logo
logo-text

Baixe este livro dentro do aplicativo

Afraid to Fall in Love (Neurelia Series #1)

Afraid to Fall in Love (Neurelia Series #1)

phunzelle


Chapter 1

"Enjoy your coffee, sir." nakangiting sabi ko pagkatapos kong nilapag ang kapeng inorder niya.
Binigay ko sa katrabaho ko ang tray at nagpunta na sa cr para magbihis. Tapos na ang shift ko at kailangan ko nang makauwi dahil magluluto pa ako.
Naglalakad lang ako papauwi sa amin, ayos narin yon dahil hindi ko na kayang bawasan pa ang pera ko. Marami pa akong kakailanganin sa school kaya kailangan ko talagang magtipid.
Madilim ang daan at ang mga ilaw ng mga sasakyan nalang ang nagsilbing ilaw ko para makita kahit papaano ang dinadaanan ko. Baka makatapak pa ako ng dumi at mabahong bagay dito.
Nang makarating ako sa barangay namin ay sigaw at pagtawag ng mga lasenggero sakin ang agad kong narinig. Nakakainis.
"Rachel!!"
Nagsimula na akong tumakbo papunta sa bahay namin.
"Saan ka galing?" galit na tanong ni nanay nang makapasok ako.
Ito agad ang bumungad niya sa akin ng buksan ko ang pinto. Nagliliyab sa galit ang mga mata niya.
"M-may project lang po, nay." mahinang sabi ko habang nakayuko.
Nagsimula akong makaramdam ng takot ng marinig ko ang tawa niya. Sigurado ako na hindi dahil sa kasiyahan ang tawang iyon.
"Project?" natatawang tanong niya at agad akong napasigaw ng marahas niyang hinablot ang buhok ko. "At ako pa ang lolokohin mo? Malandi ka!" sigaw niya habang hinihila ako papasok ng bahay. "Alam mo, pabigat ka lang eh. Ba't ka pa mag aaral eh hindi naman yan makakatulong satin!" galit niyang sigaw habang nakaduro sakin.
Sinampal niya ako bago niya ako padabog na binitawan sa sahig. Hinihingal niya pa akong tinitigan ng ilang segundo bago siya umalis papunta sa itaas kung saan ang kwarto ko at ang kwarto nila ni tatay.
Malalim akong bumuntong hininga. Tumayo ako at inayos ang buhok ko, dahan dahan kong nilagay ang bag ko sa sofa.
Walang emosyon akong nagsimula sa pagluluto pero wala pang dalawang minuto ang lumipas ay narinig ko na ang mga hakbang ni nanay pababa. Literal na nanginig ang kamay ko kaya tinigil ko muna ang pagluluto.
Naisipan kong uminom ng tubig para pakalmahin ang sarili ko. Habang umiinom ay biglang sumigaw si nanay na nagpagulat sakin. Nabitawan ko ang baso na lalong nagpagalit kay nanay.
"Punyeta kang malandi ka!!" malakas na sigaw ni nanay sabay tapon sakin ng bag. Agad akong napatingin sakanya at nanlumo ako nang makitang hawak hawak na niya ang perang naipon ko. "Pasalamat ka at nakita ko tong pera mo kung hindi, ipapakain ko sayo yang baso!!" sigaw niya at padabog na umalis.
"I-inipon ko yon." mahinang sambit ko sa kawalan.
Nanghihina akong napaupo at napahawak ako sa noo ko. Pano ko ngayon mabibili ang mga kailangan ko? Agad kong inalis ang luha sa mga pisngi ko nang maramdama ko na tumulo ang mga ito at nagsimula nang maglinis.
Ilang oras ang lumipas. Natapos ko rin ng mabilis ang paglilinis at pagluluto. Biglang may kumatok sa pintuan kaya agad ko itong pinuntahan. Baka si nanay yun, mapapagalitan na naman ako.
"Nak." nakangiting bati ni tatay na nagpangiti sa akin.
"Tay, mano po." sabi ko sabay kuha sa kamay niya para magmano.
Ginulo niya agad ang buhok ko sabay akbay sa akin.
"Nagluto ka ba? Sakto at gutom nako. Siguradong sasaya ang gabi ko ngayon dahil sa luto mo." masayang sabi ni tatay na ikinatuwa ko.
