Página Inicial/A Touch From Heaven: Taking Back Mr. Acolyte/
Chapter Seven
"Oh anong nangyari sa'yo? Bakit hindi maguhit iyang mukha mo? May nangyari ba sa inyo? Nagbalikan ba kayo?" Sunud-sunod na tanong ni Mark na nakahiga sa higaan ng kwarto ko. Mas lalo tuloy akong nainis dahil sa mga tanong niya. "Una, walang nangyari sa'kin kita mo namang buhay pa ako. Pangalawa, hindi ko naman sinabing guhitin mo mukha ko. Pangatlo, walang kami kaya paano kami magbabalikan? Pang-apat umalis ka d'yan!" sabi ko at walang sabi-sabing sinipa siya ng malakas sa bandang puwetan na dahilan ng pagakahulog niya sa hindi naman kaatasang kama. Humiga ako at malalim na napabuntong-hininga. Iyong tipong parang mararamdaman ko na ang butas ng puso ko. Pakshet! Bakit ba kasi ako umiyak? Baka isipin tuloy ng gagong 'yon na may nararamdaman pa ako sa kanya. "Kahit hindi mo sabihin sa akin ay alam kong may nakaraan kayo." "Highschool classmates kami at 'yon ang nakaraan namin. Chismoso ka talaga! Umalis ka nga dito. Mas lalo akong naiinis kapag nakita ko ang pagmumukha mo!" bahagya ko ulit siyang sinipa pero lumayo naman siya. "Aalis kami mamaya ni Marilyn. Sama ka?" Tinutukoy niya ang girlfriend niya. "Para ano? Gawing third wheel n'yo? Isasakay n'yo ako sa motor ninyo samantalang nakayakap siya sa malaki mong tiyan? Habang para naman akong saranggolang nakasakay sa likod nyo?" Tumawa siya sa sinabi ko. Totoo naman kasi. Parang wala silang kasama at naglandian pa sa motor habang sakay ako sa likuran. Nagmumukha lang tuloy akong pangatlong gulong ng motorsiklo nila. Oh di ba? Anong feeling no'n? "Sasama naman si Tangkag at si Anthony." Tukoy niya sa mga pinsan kong lalaki. "May girlfriend si Anthony at alam kong sasama din ang girlfriend niya. Tapos kapag sasama naman si 'Tangkag' ay sigurado akong baka pagkamalan na naman kami ng mga tao na mag-nobya. Eww! nasusuka ako! Ayoko nga! Kayo na lang." Minsan na akong sumama sa kanila. Kasama noon si Marilyn, si Hanna na girlfriend din ng pinsan kong si Anthony at ang pinsan ko ding si Christian. Napagkamalan kaming mag-jowa kaya ayoko na. Okay pa sana kung mapagkamalan akong girlfriend ng pinsan kong si Anthony dahil kahit tinatawag 'yong dugong ni Ate Julie ay may itsura pa din naman. Kaya pwede pang ipasyal sa parke at sa boulevard. "Kakain kami ng balot–" Tumayo agad ako. "Eto naman! Binibiro lang kita." Sabi ko na ikinatawa niya. "So ano bang nangyari at umiiyak kang tumatakbo palabas ng chapel?" Umupo ako sa kama at tiningnan siya ng masama. "Anong akala mo sa'kin uto-uto? Sinabi mong magbabalot tayo mamaya para mag-chika ako sa'yo. Chismoso ka talaga. Wala kang pinagkaiba sa mga kapitbahay natin." Kanina kasi habang naglalakad kami ni Christian patungong chapel ay kanya-kanya namang labas ang mga kapitbahay namin na daig pa ang mga telescope at CCTV habang nakatingin sa amin. Kaya hindi na ako nagtataka kung bakit alam ni Mark na umiiyak ako palabas ng chapel dahil nang lumabas ako ay nakaabang naman ang mga kapit-bahay sa de-kawayan na upuan. Ganito sa lugar namin. Ang lalakas ng mga signal ng pagka-chismosa nila. Ang daming mga Marites at mga Marisol. "Hindi naman. Totoo naman kasing aalis tayo mamaya. Sasama din naman si Julie kaya hindi ka ma-o-op." "Talaga?" Na-excite