logo text
Adicionar à Biblioteca
logo
logo-text

Baixe este livro dentro do aplicativo

KABANATA ( 01 ): TAGU-TAGUAN

MAKAHIYA
       "Makinig kayong mabuti... Ang aking babanggiting pangalan ay ang siyang hihiranging 'Binibining Buwan ng Wika 2020' at ang hindi ko tatawagin ay automatic na first runner-up!"
               Sari-saring sigawan ang maririnig sa apat na sulok ng bulwagang ito.
Gymnasium na nga lang may pabulwa-bulwagan ka pang nalalaman, Makahiya.
               Napaka-ingay at may kanya-kanyang manok ang bawat isa habang nagpapayabangan ng kani-kanilang banner, may makukulay at naglalakihan pa, iyong iba may pa-tarpaulin at mga lobo pa tsaka banderitas.
Akala mo naman may magbi-birthday o fiesta.
               Samantalang ang akin, dalawa lang ang sumu-suporta. Yung isa ay ang baklang MC ng programme na hindi man lang ako nilakad sa mga hurado at tanging tinawag lamang ako para sa award ng 'talentadong binibini' at 'binibining mabait', as in nakaka-hurt, 'di ba pwedeng dun ako sa 'binibining maganda' o kaya 'binibining seksi'
       "Yung ganda ko ba nasa 'mabait'? Yung kaseksihan ko ba nasa 'talento'?" Bumuntong hininga ako at pinagpatuloy ang pag-aalo sa sarili. " Maganda ka Makahiya. Wag kang magself-pity riyan." 
               Yung isa namang sumu-suporta sa'kin ay ang kaibigan kong si Halaya o Ube Halaya kung aking tawagin, ayun sa dagat ng mga estudyanteng parang nagpapabirthday at fiesta, may hawak na manila paper na may nakadikit na bond paper kung saan naka-print ang mukha ko at sinulatan ng pangalan ko sa itaas gamit ang pentel pen na naghihingalo dahil hindi mo na mababasa pa ang pangalan ko.
               Halata namang pinagkagastusan talaga ako ng mga kaibigan ko 'di ba? Ginawa akong Wanted o parang pang-missing poster lang.
Ganyan kami ka-ready, guys!
1 month preparation.
               Bumalik ang aking diwa sa reyalidad habang nanginginig ang mga kamay ko habang hawak ang kamay ng isa pang kandidata ng patimpalak.
       "At ang nagwaging binibining Buwan ng Wika, taong 2020 ay si..." sinadyang ipabitin ng baklang MC ang sasabihin upang mas lalong ipagsigawan ang mga tao ang mga pangalang nais nilang manalo.
AKO NA YAN! AKO NA YAN!
       ".... Binibining Gracia Zinafre Valdez!"
       "O-MY-GOD! BAKIT SIYA! DAPAT AKO ANG NANALO! KARAPAT-DAPAT AKO SA KORONA! TALENTADO AKO AT MABAIT ! SAMANTALANG MISS PHOTOGENIC LANG 'YAN! DALAWA AWARD KO! SIYA ISA LANG!—HMP"
                Hindi pa'ko tapos sa pagmo-monologue sa entablado nang makaramdam ako ng kamay na tumakip sa bibig ko tsaka ako hinigit sa braso't kinaladkad.
       "Mbmnhjhhmmm! Mbbnn!"
       "Lokaret, tapos ka na 'di ba? Fourth runner-up ka!" Palihim na bulong sa'kin ni Amor habang plastik na ngumingiti sa mga taong masama na ang titig sa'kin.
       "Mbmmm! Asdja!"
                "Eskandalosa kang lokaret ka! Magtigil ka nga!? Eh hindi ka nga umabot sa 3rd runner-up? Daig mo pa yung 1st runner-up kung maglupasay ka riyan!" Rinig kong panenermon ni Amor, ang kaibigan kong bakla at siyang MC na kumakaladkad sa'kin patungong backstage.
Kinagat ko ang kanyang kamay kaya agad siyang napa-bitaw sa akin.
       "LUTO ANG LABAN!" 