Gustong gusto niya ang mga niluluto ko, sakanya din naman ako natuto sa pagluluto.
Naglalakad na si tatay papunta sa kusina. Nakangiti ko siyang tiningan.
Bakit hindi ganyan si nanay? Bakit kahit kailan ay hindi ko naramdaman ang pagmamahal niya sakin? May problema ba sakin? May kulang ba?
"Oh, mag bihis ka na para makakain na tayo." sabi ni tatay nang mapansing matagal akong napatitig sakanya.
"S-sige po." sabi ko at pumunta na sa itaas.
Kung ano ang trato ni nanay sakin, ganon din ang trato niya kay tatay. Nagagalit siya sa amin kahit wala kaming ginagawa sakanya. Parang may kasalanan kaming nagawa sakanya.
Walang trabaho si nanay, kaya sabik na sabik siya sa pera. Kahit gaanong pagtatago ko sa mga naipon ko ay nakikita niya parin. Parang naaamoy niya ang pera kaya nahahanap niya ito kaagad.
Construction worker at iba pa ang trabaho ni tatay. Marami siyang trabaho dahil marami din kaming kailangan bayaran. Tuition ko at pangbayad sa mga utang ni nanay.
Hindi kami mayaman katulad ng iba. Maliit lang ang bahay namin at nakatira pa kami sa isang squatter area. Puno ng butas ang bubong namin kaya kapag umuulan ay agad agad akong kumukuha ng mga balde para makaipon ako ng tubig at ang tubig na maiipon ko ay ang ginagamit ko panligo. Para nadin makatipid kami sa tubig. Ganito kami kahirap sa buhay pero nakakaya parin naman naming ngumiti sa kabila ng mga niraranas namin.
Nakasuot ako ngayon ng pulang tshirt at pajama, naka ponytail din ang buhok ko para hindi sagabal. Nang makababa ako ay sakto din ang pagdating ni nanay. Kasama ang isang maskuladong lalaki.
"Ang sikip naman dito Alma!" pagrereklamo ng lalaki na si kuya Pablo, ang bagong kasintahan niya.
Iba't ibang lalaki ang dinadala ni nanay dito sa bahay. Iba't ibang lalaki ang palagi niyang kasama. Alam iyon ni tatay pero wala siyang ginagawa, kahit masama ang trato ni nanay sakanya ay wala parin siyang ginagawa.
"Pasensya na." mahinang sambit ni nanay.
Napatingin ako kay tatay nang tumayo siya at naglakad papunta sakin.
"Akyat na tayo nak." nakangiting sabi niya pero alam kong hindi iyon ang totoong ngiti niya.
Kahit gaano pa kalaki ang ngiti niya kitang kita ko parin ang lungkot at sakit sa mga mata niya. Gustong gusto kong itanong sakanya kung bakit hinahayaan niya si nanay.
"Nandito pala ang asawa mo?" natatawang sabi ni kuya Pablo.
"Halika na tay." bulong ko at hinila siya papunta sa taas.
"Ang martyr din ng asawa mo nu! Nandito parin kahit harap harapang pinapalitan." pang aasar niya kay tatay.
"Wag mong pakinggan anak." nakangiting bulong ni tatay pero kita parin sa mga mata niya ang sakit.
Hinatid ako ni tatay sa kwarto ko at hinalikan niya ako sa noo bago sinara ang pinto. Ilang minuto akong napatitig sa pintuan bago naisipan kong humiga.
"Bakit hindi mo pa pinapalayas ang gagong yon?" malakas na sigaw ni kuya Pablo.
"Hayaan mo nalang Pablo." mahinang pagmamakaawa ni nanay pero dahil manipis na kahoy lang ang pagitan namin ay rinig na rinig ko parin sila.
"Ano?! Hayaan ko? Kumag ka!" malakas na sigaw ni kuya Pablo at napapikit ako ng mariin ng marinig ang tunog ng malakas na sampal.
Gustong gusto ko siyang tulungan pero hindi ko magawa dahil ka bilin bilinan niya na bawal akong makealam. Ganito ba talaga kauhaw sa pag ibig ang nanay ko? Nandito naman si tatay na handang mahalin siya at ibigay ang lahat ng gusto niya pero bakit mas pinili niyang makasama ang ibang lalaki na sasaktan lang siya, hindi lang emosyonal pero pisikal!
