logo text
Adicionar à Biblioteca
logo
logo-text

Baixe este livro dentro do aplicativo

4. SINO?

Sumabay na ako sa kanila papalabas ng school, dahil gusto ko ring malaman ang tinutukoy nila, pero hindi ibigsabihin no'n ay nagtitiwala na ako sa kanila ng buo.
"Akin na ang bag mo." Napakunot naman ako at napatigil sa paglalakad nang sabihin ito ni Ben. Naalarma naman siya na tila ngayon lang pumasok sa kanya ang sinabi nya. "Ano kasi, madalas kasing may nanghaharang sa'kin sa labas, para hindi nila mapansin na ako 'to." Nanatili pa rin akong nakatingin sa kanya na nagdududa. "Pang disguise," pagpapatuloy nya.
Napatingin naman ako sa dalawa naming kasama na tila nagmamakaawa ang mga mata. Pero hindi ako naapektohan nito at umiling at nagpatuloy na sa paglalakad.
Nang makarating kami sa gate nabigla na lang ako nang may mabigat na kamay ang pumatong sa aking balikat. Pagtingin ko sa aking kanan ay nakaakbay na sa akin si Ben. Mas nilapit nya ang kanyang katawan at mukha sa akin, dito ay hindi ko naiwasan na maamoy ang buhok nya, mabango ito. Itutulak ko na sana siya nang may isenyas siya sa'kin sa gilid.
May mga grupo ng kabataang lalaki na nagmamatyag sa mga lumalabas na mga estudyante, white at red ang pattern ng uniform nila, malayo sa white at gray na school uniform ng SEHS, ibigsabihin hindi sila rito pumapasok.
Hindi na 'ko umapila para na rin makarating na kami sa aming pupuntahan na walang aberya. Nakalampas naman kami sa kanila nang hindi nila napapansin. Nang makatawid kami ng kalsada agad na pumara ng jeep si tangkad. Pagkasakay namin, inalis na ni Ben ang pagkaka-akbay sa'kin at hindi na rin siya ganoong kalapit sa'kin. Tila nabunutan ng tinik si taba. "Hu! Kakakaba."
"Boss naman, bakit kasi lagi na lang may nag-aabang sa'yo," pagrereklamo ni tangkad.
Nagkibit ng balikat naman si Ben. "Wala eh, pogi eh."
Napangiwi naman ako rito, pogi raw, parang hindi naman. Tumawa naman ang dalawa sa sinabi nito. "Kung papogian lang din naman ang labanan, sa ating tatlo, mas lamang ako sa inyo," ani naman ni tangkad.
Napapikit na lang ako nang mariin, kung ako ang tatanungin, sa looks nilang tatlo, average o malapit na sa low average, o baka nando'n na nga.
"Magsalamin ka nga! Malabo ata ang mata mo. Ako nga pala si Nomer," pagpapakilala sa'kin no'ng mataba.
'Yong matangkad naman ang sunod na nagpakilala. "Ako naman si Jericho."
Tumango naman ako sa kanila. Ang katabi ko naman ay muling inilapit ang mukha nya sa'kin kaya napaurong ako. "Baka hindi mo pa rin ako kilala?"
Muling humalakhak ang dalawa, napabalik naman ang katabi ko sa dati nyang puwesto at ganon din ako, napatingin ako sa dalawa na nasa harapan namin. Mahilig siguro silang tumawa, kahit na wala naman akong nakikitang nakakatawa, tumatawa sila. Paano nila ginagawa 'yon?
Umiling-iling si Nomer. "Hindi boss, sabi nya kanina, sabi nya andyan ba si Ben."
Napatingin naman sa'kin ang katabi ko na parang dismayado. "Tatlong letter na nga lang, hindi mo pa rin matandaan?"
"Ganito na lang," pagsingit ni Jericho. "Kapag mayro'n kang nakitang Van." Eksakto ngang may dumaang sasakyan na Van. "Maiisip mo ang pangalan ni," sabay turo nito kay, "Van."
"Van?" turo ko sa katabi ko.
At tumango naman siya. " 'Yan! Sawakas."
Tumingin naman ako sa harapan ko. "Jericho?" at tumingin ako sa katabi nito na si, "....?"
"Nomer," wika nya sa'kin. Sa totoo lang mas gusto ko silang tawagin na taba at tangkad, mas bagay sa kanila.
Habang naghuhuntahan sila, napatingin ako sa kanilang mga suot na relo, bag at sapatos, na kahit sa unang tingin pa lang, mamahalin na. Bakit nila tinitiis na sumakay sa jeep kung saan ay puro siksikan at usok ng mga sasakyan, kung puwede naman silang umupo sa kotse nila na may aircon pa. Kung ako sa kanila ie-enjoy ko 'yon, libre pa.
Nang makababa na kami sa palengke, nakailang lakad pa kami at liko sa mga kanto bago namin narating ang isang computer shop. Pagpasok namin dito agad kaming dumiretso sa nagbabantay. Nagbatian muna sila at nagbiruan hanggang mapansin ako ng bantay na kaidaran lang din namin. "Aba, himala!" Manghang-mangha nitong tingin kay Van.
