayos hanggang ngayon.
Bibilisan ko na sana ang aking pagmamaneho dahil malapit ng magtakip silim ngunit laking gulat ko na lang nang may biglang dumaan sa harapan ng kotse.
Mabuti na lang at naapakan ko agad ang preno. Mabilis akong bumaba at pumunta sa harapan. Kinakabahan ako nang makita ko ang isang babae, medyo may kaedaran na rin na nakaupo sa gitna ng kalsada.
Mabuti na lang at hindi ko siya nasagasaan. Isang metro lang ang pagitan ng babae sa kotse ko. Nilapitan ko siya at kinausap.
"Ale, ayos lang po ba kayo? Pasensya na po kung muntikan ko na kayong masagasaan, bigla na lang po kasi kayong tumawid," sabi ko sa kanya.
Dahan-dahan siyang tumayo at pinagmamasdan ako mula ulo hanggang paa.
"Ale, saan po kayo pupunta?" tanong ko sa kanya ngunit hindi siya nagsalita.
Patuloy pa rin niya akong pinagmamasdan. Babalik na sana ako sa kotse nang bigla siyang magsalita. Sa bayan ng San Rafael Peligro raw siya papunta.
Sinabi ko sa kanya na patungo rin ako roon kaya inaya ko na lang siyang sumabay na lang sa 'kin. Kahit medyo natatakot ako ay nanaig pa rin ang kabutihan ng puso ko.
Pumasok na kami sa loob ng kotse at ipinagpatuloy ko na ang pagmamaneho. Habang nasa byahe ay tinanong ko siya kung doon ba siya nakatira sa bayan na 'yon at ang sabi niya, kalilipat lang daw niya ro'n dahil pinapalayas daw siya sa kanyang tinitirhan.
Habang nagmamaneho ako, pasimple ko siyang tiningnan sa salamin ng kotse ko at nakita kong nakatingin siya sa 'kin. Inalis ko agad ang tingin ko sa kanya at nagpokus na lang ako sa pagmamaneho pero biglang namatay ang makina ng kotse.
Binuhay ko muli ang makina ngunit ayaw talaga. Paglingon ko sa backseat, halos panawan na ako ng ulirat nang makita kong nagbago ang kanyang anyo.
Nanlilisik ang kanyang mapupulang mga mata habang nakatingin sa 'kin. Nakita ko rin ang matutulis niyang mga kuko.
Mabilis akong lumabas ng kotse at tumakbo. Hindi ko masyadong maaninag ang daan dahil naabutan na ako ng dilim. Tanging liwanag lang ng buwan na lumagbas sa kakahuyan ang nagbigay liwanag sa madilim na paligid.
Halos magkandarapa na rin ako sa kakatakbo. Naramdaman kong malapit na siya sa 'kin.
"Lord, tulungan n'yo po ako na makaligtas sa halimaw na humahabol sa 'kin." Binilisan ko pa ang aking pagtakbo. Dahil sa takot at kaba, hindi ko na napigilan ang sarili kong mapaiyak.
'Di nagtagal, nakita ko na ang bahay nila Ate Tess kaya medyo nakahinga na rin ako ng maluwag.
"Tulonggg!!! Ate! Tulungan n'yo ako!" sumigaw ako nang malakas, nagbabakasali na marinig nila ako. Nakita kong nagsilabasan ang mga kapitbahay nila Ate at nagmamadali silang lumapit sa 'kin.
Nakita ko rin si Ate at Uncle Kanor na lumabas sa kanilang bahay. Tumakbo ako nang mabilis at nang makarating ako sa harapan nila Ate ay pasalampak akong napaupo sa daan.
Habol-habol ko ang aking hininga at patuloy na nanginginig ang aking buong katawan dahil sa takot at kaba. Binigyan ako ni Ate ng tubig at mabilis ko naman itong kinuha at ininom. Tiningnan ko ang dinadaan ko kanina ngunit wala na iyong nilalang na humabol sa 'kin.
Tinanong niya ako kung ano ang nangyari kaya sinabi ko kay Ate ang lahat simula no'ng pinasakay ko ang babae sa kotse ko. Matapos kong ikuwento ang lahat sa kanila, umugong ang bulungan ng mga kapitbahay nila Ate.