Madiin kong tinakpan ang dalawang tenga ko para hindi marinig ang sunod sunod na sigawan at sakitan nilang dalawa.
"Luis!" malakas na sigaw ni nanay na nagpabangon sakin.
S-si tatay.
Agad kong binuksan ang pinto at dali daling bumaba sa hagdan. Nang nasa huling baitang na ako ay nakita ko si tatay na nakahiga sa sahig habang hawak hawak ang pisngi niya. Sinuntok siya?! Galit kong tiningnan si kuya Pablo na ngayon ay hinihingal na nakatingin kay tatay.
"Luis! Okay ka lang?" nag aalalang tanong ni nanay at agad siyang dumalo kay tatay.
"Mabuti pa ang anak mo na lang ang syotain ko." nakangising sabi niya bago tumingin sakin pero hindi ako nagpatinag, tiningnan ko siya ng puno ng galit na lalong nagpangisi sa kaniya.
"Mag kaiba pala kayo ng nanay mo? Ang nanay mo kasi duwag, handa siyang lumuhod sa harap ko pero ikaw mukhang mahirap kang paamuhin." nakangising sabi niya habang unti unting humahakbang papunta sakin.
"Rachel! Pumunta ka na muna sa Tita Leah mo." maawtoridad na utos ni tatay na nagpahinto sa paghakbang ni kuya Pablo.
"Sinuntok ka na nga, nagsasalita ka pang punyeta ka?!" malakas na sigaw niya at lumingon siya kay tatay kaya agad agad kong kinuha ang oppurtunidad na iyon.
Mabilis akong bumaba at dumaan sa likurang pintuan nitong bahay. Nang aabutin ko na sana ang pinto ay merong humila sa buhok ko.
"Madaya kang bata ka." galit na bulong ni kuya Pablo sakin.
"Bitawan mo ako." galit na sabi ko sakanya habang pilit na inaalis ang kamay niya na nasa buhok ko pero lalo niya iyong hinigpitan.
Namuo ang takot sa dibdib ko nang pilit niyang hinahalikan ang leeg ko. Pilit kong iniiwasan iyon.
"Tay!" maiyak iyak kong sigaw.
Laking gulat ko nang biglang natumba si kuya Pablo at napatingin ako kay tatay na ngayon ay hinihingal na tinitingnan si kuya Pablo. Agad ko siyang sinugod ng mahigpit na yakap.
"T-tay." sabi ko habang umiiyak.
"Nandito lang ako." hinihingal na sabi ni tatay na lalong nagpahagulhol sakin. "Doon ka na muna kay Tita Leah mo at sabihin mo sakanya na magpapunta ng barangay tanod dito sa bahay." utos niya sakin at kinalas niya ang yakap namin. "Nandito lang ako." nakangiting sabi niya, hinalikan niya ako sa noo at muling yinakap.
Nakita ko sa sala si nanay na nakaupo sa sahig habang nakayuko.
"Si nanay, tay?" nag aalalang tanong ko.
"Ako na ang bahala sakanya." nakangiting sabi niya habang kinakalas ang yakap. "Lumakad ka na." nakangiting sabi niya kaya tumalikod na ako at mabilis na tumakbo papunta sa bahay nila Tita Leah.
Nang nasa gitna ako sa pagtatakbo ay biglang bumuhos ang malakas na ulan. Napatigil ako sa pagtakbo at tumingin sa itaas para salubungin ang ulan. Sana kayang iwala ng ulan ang sakit kahit panandalian lang. Sana kahit sa kaunting panahon ay makaramdam ako ng tunay na saya kasama ang pamilya ko, yan lang ang gusto ko at hinihiling ko kada gabi.
Mabilis na akong tumakbo papunta kila Tita Leah, nang makarating ay malakas akong kumatok.
"Tita Leah!" sigaw ko. Mabuti at bumukas din yun agad.
"Diyos ko! Ano na naman ang ginawa ng malandi mong nanay?" nag aalalang sabi niya habang hinihila ako papasok.
Kukuha na sana siya ng tuwalya pero mahigpit kong hinawakan ang kamay niya.
