logo text
Adicionar à Biblioteca
logo
logo-text

Baixe este livro dentro do aplicativo

Kabanata 1: Kaco

•°• Aqua Amethyst's POV •°•
Bahagya kong idinilat ang mata ko nang may maaninag akong liwanag. Agad kong iniharang ang braso ko sa tapat ng aking mata at napansin ang kulay puting sleeves ng suot ko. Sa pagkakatanda ko ay naka-tshirt ako na kulay pink.
Napaupo ako at pinagmasdan ang kakaibang kasuotan ko. Kulay puting high neck long sleeves ang pang-itaas ko na may patong na kulay itim na dress na hindi umabot sa tuhod ko. May kulay gintong butones iyon mula sa dibdib hanggang sa pusod. Hindi iyon nabubuksan, design lang. Sa bewang ko naman ay may kulay gintong belt na may kulay pulang diyamante sa gitna. Mula roon ay bahagyang nakapalobo ang dress pababa.
Itinaas ko ang dress ko para tingnan kung may pang-ibaba ako. Nakahinga ako nang maluwag nang makita ang kulay itim na short. Hindi ko kasi alam kung gaano ako katagal na nakahiga rito sa eskinita. Ang huling naaalala ko ay nakita kong bumangon ang lalaking tinulungan ko, ngunit nang ihipan niya ako ay nakaramdam ako ng antok. Ngayon, nagising ako rito nang mag-isa.
Nanlalaki ang matang napayakap ako sa sarili ko. 'Binihisan niya ba ako?!'
Nagbaga ang pisngi ko dahil sa naisip. May iba pa bang paraan para mapalitan niya ang lahat ng suot ko?
'Wahhh!' Napatakip ako sa mukha ko nang makaramdam ng sobrang hiya. Maliban kay mami na nagpapaligo sa akin noong bata ako ay wala nang nakakita ng katawan ko. Umiling ako at inalis ang mga tumatakbong kung anu-ano sa isip ko.
Tumayo ako at pinagpagan ang sarili saka inilibot ang paningin. Hinanap ko ang bag ko pero wala. Sa halip ay nakapa ko ang maliit na kulay puting bag na may gintong tali na siyang nakakabit sa belt ko. Kinuha ko iyon at agad na binuksan.
Unang lumapag sa kamay ko ang baryang kulay ginto na may kulay pulang parte sa gitna. Wala pa akong nakitang ganitong pera. 'Ano 'to? Pekeng sampung piso?'
May kulay gintong sulat doon sa kulay pulang parte pero hindi ko naman mabasa. 'Anong lenggwahe ba 'to? May ganito ba?'
Muli kong tinaktak ang bag at sunod na nalaglag ang gintong kwintas na may kulay green at kumikinang na bato bilang pendant. Emerald iyon.
"Wow," namamanghang saad ko. Ang ganda niyon. Nakangiti kong isinuot iyon. Ipinaloob ko iyon sa damit ko. Baka mamaya kasi ay may holdaper dito. Ito na nga lang ang magandang bagay na mayroon ako, kukunin pa nila. "Huh? Wala na?" takang tanong ko. Wala man lang pera. Iyong wallet ko ay nasa bag at wala na rito ang bag ko!
Naluluha kong sinilip ang bag dahil kumakalam na ang sikmura ko. Grabe naman iyong tinulungan ko. Hindi na nga ako iniwanan ng pagkain o pera kinuha pa ang mga gamit ko! May iniwan nga sa akin, pekeng barya naman.
'Wala kang utang na loob. Ang sama mo. Huhu.'
Pinahid ko ang luha ko saka kinuha ang papel na nakita ko sa maliit na bag. Iyon na ang huling laman niyon. Tumaas ang kilay ko bago nangunot ang noo ko. Ilang ulit kong binali-baligtad ang papel.
"Ano ba 'to?" tukoy ko sa nakasulat. Hindi ko mabasa at hindi rin naman siya mukhang code at kung code man ito, nagkamali ang nagbigay sa akin dahil wala akong utak para rito.