ako. Close din naman kasi kami ni Ate Julie pero hindi nga lang kami palaging magkasama dahil tulad namin ni Precious ay late na din siya gumigising. Iyong tipong oras ng hapuan na siya gigising at buong gabi naman siyang gising. Ayaw kasi niyang makisama sa mga taong chismosa kaya binago niya ang oras ng tulog niya. Wala naman siyang problema sa pera dahil may boyfriend naman siyang kano na nagpapadala sa kanya ng buwan-buwan. Ang swerte lang. "Oo. Isa iyong malaking milagro kaya sumama ka. Wala kang ibang dadalhin kundi–" "Ang sarili ko! Yieh!" Putol ko sa kanya. "Hindi! Wala kang ibang dadalhin kundi sarili mong pera! Palagi ka na lang umasa ng libre! D'yan ka na nga! Basta alas-singko aalis na tayo!" sabi niya saka lumabas ng kwarto ko. Ang shaklap! ----------- "Napahiya ka daw sa simbahan." Nagsimula na naman akong mainis sa sinabing 'yon ni Ate Julie. "Saan mo naman nalaman?" "Nakalimutan mo bang nasa bahay ako ni Tita Sabet tumutuloy at rinig na rinig ko ang mga taong nagbubulungan sa ilalim?" Oo nga pala! Nasa bahay siya ng Tita namin na kapatid din ng ama ko na nasa Canada na ngayon natutulog. Kahit na may sarili naman silang bahay na katabi lang din ng bahay ni Tita Sabet. "Okay lang 'yan! Atleast di ba? Masaya!" Itinaas niya ang kanang kamay niya sa ere. Tumawa ako at nakipag-high five sa kanya. Ito ang gusto ko sa kanya. Nakaka-good vibes. "Oh ayan na ang tangkag ng Purok Hayahay!" Sigaw ni Ate Julie sa paparating na si Christian. Tangkag ang tawag namin sa kanya dahil iyon ang palayaw niya mula pagkabata dahil sa malalaki niyang mga tainga na gaya ng tarsier. At saka nagmumukha naman talaga siyang tarsier. Hinihila nito ang motor nito na kulay asul. Masyado kasing maingay ang motor niya na galing pa sa Rusi. Sa tuwing dumadaan siya sa amin tuwing gabi ay palagi siyang sinisigawan ng mga kapitbahay namin dahil daig pa ang ingay ng traktora sa palayan. May isa pa ngang kapitbahay namin na binato siya ng plastik na pinggan nang dumaan siya alas diyes ng gabi kaya simula no'n hinihila na lang niya ang motor niya at sa unahan na lang pinapaandar. "Tumahimik ka! Negra!" Ganti niya. Natawa kami. "Mag-aral ka! Paano nagiging negra ang mga pilipino kung pilipino ang lahi at nasa pilipinas nakatira! Ihatid kita sa bohol!" Tumawa kami pati si Marilyn na kakarating lang kasama si Kuya Mark. Galing pa ito sa trabaho nito na palaging sinusundo ni Mark. "Nasaan si Anthony?" Tanong ni Marilyn kay Hanna na kakalabas lang galing bahay nila ni Tito Boboy. Maliit siyang babae pero maganda. "Ayun! Tumatae na naman!" Sagot ni Hanna. Natawa kami dahil karaniwan na kay Anthony na tatae muna bago umaalis ng bahay. "Oh ayan na! Aba, Tonyo! May balak ka atang kumain ng marami ah!" Asar ni Tangkag sa kanya. Lahat kami may mga magagandang palayaw. Ako naman ay payatot ang palayaw nila. Minsan pa nga tinatawag nila akong intsik-wakang. Ibig sabihin intsik kasi may lahing intsik ang ama ko at maputi rin ako kaya tinatawag din nila akong kana minsan. Ibig sabihin babaeng kano. Ganu'n! Ganyan ka liit ang utak ng mga pamilya namin. Pero masaya! "Tayo na?" Akay ko sa kanila pero tiningnan lang nila ako. "Anong tayo na? Saan ka sasakay? Si Negra ang sasakay sa akin." Tanong ni Christian. Inirapan ko siya. "Tumahimik