logo text
Adicionar à Biblioteca
logo
logo-text

Baixe este livro dentro do aplicativo

[Ikaapat] Ang Simula ng Paghihiganti

Napatingin ako sa babaeng 'yon na hanggang ngayon ay hindi ko pa rin maalala kung kilala ko nga ba talaga gaya ng sinasabi niya sa akin. Kasalukuyan siyang nakaupo sa may teacher’s desk habang abala ang guro ko sa pagdidiscuss.
Oo, nasa klase ako at kasama ko pa rin ang babaeng multo na iyon na tawagin nalang daw na "Ella". Iyon nalang daw ang itawag ko sa kan'ya.
Makailang beses ko siyang tinanong kung paano kami nagkakilala o kailan iyon dahil ilang beses niya nang ipinipilit na talagang kilala ko raw siya at kilala niya ako. Pero, masiyado siyang malabo kausap. Lagi niya lang sinasabi na maalala ko rin naman daw siya.
Simula rin kagabi ay 'di na niya ako nilubayan. Hanggang sa school ay sinundan niya ako. Basta kahit saan ako pumunta, nandoon ang Ella na ito.
Dapat matakot ako sa kan'ya dahil isa siyang multo at kung siya nga ang napalabas namin sa larong iyon, maaaring may kinalaman siya sa pagkamatay ni John. Pero, mayro'n sa loob ko na nagsasabing hindi siya masamang multo. At kahit hindi ko siya kilala, mayro'ng familiarity akong nararamdaman sa kan'ya. At kahit kailan, hindi pa ako binigo ng kutob ko.
"Hi!" at kumaway pa siya sa akin.
Pasimpleng napalingon-lingon naman ako sa paligid ko dahil baka may nakakita na kinawayan ako ng babaeng iyon.
Nang mapansing nakapokus ang lahat sa aming guro, nakahinga ako ng maluwag. Sinamaan ko nalang ng tingin ang makulit na babaeng iyon.
"'Wag ka na magpanic d'yan. Hindi naman nila ako nakikita 'di ba?" nakangisi niyang komento bago tumayo mula sa pagkakaupo sa teacher's desk.
Oo nga pala, mult-- spirit s'ya. Hay. Hindi na ako magtataka kung mapapagkamalan akong baliw ng mga tao dahil sa pagiging paranoid ko mula sa pagbuntot sa akin ng Ella na ito.
Dahil sa nararamdaman kong inis mula sa multong ito, napasubsob nalang ako sa desk ko. Bakit kasi sa akin siya bumubuntot? Nakakainis talaga.
"Mister! Is my subject making you sleepy!?"
Napaangat kaagad ang ulo ko mula sa pagkakayuko sa lamesa ko dahil sa dumagundong na boses ng aking guro. Sinalubong kaagad ako ng terror na tingin ni Sir.
"Sorry sir." 'tapos napayuko ako. Dinuro lang naman ako ni sir bago muling bumalik sa pagtuturo.
Ano ba namang buhay 'to! Bad trip! Kailan naman kaya ako lulubayan ng Ella na 'to para matahimik na ulit ang buhay ko.
"Pst!"
Napapikit ako nang lumapit na sa puwesto ko si Ella. Winagayway niya pa ang kamay niya sa harapan ko.
"Hoy! Pansinin mo naman ako," ungot niya.
Pinilit ko namang huwag siyang pansinin. Iniwas ko ang aking tingin sa kaniya at pinilit ipokus ang atensyon kay sir.
"Grabe ka. Ang snob mo naman!"
Kumuyom ang mga kamao ko nang bigla siyang tumalon-talon sa gilid ko. Utang na loob!
"Pansinin mo naman---"
"Puwede ba layuan mo na ako!"
Hindi ko na napigilan ang sarili ko. Dahil sa naging pagsigaw ko ay naagaw ko na ang atensyon ng buong klase. Masama naman ang tingin ni sir sa akin.
"Mister! Anong pinagsasabi mo?! Kung ayaw mong makinig sa akin, you're free to leave the classroom," sabi ng aking guro bago niya itinuro ang pintuan ng room namin.
Napayuko naman ako habang pinagtatawanan ako ng mga kaklase ko.
Argghh!
Natapos ang klase nang hindi ako tinitigilan ni Ella sa kakulitan niya. Pero, ginawa ko ang lahat para pigilan ang aking sarili para hindi na maulit iyong nangyari sa math class ko kung saan napahiya talaga ako sa buong klase.
“Uuwi ka na?” tanong ni Ella na kasabay kong naglalakad palabas ng school.
Hindi ko siya sinagot at nagtuloy-tuloy lang sa paglalakad na para bang wala naman akong kasama.
“Uy. Galit ka ba? Pansinin mo naman ako,” aniya pero nanatili akong parang walang naririnig. Nilagay ko rin ang earphones ko para hindi ko na talaga siya marinig. Nakaka-drain ang pagiging kulang niya sa pansin.
Naglakad ako pauwi habang abala sa pakikinig ng musika. Nang malapit na ako sa bahay namin, do'n ko nalang napansin na wala na pala si Ella. Sa wakas, nilubayan niya rin ako.
Natigilan ako sa paglalakad nang mapansin ko si Kevin sa labas ng bahay namin. Kanina pa ba siya nandiyan? Kung gano'n, bakit hindi siya kumakatok? Papasukin naman siya ni mama.
“Kevin!” tawag ko sa kan'ya na ikinalingon niya sa direksyon ko.
Kaagad siyang lumapit sa akin nang makita ako. Aapir sana ako sa kan'ya at mag-iinitiate ng handshake naming magkakaibigan pero natigilan ako nang mapansin ko ang expression sa mukha niya. Halata ang takot at kaba.