               Buong lakas kong sigaw habang ang ibang tao sa stage ay tinulungan na si Amor sa pagkaladkad sa akin na di kalaunan ay nagtagumpay na rin.
***
"NAKAKAHIYA!"
       "So, you're now back to your senses after realizing how stupid your reckless stunt was, huh?" Si Amor na todo hampas sa hangin ng kanyang pamaypay na nadekwat niya lang sa ukay-ukay.
               Sinimangutan ko siya para pigilan ang pagtawa dahil alam kong napipilitan lang siyang mag-ingles dahil nasa backstage din ang mga baklang handler ng iba pang mga kandidata na kinaiinisan niya.
       "Ang plastik ng english mo, halatang fake!" Mahinang bulong ko na ikinahagikgik ng katabi kong si ube halaya. 
       "Manahimik ka! Di pa'ko nakakapag-construct ng susunod kong sasabihin!" Pinandilatan niya kami ng mata.
               Palihim kaming nagbungisngisan ni ube halaya na parang sumasalang ngayon sa recitation 'tong si Amor na hindi niya masagot dahil english.
       "Don't... y-you... ahm...Makahiya...a-ahh D-don't"
       "Pwede kang mag-Tagalog, Amor. Bakit ang hilig mong pinapahiya ang sarili mo? Nakakahiya na nga yung nangyari sa'kin kanina, dinadagdagan mo pa." Puna ko sa kanya dahil nagbubutil na ang pawis niya at mukhang naubos na ang mga baon niyang linya na g-in-oogle translate niya lang kanina.
       "Aba mabuti naman at nahimasmasan ka ring lokaret ka! Alam mo naman palang nakakahiya tapos nagawa mo pang mag-inarte, doon pa talaga sa mismong stage!" Bulalas niya sa'kin para bumalik sa tunay na topic kanina.
                Nagpatuloy ang panenermon sa'kin ni Amor na kulang na lang ay magpatayo na ng simbahan dahil sa katakut-takot niyang mga sermon.
       "Tumigil ka na nga muna dyan, Amor-ghorl! Nakita mong stress na stress na nga 'tong si Makahiya tapos dada ka pa ng dada riyan!" Patatanggol sa'kin ni Ube Halaya my loves saka n'ya'ko inabutan ng kalamay na kanina niya pa kinakain.
       "Eh paano naman Halaya! Itong si Lokaret..." turo niya sa'kin "... hindi naman umabot sa 3rd runner-up tapos may ganang mag-eskandalo, hay Dios ko po!"
       "Eh sorry na nga, na-carried away lang naman ako! Tsaka tinipid lang naman ang programme, eh! Magic 5 yun di'ba? Papaanong nangyaring sa aming lima na akong pinaka-maganda at sexy ay hindi nanalo maski runner-up man lang!"
       "Basic Math, Makahiya. Hindi ikaw yung winner, 1st, 2nd, or 3rd, malamang 4th runner-up ka, understood na yun! Common sense nga, Lokaret!" Gigil niyang paliwanag habang inginungudngod sa aking mukha ang kamay niyang nakatupi ang hinlalaki para isenyas na pang-apat ako.
Napapalatak naman ako.
      "Eh yun naman pala! 4th runner-up ako! Bakit hindi nila ako nilagyan ng sash! Tsk. Kahit in-announce man lang nila na pang-apat ako, pero hindi! Nandun ako sa tabi tapos ginawa ba naman akong tiga-bigay ng bouquet at sash at instant photographer pa!" Inis kong pagkukwento sa kanila pero imbis na pagaanin ang loob ko ay tinawanan lang nila ako.
       "Nahihiya tuloy ako, Amor, Ube Halaya." Natigil sila sa pagtawa nang magsalita ako.
       "Wow ! So, ikaw na ba yan? Makahiya Thermopylae De Cervantes? Bumalik na ba ang 'Makahiya Syndrome' mo?" tumango-tango naman ako bilang tugon kay Amor.
       "Nakakahiya kase sobrang ganda ko tapos nakipag-away pa'ko dun sa mga pinagkaitan ng ganitong ganda," animo'y puno ng pagsisisi kong tugon habang hawak ang magkabila kong pisngi.
