logo text
Adicionar à Biblioteca
logo
logo-text

Baixe este livro dentro do aplicativo

Chapter 5

DAHIL inasar ni Marielle si Faye ay mag-isa siyang naglalakad-lakad ngayon sa dalampasigan. Kahit papaano naman ay nag-e-enjoy siya, naupo siya sa buhanginan at nagmuni-muni. Pinanood niya ang ibang bakasyunista habang naglalalangoy ang mga ito sa napakapayapang dagat. Hindi pa gaanong tirik ang araw kaya hindi siya nangangambang masunog ang balat niya. Ang totoo niyan ay hindi naman siya takot umitim, takot siya sa skin cancer. Matindi na ang butas ng ozone layer ng ating mundo kaya delikado na ang sobrang pagbababad sa init ng araw.
Nang magsawa siya sa panunuod sa ibang turista ay tumayo siya, eksakto naman at nakakita siya ng mga batang gumagawa ng sand castle. Lumapit siya at nakisali sa ginagawa ng mga ito.
“Hi, kids! Puwede ba akong sumali sa inyo?” magiliw niyang tanong sa tatlong batang naglalaro. Ang dalawang babae ay magkamukha, ang sapantaha niya ay kambal ang mga ito at nasa pitong taon ang edad. Ang sobrang cute na batang lalaki naman marahil ay nasa limang taon ang edad.
“Sige po,” magalang na sagot ng tatlo.
“Ako nga pala si Marielle, kayo? Ano ang mga pangalan ninyo?”
“Ako po si Chinky at ito naman po ang kakambal kong si Chia. At siya naman po ang bunso naming kapatid, si Chino,” bibang wika batang babae.
Habang gumagawa sila ng sand castle ay walang tigil sa pagdaldal si Chinky, para itong manikhang de-baterya na hangga’t hindi nalo-lowbat ay hindi titigil.
“Si Daddy Prince po ang kasama namin dito sa beach, wala na kaming mommy, sabi ni daddy pagkapanganak kay Chino, nawala na ang mommy namin.”
“Ayaw nang mag-asawa ng daddy ninyo?” tanong naman niya.
“Hindi ko po alam pero may gusto po akong maging mommy. Si Ate Princess, ang yaya namin.”
“Wow! Prince at Princess! Bagay nga sila,” natutuwa niyang wika.
“Chia! Chinky! Chino! Kayo talaga, kung saan-saan kayo nagsususuot! Tara na at hinahanap na kayo ng daddy ninyo. Time for lunch na raw,” narinig niyang wika ng babaeng lumapit sa kanila. Nang mapansin nito ang presensya niya ay binalingan siya nito. “Pasensya ka na, Miss. Kinulit ka ba ng mga alaga ko?”
“Hindi, mababait nga sila, eh. Anyway, I’m Marielle. You must be Princess?” Inilahad niya ang kamay sa nagulat na babae. “Ikinuwento ka sa akin ni Chinky.”
“Ikaw talaga, Chinky. Baka kung anu-ano ang sinabi mo kay Miss Marielle,” nakangiting puna ni Princess sa bata.
“Huwag kang mag-alala, wala siyang sinabing against sa iyo,” aniya saka tumawa.
“Mabuti naman kung ganoon. Sige, Marielle, iuuwi ko muna itong mga alaga ko. Baka magalit na naman ang daddy nilang dragon.”
Pagkaalis ng mga ito ay naglakad-lakad naman siya para maghanap ng restaurant na makakainan. Sa paglalakad niya hindi kalayuan sa dalampasigan ay nakakita siya ng dalawang magkatabing restaurant. Ang isa ay isang seafood restaurant, Zephyr’s ang pangalan niyon. Ang isa naman ay isang vegetarian restaurant na Nessa’s ang pangalan.
Napili niyang mananghalian sa Nessa’s. Papasok pa lamang siya sa restaurant ay may nakita na siyang isang lalaki at isang may kaliitang babae na nag-iiringan. Nilagpasan na lamang niya ang mga ito at naghanap ng bakanteng mesa na mapupwestuhan.
“Hindi niyo ba sila aawatin? Baka bigla na lang silang magkagatan,” wala sa sarili niyang tanong sa waitress na nag-abot sa kanya ng menu. Nakatunghay pa rin siya sa babae at lalaki na nasa labas ng restaurant.
