logo text
Adicionar à Biblioteca
logo
logo-text

Baixe este livro dentro do aplicativo

The New Head of State

The New Head of State

tintangberde


Simula

MABIBIGAT ANG mga buntong hininga ni Emira habang nakatayo sa kanilang malawak na teresa sa ikalawang palapag ng kanilang kaharian. Kuyom ang kaniyang mga kamao sa mahaba niyang kasuotan at halos mamuti na ito sa sobra nitong pagkakayukom.
            Napupuyos. Napupuyos ang kaniyang nararamdaman ngayon at wala siyang magawa kung hindi kimkimin ang puyos na iyon sa kaniyang sarili. Tila sasabog ang kaniyang dibdib dahil sa sikip na pinararanas nito at gusto na lamang niyang kumawala ang mga damdamin na iyon.
            Paano nagawa sa kaniya nang kaniyang ama ang isang desisyon na hindi man lang siya kinonsulta? Siya ang magiging kabilang sa pinanlano ngunit tila hindi man lang nag-isip ang haring Sullivan na ipagkasundo siya sa pamilyang kumitil sa buhay ng kaniyang ina. Malinaw sa kaniyang ama kung gaano niya kadisgusto ang bansang Grebanio lalo na ang pamilyang namumuno rito. Gusto niya itong pagwalaan. Gusto niyang magsisigaw sa harap ng hapag, ngunit lahat ng iyon ay itinago niya lahat sa kaniyang sarili at nanahimik sa kung paano siya inaasahan ng tao na gumalaw.
            "Mayroon akong kasintahan mula sa Grebanio," nakilala niya ang tinig na pinanggalingan. Ito ang tinig ng kaniyang mapapangasawa. Narinig niya ito kanina ng nakikipag-usap sa hapag.
            "Mahal ko ang babaeng iyon. Kaya kung gaano mo kaayaw na maikasal sa akin, ganoon din ako," nanatiling tahimik si Emira. Sa ngayon, ang personal na isyu sa lalaking ito ang huli niyang priyoridad. Ang gusto niya ay makaisip ng paraan kung paano makakaalis sa kasal sa pamilya Advincula.
            "Disgusto," malamig na simula ni Emira. "Disgusto ang tamang salita para maipabatid ko na hindi ako sang-ayon sa kasalan na ito."
            Mabigat ang mga salitang lumabas sa kaniyang bibig. Gusto na lamang niyang maluha sa sitwasyon na kinahaharap niya ngayon. Hindi niya maintindihan kung bakit kasalan ang tanging paraan na naisip na kaniyang ama upang kuhanin ng buo ang loob ng mga taga-Aldepania. Maraming paraan, sa kaniyang isip-isip, ngunit hindi ang matali sa pamilyang naging dahilan kung bakit naulila siya sa ina.
            "Ganoon mo kaayaw na maikasal sa akin?" hindi makapaniwalang tanong ni Cassius.
            Sa buong durasyon ng hapag, kanina pa siya nagmamasid sa dalaga kung paano ito makikitungo at tatanggapin ang balitang batid nila. Bago tuluyang lumipad patungo sa Aldepania, sinabihan na siya ng kaniyang ina tungkol sa kasunduang mangyayari sa pagitan ng bansa ng Aldepania at Grebanio. Huli na para magbigay siya ng kaniyang reaksiyon at opinyon. Tila planado ito ng kaniyang ama upang hindi siya makipagtalo tungkol sa pinagkasunduan ng dalawang hari.
            "Ganoon ko kaayaw sa pamilya mo. Maliit ang salitang ayaw para sa inyo. Kung mayroon pang mas higit sa disgusto, mas pipiliin kong gamitin ang salitang iyon," tila ang lamig ng panahon ay gumuhit sa katawan ni Cassius sa lamig ng boses ng kaniyang kausap.
            Muli niyang tinignan ang dalaga. Hindi malinaw sa kaniyang mga paningin kung ano ang emosiyon na nais nitong ipabatid. Hindi sapat ang buwan upang maging liwanag sa kanila, ngunit sapat ang kaniyang pandinig para iparating ng dalaga na hirap na hirap itong huminga at sunod-sunod ang paghinga nito.
            Napapitlag siya ng umikot ang dalaga kasabay ng kaniyang mahaba at mabigat na kasuotan. Tila handa ng umalis at iwan siya mag-isa roon.
            Napahinto si Emira nang magsalita ang binata.
