logo
logo-text

Baixe este livro dentro do aplicativo

KABANATA 7

- KUMUSTA KA NA, JOY? -
Dalawang araw na ang nakalilipas.
Dalawang araw na bumabalik si Melba sa karinderyang pinapasukan ni Isabel.
" Aling Lusing! Hindi pa rin po ba nagagawi rito si Isabel?! Hindi ho ako makaalis dahil hindi pa siya umuuwi mula noong isang araw.. " tanong ni Melba.
" Kahit ako ma'y nagtataka Melba, kahit na madalas kong makagalitan si Isabel ay alam kong hindi basta-basta aalis 'yon na hindi nagpapaalam.. " sagot ng matanda.
Hindi nila napapansin na si Luisa pala ay nakatayo sa kanilang likuran at nakikinig sa kanilang usapan.
" Saan kaya nagpunta 'yun?! Pati mga damit niya ay wala ang iba. "
" Hindi kaya may sinamahan Melba? Wala ka bang alam na maaari niyang samahan? Kaibigan?! "
" Wala ho, marami siyang kakilala pero hindi sasama sa iba 'yun.. Masyadong mailap si Isabel sa ibang tao.. "
Narinig ni Luisa ang lahat. Gusto niya sanang sumali sa usapan at banggitin ang nasabi ni Isabel sa kanya.
" Sige ho, tingnan ko muna sa balutan, baka naroon. Hindi pa ako nagawi ro'n e! "
At nagpaalam na si Melba.
Hindi na rin sinubukan pa ni Luisang magsalita. Nagtuloy na lang siya sa pagbili ng ulam.
" Ano ang sa'yo? " tanong ng tindera.
Imbes na ang bibilhin ang sasabihin ay iba ang nabanggit.
" Wala pa rin po ba si Isabel? " tanong ni Luisa.
Napatingin sa kanya ang matanda. Sadyang minsa'y kusang bumubuka ang bibig niya.
" Ayun nga ang nanay niya at hinahanap siya, hindi pa raw nauwi mula noong nakaraang araw e! " sumagot naman ang matanda.
" Ano ang bibilhin mo? "
Itinuro ni Luisa ang adobong baboy.
" Wala ngang nakakita sa kanya kahit isa, pero sabi ng kapitbahay nila; narinig daw nilang sumisigaw si Isabel at umiiyak noong nakaraang gabi.. " pabulong na sabi ng tindera.
Iniabot na nito ang adobong binili ni Luisa.
" Sige ho.. Salamat.. "
Aalis na sana siya nang biglang tawagin ng tindera.
" Sandale! " Lumabas ito sa harap ng estanteng kanyang kinatatayuan.
At muling bumulong..
" Palagay ko naglayas 'yun! Madalas kasing saktan ni Domeng si Isabel kapag nalalasing e! Baka 'yung narinig ng mga kapitbahay na ingay ay noong sinasaktan na naman siya.. At minsan ko ring nahuli si Fidel na binobosohan si Isabel sa kubeta.. "
" Ganoon po ba?! Baka nga naglayas na siya sa sobrang takot.. " bulong din ni Luisa.
Muli na siyang nagpaalam. Isang impormasyon na naman ang kanyang nalaman.
***
Alas-diyes ng gabi.
Suray-suray ang isang lalaking lasing. Napapakanta pa ito sa sobrang saya. Napahinto siyang sandali sa paglalakad nang makitang makakasalubong ang isang babaeng may bitbit na basket.
" Ahek! Shakto! Shi Ishabel 'yun! "
Tila kilala niya ang babaeng may bitbit na basket. Siya na mismo ang lumapit habang sumisigaw pa.
" Shabel! Pabili ako! " sigaw nito.
Huminto naman ang babaeng may bitbit na basket ngunit hindi ito lumapit sa kanya kaya at siya na lang ang nagpilit makalapit.
" Ahek! Shabel! Pabile nga ng - "
Nanlaki ang mga mata niya. Halos humiwalay ang kaluluwa niya sa kanyang katawan nang makita ang hitsura ng babaeng nagtitinda.
" Waa!! Aaaaaah! "
Basag ang mukha nito, halos nakaluwa na ang mga mata sa sobrang pagkadurog ng mukha. Ngunit kahit pa ganoon ay alam mo kung saan siya nakatingin. Kulay pula rin ang mukha nito dahil sa dugo.
" Ha?! I-Isabel?! " bulalas niya.
At nang iabot sa lalakeng lasing ang balot ay nakita naman nito ang putol na mga daliri ng babae at puro laslas na braso nito.
" Hah?! Aaaaah! "
At sa huli ay nakarinig siya ng mahinang tila pagdaloy ng tubig. At nang kanyang mapagtuunan ng pansin ng paanan ng babae ay..
" Aaaaaaaaaaah!!!! "