ka! Hindi ko pinapangarap na sumakay diyan sa motor mong nagmumukhang tambutso. Feeling ka naman! Gumagaya ka ng motor ng Raider125 pero ni gulong wala namang pinagpareha!" Sabi ko at lumapit sa kulay pulang Honda wave 100 na motor ni Kuya Mark. Pero hindi umusod si Marilyn at sa halip ay inuupuan ang lahat ng space sa likod. "Eyy! Eh di 'wag!" Sabi ko at lumapit sa bagong kulay yellow green na Rusi ni Ate Julie pero si Anthony ang nagdala dahil wala namang lisensya si Ate Julie at minsan lang siya gumagamit ng motor. Tumaas ang kilay ko. Kagaya ni Marilyn ay ganun din ang ginawa ni Hanna. "Sasabunutan kita pa'g di ka umusod." Bulong ko sa kanya dahil mahirap na kapag marinig ni Ate Julie. To the rescue pa naman agad siya sa sister-in-law niya. "Bakit ka ba sa amin sasakay gayung maganda naman ang motor na sasakyan mo." Sabi ni Hanna sabay nguso sa lalaking nakasakay sa motor na kulay asul na bagong Raider palapit sa amin na nakasuot ng puting long sleeve. Lumaki ang mga mata ko. Neckband pa lang niya parang tatakbo na ang mga paa ko pero pinipigilan naman ako ng katawan ko. Tiningnan ko si Kuya Mark ng masama. "Niloloko mo ba ako?!" Sigaw ko sa kanya. Tumawa lang si Kuya Mark. "Eh gusto niyang sumama. Magkakilala naman pala sila ni Julie at Anthony kaya sinama ko na." Sagot niya. Lumaki ang mga mata ko nang maalala kong nag-aaral din pala si Anthony sa paaralan namin dati. First year high school siya no'ng fourth year kami at si Ate Julie naman ay fourth year noon noong magsimula kami ni Christian. Tiningnan ko si Ate Julie. "Sa kanya ka sumakay dear hindi naman siya nangangagat. Nangdadasal lang." Sabi ni Ate Julie saka sumakay sa motor ni Tangkag habang pilyong ngumingiti. "Are you okay?" Napapikit ako ng mariin habang tumingala sa langit. Lintek na are you okay 'yan! "Huy! Sumakay ka na! Oa mo uy! Hindi ka naman maganda!" Sigaw ni Christian sa akin. "Nagsalita ang feeling gwapo nagmumukha namang kuko." Tumawa ang lahat sa sinabi ko. "Ouch!" Asar ni Hanna. "Tagos hanggang buto Tangkag!" Segunda naman ni Anthony. "Ha. Ha. Ha. Ha. Nakakatawa! Tara na! Iwanan natin 'yan kung ayaw niyang sumama!" Pinaandar na ni Tangkag ang motor niya kaya nataranta naman ako. Siyempre ayokong maiwan. Ikinuyom ko ang mga kamao ko at huminga ng malalim. Para sa pinakamamahal kong masarap na balot. Naglakad ako patungo sa motor ni Christian at umangkas sa bandang hulihan. Muntikan pa kaming matumba dahil sa biglaan kong pagsakay. "Sigurado ka bang hindi tayo sa hospital didiretso?" Tanong ko sa kanya habang nakalingon siya sa akin. "Siguro. Kung uupo ka ng nakaganyan." Lihim ko siyang inirapan at umusod ng kaunti. Nakasakay na ako sa kanya dati. Marunong naman siya magmaneho ng motor. At ni minsan ay hindi naman kami lumangoy sa lupa. Nagsimula na namang naglabasan ang mga kapitbahay namin nang sabay-sabay na pinaandar nila ang kani-kanilang mga motor. Number one na naman akong topic mamaya. "Kumapit ka." Sabi niya nang sunud-sunod silang umalis. "Ayoko nga– ama!" Sigaw ko at mabalis na napakapit sa baywang niya. Hinampas ko siya sa likod nang tumawa siya saka kami sumunod nina Hanna at Anthony. Lahat ng mga tao na nakatira sa iskwater na nadadaanan namin ay napapatingin sa amin. Masyado kasi talagang maingay ang mga