            "Huwag ka ng magpanggap na tila ba ayaw mo ang kapangyarihan na makukuha mo kapag naikasal ka sa akin. Alam nating dalawa na ang kapasidad mo na magpatakbo ng isang bansa ay isang malaking katanungan sa inyong nasasakupan. Ang sinasabi mong pagkadisgusto ay alam kong salamin mo lamang upang hindi ka magmukhang sabik sa kapangyarihan na maaari naming maibigay sa inyo.
            "Maraming gamahan sa kapangyarihan, Emira. At alam kong isa ka roon. Hindi mo kailangan magpanggap sa aking harap. Alam din ng aming pamilya ang pakay mo sa amin."
            Lalong nagpuyos ang damdamin ni Emira sa narinig. Tila mas namuti ang kaniyang mga kamao sa bawat salitang binibitawan ng kausap. Tila gusto niyang magpakawala ng isang suntok sa kaharap na binata ngunit alam niyang maraming matang nakamasid sa kaniya. Nasisiguro niyang tulog ang binata kapag nakadaupang palad niya ang mukha nito at hindi siya kahit kailan hihingi ng pasensiya para roon.
            "Kailangan lamang nating magkasundong dalawa at magiging tahimik ang pagsasama natin,"
            "Walang pagsasama, Cassius. Matuloy man ang kabaliwan na ito, dito ako sa Aldepania at doon ka sa Grebanio, gagawin ang sarili nating interes para sa ating bansa. Kung gusto mong maging intima sa kapareha mo na nasa inyong bansa, walang tutol kong ibibigay sa'yo iyon. Ngunit tandaan mong irespeto mo ako sa sarili kong bansa. Kahit iyon lang ay ibigay mo sa aking bilang susunod na reyna ng Aldepania."
            Handa ng umalis si Emira. Iyon lamang ang tanging nabuo sa kaniyang utak ng sabihin nitong may kasintahan siya. Wala siyang planong manggulo ng taong dalawang nagmamahalan, kaya naman kung iyon ang magiging dahilan para mapagpatuloy ng dalawang tao ang kanilang pagmamahalan, sa pagbibigay ng kanilang kalayaan na patuloy na mahalin ang isa't-isa, ibibigay niya. Ngunit kailangan tandaan nito na ibibigay sa kaniya ang respeto bilang magiging bagong reyna ng kaniyang bansa.
            "Sa tingin ko ay isa kang malaking hangal para sabihing hahayaan mo kong maging masaya sa aking nais."
            Nanahimik si Emira. Parehas lamang silang hangal. Tama si Cassius. Kapangyarihan ang gusto niya, ngunit bukod sa kapangyarihan ay alam niyang mayroong ibang nag-uudyok sa kaniya na ituloy ang kabaliwan ng mga hari. Alam niyang kasagutan ang kaniyang hinahanap. Kaya oo, hangal siya. Hangal siya para sabihing sa sariling interes lamang na Cassius ang nais niyang palabasin.
            "Isa kang amba ng panganib sa Grebanio," malalim ang pagkakunot ng noo ni Emira sa narinig. Mabilis ang kaniyang naging pagharap dahilan para magkaroon ng pagkakataon ang binata na masilayan ang mukhang kanina pa mailap sa kaniyang paningin.
            Tila naumid ang kaniyang dila sa nakita. Alam niyang ang bawat prinsesa ng isang bansang soberanya katulad ng Aldepania ay hindi maikakaila ang ganda ng isa, ngunit hindi niya mawari na tila ba may kakaiba sa kung paano siya tignan nito at kahit pa inaasahan ang taglay na ganda nga kaniyang mukha, tila nahuli pa rin siya ng kaniyang sarili sa paghanga sa natatanging ganda ng dalaga. Tila sa maikling oras, hindi niya nahapuhap ang Cassius na madulas ang dila para hulihin ang kababaihan sa nais na papabor sa kaniya.
            "Ako ba ang amba ng panganib?" sandaling huminto si Emira at hinuli ang mga tingin ng binata. "O ang iyong pamilya ang mas dapat kong isipin?"
            Nakagat ni Cassius ang ibabang labi sa kung paano sumagot ang prinsesa sa kaniyang harap. Tama ang kaniyang mga narinig. Matalino at hindi basta-basta magpapahuli sa sariling dila ang dalaga. Alam nito kung paano gamitin ang mga salita at gamitin iyon laban sa kaniyang kausap.
            "Tunay kang matalino. Hindi na ako nagtataka kung bakit mabilis para kay ama na ikaw ang piliin na maging asawa ko," namamangha niyang sabi at muling ibinalik sa madilim na kalangitan ang paningin.