Nanlulumo akong nagbuga ng hangin. Ibinalik ko ang barya at papel sa lagayan saka muling isinabit sa belt ko.
Inilibot ko ang paningin sa kinatatayuan ko. Madilim rito at ang tanging nagbibigay liwanag lang ay ang dulo ng eskinita. Iyon lang din ang nakikita kong labasan dito.
Nag-amuy-amoy ako na parang aso. Mukha lang marumi at nakadidiri rito pero wala namang laman na kahit ano maliban sa akin. Wala ring masangsang na amoy.
Naiharang kong muli ang braso ko sa tapat ng aking mga mata nang muling masilaw paglabas ko. Nag-a-adjust pa kasi ang mata ko sa liwanag dahil galing ako sa dilim. Unti-unti kong idinilat ang mga mata ko saka iginala sa paligid.
Maraming tindahan. May mga prutas na pamilyar sa mata ko ngunit iba ang kulay. May mga nag-iihaw at nagluluto ng kakaibang mga pagkain. At higit sa lahat maraming nilalang na masayang namimili at naglilibot. Hindi ko masabing tao sila dahil kakaiba ang hitsura nila pati na ang mga kasuotan. Ang sasakyan nila ay hila-hila ng kabayong kulay puti na may nag-iisang sungay sa noo. Para siyang unicorn na nababasa ko sa fairytales, pero hindi rin, dahil wala itong pakpak. Sa taas naman ay may mga lumilipad na malalaki, matataba, at mababalahibong ibon.
Namamangha man ay napag-isip-isip ko na hindi na ito ang mundo ko... kung ganoon, nasaan ako? At paano ako napadpad dito?
Tinakpan ko ang bibig ko upang pigilan ang sarili sa pagsigaw. Marami akong nakikitang kakaiba. Hindi ako makapaniwala.
"Bibili ka ba?"
Napaatras ako dahil sa gulat nang may magsalita sa gilid ko. Nabangga ako sa pader kaya nilingon ko iyon. Sigurado akong dito ako galing kanina, nasaan na 'yung daan papasok sa eskinita?
"Tinatanong ko kung bibili ka."
Ibinaling ko ang paningin ko sa kumakausap sa akin at agad na nanlaki ang mata nang makitang kulay asul ang buong katawan ng lalaki. Kulay itim ang buhok at ang mata niya. At ang kulay ng suot ay naglalaro lang din sa itim at puti na tela.
"Wala yata sa katinuan ang isang ito," bulong niya sa sarili niya saka bumalik sa pwesto niya. Nagtitinda siya ng inihaw na karne.
'Sino pong hindi mawawala sa katinuan sa ganitong pangyayari?!'
Napahawak ako sa tiyan ko at tumingin doon nang kumalam iyon. Pag-angat kong muli ng paningin ko ay bumuga ng apoy ang kulay asul na lalaki na siyang ipinangluluto niya sa mga karne. Nanlaki ang mata ko saka dahan-dahang lumayas.
'Wahhh! Anong lugar ba 'to?!'
Hindi kinakaya ng utak kong iproseso ang mga nakikita. Mayroon kasing lumulutang na ulap na may sakay na maliliit na nilalang. Mayroon ding mga parang tao ngunit iba ang kulay ng buhok at mata nila. May green, blue, white, red, at kung anu-ano pa.
May mga batang naglalaro at ginagamit na pambaril ang mga kamay nila. May lumalabas namang tubig, bato, o kaya apoy mula roon. Muntik pa nga ako matamaan kanina mabuti at mabilis akong nakaiwas.
Nasanay kasi akong iwasan ang mga bola ng badminton, volleyball, at basketball. Noong bata kasi ako ay lagi akong natatamaan ng ganoon, kaya habang lumalaki ako ay naa-adapt ko na ang pag-iwas. Tuloy ay ang baba ng grades ko sa Physical Education. Hehe.
Lumulubog na ang araw. Kalahating araw na lang akong naglalakad-lakad at nanghihina na ako sa sobrang gutom, uhaw, at pagod. Napahinto ako nang may maamoy na nakagugutom.