Nangunot naman ang noo sa'kin ni Amor at Ube Halaya.
       "Nakakahiya talaga kase sobrang ganda ko tapos ang pangit nilang lahat." Naiinis ko pang sabi para maintindihan nila ang ibig kong sabihin.
               Tuluyan nang nabilaukan sa kinakaing kalamay si Ube Halaya, samantalang napatapik si Amor sa tenga na animo'y nabingi na.
       "Hindi niyo ba'ko naiintindihan? Nahihiya ako kase hindi ko na alam kung paano babawasan 'tong mala-dyosa kong ganda!" Naiirita kong sigaw sa kanila.
       "Ganda ka ghorl?" Natatawang tanong sa akin ni Amor.
       "Oo, ganda ako. Nahihiya nga ako sayo kase minsan malagkit titig mo sa'kin, ayoko lang umasa ka kase  di'ko masusuklian ang lihim mong pagtingin sa'kin."
Mahinhin kong sabi tsaka hinawakang muli ang makabila kong pisngi na animo'y nahihiya talaga.
Halos masuka-suka naman sa'kin si Amor kaya humagalpak ng tawa si Ube Halaya.
       "Oy! Lokaret, nahiya ka pang ipangalandakan yang ganda mo no? Sana mahiya ka rin sa shukelyas mong di'ko naman bet!" Iritado niyang sabi na tila nakikita niya 'kong hubad ngayon dahil sa kanyang pandidiri.
Parehas kaming napatawa ni Ube Halaya.
       "Wag ka nang mahiya sa'kin, Amor-babes, alam ko naman na-type mo'ko, di'ba?" Pang-iinis ko pang lalo sa kanya na sinamahan pa ng panghihimas sa braso niya.
Agad niyang tinabig ang kamay ko at niyakap ang sarili niya tsaka nanginig na animo'y kinikilabutan.
       "Ano ka? May lawit?"
               Mas lalo kaming tumawa ni Ube Halaya at paminsan-minsang napapapunas narin ng mata dahil nagluluha na sa pagtawa kaya mas lalo siyang nainis sa'min habang napapahilot pa sa sentido niya.
       "Gosh! Say no to shukelyas!" 
Nilayasan kami ng gaga.
               Natigil ang ako sa pagtawa nang mag-ring ang aking de-key pad na selpon. Sinenyasan kong tumahimik si Ube Halaya dahil si Lola ang tumatawag at agad ko itong sinagot.
       "M-magtago ....pss..tck...schh-ka, h-ija!....scbnhgh" 
Parang ang ingay ng paligid kaya hindi ko marinig si Lola.
       "Hello? lola? Hindi kita maintindihan."
       "A-apo...tsshh ...chdhh...u-mal...ghgliss...kha n-na"
Tinignan ko ang screen ng telepono upang matiyak kung nasa kabilang linya pa ba siya.
       "Lola? Mahina po yata yung signal. Diko po kayo marinig."
       "Tcch...t-akbo....tccch..ago—"
                Biglang namatay ang tawag. Nagtataka ko itong tinignan, ngunit kalaunan ay binalewala ko na lamang ito at inilagay sa loob ng bulsa ko. Narinig ko pa itong tumunog, ngunit di'ko na lang pinansin dahil uuwi na rin naman kami ni Ube Halaya.
        "Mag-iingat ka, Macky. Yung project natin wag mong kalimutan, pupunta ako sa inyo mamaya, baka tulugan mo na naman ako kagaya nung nakaraan!" Paalala sa'kin ni Ube Halaya kaya natawa na lang ako.
        "Sus! Ano bang alam ko sa electrical wiring installation, eh wala namang kuryente sa'min." Pagdadahilan ko habang inaalala yung huli naming installation activity na sumabog dahil sa kagagawan ko.
       "Ah, basta ihanda mo na yung mga wire! Kapag sumabog na naman ang activity natin bukas, pasasabugin na rin kita!" Banta niya sa'kin na ipinakita pa ang kamao niya na pagkaliit-liit naman kaya tinawanan ko siya.