“Naku, ma’am, ayokong pakialaman iyang sina Miss Nessa at Sir Zephyr. Baka mapag-initan pa ako,” sagot naman nang natatawa na lang na waitress.
“Wait. Iyong lalaki ang may-ari ng restaurant na iyon?” tanong niya sabay turo sa restaurant na nagngangalang Zephyr’s. “At iyong babae naman ang may-ari nitong Nessa’s?”
“Ganoon na nga po, ma’am,” sagot naman ng waitress. Napapangiting tinignan niya ang waitress. Noon lamang niya napansin na maganda ang waitress, mas bagay itong model kaysa serbidora. “Charity” ang nakita niyang pangalan sa nameplate nito.
Pagka-order niya ay umalis na sa tabi niya si Charity. Minsan pala ay nakakatuwa ring makakita ng iba’t-ibang sitwasyon at pangyayari sa paligid. Ilang oras pa lamang siyang naglalakad at naggagala sa loob ng resort ngunit marami na siyang nakilala. Nakilala niya ang mga batang naghahanap ng pagmamahal ng isang ina. At ngayon naman ay nakasaksi siya ng dalawang taong aso’t pusa ang drama sa buhay. Parang nakikita na nga niya ang ending ng istorya ng mga ito.
Pangiti-ngiti pa siya nang may babaeng bigla na lamang sumulpot sa harap niya. “You must be Marielle?” mataray na tanong nito sa kanya. Naupo pa ito sa tapat niya kahit hindi niya ito iniimbitahan. She looked familiar, parang nakita na niya ito ngunit hindi niya naman matandaan kung saan. “I’m Agnes.” Tama! Nakita na niya ito sa larawan na naka-display sa bahay ni Gabriel.
“Anong kailangan mo sa akin?” tanong niya rito kapagkuwan.
“Layuan mo si Gabriel,” anito na nakataas ang isang kilay.
“At bakit ko naman gagawin iyon?” kalmanteng tanong niya sa babae.
“Because I said so. I love Gabriel at hindi ikaw ang hahadlang sa amin. Hindi ka nababagay sa kanya,” maanghang nitong pahayag.
“At sino ang nababagay sa kanya? Ikaw? Sorry, Miss Agnes, I won’t command your wish. Kung sa tingin mo ay natatakot ako at magpapasindak ako sa iyo, nagkakamali ka,” she said with a sarcastic smile.
Tumayo ang babae at lumapit pa sa kanya, nakatingala siya rito. “Ito ang tandaan mo, hindi ikaw ang uri ng babaeng mamahalin ni Gabriel. He’s mine,’ anito saka nag-martsa palabas ng restaurant.
Nakarating na ang pagkaing in-order niya ay naiisip pa rin niya si Agnes. Sa tingin niya ito ay isa itong spoiled-brat na nakukuha ang lahat ng gusto kaya ganoon na lamang ang lakas ng loob na lapitan at utusan siya.
Puwes, pasensya ang babaeng iyon dahil hindi siya sumusunod sa utos ng kung sinu-sino lamang. She had her own mind and decision. She will do whatever she wanted to do. At hindi niya lalayuan si Gabriel just to please Agnes. And in fact, hindi naman siya ang nagsusumiksik kay Gabriel. Ito ang lumalapit sa kanya.
Nang matikman ang pagkain ay parang bula nang naglaho si Agnes sa isip niya pati na rin ang sinabi nito. Masarap ang pagkain sa restaurant, sa susunod ang pagkain naman sa Zephyr’s ang titikman niya.
ALAS-TRES na nang hapon ay hindi pa rin bumabalik si Marielle sa hotel room niya, naroon siya ngayon sa isang malilim na parte ng dalampasigan. Sa lugar na iyon ay tila payapang-payapa ang puso at isip niya. Sa tuwing nalalanghap niya ang malinis na hangin ay parang naglalaho ang mga inhibisyon niya. That was the kind of peace she ever wanted since then. Ang Isla Paraiso lamang pala ang magdudulot nang ganoong klaseng kapayapaan sa kanya.
Mataas pa rin ang sikat ng araw, walang masyadong taong naglulunoy sa dagat. At sa puwesto niya ay nakikita niya ang napakagandang kulay ng tubig. Naghahalong berde at asul ang kulay niyon. At sa tuwing hahampas ang alon sa dalampasigan ay parang lalong nagiging maganda ang kapaligiran.
