logo text
Adicionar à Biblioteca
logo
logo-text

Baixe este livro dentro do aplicativo

Kabanata 4: Ang Maestro

[Julian]
Ganoon pa rin ang ayos ng mga bagay-bagay sa loob ng cuarto ni Julian. Walang pinagbago, at katulad pa rin ito noong huling araw na nakita niya ang yaong cuarto.
Sa pagpasok sa pinto, ang unang bubungad sa loob ay ang malaking cama. Ito'y isang malaking cama na kilala sa tawag na Cama de Ah Tay. Ipinangalan itong Cama de Ah Tay dahil ang ukit at gayak nito ay mula sa pamamaraang istilo ng isang tanyag na manlililok na Instik na tagagawa ng mga magagandang cama at muebles sa Ilocandia. Kilala din ang gawang cama na ito sa pangalan na calabasa dahil sa malagulay na kalabasang hugis na sandalan sa uluhan nito. Niyari ang buong kama sa pinakintab na kamagong at nilubirang ratan na may nakatirik na apat na poste sa bawat kwadro na sinadyang ilagay upang maging kabitan ng kulambo. Sa itaas naman ng mga posteng ito ay may magagandang habi na mga kurtina na siyang nagpapaganda sa cama. May malambot na dekotsong higaan rin ito na gawa sa balahibo, may isang mahaba at makapal na puting kumot at dalawang malalambot na unan.
Sa isang sulok sa kanang bahagi ng cama na ito ay may makikitang isang malaking aparador. May malalaking pintuang desalamin ito kung saan karaniwang inilalagay ang mga damit at sapatos. May magagandang ukit din itong mga hugis bulaklak at dahon na nasa uluhan at paanan na pawang pinakintab sa likidong silak. Sa kaliwang bahagi naman ay naroon ang isang comoda o maliit na muebles na ginagawa ring lalagyan ng mga damit. Sa bandang paanan ng cama ay naroon sa may sahig ang isang maliit na baul na yari sa punong narra kung saan karaniwang inilalagay ang kulambo, mga kumot at ilang unan. Sa kaliwang gilid naman nitong baul ay may isang ropero o lalagyan para sa mga maruruming damit. Sa tapat ng cama makikita pa rin ang mesang yari sa matigas na molave na pinalibutan ng dalawang silyang yari din sa parehong kahoy na may nilubirang ratan. Sa gawi ding iyon makikita sa may sulok ang isang maliit at desalaming estante na may mga nakahilirang iba't ibang libro. Maluwag at mahangin sa loob ng cuarto. May dalawa kasi itong magkatapat na malalaking ventanilla na parehong yari sa matigas na bakal ang kwadrado. Ang mga bintana namang ito ay niyari din sa kamagong at mga pinagdidikitang punlo ng kapis. Ang isang ventanilla ay matatanaw ang silong ng mansion. Habang ang isa'y matatanaw naman ang magaganda at mabeberdeng halamanan ng hardin sa may likuran ng mansion. Dito sa ventanilla na ito naroon ang isang malaking escrotorio o mesang-panunulat na karaniwang inuupuan noon ni Julian sa tuwing siya'y nagsusulat at nagbabasa. Nandoon pa rin ang lampara, ang dating babasaging lalagyan ng tinta, ang gawa sa balahibong pluma nito, at ilang pinaglumaang libro niya. Pagkapasok ni Julian sa loob ng kanyang cuarto, ang escrotorio ang unang tinunghan niya. At sa pag-upo niya sa silyang may sandalan na yari sa molave at ratan, dito ay naalala niya muli ang huling sandaling siya ay nakaupo dito.
At iyon ay sa taon pang 1875.
Sa maliit na apoy na nakasindi sa telang gasa ng lampara, sa hindi mabuwanang gabing iyon ay nabigyan ng liwanag ang madilim na cuarto nang noong labindalawang taong gulang pang si Julian Guevarra. Dito sa may escrotorio, tahimik siyang nagbabasa ng isang novela na may pulang pabalat at binubuo ng makakapal na mga pahina. Nakabukas ang ventanilla na nasa tapat lang ng kanyang inuupuan kaya naman dama niya mula sa labas ang malamig na simoy ng hangin. Mahigit dalawang taon na ang lumipas, mula noong mangyari ang malagim na trahedya sa kanila ng kanyang ama. Hindi pa man naghihilom ang sugat na bunga nito sa kanya pero kahit papaano ay natutunan na ni Julian ang ibangong muli ang sarili sa kalugmokan. Subalit, gabi-gabi ay nagkakaroon pa rin siya ng mga masasamang panaginip kung saan binabalik siya sa pangyayaring iyon. Kaya naman bago matulog ay nagbabasa muna siya ng isang magandang kuwento para subukang waksiin ang mga masasamang panaginip na ito.