“Anong nangyari? Bakit namumutla ka?” nagtatakang tanong ko sa kan'ya.
“Hindi ko na alam ang gagawin ko. Hindi ko na alam kung saan ako pupunta,” sabi niya habang palingon-lingon sa paligid na para bang may hinahanap.
“Anong ibig mong sabihin? Ano bang nangyayari Kevin?!” inis kong tanong.
“Tulungan mo ako. Kailangan ko ng tulong. Papatayin niya ako!” nagpapanic na ika niya.
Natigilan ako sa sinabi niya. Sinong papatay sa kan'ya? Teka lang.
“Sinong papatay sa 'yo Kevin? Siya rin ba 'yong pumatay kay John? Kailangan nating pumunta sa pulis, kung gano'n!”
“Hindi tayo matutulungan ng pulis! Papatayin niya tayong lahat! Kailangan na nating mag---” biglang natigilan si Kevin at namumutlang umatras palayo sa akin.
Nanlalaki ang mga mata niya at halatang takot habang nakatingin sa likod ko. Kaagad kong sinundan ang tinitingnan niya pero wala namang tao ro'n.
“Kevin!” tawag ko sa kan'ya nang bigla nalang siyang tumakbo.
Sinubukan ko siyang sundan pero hindi ko nagawa. Hindi ako gano'n kabilis tumakbo dahil may injury ang paa ko na matagal ko nang iniinda simula nang nasa elementary ako.
Dahil sa labis na pag-aalala para kay Kevin, kaagad kong tinawagan si Chris para sabihing puntahan si Kevin sa bahay nito dahil mukhang may problema. Siguro naman ay sa bahay nila siya didiretso. Kaagad namang umoo si Chris kaya kahit papano ay napanatag ang loob ko.
Dumiretso ako papasok sa bahay matapos tawagan si Chris. Sinalubong ako ni mama na as usual ay may nakahanda nang meryenda para sa akin.
Habang kumakain ng meryenda, hindi ko mawaglit ang pag-aalala. Sino ang tinutukoy ni Kevin na papatay daw sa kan'ya?
Dahil hindi ako mapakali sa pag-aalala, tinawagan ko muli si Chris. Sa pagkakataong ito, hindi sinagot ni Chris ang tawag ko. Dahil do'n, ay mas nakaramdam ako ng pag-aalala.
“May problema ba anak?”
“Wala naman ma.”
Tumango-tango naman si mama sa naging sagot ko 'tapos ay itinuloy ang ginagawa niyang cross stitch. Itinuloy ko naman ang pagkain sa meryendang inihanda ni mama at pilit kinukumbinsi ang sariling walang masamang mangyayari kay Kevin.
BLAG!
Sabay kaming nagkatinginan ni mama dahil sa narinig na kalabog na tila may nahulog o di kaya’y natumba.
Akmang tatayo na si mama nang masundan ang kalabog ng pagkabasag ng salamin. Nagkatinginan kami ni mama at sabay napatingin sa kusina kung saan nanggaling ang kalabog at ang pagkabasag ng salamin.
Pinigilan ko si mama sa pagpunta sa kusina. Sa halip ay kinuha ko ang baseball bat na nasa loob ng kwarto ko 'tapos ay dahan-dahan akong lumakad papunta sa kusina. Pinigilan ako ni mama pero kailangan kong tingnan kung ano ang dahilan ng mga tunog na iyon. Maaaring magnanakaw iyon.
Pagkapasok sa kusina, natigilan ako nang biglang narinig ko ang isang tunog na pumailanlang sa kabuuan ng lugar. Fur Elise ni Beethoven. Hindi ako maaaring magkamali. Importante sa akin ang musika na 'yon dahil ito ang unang musika na natutunan kong tugtugin sa piano.
Hinanap ko ang pinagmumulan ng tunog. Wala sa kusina ang piano ko, kaya paanong may gano'ng tunog.
Nagdirediretso ako sa dining area kung saan tingin ko ay nanggaling ang musika.
Napahigpit ang hawak ko sa baseball bat nang makita ko ang tumbang upuan at ang basag na bintana na katapat lang ng dining table.
Humangin ng malakas at naramdaman ko ang simoy nito dahil sa basag na bintana ng dining area.
“Sinong nandiyan?!” sigaw ko na sinundan ko ng paghakbang papunta sa dining table.
Walang sumagot. Kaya naman, itinuloy ko ang paglalakad. Doon ko napansin ang isang maliit na recorder na nakapatong sa dining table. Doon nagmumula ang tugtog. Kaagad kong tinurn off ang recorder bago nilapitan ang basag na bintana.
Sumilip ako roon at walang kahit anong kakaiba.
Bigla akong nakaramdam ng kaba. Hindi para sa akin kun'di para sa mama ko.
Mag-isa lang siya sa bahay kapag pumapasok ako sa school. Paano kung bumalik iyong lokong iyon?
“Wala na siya.”
Kaagad akong napalingon dahil sa narinig kong boses. Si Ella. Nakatayo siya sa may pinto ng dining area at seryoso ang tingin sa 'kin.
“Sinong wala na?” naguguluhang tanong ko sa kan'ya.

Comentário do Livro (132)

  • avatar
    Maylene Ranada

    sobrang nakaka takot at nakkapang nindig balahibo habag binabasa ko Q no

    57m

      0
  • avatar
    Abegail Alpaño

    3,0000

    1d

      0
  • avatar
    Prince Cejhay Latada

    goods

    3d

      0
  • Ver Todos

Capítulos Relacionados

Capítulos Mais Recentes