logo text
Adicionar à Biblioteca
logo
logo-text

Baixe este livro dentro do aplicativo

Lost in Kawimzo

Lost in Kawimzo

exsecutetary


Simula

Napaluhod ako saka napaupo sa lupa dahilan para tumunog ang mga tuyong dahon at sanga na nadaganan ko. Nahilot ko ang sintido ko nang maramdamang kumikirot iyon. Ilang araw na ba akong paikut-ikot sa gubat na 'to?
Ang ilaw lamang mula sa flashlight na dala ko ang nagsisilbing liwanag ko dahil tila hindi na sinisikatan ng araw ang parteng ito. Lowbat na rin ang phone ko kaya hindi ko alam kung anong oras o petsa na. Ubos na rin ang mga pagkain at inumin na baon ko.
"Huwag kayong hihiwalay! Malawak ang gubat na ito. Kapag naligaw kayo ay baka hindi na kayo makabalik, unless kabisado niyo—katulad ko, ang lugar na ito."
Nagpaulit-ulit ang sinabing iyon ng adviser namin sa utak ko. Gusto ko lang naman sanang maglibot dahil ang boring ng camping na gusto nila. Magtatayo lang ng tent, magluluto ng pagkain, at sa iisang lugar lang kami magi-stay. Magkukwentuhan hanggang sa makatulog, at kung anu-ano pa pero hindi namin iikutin ang gubat. Ano pang silbi nito, hindi ba?
Gusto ng thrill, pero hindi ganitong thrill na naligaw ako. Hindi ko nga alam kung makakabalik pa ako. Ang alam ko ay bumalik na ako ngunit pare-parehong matatayog na punong kahoy lamang ang nakikita ko. Wala si ma'am, ang mga classmates ko, at kahit iyong ilaw lang sa camping site namin ay hindi ko na matanaw.
"Hindi kaya pinaglalaruan ako ng mga engkanto?" bulong ko sa sarili ko.
Inilibot ko ang paningin ko, madilim, wala akong makita. Bukod sa huni ng kuliglig, at kwago ay wala na akong ibang marinig. Pinatay ko ang flashlight ko saka ko hinubad at binaligtad ang suot kong pink na tshirt.
"Ayan, ngayon mo 'ko yabangang engkanto ka. Baligtad na ang damit ko, 'di mo na 'ko maliligaw. Akala mo ha," mayabang na bulong ko sa sarili ko saka inayos ang mga hairclip sa buhok ko. Hinawi ko nang malakas ang buhok ko papunta sa likod habang may mayabang na ngisi sa labi. Binitbit ko ang flashlight pati na rin ang bag ko saka muling tumayo.
Nanlaki ang mata ko nang marinig ang pagtunog ng mga dahon at sanga na para bang may tumatakbo palapit dito. Napasigaw ako sa takot, naihagis ang flashlight, saka nagtatakbo palayo.
"Aww," daing ko nang madapa ako at mauntog sa matigas na bagay, kung bato iyon o nakalabas na ugat ng puno ay hindi ko alam. Napahawak ako sa noo ko may naramdaman akong mainit-init na likido. Dugo?
Nalabanan ko ang pagbigat ng talukap ko saka pilit na tumayo. Nanlalabo ang paningin ko nang harangan ko ang mga mata ko dahil sa nakasisilaw na liwanag sa hindi kalayuan. Tinakbo ko iyon sa pag-asang iyon na ang camping site namin.
Hinawi ko ang baging na nakaharang at bumungad sa akin ang kulay asul na ilaw ng mga alitaptap. Marami sila. May mga lumilipad, at mayroon ding nasa mga puno para tuloy silang umiilaw na dahon niyon. Kumukuti-kutitap sila na parang mga christmas lights. Sila ang nagbibigay ng liwanag sa madilim pa ring parte na ito ng gubat.
"Huh? May kulay blue palang alitaptap?" namamanghang pagkausap ko sa sarili ko habang nakangiting pinagmamasdan sila. "Sayang, lowbat na ako hindi ko mapi-picture-an. Magugustuhan 'to ni Lynn." Mahilig kasi sa kulay blue iyong kaibigan ko na 'yon. Ayaw kasi sumama sa 'kin e, hindi niya tuloy 'to nakita.
Naglakad ako sa gitna ng hile-hilerang puno habang pinagmamasdan pa rin ang mga alitaptap. May mga lumilipad pa nga sa harap ng mukha ko na para bang nakikipaglaro sila sa akin. Sumunod ako sa kanila hanggang sa may marinig akong tunog ng bakal na nagbabanggaan. Biglang nawala ang mga alitaptap kaya wala na naman akong ibang nakita kung hindi kadiliman.