            Lalong lumalim ang kunot ng noo ni Emira. Hindi niya maintindihan kung anong klase ng palabas ang pinakikita ng kaniya ng kausap. Sa sandaling oras, tila hindi niya alam kung paano uutakan ang isang 'to. Naubos na rin ang mga salitang parati niyang baon sa mga kinakausap niya.
            "Sa tingin ko, kung ano man ang iyong interes para ituloy ang kabaliwan ng dalawang hari ay maisasakatuparan mo. Parati mong inuuna ang takbo ng iyong isip kahit pa matabil ang iyong dila."
            Malalim ang buntong hiningang pinakawalan ni Emira at muling hinarap ang kaniyang likod sa bukas na teresa kung saan ang malamig na hangin ay siya ng tumatama sa kaniyang bukas na likuran ng kasuotan.
            Tila sa pagkakataong ito, naubos ang puyos na nararamdaman niya mula ng dumating ang pamilya Advincula. Naisip ni Emira, ano pa bang magagawa ng galit niya kung hindi rin naman mapipigilan ang kaniyang ama?
            "Iisipin ko na lamang na may mas magandang plano ang aking ama para sa aming bansa," kalmado niyang sambit dahilan para muling lingunin ni Cassius ang prinsesang kausap.
            Sa pagkakataong ito, nakayuko ang prinsesa at natatakpan ng mahabang kulay kayumangging buhok ang kaniyang mukha. Kapansin-pansin din na ang kamaong kaninang mahihigpit ang hawak sa kaniyang kasuotan ay naglalaro na lamang doon.
            Muling umiwas ng tingin si Cassius. Pakiramdam niya, bawat pagtitik niya sa dalaga ay hinihila siya nito sa ibang dimensiyon ng mundo na hindi niya alam kung saan patungo.
            Bahagya siyang napatango at napaubo upang linisin ang lalamunan, "Hindi na'ko magpapaligoy-ligoy sa gusto ko. Gaya ng nasabi ko, parehas tayong may hangarin kaya pumayag tayo na magkita ngayong gabi, ngunit —"
            Hindi makapaniwalang tumawa si Emira habang inaangat ang kaniyang ulo, "Alipin ang iyong kasintahan, hindi ba?"
            "May nakakatawa ba sa bagay na iyon?" kunot ang noo ngunit bakas ang inis sa boses ng binata. Hindi maganda sa kaniyang pandinig na tila pinagtatawanan nito na isang alipin ang kaniyang kasintahan. Ngunit ang inis na kaniyang nararamdaman ay tila isang inisiyatibang emosiyon na maaari niyang maramdaman dahil sa paraan ng pagtawa nito ngunit habang pinanunuod niya ang prinsesa na tumawa ay hindi na ganoon ang nararamdaman niya. Tila nakahanap ng sandaling kapayapaan ang kaniyang puso.
            Umiling si Emira, "Hindi ba't nakakatawa na tungkol sa malayang pag-ibig ang unang batas na gusto mong maisabatas sa pag-upo mo bilang isang hari?" Kahit inaasahan na niya, hindi pa rin niya mapigilang matawa.
            Magaan ang kaniyang naging pakiramdam. Napagtanto niya na sa kanilang dalawa, tila siya ang may mas mabigat na hangarin sa kapangyarihan na tinutukoy nito kanina pa. Ngunit walang puwang sa kaniyang puso na lumambot ito para sa kahit sino. Buo ang pasiya ni Emira. Itutuloy niya ang kasal para sa kasagutan.
            "Walang masama sa nais mong isabatas. Tutulungan kita," pinal na sabi ni Emira bago tuluyang iwan ang prinsipe.
            Sinundan naman ni Cassius ng tingin ang dalaga sa paglisan nito. Hindi niya inilahad ang kaniyang plano ngunit tila nakuha na nito ang nais niyong ipaabot.
            Iyon ay mawala na ang limistasyon ng pagmamahalan ng mga tao sa isa't-isa. Kahit papaano, tila nalagay sa mabuti ang kaniyang puso na mayroong isang taong naniniwala na tama ang kaniyang nais tayuan.
--

Comentário do Livro (31)

  • avatar
    NicaFarah

    for just an money

    7d

      0
  • avatar
    Harry Velasco

    ang Ganda ng kwento

    24d

      0
  • avatar
    Vianne Mae Provido Calauod

    nice story and i like it

    08/07

      0
  • Ver Todos

Capítulos Relacionados

Capítulos Mais Recentes