"Kailangan po ng tulong ni tatay. Magpadala daw po kayo ng tanod sa bahay." sabi ko at agad siyang tumango.
"Sige, alagaan mo muna ang sarili mo diyan at pupuntahan ko ang tatay mo." sabi niya at mabilis na umalis.
Pag nangyayari ito ay si Tita Leah lang ang sandigan ko. Siya ang nagsilbing nanay ko.
Tumayo ako at pumunta sa kwarto ko. Oo, meron akong sariling kwarto dito, meron din akong mga damit. Dito kasi ako palaging natutulog pag nag aaway sila tatay. Si tatay na rin ang nag utos na pumunta ako dito pag nag aaway sila dahil ayaw niyang marinig ko ang sigawan nila.
Naligo na rin ako at nagbihis uli. Uminom ako ng mainit na kape at umupo sa kama para hintayin si Tita Leah.
Walang pamilya o asawa si Tita Leah. Si tatay lang ang kasama niya sa buhay. Minsan nakakaramdam ako ng awa kay Tita Leah dahil mag isa lang siya pero ngayon, naiinggit ako. Dahil kaya niyang mamuhay ng payapa, mamuhay ng walang sigawan at sakitan.
Nang makahiga ako sa kama ay agad akong napapikit dahil sa pagod.
Maaga akong bumangon at naligo, dali dali akong nagbihis ng uniporme at dinala ang backpack na pinadala ni tatay kay Tita Leah kahapon. Plano kong kamustahin sila tatay at nanay ngayon. Nakatulog kasi ako kahapon dahil narin sa pagod.
"Kumain ka na Rachel." nakangiting sabi ni Tita Leah at nakita ko siyang naghahanda ng pinggan sa lamesa.
"Pasensya na po pero kailangan ko nang umalis, maraming salamat po." magalang na sabi ko at umalis na.
Hindi ko na siya muling nilingon kahit ilang ulit niya akong tinawag. Nag aalala talaga ako sakanila.
Lakad takbo ang ginawa ko papunta sa bahay namin, malayo layo kasi ang bahay nila Tita Leah sa bahay namin. Ilang minuto akong tumakbo hanggang sa nakarating ako sa bahay namin.
"Nay, Tay!" malakas na sigaw ko habang kumakatok.
Ilang beses ko iyong inulit pero sadyang walang sumasagot sakin kaya agad akong kinabahan.
Pumunta ako sa likurang pinto, sinubukan ko iyong buksan at nagtagumpay ako. Dahan dahan akong pumasok. "Tatay?" pagtawag ko pero wala talagang sumasagot.
Dali dali kong tiningnan ang kusina, sala, at ang banyo pero walang kahit anino ang nakita ko.
Tumakbo ako patungo sa itaas, dumiretso ako sa kwarto nila nanay at tatay pero wala sila doon, tiningnan ko ang kwarto ko pero wala rin sila. Pumunta ako sa kwarto nilang muli at umupo sa banig.
"Nasa trabaho na kaya si tatay?" mahinang bulong ko sa sarili. "Pero hindi ganito ka aga ang pasok niya." naiiyak kong sabi sa sarili.
"Rachel?! Nandito ka ba?!" malakas na sigaw na sigurado akong boses ni Tita Leah kaya agad akong bumaba. "Nandito ka lang palang bata ka." nag aalalang sabi niya.
"Nasaan po sila nanay at tatay?" naiiyak kong tanong.
"Sasabihin ko naman sayo pero agad kang umalis." malungkot na sabi niya at humakbang patungo sakin.
"Nasaan po sila?" nagmamakaawang tanong ko.
Hindi na talaga ako mapakali! Dahil ramdam ko na may nangyaring masama sakanila.
"Nasa ospital." mahinang sambit niya at yumuko.
Kahit anong hina ng boses niya ay rinig na rinig ko parin ito.
"Saan?" madiing sabi ko at bumuhos ang luha galing sa mga mata ko.
"Rachel, huminahon ka na muna, pupuntahan naman natin s-"
"Nasaan?" galit kong tanong.
"Rachel-"
"Saang ospital?!" malakas na sigaw ko.
Wala nakong pakealam kung makasakit ako ng ibang tao ngayon! Ang importante sakin ay ang makita ang mga magulang ko.
