logo text
Adicionar à Biblioteca
logo
logo-text

Baixe este livro dentro do aplicativo

Chapter 4

“CARL, bakit hindi ka um-attend sa meeting ng mga senior citizens? They were waiting for you yesterday!”
Nagulat si Carl sa sinabi ni Garry. “Meeting? Hindi ako na-inform.”
“Will you please ask your secretary?”
Nasapo ni Carl ang noo. “I’ll call you later. Kakausapin ko lang si Veronica.”
Tinawag ni Carl si Veronica at agad naman siya nitong dinaluhan. “Sir, bakit po?”
“May imbitasyon ba galing sa mga senior citizens na nakalimutan mong iabot sa’kin?”
“May imbitasyon po pero hindi ko naman po nakalimutang ibigay sa inyo. Nasa table niyo po ‘nung isang araw pa. Nakalimutan ko lang sabihin na inilagay ko sa table niyo ‘nung nag-lunch kayo,” ani Veronica. Nakayuko ito at tila natatakot sa kanya.
“At nag-confirm ka sa kanila ng attendance ko?”
“Yes, Sir. Kasi bakante naman po ‘yung oras ng meeting. Nag-send po ako sa inyo ng message tungkol ‘dun bago ako umuwi.”
“Bakit hindi ko nabasa? Sigurado ka ba?”
“O-opo,” ani Veronica.
Nagbuntong-hininga si Carl at sinubukang pakalmahin ang sarili dahil naaawa siya sa itsura ni Veronica. Dinampot niya ang cellphone at hinanap ang text ni Veronica pero wala siyang makita.
“Sir, baka nasa spam messages. Minsan po kasi ganoon, eh,” anito, nakayuko pa rin.
At tama nga ang sinabi nito. Pakiramdam ni Carl ay kumirot ang sentido niya. Pagkakataon niya na iyon para mangampanya nang walang kahirap-hirap. Ang problema pa ay baka na-disappoint niya ang mga dumalo sa meeting. Mahirap pa namang mang-amo ng mga matatanda.
“Next time, ibigay mo sa’kin nang personal ang mga ganitong imbitasyon. At bago ka mag-confirm na pupunta ako, magsabi ka muna sa’kin.” Nais niyang magalit at singhalan si Veronica ngunit naaawa siya rito. Ang gisahin ito sa ikawalang araw sa trabaho ay hindi marahil makatao. Sana lang ay huwag nang maulit.
“Strike one, puwede pang palagpasin,” aniya sa sarili.
“Yes, Sir. Sorry po.”
Tumango lang siya. Tumalikod na rin si Veronica at nagmamadaling lumabas mula sa opisina niya. Hinanap niya ang imbitasyon sa mesa niya, natakpan iyon ng ibang dokumentong pinag-aaralan niya. Muli ay napabuntong-hininga na lang siya.
NAPANGITI si Savannah nang makabalik na siya sa desk. Naiayos na niya ang lahat nang nagdaang-araw bago pa siya umuwi dahil alam niyang matutuklasan na ni Carl ang tungkol sa meeting.
Siyempre pa ay puro kasinungalingan ang pinagsasabi niya. At ang spam message, kagagawan iyon ni Megan. Ngayon, kailangan na niyang planuhin ang step two. Nang gabi ring iyon ay pinuntahan niya si Megan.
“Dahil mahirap pang gawan ng butas ‘yang si Carl, unahin muna natin ang mga taong nakapaligid sa kanya,” ani Megan.
“Ano’ng ibig mong sabihin?” tanong niya saka sumubo ng pagkain.
“Nasa bansa ang tiyuhin niya. May history iyon ng pagiging adik sa sugal. Naubos na niya ang minanang pera galing sa mga magulang. In short, walang pera, madaling painan. Aabisuhan kita kapag kikilos ka na. Hihingi muna tayo ng pondo kay Mayor.”
Tumango si Savannah at ipinagpatuloy ang pagkain. Bigla ay naalala niya ang ekspresyon ng mukha ni Carl nang malaman nito ang tungkol sa meeting na hindi nito nadaluhan. Namumula ang mukha nito sa galit pero ni hindi siya sinigawan.