Umiling naman ito. "Mali ka sa iniisip mo." Hindi ko maintindihan kung anong pinag-uusapan nila.
"Eh ano pala?"
Ibinigay ko kay Van ang cellphone ko, na siya namang ipinakita sa bantay ng com. shop. "May nag-post nito sa Facebook, eh hindi namin makilala at puro number at letter lang ang pangalan ng nag-post, eh itong katabi ko," sabay tingin sa akin, tinaasan ko naman siya ng kilay. "Ayaw maniwala sa'kin na hindi nga ako ang nag-post nito, tulungan mo nga ako."
Inilabas naman ng lalaki ang kanyang laptop, sumilip naman kaming apat dito. Binuksan nya ang kanyang Facebook account at hinanap ang user na 12233ah. "Anong level? 1, 2 o 3?" tanong nito sa'min.
"Anong level?" Takang tanong ni taba.
"Kapag level 1, ang malalaman n'yo ay address ng nag-post nito, kung nasa'n mismo siya no'ng araw na pi-nost nya ito. 100 pesos 'yon."
100? Halos baon ko na 'yon. Umakbay naman si tangkad sa lalaki. "Para ka namang others, 100 talaga? Wala bang tawad?"
Nakangiti naman nitong inalis ang braso ni tangkad mula sa kanya. "Ganan talaga, kapag negosiyo, walang kai-kaibigan."
Inilabas ko na ang wallet ko at ibinigay sa kanya ang 100 pesos, hindi pa naman talaga ako nag-recess kanina para hindi 'yan mabawasan. Kinuha na nya ito mula sa'kin at inibo ang kanyang laptop kung saan hindi namin nakikita ang kanyang ginagawa, may mga pinipindot siya, mga ilang minuto rin ay natapos na siya. 'Yon na 'yon? Ilang pindot lang, 100 pesos?
Ipinakita nya sa'min ang address, 001, purok uno, Brgy. Gumamela, Tibayan City. Nanikip ang dibdib ko nang makita ang address, alam na alam ko ang lugar na 'to, dahil ilang beses na 'kong nakapunta rito.
"Level 2," napatingin naman ako kay Van ng bigla nya itong sabihin.
Inilahad naman ng lalaki ang kanyang kamay. "100?"
"Hindi na---" naputol ang sinasabi ko nang nagbigay si Van ng 100 nang walang pasabi.
Gulat ko naman siyang pinagmasdan. "Sagot ko na, tutal ako naman ang nagyaya rito," aniya, hindi na 'ko umangal pa, sabi nga nila, huwag tanggihan ang biyaya, at baka mali rin ako sa iniisip kong address, baka hindi naman pala siya 'yon. Sana.
Muling nag-type ang lalaki at nang ipakita nya samin ang screen, visually na naming nakikita ang isang kalsada, sa kalsada pa lang ay pamilyar na sa akin ang lugar. Mas sumikip ang dibdib ko, nang umikot ang camera nasilayan ko ang napaka pamilyar na malaking bahay, puting pintura at dilaw na gate.
"Dito sa bahay na 'to ang address kung kailan ito pi-nost ng owner, no'ng tuesday exactly 6:30 p.m.," wika ng lalaki.
Siya nga, hindi ako makapaniwala, napatalikod ako sa kanila, mula sa reflection sa bintana, nasisislayan ko ang mukha ko na namumula na.
"Level three---"
"Huwag na," iimik pa sana si Van, agad ko siyang pinigilan. "Kilala ko na kung sino. Asa'n ang C.R. n'yo rito?"
Itinuro naman sa'kin ni taba kung saan, dali-dali akong pumasok dito, dumiretso ako sa bukas na cubicle, pagsara ko ng pinto, parang habol-habol ko ang aking hininga, may lumabas na hikbi sa akin, agad kong tinakpan ang aking bibig.
Huwag kang umiyak Grace, huwag kang umiyak.
Huminga ako nang malalim at pilit na pinapakalma ang sarili. Hindi ako makapaniwala na sa halos tagal ng aming pinagsamahan, magagawa nya 'to sa'kin?
Nang tuluyan ko ng napakalma ang sarili ko, lumabas na 'ko sa cubicle, pagharap ko sa salamin, pulang-pula ang mata ko, paulit-ulit kong pinikit ang aking mata, nagbabakasakali na mawala ang pamumula.
Pagdaan ng ilang minuto, "siguro okay na 'to." Hindi na ito ganoong kapula hindi gaya kanina.
Paglabas ko ng C.R. naglakad ako nang tila hindi ako umiyak. Parehas na nagko-computer na ngayon si Nomer at Jericho, nasa likod naman nila si Van na nanonood, napansin naman ako ni Van at lumapit sa'kin. "Uuwi ka na?"
"Oo," medyo paos ang boses ko.
"Ihatid na kita."
Umiling ako rito. "Hindi na." Alam ko na naman ang pasikot-sikot dito sa palengke.