Nilingon ko ang gawa sa batong tindahan kung saan nagmumula ang amoy. Sumilip ako. Marami pa ring kakaibang nilalang ngunit hindi na ako masyadong natatakot sa kanila. Nasasanay na yata ako pero hindi pa rin gaanong tinatanggap ng utak ko ang existence nila.
"May nais ka bang kainin, binibini?" tanong sa akin ng babaeng may edad na. Base sa suot niya ay nagtatrabaho siya rito.
"May bayad po ba?" tanong ko na siyang ikinatawa niya. Lutang na yata talaga ako dahil sa gutom, at pagod. Sinong baliw ang mag-aalok ng paninda nang walang kapalit na bayad?
"Wala sa hitsura mo na wala kang pambayad, binibini."
Kinapa ko ang maliit na bag sa belt ko saka kinuha ang pekeng barya. Nagdadalawang-isip pa ako kung iaabot o ipakikita ko iyon, dahil baka bigla niya akong ipahuli sa pulis.
Naiiling niyang hinawakan ang kamay ko at ibinuka iyon. Nakita ko ang pagbabago ng ekspresyon niya. Mula sa magandang pagkakangiti ay nalaglag ang panga niya habang nakatingin sa hawak ko.
Nangilid ang luha ko dahil sa reaksyon niya. Mukhang tama ang hinala kong ipapupulis niya ako. Pero okay rin siguro iyon para libre sa pagkain at tulugan. Huhu. Kaysa mamatay ako rito sa kalye.
"Ang laki ng hawak mong kaco," hindi makapaniwalang bulong niya. Isinara niya ang palad ko saka luminga-linga sa paligid.
'Kaco? Kaco ba ang tawag sa baryang 'to?' Nanlaki ang mata ko nang ma-realize na mukha mang peke iyon ay may halaga iyon sa mundong ito. 'Makakakain na ako!'
Dumikit sa akin ang babae at bumulong. "Wala kaming panukli sa hawak mong kaco. Mabuti pa ay dumiretso ka sa lugar na iyon."
Itinuro niya ang malaking gusali na kulay ginto at umiilaw sa hindi kalayuan. May nakasulat sa taas niyon ngunit tulad ng nasa papel at barya kanina ay hindi ko iyon mabasa.
"Iyon ang Ingat Yaman. Maaari kang magpapalit doon." Humarap siya sa akin at hinawakan ang magkabilang braso ko. "Ingatan mo iyan, huwag mong ipakita hangga't hindi ka nakapapasok sa Ingat Yaman. Malaking halaga ang hawak mo kung hindi mo nalalaman."
"Gaano po kalaki?" namamangha at nagugulat na tanong ko.
Muli siyang tumingin sa paligid at sinenyasan akong ilapit ang tainga ko.
"Isang milyong bronze kaco."
Napasinghap ako at napahawak sa bibig ko. Isang milyon?! Ang laki nga. Binabawi ko na ang mga sinabi ko sa lalaking tinulungan ko. Sobrang bait at galante niya pala!

Comentário do Livro (156)

  • avatar
    Skyesha

    I really like how you managed to describe each scenes creatively. Sobrang naaliw ako sa paraan mo ng pagkukwento. 😊 Bilang nagsusulat din ako, hanga ako sa galing at likot ng imaginations mo. Nagustuhan ko rin ang mga twists na ginawa mo sa kwento at sobrang natuwa ako sa flow. Para akong baliw na tumatawa, naeexcite, at nadadala sa mga eksenang binabasa ko. Reading this story of yours made me want to read more of this kind of story and I'm glad may sequel ka. Congratulations! More stories pa.ü

    20/04/2022

      1
  • avatar
    CamahalanJulie Anne

    thx

    15d

      0
  • avatar
    Jasmine Recafrente

    hello

    25d

      0
  • Ver Todos

Capítulos Relacionados

Capítulos Mais Recentes