tunog ng mga motorsiklo lalo na't apat na motor ang magkakasunod. Bahagya akong yumuko nang sa akin lahat nakatingin ang mga tao. "This is embarassing." Bulong ko. "Don't mind them. God will bless them." Napapikit ulit ako at napatingala sa langit. "Iyong mga tao pang mga chismoso't chismosa at masyadong makasalanan sa mundo pa talaga ang pagpalain ng Diyos! Nasa'n ang hustisya no'n?" Hindi niya ako sinagot at inayos ang pagkakakapit ng kamay ko. "Kumapit ka ng maayos. Baka mahulog ka." Sabi niya dahil sa mga mababato, butas-butas at maputik na daan sa eskwater. Kinurot ko siya sa tagiliran dahil maraming tao ang nakatingin sa amin. Sakristan daw pero lumalandi sa akin. "Masakit ba ang likod mo?" Tanong niya maya-maya nang nasa sementong daan na kami malapit sa paaralang pang-elementarya ng barangay namin kung saan madadaanan namin ang bahay ng Gobernador sa probinsya namin. "Hindi." Mabilis na sagot ko. "Nangangamoy salonpas ka kasi." Bahagya ko pang sinimot ang sarili ko dahil akala ko hindi siya maamoy dahil halos niligo ko na ang isang buong bench na pabango ko. Ninakaw ko pa ang salonpas sa bahay ng lola ko. Marami kasi siya nito. Ayoko namang maglagay ng efficascent na bigay ni Tita Myrna sa akin dahil baka mas lalo akong mangamoy. Mahangin pa naman sa boulevard kung saan ang balutan kaya maaamoy ako ng mga tao. Hindi na ako nagpaalam pa kay Lola dahil alam ko namang hindi magbibigay 'yon. Nag-iba na kasi ugali niya nang tumanda siya. May sarili na siyang motto na 'Kung wala kang maibigay sa aking pera ay who-you-kita'. "Gusto mo bang magpa-massage?" Matagal ako bago sumagot. Pansin ko lang na parang walang nagbago sa kanya lalo na sa pakikipag-usap niya sa akin. Iyong tipong parang nang-aasar lang siya sa akin tulad ng dati. Pakiramdam ko tuloy parang kami pa rin. Ngumisi ako nang may maisip ako. "Bakit? Ima-massage mo ako?" Pilyang tanong ko. "Nakalimutan mo bang sakristan ako? " Walakumpakels! "Paano ko makakalimutan 'yon kung sakristan ka na dati pa? At isa pa ano bang iniisip mo? Magpapa-massage lang may iba ka ng iniisip." Ramdam kong huminga siya ng malalim at bahagyang hininaan ang andar ng motorsiklo nang nasa bandang highway na kami. "Sinabi ko na sakristan ako at papasok na ako ng seminaryo." Seminaryo. Bakit parang masakit sa akin kapag naririnig ko ang salitang 'yan? Pakiramdam ko kasi ay aalis na siya nang hindi ko na makikita pa. Parang mas masakit pa ang salitang 'yan kaysa sa salitang Switzerland. Iningusan ko siya. "Hindi ka pa naman nakapasok kaya pwede pa kitang bawiin." Nagulat ako nang huminto siya saglit sa crossing. Ramdam kong parang nanigas siya. Huminga siya ng malalim saka pinaandar ulit ang motorsiklo nang nasa malayo pa ang mga sasakyan. Nasa highway na kami nang magsalita siya. "Nababaliw ka na naman." Napapikit ako pagkasabi niya no'n. Naalala kong iyon lagi ang sasabihin niya dati kapag may nasabi akong hindi niya magugustuhan o di kaya ikaiinis niya. "Kung totohanin ko na lang kaya?" Napasubsob ako sa likuran niya nang bigla ulit siyang huminto. This time ay lumingon na siya sa akin at tiningnan ako sa mga mata. "Are you okay?"
Obrigado
Apoie o autor para lhe trazer histórias maravilhosas
Nice story
31/07/2024
0gandaa
18/07/2024
0good
15/07/2024
0Ver Todos