'Ano 'yon?' Luminga-linga ako at nakinig nang mabuti para alamin ang direksyon. Dahan-dahan ang naging paglakad ko hanggang sa lumakas nang lumakas ang tunog na iyon. Tahimik akong umupo at nanatiling nakikinig. Ilang ulit akong pumikit, muling dumilat, at isiningkit ang mga mata—nagbabakasakaling may maaaninag ako ngunit wala talaga.
Itinagilid ko ang mukha ko para ilapit ang tainga sa direksyon ng pinanggagalingan ng ingay. Maya-maya lang ay biglang tumahimik. Parang humangin sa kabilang direksyon kung nasaan ako, dahil tumunog ang mga halaman doon.
"Ina," nanghihinang sambit ng isang lalaki. Umubo siya at parang may isinuka.
Napasinghap ako at napahawak sa bibig ko. Na-imagine ko kasi na sumuka siya, parang umikot tuloy ang sikmura ko.
"Sino ka?" pilit niyang binuo at pinatapang ang boses niya.
'Hindi ako sinuka, iniri ako!' pambabara ko sa isip ko. 'Ay, cesarean nga pala si mami nung pinanganak ako. Hehe.'
Napatingin ako sa gilid ko nang bumalik ang mga alitaptap at inilawan ang paligid ko. Nakahinga ako nang maluwag. Ang hirap pala kapag wala kang makita, pakiramdam ko pati ang ibang senses ko ay hindi na rin gagana.
"Ah!" napatili ako at napaupo.
Nanlalaki ang mata kong tinitigan ang matulis at may bahid ng dugo na dulo ng espada na nakatutok ngayon sa leeg ko. Isang maling galaw ko lang ay hindi siya mag-aalinlangang itarak iyon sa akin.
Napalunok ako. Naramdaman ko ang panlalamig ng buong katawan ko kasabay ng pagkabog ng dibdib nang mapagtanto ang mapanganib na sitwasyong kinalalagyan ko.
"Mami," hagulgol ko na parang bata. Sa loob ng mahabang panahon ay ngayon na lamang ulit ako umiyak. Ang huli ay noong nagpaalam ako kay mami na mag-camping at hindi siya pumayag. Hehe. Tumakas tuloy ako.
Mariin akong napapikit saka ibinigay ang huling salita ko. "Mahal na mahal kita mami, sorry kung napakapasaway kong bata. Kung hindi ako humiwalay sa mga classmates ko ay baka mabuhay pa ako ngayon... pero hindi! Dito na matatapos ang labing walong taon ng buhay ko."
"Mami? Sorry? Classmates?" naguguluhan at sunud-sunod niyang tanong.
Tumigil ako sa pag-iyak at dahan-dahang idinilat ang mga mata ko. Ibinaba niya na ang espadang nakatutok sa leeg ko. Doon lamang ako nagkalakas ng loob na tingnan kung sino siya, ngunit bago pa man ako makarating sa mukha niya ay dumaan muna iyon sa tiyan niya na may nakatarak na punyal.
"Ahh!" tili ko saka tinakpan ang magkabilang tainga ko.
Halos maging pula dahil sa dugo ang kakaibang suot niyang kulay puti na may highlights na ginto. Mahaba ang manggas niyon. Nakabutones sa gawing kaliwa niya ang damit niya na tumatakip sa kalahati niyang katawan. Ngunit ang likod ng damit niya ay aabot sa paa ngunit hindi sumasayad sa lupa. Nakapants din siya na at sapatos na kulay puti na may ginto.
Kitang-kita ang dugong umaagos sa kasuotan niya pati na rin sa kamay niyang nakaalalay sa parte kung saan nakatarak ang punyal.
Napaluhod siya at umubo kasabay ng pagdura ng dugo. Itinarak niya ang espada sa lupang nasa gilid niya at ginawang pang-alalay sa katawan niya upang hindi tuluyang matumba.
"Jusko!" wala sa sariling gumapang ako palapit sa kaniya at doon na siya tuluyang napasandal sa balikat ko.
"Hindi ka tiga-rito," maya-maya'y saad niya matapos ko siyang ihiga sa hita ko. Namumungay ang kulay asul niyang mata na para bang kapag ipinikit niya iyon ay mamamatay na siya.
"H-hindi talaga, naligaw lang ako 'no," kabado at tarantang sagot ko. "Huwag ka pipikit ha?" Hinaplos ko ang kulay pink at malambot niyang buhok. "Huwag kang mamamatay sa hita ko, papatayin kita!"
Nanghihina siyang tumawa at muling umagos ang dugo sa gilid ng labi niya. Pinahid ko iyon gamit ang panyo ko. Hindi ko alam ang gagawin dahil ngayon lamang ako naka-encounter ng ganito. Wala rin akong alam sa medisina o kahit first-aid man lang!