       "Pasabugin na lang din natin yung sa ibang group para damay-damay na!" Tumatawa kong sabi kaya nanlisik ang mga mata niya sa'kin.
       "Macky!"
       "Kahit yung sa top 1 lang, sagad na'ko sa kayabangan nun kapag sumasabog yung atin—"
       "MACKY!"
       "Okay fine! Nanakawin ko na lang switch nila, mahal nun eh—"
       "MAKAHIYA!"
       "Ube halaya, sayang opportunity, ayaw mo nun perfect na nun tayo!" Tinignan niya 'ko ng masama.
       "Kahit maging top 1, ayaw mo?" Huling suhol ko sa kanya pero mas dumilim ang tingin niya sa'kin kaya tinawanan ko na lang siya habang nakataas ang dalawang kamay na animo'y sumusuko na .
               Naghahalo na ang kulay ng kahel, pula, dilaw at dilim nang maghiwalay ang landas namin ni Ube Halaya. Napapaligiran ng maraming puno at ligaw na damo ang bahay namin ni Ube Halaya, malapit kase kami sa kagubatan at mga bundok kaya karaniwang natatakot sa amin ang mga tao, kesyo raw baka mga miyembro kami ng kulto at mga mangkukulam.
              Ang aking Lola Esther ang aking laging kasama mula nang ako'y musmos pa lamang hanggang ngayong ako'y nag-dalaga na. Ang sabi niya'y parehas ng namayapa ang aking mga magulang kaya hindi na'ko naghanap pa't nakuntento na lamang kay Lola, lalo pa't hindi naman siya nagkulang sa akin. 
              Tahimik kong binabagtas ang kahabaan ng daan kasabay ng tunog ng mga tuyong dahong aking natatapakan sa aking bawat paghakbang. 
       "Tabi-tabi po, makikiraan po." Bubulong-bulong kong sabi.
              Malamig na ang hangin, tila pagbabadya sa mga panimula ng pelikulang katatakutan, hanggang sa biglang may susulpot sa harapan kong taong mukhang abnormal habang may dalang itak tsaka niya 'ko pagtataga-tagain sa mukha hanggang sumirit ang masaganang dugo't laman pati utak.
Tahasang nagtayuan ang aking mga balahibo sa takbo ng aking pag-iisip.
Magpapatuloy pa sana ako sa aking paglalakad, ngunit nakarinig ako ng mapaglarong himig.
"Tagu-taguan
Maliwanag ang buwan
Pagbilang ko ng tatlo, nakatago na kayo.
ISA! DALAWA! TATLO!~"
               Nang aking hawiin ang nagtataasang mga damo upang makita kung sino ang nagmamay-ari ng boses ay nakita ko ang isang batang babae na nakasuot ng bestidang kulay puti, na sa tingin ko'y 5 o 6 na taong gulang pa lamang. Nakikita ko rin ang kanyang mahaba at maalong kulay gabing buhok dahil sya'y nakatalikod sa aking direksyon habang ang ulo nya'y nakapatong sa dalawa niyang braso na nakadikit sa katawan ng puno.
"Tagu-taguan
Maliwanag ang buwan
Pagbilang ko ng tatlo, nakatago na kayo.
ISA! DALAWA! TATLO!~"
               Narinig kong inawit niyang muli ang kanta para sa taya, ngunit laking pagtataka ko nang makitang wala naman siyang kahit sinong bata o kalarong kasama na nagsisimula nang magtago.
Nakikipaglaro lamang siya sa kanyang sarili.
Dala na rin ng awa ay namalayan ko na lamang ang aking sarili na unti-unting lumapit sa kanya.
       "Bata, wala ka bang kalaro rito?" Tanong ko kahit alam ko na ang sagot.

Comentário do Livro (6)

  • avatar
    LotivioNarcisa

    Nice story…

    18/08

      0
  • avatar
    Maryjoy Erodias

    Very nice

    26/01

      0
  • avatar
    Celeste Aki

    so nice,

    29/07/2023

      0
  • Ver Todos

Capítulos Relacionados

Capítulos Mais Recentes