Ayaw man niya ay nakadama rin siya ng kaunting guilt. Kung tutuusin, wala pa iyon sa ibang bagay na nagawa niya dati pero parang may kumukurot talaga sa dibdib niya. Sa uri ng trabaho niya, tapos na siya sa pagkakaroon ng guilt feelings ilang taon na ang nakakaraan. Bawal ang mahinang dibdib. Ang focus lang ay ang misyon, hindi mahalaga kung sino ang matatapakan. Pero ngayon…
“What’s with that face?” kunot ang noong tanong ni Megan. Umiling lang siya. “Don’t tell me—”
“I won’t tell you so please shut up,” tugon niya, hindi na pinatapos pa ang sasabihin nito dahil alam naman niya kung saan papunta iyon.
“Seriously, Savannah? Napakaliit pa lang na bagay ang ginawa mo, hindi ka nga nag-effort para gawin iyan, eh. Higit pa diyan ang gagawin natin sa mga susunod na araw pero parang ngayon pa lang nagdududa na ako sa’yo. Naaalala mo pa ba ang rules natin? Kapag na-in love, dispatsa, ‘diba? Hindi natin puwedeng gawin ang trabahong ‘to kapag nagmahal tayo dahil sagabal iyon. It’s either this or the guy. ‘Pag nalaman ‘to ni Roma—”
“Sino ba’ng in love?” she asked with a sly smile. She knew Carl for only two days. Love? Diyos ko, ano iyon? Nakakain ba iyon?
“I’m just reminding you.”
“I know the rules.”
Tumayo na si Savannah. “Uuwi na ako. Babalik ako kapag kasado na ang plano.” Hindi na niya hinintay pang sumagot si Megan. Tumalikod na siya at tahimik na umalis.
“THE senior citizens were really disappointed. Hinintay ka nila,” ani Garry kay Carl. Dinalaw si Carl ng pinsan sa opisina.
“Veronica made a mistake. Bago lang kasi. Magpapaliwanag na lang ako sa kanila. Papunta na ako r’on ngayon. Gusto mong sumama?”
“You should train your secretary well. Masama ‘to para sa kampanya mo. Kung kailan malapit na ang eleksyon, saka pa nagkakaroon ng ganitong aberya.”
“Tama na ang sermon, Garry.”
“Nasaan pala ang sekretarya mo? Hindi ko siya nakita sa labas.”
“It’s lunch time, malamang nasa cafeteria iyon. Tara na.”
Paglabas nila ni Garry ng opisina ay nagulat siya nang makita si Veronica sa puwesto nito. Ngumiti ang babae at bahagyang tumango. Nilapitan niya ito. “Ikaw na muna ang bahala rito. I need to go somewhere,” bilin niya sa sekretarya.
“Yes, sir.”
Maglalakad na sana siya patungong elevator ngunit narinig niyang kinausap ng pinsan niya si Veronica. Nagpakilala ang unggoy. Nang lingunin niya ito ay nakikipagkamay na kay Veronica.
“Are you free tonight?” tanong pa ni Garry sa babae.
Ngumiti si Veronica ngunit hindi sumagot.
“Garry, tara na,” singit niya. “I told you never to flirt with my employees.”
Sinimangutan siya ni Garry at nakangiti na nang bumaling kay Veronica. “Aalis na kami. Saka na tayo mag-usap kapag wala ng kontrabida.”
Nakangiting tumango si Veronica at hindi iyon nagustuhan ni Carl. Ang ibig sabihin ba niyon ay kontrabida rin ang tingin nito sa kanya? Pinigilan niya ang sarili para mag-react ng hindi tama. “Let’s go, Garry.”
“Ito na,” masama ang loob na tugon ng pinsan niya. “Carl…” Lulan na sila ng elevator.
“O?”
“Gusto mo ako na ang mag-train kay Veronica para mas maging efficient pa siyang secretary?” nakangising tanong ng unggoy.