“Nariyan ka lang pala,” anang isang tinig. Tumingala siya, si Gabriel ang nabungaran niya. Nakangiti ito at maya-maya lang ay nakiupo na sa tabi niya. “I’ve been looking for you. Kanina pa ako pabalik-balik sa hotel, dito lamang pala kita matatagpuan.”
“Bakit mo ba ako hinahanap?” tanong niya sa lalaki.
“Kasi may balak daw si Ken na mag-arrange ng singing contest. Malapit na kasi ang birthday niya. Sa tuwing kaarawan kasi ni Ken ay may mga gimik siyang naiisip. This time singing contest naman. Kung hindi ako nagkakamali, Isla Paraiso’s Singing Sensation ang itinawag niya sa gimik na iyon. Open iyon sa lahat, tourists, employees, anyone.”
“Ayoko ngang sumali. Hindi ako nagpunta rito para sumali lang sa singing contest, ano? Mabuti pa ay ikaw na lang ang sumali,” suhestiyon niya.
“Hindi ako bagay ‘dun. Ikaw ang mas nararapat sumali dahil napakagaling mong kumanta. Please, sumali ka na,” pamimilit pa nito.
“Anong premyo?”
Ngumiti si Gabriel bago sumagot. “Twenty-five thousand pesos and free of everything you want inside the resort for a day,” excited nitong wika.
“That’s nice. Makakalibre na naman ako kung sakali. What if natalo ako, ano naman ang consolation price?”
“A kiss from me,” nakangising wika nito.
“Okay na rin,” naiwika niya bago niya pa maisip ang sinabi. Napapikit siya nang mariin dahil sa pagkapahiya. Pagmulat niya ng kanyang mga bata ay ang ngiti ni Gabriel ang sumalubong sa kanya. His eyes were shining.
“Tara na, magpalista ka na,” yakag nito sa kanya. Nauna itong tumayo at inilahad ang mga kamay para tulungan siya. Inabot niya ang kamay nito. And again, naroroon na naman ang unexplainable feeling. Feeling na mas maiging huwag nang iesplika pa dahil baka maging komplikado pa. She liked him. She liked his company. Sa tingin niya ay sapat na iyon sa ngayon.
Habang naglalakad sila patungo sa function hall kung nasaan ang registration para makasali sa contest ay kung anu-ano ang napagkuwentuhan nila, para bang hindi sila magkasama nang nakaraang gabi. Ngunit hindi na niya binanggit dito ang pagsugod sa kanya ni Agnes sa restaurant. That was not a big deal at all. Kung si Agnes rin lang naman ay hindi niya uurungan ito. Wala siyang ginagawang masama kaya bakit siya matatakot.
“Ano nga pala ang kinain mo? Na-late ako nang pagla-lunch dahil hinihintay kita. Gusto ko sanang mag-lunch kasabay ka.” Hindi niya alam kung nanunumbat ba ito o nagtatampo o ano.
“Kinokonsensya mo ba ako?” tanong niya sa lalaki. Tumigil siya sa paglalakad kaya huminto rin ito.
“Hindi. Bakit? Nakokonsensya ka ba?” nakangising tanong nito sa kanya.
“Hindi,” sagot niya saka naglakad at hindi ito hinintay ngunit sadyang malalaki ang hakbang nito dahil mabilis itong nakasunod sa kanya.
Pagdating nila sa function hall ay marami-rami ring tao. Marami rin pala ang interesadong sumali sa contest. Sabagay, hindi biro ang premyo niyon. Kahit siya ay magkukumahog na manalo. Mababawi niya ang ilang porsyento ng perang ginastos niya sa pagbabakasyon kung mananalo siya.
Nakipila pa si Marielle para lang makapagpalista. Ilang minuto rin ang inabot bago siya nakapagsulat ng pangalan sa malaking pad. “Ma’am, kailangan niyo pong mag-audition. May dala po ba kayong CD?”
“Ha? May audition pa ba?” gulat niyang tanong. Hindi niya inaasahan iyon. Ang akala niya ay basta nakalista ang pangalan ay kasali na sa contest.