Kitang-kita niya ang pag-agos ng dugo mula sa ulo nito na dumadaloy pababa sa kanyang katawan at sa paanan nagtatapos.
" Waaaaaaaaaa!!!! "
Sa sobrang takot ay naihi pa sa suot na short habang mabilis na tumatakbo. Ngunit sandali pa at bigla na lamang siyang napahinto.
" Huh?! Sandale! "
Tila natauhan at nawala ang kalasingan. At biglang may naalala.
" Hindi maari! Patay na si Isabel! "
Nilingon ang babaeng nakakatakot ang hitsura at nakita niyang naroon pa rin ito, nakataas ang isang kamay at iniaabot sa kanya ang balot.
" Aaaaaaaaaah!!! "
Mas mabilis na ang ginawa niyang pagtakbo hanggang sa makalayo.
At sandali pa at..
Psak!
Bumagsak sa lupa ang isang balot kasabay nang pagkawala ng nagtitindang nakakatakot.
***
Kinabukasan.
Maaga pa lamang ay nag-uumpukan na ang mga kapitbahayan.
" Ano raw ang nangyari?! "
" Nangangatal daw sa takot dahil sa nakakita ng multo kagabi! "
" Naku! Sobrang kalasingan lang 'yun! "
" Ano raw hitsura ng multo?! "
***
Namamaluktot sa isang sulok habang nanginginig ang buong katawan.
" H-hindi puwede! "
Nagsasalitang mag-isa at paulit-ulit ang sinsabi.
" Patay ka na e! "
Iisang pangalan lamang ang binabanggit.
" Si I-Isabel! Na-nakita ko kagabe! "
Ang lasing palang lalake ay si Magno. Ang lalaking isa sa mga humalay kay Isabel.
At sandali pa at..
" H-hindeeee!! "
Napasigaw ito ng malakas.
" Patay ka naaaaaa!!! "
Dahil sa ang babaeng nakakatakot na nakita kagabi; ay nakatayo sa harapan niya at pilit iniaabot ang isang piraso ng balot.
" Waaaaaaaaaag! Patay ka naaaaaaa!!!! "
***
SOMEWHERE IN MANILA..
" Joy.. Sabi mo babalik ka?! Joy.. "
" Huh?! " Napabalikwas si Joy sa kanyang pagkakatulog nang nakayukyok sa lamesa.
Butil-butil ang kanyang malamig na pawis.
" Parang nasa tabi ko lang ang tumatawag sa pangalan ko.. "
Nanindig ang mga balahibo niya sa biglaang paglamig ng hangin. Sabay sa paghangin ang pagsayaw ng kanyang mga kurtinang kulay puti sa bintana.
" Gabi na pala. Ang tagal pala ng tulog ko.. "
Tumayo siya upang isara ang bintana. Nang silipin ang ibaba ng kanilang bahay ay napansin niya ang isang babaeng mahaba ang buhok na nakatayo sa harapan ng kanilang gate. May sukbit itong bag at may bitbit na maliit na kahon.
" Sino naman kaya 'yun?! "
Nakayuko ito kung kaya at hindi niya makita ang mukha. Ang tanging kapansin-pansin lamang ay ang..
" Pulubi siguro? Taong grasa na naman! Ang dumi ng damit parang puro puitik! Hmp! "
" Ang dami talagang ganyan dito, kumwari pulubi pero magnanakaw pala! "
Nang muli niyang silipin ang babae ay wala na ito.
Iniayos na ang magulong buhok. Nang palabas na ay pinatay ang ilaw.
Pagpatay niya ng ilaw ay isang anino ang nakatayo sa kanyang likuran. Tila napansin naman niya ang presensiya nito kung kaya at hindi natuloy sa pag-alis at sandali pang tumayo.
" Huh?! "
Ramdam niya ang pagtindig ng kanyang mga balahibo.
Marahan niyang ipinipihit ang ulo upang lingunin ang presensyang kanyang naramdaman. Marahang ipinipihit ang kanyang mga mata, nandidilat pa ang mga ito dahil sa kabang nadarama.
At nang makalingon na nga ay..
" Huh?! I-isinara ko na 'to a! "
Nakita niyang nakabukas na naman ang bintanang kanina lang ay kanya nang isinara.
" Hmp! Tinatakot mo lang ang sarili mo Joy! "
Pinindot niya ang switch na ilaw upang lumiwanag. Matapoa ay lumapit na sa bintana upang ito ay isarang muli.
" Ang lakas naman ng hangin! Hindi ko pala nai-lock! "
Matapos ay nagmadali na sa paglabas. Pinatay na muli ang ilaw at agad isinara ang pinto.
Sabay sa kanyang pag-alis ang pag-ngiti ng isang aninong nakakubli sa dilim.
" Hmn.. Kamusta ka na? "
" Joy.. "
Nakarating na pala sa kanila ang kaibigang; matagal na umasa.