"Maaari mo bang alisin ito?" Hinawakan niya ang punyal na nasa tiyan niya.
"Naku! Sa tingin ko hindi maganda 'yon. Wala akong alam sa panggagamot pero alam kong hindi ko dapat tanggalin 'yan basta-basta," mabilis at kabadong paliwanag ko.
Gusto na ba niyang mamatay talaga? Ako gusto ko na mahimatay dahil sa nangyayari! Ang dami nang dugong nawala at nawawala sa kaniya.
"May lason ang punyal na ito at kapag tumagal pa sa katawan ko ay mas mabilis akong babawian ng buhay," hirap na hirap na paliwanag niya. Muli siyang umubo ng dugo.
Nanlaki ang mata ko sa sinabi niyang iyon saka dali-daling hinawakan at hinatak iyon. Dahil sa panginginig ng kamay at kaba ko ay mali ang hawak ko kaya nahiwa ako. Pabato kong itinapon iyon sa malayo.
"Sabi mo ay may lason 'to, mamamatay na rin yata ako," naiiyak na sambit ko.
"Bakit?"
"Nahiwa ako." Hinawakan ko ang palad ko at sinalo sa kabilang kamay ang dugo. Laking gulat ko nang mabuo iyon, at parang naging capsul na gamot! "Ano 'to?!" gulat na sambit ko habang sinusuri ang capsul.
"T-totoo yata ang mga kwento tungkol sa mga tao. May kakayahang maging panlunas ang mga dugo ninyo."
"Tungkol sa mga tao?! Anong ibig mong sabihin?!" Ibinaba ko ang paningin ko sa kaniya. Nanghihina niya akong tiningnan at nginitian.
Oo nga, kahit mukha siyang tao dahil sa hulma niya ay tiyak na kakaiba ang magkaroon ng kulay pink na buhok, pilik-mata, kilay, at asul na mga mata para sa mga normal na tao.
'Sandali, sinabi niya bang panlunas, ibig sabihin ay gamot?'
"Sinabi mong panlunas, hindi ba? K-kung ganoon, magagamot ka nito?" Palipat-lipat ang tingin ko sa kaniya at sa capsul na hawak ko.
"Hindi ako sigurado, dahil... sabi-sabi lamang ang mga iyon. Hindi pa napatutunayan."
"Pero, malay mo? Sige na." Inilapit ko iyon sa bibig niya. "Walang masama kung susubukan, kaysa hayaan kitang mamatay nang wala akong ginagawa."
Tinanggap niya iyon. Nakita ko ang paglunok niya. Sa huling pagkakataon ay tiningnan niya ako at nginitian, bago tuluyang ipinikit ang mga mata.
"Hala, anong nangyari?" Mahina ko siyang inalog ngunit hindi na siya kumikilos o humihinga. Wala na rin siyang pulso. Nahuli ba ako, o hindi totoo ang sinabi niya? Mabilis na nanlabo ang paningin ko saka umiyak. Patay na siya. "Huwag kang mamatay, sabi ko ay huwag sa hita ko." Tuluy-tuloy ang pag-agos ng luha ko. Hinawakan ko ang tiyan niyang may sugat gamit ang kamay kong nahiwa kanina, at tinakpan iyon para pigilan ang dugong patuloy pa ring lumalabas.
Napahinto ako sa pag-iyak nang makita ang pagliliwanag ng tiyan niya. Naitakip ko ang braso sa mga mata ko. Nakasisilaw. Unti-unting humina at lumiit ang ilaw hanggang sa nawala iyon.
Nanlaki ang mga mata ko nang malamang naghilom na ang sugat niya. Tanging punit sa damit, at tagas na dugo na lamang ang natira. Muli kong pinakiramdaman ang pulso niya. Nagliwanag ang mukha ko dahil sa hindi maipaliwanag na saya. Maging ang mga alitaptap ay tila nagdiriwang sa pamamagitan ng pagsasayaw nila sa hangin.
'Buhay siya!'

Comentário do Livro (156)

  • avatar
    Skyesha

    I really like how you managed to describe each scenes creatively. Sobrang naaliw ako sa paraan mo ng pagkukwento. 😊 Bilang nagsusulat din ako, hanga ako sa galing at likot ng imaginations mo. Nagustuhan ko rin ang mga twists na ginawa mo sa kwento at sobrang natuwa ako sa flow. Para akong baliw na tumatawa, naeexcite, at nadadala sa mga eksenang binabasa ko. Reading this story of yours made me want to read more of this kind of story and I'm glad may sequel ka. Congratulations! More stories pa.ü

    20/04/2022

      1
  • avatar
    CamahalanJulie Anne

    thx

    15d

      0
  • avatar
    Jasmine Recafrente

    hello

    25d

      0
  • Ver Todos

Capítulos Relacionados

Capítulos Mais Recentes