"Sige na, kung hindi dahil sa'kin, hindi mo makikilala kung sino talaga 'yong may pakana," pang kokonsensya nya pa sa'kin. Bahala siya, pagod na 'kong magsalita, naglakad na lamang ako at sumunod naman siya.
"Curious ako kung sino 'yon," aniya, pero hindi ako umimik. "Sino?" Nang wala siyang natanggap na sagot mula sa'kin, tahimik na lang siyang naglakad.
Nakarating na kami kung saan lagi tumitigil ang jeep, habang naghihintay, hindi na naman ata napigilan ng kasama ko na hindi umimik. "Hindi naman ako masamang tao."
Napatingin ako sa kanya , nakatingin siya sa mga naglalakad. Where is this coming from? "No'ng araw na pumunta ang pamilya namin sa mga Anigo, hindi lang talaga maganda ang araw ko no'n, sorry na, sa'yo ko na buntong. Saka, no'ng sinabi ko rati na, magsisisi ka, hindi naman ako siryoso no'n, nananakot lang."
Hinayaan ko lang siyang umimik at tahimik akong nakinig sa kanya. "Oo, madalas napapaaway ako, anong magagawa ko, ayoko namang bugbugin na lang ako at asar-asarin na walang gawin, syempre ipagtatanggol ko ang sarili ko. Hindi ako mabait pero hindi rin ako sobrang sama na sisiraan ka, wala ka namang ginawang masama sa'kin."
"Talaga, eh ano 'yong daga na binigay mo sa'kin dati?" Pagbibiro ko.
Napakamot naman siya sa ulo. "Sorry na, bata pa 'ko no'n eh, bata rin mag-isip."
Napangiti ako ng maliit, bata pa rin naman tayo hanggang ngayon, bata pa ring mag-isip. Masama ba kong isipin ko na, sana si Van na lang 'yon, kasi kung siya matatanggap ko pa at maiintindihan ko pa, pero hindi siya. Kung sino pa 'yong taong malapit sa'kin, na akala ko magkaibigan kami, siya pa 'yong sasaksak sa'kin patalikod.
Nang sawakas at may dumating ng jeep, nagsisakaytan na kaming mga pasahero na naghihintay. "Ingat," ani ni Van.
"Thank you."
"Ha?"
Hindi ko inulit ang sinabi ko, ang huli kong kita kay Van, ay nakangiti siya na abot hanggang tainga. Parang bata.
2 p.m. na nang nakarating ako sa trabaho, "late ka na," ani ni Tricel, katrabaho ko, gaya ko janitress din siya, mga nasa 40 na siya. "Nalinis ko na ang third floor, na dapat ay gagawin mo."
Tumango ako. "Sorry po, hindi na mauulit."
"Abay dapat lang, parehas lang tayo ng sinasahod kaya dapat walang pakupad-kupad, hindi puwedeng ako lang ang gumagawa."
"Sorry na ho," nagpa-cute pa ko sa kanya, para mapatawad nya na ko, pero hindi umubra.
Napailing na lang siya. "Hay nako oo, ang batang 'to."
Sinuot ko na ang gloves at dinala ang mga kagamitan para sa paglilinis. Pagdating ko sa fourth floor, nagsimula na 'kong magwalis, tapos ay nag-mop.
Madumi man ang trabaho ko, marangal naman ito, hindi ko dapat ito ikanahihiya, dahil sa trabahong 'to nagagawa kong makabili ng mga pangangailangan sa school na hindi humihingi ng pera kay nanay, nagagawa ko pang magbigay sa kanila.
Balang araw, darating din 'yong araw na magkakaroon ako ng trabaho, na hindi ikakababa ng tingin ng tao sa'kin.
*****
Pagdating ko sa bahay, nakita ko si Carlo na nakahiga at naglalaro ng cellphone. "Carlo, maghain ka na." Hindi siya umibo at nanatili pa rin sa paglalaro kaya tinapik ko siya.
"Ah!" Pag-inda nya, masakit ba 'yon? Akala ko light lang, napasobra pala. sinuntok nya ko sa binti, masakit 'yon, kaya sinuntok ko rin siya, hindi rin siya nagpatalo, sinuntok nya ulit ako, kaya nagsuntukan kami. Hanggang sa umiyak siya, wala na talo na 'ko.
Pabalyang bumukas ang pinto at kinuha ni inay ang tsinelas sa kanyang paa at ipinalo ito sa akin ng paulit-ulit. "Ang laki-laki mo na pumapatol ka pa sa kapatid mo!"
Ngayon naiintindihan ko na kung bakit binuhusan ako ng juice ni Van ng araw na 'yon, miski ako hindi ko napigilan, sa sama ng araw ko ngayon, sa kapatid ko na mas mahina sa'kin, sa kanya ko binuhos ang lahat ng galit ko. Sorry.
Bukas kaya, paano ko haharapin si Lyka?

Comentário do Livro (16)

  • avatar
    AiZa DaTu

    nice story

    3d

      0
  • avatar
    Lå Dÿ Josè

    😍😍😍😍😍😍

    21d

      0
  • avatar
    Jericho Mallillin

    goods

    15/08

      0
  • Ver Todos

Capítulos Relacionados

Capítulos Mais Recentes