__________
- SELOS -
Makalipas ang dalawang araw.
" Domeng! Tulungan mo naman akong hanapin si Isabel! "
" Bakit ba Melba?! Baka naman sumama na sa lalake 'yun! "
" Hindi niya gagawin 'yun! Magiliw lang siya sa mga tao pero wala siyang muwang sa mga kalalakihan! "
" Bakit?! Paano mo nasabi 'yan Melba?! Napakalandi no'n kapag nagtitinda! Kaya nga maraming bumibili sa kanya e! "
Nanahimik na lamang si Melba at hindi na sumagot upang matapos na ang kanilang usapang mag-asawa.
" Makaalis na nga! Mamalasin na naman ang araw ko nito e! " papitsi pang sabi ni Domeng.
Iniwan niya ang asawang mag-isa. Dinampot ang kanyang t-shirt at lumabas na ng bahay.
Ngunit..
" Huh?! "
May napansin siya sa dalawang anak na naglalaro sa labas.
" Ana! Saan mo nakuha ang kahon na 'yan?! " gulat na bulalas niya.
Isang maliit na kahon ang kanyang nakita sa tabi ng dalawang naglalarong anak.
" Po?! " maigsing sagot ng anak.
" Iyang kahon ng sapatos na 'yan?! "
" Ano pong kahon tatay?! " tanong ng anak.
Nagsalubong ang kilay ni Domeng.
" Iyang kahon na nasa tabi mo?! "
Luminga-linga ang anak at pilit hinahanap ang sinasabi na kahon ng ama.
" Wala naman pong kahon itay. "
Sa inis ni Domeng ay kinuha nito ang basurahang gawa sa lata ng pintura, nang bumalik upang kunin ang kahong sinasabi ay..
" O! Nasaan na 'yung kahon?! Saan mo nilagay?! Ana?! Saan mo nilagay?! "
Wala na ang kahong kanyang nakita.
" Wala po tatay, wala po akong kinukuha! " mariing pagtanggi ng anak.
Nag-init ang ulo ni Domeng, binitbit sa kanang braso ang anak at binulyawan.
" Ako ba niloloko mo?! Punyeta ka sasampalin kita! "
Umiyak na ang bata.
" Wala po talaga tatay! Huhu.. "
Biglang niyang nabitiwan ang braso ng anak nang biglang magsalita ang bunso, ang mas bata kay Ana na si Neneng.
" 'Nuha na ni yate.. " may pagkabulol pang sabi nito.
Namutla si Domeng sa narinig. Mas lalong nag-init ang kanyang ulo.
" Isa ka pa! Magsipasok nga kayo sa loob! Mga buwiset kayo! "
Isa-isa niyang hinatak ang mga anak upang papasukin sa loob ng bahay. At paglingon niya ay nakita niya ang asawang nakatayo sa pintuan. Masama ang tingin nito sa kanya na tila may kahulugan
" Bakit?! "
Umiling lamang ito.
At nang makapasok na ang mga bata sa loob ay..
" Nasaan ang ate mo Neng?! Saan siya nagpunta?! "
Narinig niya pala ang sinabi ng bunsong anak kanina.
***
Masama ang pakiramdam ni Joy nang magising kinabukasan.
" Ang sakit ng buong katawan ko.. "
Kapit ang kanyang kumot at muling namaluktot. Madilim ang kanyang kuwarto at kulob na kulob kaya at hindi niya pansin ang mga ingay sa labas, tanging mahinang ugong ng aircon ang tila musika sa kanyang tenga.
Ngunit sandali pa at pagpihit ng kanyang mukha ay..
" Huh?! "
Tila may nakita siyang isang babaeng naka-upo sa kanyang swivel chair na nasa tapat ng kanyang lamesa, nakatalikod ito at ang mahabang buhok lang ang tanging kita.
" Ma! Sabi ko sa'yo kapag tulog pa ako huwag kang papasok e! Itatago ko nga 'yang spare key mo! Lagi mo na lang akong iniistorbo! " sabi niya.
Dahil sa ubod ng dilim ngunit may kaunting liwanag na sumisilay mula sa blinds ng kanyang mahaba ngunit makipot na bintanang nakatapat sa lamesa ay kuha niya na ito ay talagang isang pigura ng babaeng naka-upo.
" Mama! " muling tawag niya.
Ngunit walang sagot ang kanyang kinakausap.
Nag-umpisang manlamig ang kanyang mga paa. Normal na malamig ang paligid dahil sa aircon ngunit ang kasabay na pagpatak ng kanyang malamig na pawis sa mukha ay kaka-iba.