Kanina lang ay parang galit na galit ito sa sekretarya niya sa pagiging palpak sa trabaho. Ang bilis talagang magbago ng isip ng unggoy niyang pinsan.
“Puro ka kalokohan. Kawawa naman si Veronica, huwag mong isali sa mga babaeng pinaiyak mo. Hindi mo ba nakita kung gaano kainosente ang mukha niyon?”
Bigla ay nag-flash sa isip niya ang nakangiting si Veronica. Maliit ang mukha nito, bilugan ang mga mata, matangos ang maliit na ilong at makipot ang mga labi. She was the prettiest secretary he ever had. Hindi makabasag-pinggan ang itsura nito. Mahinhin, pangiti-ngiti lang. He would love to know her more.
Pagdating nila sa opisina ng samahan ng mga senior citizens ng Aldemar ay huminga nang malalim si Carl. Nakasimangot ang president ng samahan. “Mr. Gregorio, I’m really sorry. Ang totoo ay hindi nakarating sa’kin ang invitation ninyo nang mas maaga.”
“Really? And yet your secretary confirmed your attendance,” tila hindi naniniwalang tugon ni Mr. Gregorio.
“Pasensya na po talaga. Bago lang kasi ang sekretarya ko.”
“Wala na naman tayong magagawa. Tapos na.”
“Gusto ko sanang bumawi.”
“ITI-TREAT daw niya ng lunch this Sunday ang mga senior citizens na in-indian niya. Naayos ko na lahat. Nakapagpabook na ako ng venue. Alam mo na ang gagawin, Megan,” ani Savannah kay Megan sa kabilang linya.
“Of course, I know what to do. Siya nga pala, pumayag si Mayor sa plano natin sa tiyuhin ni De Dios. I will tell you what to do soon.”
“Okay.”
Tumayo si Savannah at pinagpag ang puwitan ng suot na pantalon. Nasa abandonadong bahay siya na katapat ng bahay ni Carl. Nakita niya si Carl na lumabas ng bahay. He was wearing a white walking short, pink V-neck shirt and slippers. Napangiti siya. Ang cute nito sa pormang iyon. Natigilan siya sa sariling reaksyon. Cute? Seriously, Savannah? Seriously?
Sinundan niya si Carl ngunit sinigurado niyang hindi ito maghihinalang may nagmamanman dito. Sa isang convenience store ito pumasok. Mula sa labas ay nakita niya itong kumuha ng instant noodles sa estante. Napailing na lang si Savannah. Sa dami ng pera ni Carl ay sa isang convenience store ito kumakain ng, take note, instant noodles.
Nagmamadaling tumakbo si Savannah pauwi. She changed her outfit to Veronica’s. Nang makapagpalit ng damit ay tumakbo siyang muli pabalik ng convenient store. Nakahinga siya nang maluwag nang makitang naroon pa rin si Carl.
Nang mapansin siya nito ay nagpanggap siyang nagulat. “Sir,” bati niya rito.
“Malapit ka lang dito?” tanong nito sa kanya. Tumango lang siya habang nakangiti. Sa totoo lang ay hinihingal pa sya mula sa pagtakbo. “Kain tayo. Nag-dinner ka na ba?”
“Hindi pa po,” magalang niyang tugon. “Sandali lang po.”
Kumuha si Savannah ng pasta sa cooler at binayaran iyon. “Your name, ma’am? Tatawagin na lang po namin kayo ‘pag ready na,” anang cashier.
“Sav… Veronica,” aniya saka pasimpleng nagbuga ng hangin. Mabubuking pa siya nang wala sa oras.
“Three minutes lang po ‘to.”
Tumango siya at saka kinuha ang bottled juice na binili saka lumapit kay Carl na abala sa pagkain ng instant noodles. “Hindi ka rin nagluluto?” tanong nito.
“Hindi po ako marunong magluto.” Totoo iyon. Veronica man siya o Savannah.