May nagsasabing baka aswang daw iyong humabol sa akin. Nang medyo maayos-ayos na ang pakiramdam ko ay pumasok na kami sa loob ng bahay nila ate.
Inalalayan ako ni Uncle na makaupo sa bangko. Sabi ni Uncle, mabuti na lang daw at nakatakas ako sa humabol sa 'kin. Sabi pa niya, may inutusan na raw siya para hanapin iyong aswang na humabol sa 'kin.
Napasandal ako sa dingding at pumikit. "Maraming salamat Lord at hindi mo ako pinabayaan," anang ng isip ko.
Lumipas ang isang oras ay nagtanong ako kay Ate kung ano 'yong importanteng sasabihin niya at tinuro niya lang ang kanyang umbok na tiyan.
"Ate, congrats, ang laki na ng tiyan mo. May pamangkin na pala ako nito. Kailan ka manganganak, ate?" tanong ko sa kanya.
Medyo gumaan na rin ang pakiramdam ko hindi kagaya kanina na halos hindi na ako makahinga dahil sa sobrang kaba.
Ngumiti si Ate sa 'kin at sinabi niya na sa susunod na linggo ay manganganak na siya. Habang patuloy kaming nag-uusap, nakita ko si Uncle Kanor na abala sa pagluluto at may kasama pa siyang isang lalaki na may kaedaran na rin.
Tinanong ko si Ate kung sino 'yong lalaki na tumutulong sa pagluluto at ang sabi niya, kapatid daw 'yon ng asawa niya.
Nakatira raw 'yon sa kabilang baryo. Inimbitahan daw nila na tulungan sila sa paghahanda. Berto, iyan ang pangalan ng kapatid ng asawa ni Ate.
Ang sabi pa niya sa 'kin, isang linggo na ang lumipas simula no'ng mamatay ang asawa nitong buntis dahil kinain ng tiktik ang sanggol na nasa loob pa ng sinapupunan ng kanyang ina.
Namataan na lang daw ni Berto na patay na ang kanyang asawa na si Beth at nawawala ang sanggol sa loob ng tiyan nito.
Nang marinig ko ang sinabi ni Ate, nakaramdam ako ng awa at lungkot sa sinapit ng mag-ina ni Mang Berto. Nang sinabi niya ang tungkol sa tiktik bigla rin akong kinabahan para sa kaligtasan ng Ate ko at sa magiging pamangkin ko.
Mabilis lumipas ang oras at nagsimula na ang kasiyahan at kainan. Medyo marami rin ang bisita nila ni Ate. Bumalik na rin iyong inutusan ni Uncle Kanor pero ang sabi rito ay wala raw silang nakitang aswang.
Naisipan kong magpahangin muna sa labas dahil naalibadbaran ako sa loob ng bahay. Nandito ako sa may bangko sa ilalim ng puno. Pinagmamasdan ko ang mga bisita ni Ate na labas masok sa kanilang bahay.
Sa may 'di kalayuan, napansin ko ang babaeng aswang na humabol sa 'kin kanina. Nakatingin lang siya kay Ate na abala sa pagasikaso sa mga bisita sa labas ng kanilang bahay. Nagulat na lang ako nang bigla itong nawala sa kanyang kinatatayuan.
MAKALIPAS ang tatlong oras ay umuwi na ang lahat ng mga bisita ni Ate maliban kay Mang Berto na kapatid ni Uncle Kanor. Alas diyes na pala ng gabi.
Dahil sa pagod, maaga kaming nakatulog. Wala pang isang oras nang mapabalikwas ako sa aking higaan dahil sa naririnig kong ingay sa labas.
Bumangon ako at lumabas ng k'warto. Nagulat na lang ako nang umiiyak si Ate na nakaupo sa sahig ng sala nila. Nilapitan ko siya at tinanong at sinabi niya sa 'kin na inaswang daw siya.
May narinig daw na kaluskos si Uncle Kanor sa kanilang bubongan kaya bumangon daw si Uncle at dali-daling binaril ang tiktik nang makita ni Uncle ang mahabang dila nito na patungo sa tiyan ni Ate.
Kumuha ako ng tubig at ibinigay kay Ate. Matapos kong marinig ang sinabi ni Ate ay kumabog nang malakas ang aking dibdib dahil sa sobrang pag-aalala sa Ate ko.