“Opo. Diyan po sa loob ng room na iyan ang audition,” anito na nakaturo sa isang kwarto na may nakasabit pang ‘Do not disturb’. “Paki-fill out-an na po ito at maupo muna kayo. Tatawagin na lamang po ang pangalan ninyo para sa audition.”
Kinuha niya ang form na inabot ng babae at sa isang sulok ay nag-fill out. Hindi niya na rin namalayan ang paglapit sa kanya ni Gabriel. Tinignan niya nang masama ang lalaki. “Bakit hindi mo sinabi sa akin na may audition pala? Hindi man lang ako nakapaghanda, ni wala akong baon na material para sa audition ko!” singhal niya sa lalaki.
“I can play the guitar for you,” hindi man lang natinag sa galit niyang wika ni Gabriel. Tinitigan niya ito nang masama bago muling ipinagpatuloy ang pagfi-fill out sa form. “Ano ba ang kakantahin mo?”
“Alam mo ba iyong ‘Terrified’? Iyon lang kasi ang magandang acoustic song sa pandinig ko.”
“Of course, I know that. Paano? Ayos na ang problema mo, ha? I’ll just get my guitar. Wait for me here.” Pag-alis ni Gabriel ay napabuntong-hininga na lang siya. Bakit ba hindi siya makatanggi kay Gabriel? Puwede naman niyang sabihing wala siyang practice kaya hindi siya sasali imbes na sumabak siya sa isang audition nang hindi man lamang siya handa.
Hindi siya sumasali sa mga singing contest. Isang beses pa lamang siyang nag-audition, iyon ay noong nag-apply siya bilang singer sa Japan. At isang buwan siyang naghanda bago ang audition na iyon samantalang ngayon wala siyang preparasyon!
“Bahala na lang si Batman,” bulong niya sa sarili. “Lagot lang talaga sa akin ang Gabriel na iyon kapag sumablay ako.”
Makalipas ang kinse minutos ay dumating si Gabriel bitbit ang gitara nito. “Ready na ako. Ready ka na ba?” nakangiti pang tanong nito sa kanya.
“Huwag kang ngingiti riyan. Lagot ka talaga sa akin kapag sumablay ako ngayon dahil ikaw ang nagsubo sa akin sa sitwasyon na ito!” pang-a-away na naman niya sa lalaki.
“Calm down. You can do it perfectly, okay? I believe in you; I trust in your talent.”
Kung binobola man siya nito ay hindi niya alam at wala rin siyang pakialam dahil pakiramdam niya ay na-boost nito ang self-confidence niya. If he believed in her, she should believe in herself too. She had the talent; she can make it!
“Hindi ko alam kung nagsasabi ka nang totoo pero salamat dahil nawala ang negative thoughts ko.”
“Miss Marielle Diaz,” tawag sa kanya ng isang lalaki mula sa audition room. Lumapit siya rito, kasunod niya si Gabriel. Pinapasok sila ng mga ito sa loob ng kwarto. Si Ken ang nasa gitna ng mga hurado. Tatlo ang mga ito at puro lalaki, ang dalawa pa ay hindi niya kilala.
“Gabriel, anong ginagawa mo rito?” nagtatakang tanong ni Ken sa kaibigan.
“Props niya ako, pare,” natatawang sagot nito saka iniangat ang gitara. Natatawang tumango lang ang lalaki at sinenyasan siyang magsimula na sa pag-awit.
“And I am in love and I am terrified for the first time and the last time in my only life...”
“Wow! You had a great voice, Marielle. Okay na, pasok ka na, salamat sa props mo,” natatawang komento ni Ken pagkatapos.
“I told you, you’ll make it,” wika ni Gabriel nang palabas sila mula sa audition room. Umakbay pa ito sa kanya.
Tinitigan niya ito nang masama. “Okay na sana, eh. Kaso may paakbay-akbay ka pa!” Tinapik niya ang kamay ni Gabriel at nagpatiuna sa paglalakad.

Comentário do Livro (20)

  • avatar
    de los santosrodellyn

    nice story i love it

    21/06

      0
  • avatar
    France J Baylon

    nice

    06/06

      0
  • avatar
    GanduhaoRogen

    nice

    27/04

      0
  • Ver Todos

Capítulos Relacionados

Capítulos Mais Recentes