"Sa ospital, doon sa kabilang barangay pero sasamahan-" hindi na niya natuloy ang sasabihin niya ng linagpasan ko siya at umalis.
Tumakbo ako papunta sa pilahan ng tricycle at agad sumakay doon.
"Ospital doon sa kabilang barangay manong." mabilis na sabi ko at mukhang nakita niya na nagmamadali ako kaya binilisan niya ang pagtakbo nito.
Apat na kilometro pa ang pagitan ng kabilang barangay kaya mukhang matatagalan ako sa pagpunta doon. Ilang oras kaming nasa daan hanggang sa nakarating kami.
"Ito po." sabi ko habang binibigyan siya ng isang daan.
"Salamat." tipid na sabi niya at umalis.
Iyon na ang huling pera ko pero wala na akong pakealam. Agad akong pumasok sa loob.
"Algabre po." hinihingal na sabi ko sa nurse.
"Room 102" agad niyang tugon, tumakbo ako papunta sa room na iyon.
Nang buksan ko ang pinto ay ang bumungad sakin si tatay na nasa kama habang si nanay na nakayuko sa tabi ng kama.
"Rachel?" naiiyak na sabi ni nanay nang makita niya ko, agad niya kong sinugod ng yakap.
Humaguhol siya sa balikat ko kaya yinakap ko siya pabalik.
"Anong nangyari?" nanghihinang sabi ko. Sobrang puti ng labi ni tatay.
"Inatake sa puso ang tatay mo, ikalawang beses na ito." maiyak iyak na sabi ni nanay.
Hinayaan niya akong lumapit kay tatay.
"Tay" nakangiting sabi ko kahit walang tigil sa pagbuhos ang mga luha ko. "Anong masakit tay?" naiiyak kong tanong at malakas na humagulhol.
Hindi ko kayang tingnan siya na nakaratay dito. Ako nalang ang bigyan ninyo ng sakit wag lang ang tatay ko! Wag siya!
"Sa ikatlong atake ng puso niya ay hindi na daw siguradong mabubuhay pa siya." mahinang sambit ni nanay na lalong nagpabuhos ng mga luha ko.
Gusto kong manisi! Gusto ko siyang sisihin! Gusto ko siyang sigawan! Pero parang may bumubulong sa puso ko na nanay ko pa rin siya.
"R-rachel" utal na sabi ni tatay kaya agad ko siyang dinaluhan.
"Tatawag ho ba ako ng doctor? Anong masakit tay? Ang puso niyo?" nag aalalang tanong ko pero nagulat ako nang nginitian niya lang ako.
"Walang masakit, wag kang mag aalala. Ang mga hero hindi natatamblan ng sakit, mahirap akong talunin." nakangiting sabi niya.
"Tay naman, inatake na nga kayo eh." naiiyak kong sabi at yinakap siya.
"Pumasok ka na." mahinang sabi niya dahilan ng pagkalas ko sa yakap namin.
"Tay! Babantayan ko po kayo at aalagaan." determinadong sabi ko.
"Rachel, pakiusap. Ayokong maging dahilan ako sa paghinto mo sa pag aaral." malungkot na sabi niya.
"Hindi ko naman po pababa-"
"Sige na." pagpupumilit niyang sabi.
"Tay naman eh" nakangusong sabi ko habang nagpapadyak.
"Sige na." sabi niya habang nakangiti.
"Basta wag na muna kayong pupunta sa liwanag ha?" pagbibilin ko na nagpatawa sakanya.
"Oo na, hindi ko kayo iiwan." nakangiting sabi niya at ginulo ang buhok ko.
Hinalikan ko siya sa pisngi, humakbang ako patalikod.
"Sige na." natatawang sabi niya at tinalikuran ko na siya.
Maingat kong sinara ang pinto at nang nakalabas na ako ay malalim na buntong hininga ang ginawa ko.
Paano ako makakapag aral ng ganito kong hindi maalis sa isip ko ang maaaring mangyari kay tatay at nanay pag wala ako.
Naglakad ako papunta sa barangay namin. Pag nakarating na ako sa barangay namin ay maglalakad na naman ako ng apat o higit pa na kilometro para makarating sa Neurelia University, isa sa pinakasikat na paaralan. Isa itong private school at syempre mahal ang tuition fee dito.