“Walang nagluluto sa bahay niyo?”
“Mag-isa lang po ako.”
“Pareho pala tayo.”
“Kayo po? Hindi rin kayo marunong magluto?”
“Prito-prito lang,” anito saka ngumiti.
Savannah paused for a moment. Carl should stop smiling like that. Hindi iyon healthy para kay Savannah. Kapag ngumingiti kasi si Carl ay tila humihinto nang bahagya ang oras. That was a bad sign. There was something in his smile that soften her heart of stone.
“You should find a girl who cooks then,” pabirong sabi niya rito.
“Naisip ko na rin iyan,” anito saka tumawa. “Ikaw rin, dapat ang lalaking pipiliin mo, iyong magaling magluto.”
Napangiti si Savannah. Parang sinabi na rin kasi nila sa isa’t isang hindi sila bagay. Magugutom silang dalawa sa piling ng isa’t isa.
“Miss Veronica, your carbonara is ready.”
Nang marinig ni Veronica ang tinig ng cashier ay agad siyang tumayo para kunin ang pagkain niya. Sanay siya sa pagkain ng kahit na anong instant. Sino ba ang aasahan niyang magluto sa kanilang dalawa ni Megan?
Hindi nga siya natutong magluto dahil wala naman siyang kasamang marunong niyon. Kung hindi de lata o prito, noodles ang kinakain nila ni Megan. Paminsan-minsan ay nagpapadeliver din sila mula sa mga restaurants.
“Veronica…”
“Sir?”
“Hindi kaya tayo magkasakit sa kakakain ng ganito?” seryosong tanong ni Carl. Pinigilan ni Savannah ang matawa dahil ang akala niya talaga ay seryoso ang sasabihin nito.
“Malaki po ang chance na magkasakit tayo,” nakangiting tugon niya. She chuckled. Parang non-sense kasi ang pinag-uusapan nila. Hindi akma para sa isang boss at secretary.
Mukhang may sasabihin pa si Carl ngunit napunta ang atensyon nilang dalawa sa batang lalaking kumatok sa glass wall ng convenience store. Sa tingin niya ay nasa pito hanggang siyam na taong gulang ang bata. Madungis ito at ni walang suot na tsinelas. Isinahod ng bata ang palad sa harap nila.
Tumayo si Carl at lumabas. Nakita niyang nilapitan nito ang bata. Pagbalik ni Carl ay kasama na nito ang bata. Hindi niya inalis ang tingin sa dalawa. Sa liit ng convenience store ay naririnig niya ang sinasabi ni Carl.
“Kunin mo lang kung ano ang gusto mo,” ani Carl. Ngumiti ang bata at saka dumampot ng tsokolate.
Maya-maya pa ay katabi na nila ni Carl ang bata sa mesa. Nakatingin lang siya sa bata habang kumakain ito ng tinapay. “Ano’ng pangalan mo?” tanong ni Carl sa bata.
“Noknok po,” mabilis na tugon ng bata kahit puno ng pagkain ang bibig.
“Nasaan ang mga magulang mo? Saan ka nakatira?”
“Wala po kaming bahay,” sagot ng bata.
Tahimik si Savannah habang nakikinig sa mga kuwento ni Noknok. Kariton ang tahanan nito at ng mga magulang. Mayroon pa raw itong dalawang kapatid na mas maliit pa rito. Ayaw man niya ay nakadama siya ng habag. Her life was not normal but not as hard as this little boy’s life.
Nagulat siya nang makitang tumayo si Carl at bumili ng mas marami pang pagkain. “Ito, ibigay mo sa pamilya mo. Huwag kang mag-alala, Noknok, susubukan kong tulungan kayo sa abot ng makakaya ko.”
Ngumiti ang bata, ngiting puno ng pag-asa at pasasalamat. Hindi nakaligtas sa kanya ang pagningning ng mga mata ni Noknok. Alam niya ang ganoon pakiramdam, iyong pakiramdam na may nagliligtas. Roma had saved her before. Ibang sitwasyon pero parang ganoon na rin. Roma gave her hope when she lost everything. Si Carl ang Roma ni Noknok.