Naririnig namin sa loob ng bahay ang boses ni Mang Berto na galit na galit at halata sa boses niya na umiiyak. Pinatahan ko muna si Ate bago ako lumabas ng bahay.
Pagkalabas ko ng bahay, tumambad sa aking harapan ang isang nilalang na ubod ng pangit ang mukha. May matutulis na kuko at ang mga ngipin nito ay matutulis.
Nakita kong puno na ng sugat ang katawan nito. May tama ito sa kanyang dibdib at may matulis na buho ring nakabaon sa tiyan nito.
Nakatulala lang ako habang nakatingin sa kanila dahil hindi ako makapaniwala sa nakita ko. Ang nilalang na nasa 'king harapan ay ang tiktik na humabol sa 'kin kanina.
Maya-maya pa'y kinuha ni Mang Berto ang kanyang palakol at nilapitan ang tiktik.
"Wala kang kwentang nilalang! Dahil sa 'yo nawala ang mag-ina ko! Masaya na sana kami ngayon kung hindi mo sila pinatay! H*yup ka! Ngayon ako naman ang papatay sa 'yong demonyo ka! Para ito sa mga inosenteng sanggol na kinain at pinatay mo! Panahon na upang pagbayaran mo ang 'yong kasamaan!" umiiyak na turan ni Mang Berto habang patuloy na pinalakol ang katawan ng tiktik. Hindi niya ito tinitigilan hanggang sa nagkapira-piraso na ang katawan nito.
Nang tuluyan nang mawalan ng hininga ang tiktik, ilang minuto lang ang lumipas ay nagbago ang anyo nito at lumantad sa 'king harapan ang babaeng duguan.
Siya, siya 'yong babaeng sumakay sa kotse ko kanina. Ang babaeng nakatingin sa Ate ko at ang tiktik na humabol sa akin ay iisa.
Pinagtulungan nilang buhatin ang katawan ng tiktik at dinala sa likuran ng bahay nila Ate at doon sinunog at 'di nagtagal ay naging abo ito. Dahil sa nangyari hindi na kami nakatulog pa hanggang umaga.
Nang masigurado kong ayos na sila Ate ay nagpaalam na ako sa kanila na babalik na sa Manila dahil may trabaho pa ako. Sinamahan naman nila ako patungo sa kotse ko na naiwan sa gilid ng daan kagabi.
Nagpapasalamat ako sa kanila at ibinigay ko na rin ang regalo na binili ko. Naiwan ko kasi ito kagabi nang habulin ako ng tiktik. Nagpapasalamat ako sa kanila at tuluyan ng umalis.
Isang linggo ang lumipas ay masayang ibinalita sa akin ni Ate na nanganak na siya ng isang malusog na batang babae.
Masaya ako para sa Ate ko, at nagpapasalamat na rin ako dahil hindi Niya hinayaang may masamang mangyari sa akin at sa mag-ina.
Isa lang ang masasabi ko, hindi naman masama ang tumulong sa kapwa pero sisiguraduhin muna natin kung sila ba'y totoo o nagpapanggap lang. Kaya mula noon itinatak ko na sa aking isipan ang kasabihang "THINK FIRST BEFORE YOU CLICK."
Wakas.

Comentário do Livro (375)

  • avatar
    Heidee_

    Ang ganda ng book na ito! Ang dami ko nalaman tungkol sa mga aswang tsaka favorite ko yung chapter na may Dinuguan😍💙

    26/08/2022

      0
  • avatar
    Nicachan

    Di ako nag sising basahin tong story na to. Nakakatindig balahibo sa bawat chapter. Keep up the good work author (^∇^)ノ♪

    24/08/2022

      0
  • avatar
    rhee027

    Speechless ako sa galing sa narration ni Author! Unang kwento pa lang, ramdam mo na hindi lang yung kilabot kung hindi pati yung linaw ng pagkakalarawan sa komunidad kung saan nagaganap ang mga hiwaga.

    09/08/2022

      0
  • Ver Todos

Capítulos Relacionados

Capítulos Mais Recentes