Inalis ang kanyang kumot dahil sa inaakalang siya ay naiinitan na, dahan-dahan lang sa pagtayo mula sa kanyang malambot na kama. Hindi na nagsuot pa ng tsinelas dahil sa nais niyang malapitan agad ang babaeng naka-upo sa tapat ng lamesa dahil sa naiirita siya at naistorbo ang pamamahinga.
" Ma! "
Wala pa ring kibo ang babaeng kanyang tinatawag.
Biglang bumagal ang kanyang mga hakbang.
" Ma, masama ang pakiramdam ko, do'n ka muna sa labas.. I'm not in the mood.. Mamaya ko na lang tatapusin ang sketch! "
Sunod-sunod ang kanyang pagsasalita habang marahang lumalakad papalapit sa babaeng nakatalikod na naka-upo.
Sandali na lang at maabot niya na ito.
Iniunat na ang kanyang kanang braso upang tapikin ang balikat nito.
Ilang segundo pa at lalapat na ang kanyang mga kamay sa mahabang buhok nito.
Nang biglang..
Dagdagdag!
Sunod-sunod ang malalakas na kalampag sa kanyang pintuan.
" Huh?! "
Dahil sa gulat ay napahawak pa ito sa kanyang dibdib.
Dagdagdag!
Muling kumalampag ang pinto kasabay ang malakas na pagtawag.
" Joy! Joy tanghali na! Joy ano ba?! Ang sigaw ng babaeng kumakatok.
" Ma-ma?! " sambit niya.
Biglang tumindig ang balahibo sa buo niyang katawan. Ramdam niya ang matinding panlalamig ng kanyang mga paa kasabay ang paglaki ng kanyang ulo.
Tuloy pa rin sa pagtawag ang babae na nasa labas ng pintuan.
Sandali siyang napatitig sa kumakalampag na pinto.
" Haaaah.. "
At sandali pa at naglakas loob nang tuminging muli sa babaeng naka-upo sa tapat ng lamesa.
Ngunit..
" Haaaah.. Ahaaaah.. "
Halos umalog ang kanyang mga tuhod. Habol ang kanyang hininga habang papaatras.
" Haaaaaah.. "
Wala na ang babaeng naka-upo na inakala niyang kanyang mama.
Matinding sakit ng ulo ang kanyang naramdaman kasabay nang pagdilim ng kanyang paningin.
Dag!
" Joy! Ano'ng ginagawa mo d'yan sa sahig?! "
Pagpasok ng kanyang mama ay nakita siyang nakahandusay sa sahig at walang malay.
***
" Ano ba'ng nangyari sa'yo?! "
Tanong ni Millie kay Joy.
Hindi naman sumagot si Joy at tumingin lang ito.
" Sobrang sipag mo kasi, sabi ng doctor sa mata mo na raw ang problema e! "
Nanatiling tahimik si Joy.
" Bes.. Bawas puyat kase! Nakakapangit 'yan! "
Napangiti naman si Joy.
" Alis na ako.. Iwan muna kita mag-isa para marelax at makatulog ka.. "
Sa pagkakataong iyon ay nagsalita na si Joy, napabangon pa ito upang kapitan ang braso ng kaibigan.
" Huwag mo 'kong iwan bes! "
At pigilan itong umalis.
" Bes, hindi puwede.. May deadline ako ngayon. "
Kinapitan niya pa ang braso nito nang mas mahigpit.
" A-ayokong mag-isa b-bes.. Samahan mo muna ako.. " nanginginig ang kanyang boses.
Inalis ng kaibigan ang pagkakakapit ni Joy.
" Hello! May career ako! Haha! "
" Pero bestfriend kita, ikaw lang ang matalik kong kaibigan na madalas kong makasama.. "
" Huwag ka munang umalis please.. Millie.. "
Naupo si Millie. Hinawakan ang dalawang kamay ni Joy.
" Sige na nga! Pero hanggang two lang ako Joy, may trabaho pa ako e alam mo 'yan.. "
Napangiti si Joy.
Muli siyang bumalik sa pagkakahiga. Niyakap pa ang kamay ng kaibigan habang matamis ang ngiti.
At kasabay ng kanyang pag-ngiti..
Ay ang hindi maipintang mukha sa galit ng isang hindi nakikitang nilalang na nakatayo lamang sa kanilang harapan.
" Ako lang Joy.. Ako lang ang nag-iisa mong matalik na kaibigan! " Ang malungkot na sabi ng kaluluwa ni Isabel.
June_Thirteen

Comentário do Livro (115)

  • avatar
    Jhanmark Padilla

    thankyouuu po napakagandang story po ng binahagi at nabasa ko!🥰

    04/06/2025

      0
  • avatar
    Michael Lawingco

    sobrang ganda karugtong pala sya storya ng paslit

    15/11/2024

      0
  • avatar
    Lilibeth Gomez

    Ang ganda NG story

    09/10/2024

      0
  • Ver Todos

Capítulos Relacionados

Capítulos Mais Recentes