Sa isiping iyon ay nanikip ang dibdib ni Savannah. Sisirain niya ang pagkatao ni Carl? Wawasakin niya ang ginuntuang puso nito. Sana pagkatapos ng lahat ng iyon ay mapatawad siya nito. He didn’t deserve it. Unfortunately, she couldn’t just back out and even if she did, someone would still do her job. Hindi pa rin ligtas si Carl. Hindi titigil si Mayor hangga’t hindi nasisira ang lalaki.
“Are you okay, Veronica?” tanong sa kanya ni Carl. Nakaalis na si Noknok. Masaya itong nagpaalam at nagpasalamat sa kanila. “Kanina ka pa walang imik.”
Umiling si Savannah. “Naawa lang po ako r’on sa bata.”
“Oo nga, eh. Ang dapat sa batang iyon ay nag-aaral. Marami talagang dapat ayusin dito sa Aldemar. Kung papalarin akong maging mayor ng lugar na ‘to, ang mga isyung katulad ng kay Noknok ang uunahin ko.”
Lalo nang nakonsensya si Savannah. Hindi magiging mayor ng Aldemar si Carl kahit pa gaano kalinis ang intensyon nito. She was paid to stop him from ruling that city. At isa siyang propesyonal. Ang opinyon niya ay walang timbang sa kanyang misyon.
“Is that really your dream?” she asked him out of the blue.
“Ang maging mayor ng Aldemar?”
Tumango si Savannah.
“Oo,” sagot ni Carl. “Bata pa lang ako, gusto ko ng pamahalaan ang Aldemar at gawin itong isang progresibong lungsod. Mahal ko ang Aldemar at hindi ko nagugustuhan ang pamamalakad dito ng mga Lizardo.”
“Hindi lang dahil gusto mo ng kapangyarihan?”
“Gusto ko ng kapangyarihan hindi para manapak ng ibang tao kundi para mas mapaganda ang Aldemar.”
Ngumiti si Savannah at saka tumango. “Pero kung hindi ka manalo?”
“Magsisilbi pa rin ako sa ibang paraan. Nakakatulong ako kahit wala akong katungkulan sa lugar na ‘to pero mas marami akong maiaambag kung papasukin ko ang politika.”
“Nakakatulong naman po pala kayo kahit wala kayo sa politika. Mas okay po iyon, ‘diba?”
“Akala ko ‘tapos na tayo sa ‘po’ at ‘opo’,” imbes ay tugon ni Carl. “Kapag wala naman tayo sa opisina, ‘wag mo na akong po-in at nakakatanda. Isipin mo na lang na magkapit-bahay lang tayo.”
Tumango siya. “Napakarumi ng politika sa Pilipinas. Parang hindi ka bagay sa mundong iyon.”
Ngumiti si Carl. “You think so?”
Napapahiya man ay tumango siya. Paano niya ba ito kukumbinsihing huwag na lang ituloy ang binabalak na pagktakbo bilang alklade? Doon lang titigil ang Mayor Lizardo sa pagtatangkang dungisan ang reputasyon ang pagkatao nito.
“I think it runs in our blood, being a politician. Ilang De Dios na rin ang namuno sa Aldemar. Kung alam mo lang kung gaano kalinis at kapayapa sa Aldemar noon bago naging mayor si Lizardo. Iyon ang gusto kong ibalik kaya kahit alam ko kung gaano karumi ang politika at madudungisan ako, itutuloy ko pa rin ang laban. It’s not about me, Veronica, it’s for the people of this city.”

Comentário do Livro (37)

  • avatar
    Maxima Abana Cabasag

    Good story :)

    19d

      0
  • avatar
    SiarotJenelou

    nice gamr

    28/06

      0
  • avatar
    Harvey S Santillan

    nice story

    31/05

      0
  • Ver Todos

Capítulos Relacionados

Capítulos Mais Recentes