Sa barangay namin ay ako lang ang naiiba, ang lahat ay nag aaral sa public school maliban lang sakin. Kahit anong pilit ko kay tatay na sa public school nalang ako mag aral ay hindi siya sumasangayon. Merong panahon na kinakailangan ko ng pera pangbayad sa mga libro at ang ginagawa ni tatay ay nagtratrabaho siya ng pitong part time job sa loob ng isang araw para lang mabayaran ito.
Pagdating ko sa paaralan ay siguradong late na ako, ngayon lang ako na late pero wala na akong pakealam.
Habang naglalakad ako ay maraming tumatawag sakin para makipagkilala. Ang sabi ng iba ay ako raw ang pinakamaganda sa barangay namin, hindi naman ako naniniwala dahil sa tagal kong nag aaral sa Neurelia University ay marami na akong nakilalang mga magagandang babae at mayayaman na rin. Normal lang naman akong tao.
Ilang oras akong naglalakad hanggang sa narating ko na ang paaralan. Hinihingal akong tumigil sa labas ng gate para magpahinga muna. Kinuha ko ang panyo na nasa backpack ko para punasan ang mga pawis sa noo ko.
"Magandang umaga po." nakangiting bati ko kay manong guard.
Sinulyapan niya ang relo niya at hinarap ako.
"Alas nuwebe na bakit ngayon ka lang?" takang tanong niya at binuksan ang gate.
First time ko kasing ma late, ilang taon na akong nag aaral dito pero hindi ko kailanman naranasang pumasok ng ganitong oras.
"Late nagising kuya, salamat." sabi ko at nagsimula nang maglakad papasok.
Sobrang laki ng paaralan na ito, nang unang pumasok ako dito ay kinabahan ako dahil baka maligaw ako pero nang nagtagal ay nakabisado ko na rin naman. Elementary, high school at college ang meron dito. Isa lang ang gym namin, nasa gitna ito at sobrang laki nito.
Lakad takbo ang ginawa ko papunta sa room ko. Napahinto ako nang biglang may humawak sa braso ko.
"Ano ba?!" iritadong sambit ko pero agad akong napatigil nang makita kung sino iyon.
Patay.
"Ikaw pa ang may ganang magalit ngayon?" walang emosyong tanong niya.
Sa lahat ng taong pwedeng makakita sakin ngayon, bakit siya pa? Bakit kailangan ang SSC President pa ang makakita sakin?
Mariin akong napapikit at binigyan siya ng pilit na ngiti. Kumunot ang noo ko nang makita siyang nakatingin sa dibdib ko. Napanganga ako at mabilis na tinakpan iyon. Manyak ba siya? Kunot noong tumingin siya sakin.
"Your necktie, where is it?" taas kilay niyang tanong na nagpatigil sakin.
Hinawakan ko ang leeg ko para kumpirmahin kung wala ba talaga akong suot na necktie, nanlaki ang mga mata ko dahil wala nga akong suot na necktie. Tangina, naiwan ko?
"You judged me so fast. I'm just checking your uniform. Besides, no need to be scared, wala namang makikita." walang emosyong sabi niya.
Nakangangang lumingon ako sakanya na ngayon ay may sinusulat sa dala dala niyang notebook.
Tangina? Anong sinabi niya?
"Name." maawtoridad niyang utos.
Pumikit ako ng mariin. Kalma. Hayaan mo nalang, Rachel. Hindi dapat pinapatulan ang kagaya niya.
"Rachel Daniella Algabre." mahinang sabi ko.
"Grade?"
"Twelve."
"I'll ring this to your SSG President." sambit niya na tinanguan ko.
Ang SSG President lang sana ang magpaparusa sakin since grade 12 palang ako pero kung minamalas pa nga naman ay siya pa ang nakakita sakin.
May sinulat siya sa malaking notebook na palagi niyang dala, may pinunit siya doon at ibinigay iyon sakin. Tamad ko itong kinuha at pumunta na sa detention. Hindi ko na siya muling tiningnan sa mga mata dahil baka matusok ko siya gamit ang ballpen na dala dala niya.
"Good morning Mr. Quizon." pilit ngiting bati ko sakanya.
Siya ang magpaparusa sa mga tao dito sa detention, hindi niya naman pinaparusahan ang mga ito ng pisikal. Ilang oras lang naman siyang magsasalita sa harap ng mga bagay na hindi ko maintindihan.
"Good morning" nakangiting bati niya rin. Mukhang masayang masaya siya sa trabaho niya. "Papel" tipid niyang sabi kaya binigay ko sakanya ang papel na binigay sakin ng lalaking bastos kanina.
Nang makapasok ako sa room kung saan nila nilalagay ang mga estudyanteng lumalabag sa school rules ay agad akong umupo sa dulo. Pito kaming lahat na nandoon. Dalawa lang kaming babae.
Nang pumasok na si sir Quizon ay nagsimula na siyang magsalita ng mga walang kwentang bagay. Habang nilalaro ko ang mga daliri ay napansin ko na may taong nakatayo sa harapan ko kaya tiningnan ko kung sino yun.
Ano na naman ang gusto nito?
"Are you listening?" taas kilay niyang tanong.
Bakla.
"Oo. Nakikinig ako." taas kilay ding sagot ko.
Pataasan ba ng kilay ang gusto mo?
"Then can you tell everyone what sir Quizon is trying to point out?" tanong niya na inirapan ko.
Tangina? Nang iinis ba ang isang to? Bakit hindi niya nalang ako hayaan?
"Why would I?" takang tanong ko. "Our punishment is to listen. It doesn't state there that I should tell anyone what the teacher told us unless the teacher itself said that I should recite all he said." sabi ko.
Nilingon ko si sir Quizon at nginitian ko siya, wag mo ko ipahiya sir. Bestfriends tayo diba?
"Let her go, Ryle. Wag masyadong mahigpit." natatawang sabi ni sir Quizon kaya tiningnan ko si Ryle.
Ngumiti siya na nagpakunot sa noo ko. Hindi ako natutuwa sayo.
Sakto at nag ring na ang bell, lunch time na. Padabog kong kinuha ang bag ko habang hindi inaalis ang tingin sakanya at umalis na sa impyernong yun.
Para siyang bakla. Siguradong ako ang unang tatawa pag inamin niyang bakla siya. Nakakainis.
Habang naglalakad ako ay biglang may tumikhim sa likod ko dahilan ng pagkagulat ko.
"Ay bakla!" gulantang sigaw ko, tiningnan ko ang taong dahilan ng gulat ko at ang baliw, tumawa lang. "Ano ba?! Bigla bigla kang sumusulpot." iritadong sabi ko at nagsimula nang maglakad muli.
Hindi pa ba siya tapos?
"Sabay na tayo." sabi niya at sumabay sakin sa paglalakad.
Malalim akong bumuntong hininga. Presidente siya dito diba? Bakit para siyang bata kumilos? Talaga bang binoto siya ng mga tao dito? O baka naman ipinalo ng pamilya? Hindi nako magtataka dahil sa paaralan na ito, isa kang basura kung wala kang pera.
Habang naglalakad kami ay wala siyang ibang ginawa kundi ang magsalita ng magsalita. Hindi ba napapagod ang isang to?
Nagulat siya nang hindi ako tumigil sa harapan ng cafeteria. Sino bang nagsabi na kakain ako?
"Sa labas ka ba kakain?" tanong niya habang hinahabol ako.
Dahil sa inis ay iritado ko siyang hinarap.
"Ang ingay mo" iritadong sabi ko. "Tigilan mo ako, wala kang mapapala sakin." madiin kong sabi at tinalikuran siya.
Bastos na nga, napakaingay pa.

Comentário do Livro (41)

  • avatar
    PereiraLigia

    maravilhosooooooooooo

    27/04

      0
  • avatar
    Ki Kay

    Bitin hihi

    27/11

      0
  • avatar
    Jaz Mendoza

    Sobrng gndng basahin

    02/09/2023

      1
  • Ver Todos

Capítulos Relacionados

Capítulos Mais Recentes