"Tres Caballeros, eh?"
Sa kalagitnaan ng pagbabasa ni Julian, isang katanungan ang biglang narinig niya. Ang isinampit sa tanong ay ang pamagat ng kanyang binabasang novela noon kaya naman bahagyang nagitla siya pagkarinig nito dahil hindi niya inaasahang may magiging panauhin siya sapagkat malalim na ang gabi sa mga sandaling iyon. Paglingon sa likuran, doon sa kanyang cama, nakaupo ang isang ginoo. Nakasuot ito ng chachetta at pantalones kagaya ng isinusuot ng mga mayayamang tao sa Sangrevida. Makikita rin ang mataas na sumbrerong suot nito sa ulo na kung titingna'y animo'y parang may itinatagong bagay sa loob. May hawak din siyang isang mahaba at magandang baston na hugis ulo ng uwak ang hawakan na gawa sa purong pilak, at dahil sa bastong ito, nakilala kaagad ni Julian kung sino ang tumambad na ginoo sa kanyang cuarto.
"Ginoong Calisto?
Ito ang di-siguradong pagkilala ni Julian sa taong nakaupo sa kanyang cama dahil sa kadilimang bumabalot sa bahaging iyon. At nang lumapit at magpakita sa liwanag ng lampara ang nakita niyang tao sa dilim, dito lang niya napagtantong tugma siya sa pagkilala sa ginoo.
"Magandang gabi sa'yo, Julian," ang nakangiting pagbati sa kanya ng lalaki.
Siya ay si Ginoong Juan Calisto de San Gabriel. Siya ang nakilalang ginoo ng batang Julian tatlong taon na ang nakakaraan.
"Ginoong Calisto? Ang akala ko po ay umuwi na po kayo. Ano pong ginagawa niyo rito at napapunta po kayo rito sa ganitong oras?"
Mula sa pagkakaupo sa cama ay tinunghan siya ni Ginoong Calisto sa escrotorio na inuupuan niya. "Di ko alam na nagbabasa ka pala ng ganitong uri ng nobela, Julian," wika nito paukol sa binabasa ng bata. "Tres Caballeros, hmmmm...isa itong napakagandang kuwento," dagdag pa ni Ginoong Calisto na hindi tumugon sa naging mga katanungan ni Julian sa kanya.
"Ngayon ko lang pong sinimulan ang pagbabasa nito. Nalaman ko kasing paborito ito ni ama kaya ako nagpabili nito. Nabasa mo na po ba ito, Ginoong Calisto?"
Nagpakita muna ng ngiti ang tatlumpung taong gulang na ginoo sa kanya bago ito sumagot.
"Ang pagbabasa ang isa sa aking mga libangan. Marahil masasabi kong nabasa ko na ang lahat ng mga nailimbag na nobela sa buong mundo dahil sa libangan kong ito," tugon ni Calisto de San Gabriel. Bumakas sa mukha ni Julian ang pagkamangha sa narinig. "Kung ganun ay maaari mo ba akong kuwentuhan tungkol dito, maestro?" tanong ni Julian na may pagbabasakali.
Maestro ang tawag ni Julian kay Calisto dahil matapos makilala ang ginoo ay naging maestro niya ito sa pagtugtog ng piano at ilang mga instrumento kagaya ng pluta at biyolin, hanggang sa tinuturuan na rin siya nito ng mga salitang Latin, mathematica, at mga historia ng ilang bansa lalong lalo na sa Europa kagaya ng Inglatera, Portugal at Espanya. At bukod dito ay tinuruan din siya ni Ginoong San Gabriel sa iba't ibang larangan sa artes kagaya ng pagguhit at paglililok.
"Balang araw, Julian. Ikukuwento ko sa'yo ang lahat ng mga kuwentong alam ko," tugon ng ginoo sa batang Julian.
"Iyon ay kung darating ang panahong magkikita muli tayo,"
Bumakas sa mukha ng batang Julian ang pagkagitla sa huling sinabi ni Ginoong Calisto. Mula sa namamanghang mukha ay napalitan ito ng buong pagtataka. "Bakit, maestro? Saan ka pupunta?" ang kanyang mga nabulalas na katanungan mulang mabatid ang pahiwatig na pamamaalam ni Ginoong Calisto sa kanya.
"Bukas ay maglalayag na ako pabalik ng Madrid. Kaya ako nagpunta rito dahil gusto kong magpaalam sayo, Julian. Nandito ako para makapagpaalam sa pinakapaboritong kong mag-aaral," sagot naman ng kanyang maestro.
"Sasama po ako sa inyo, maestro. Huwag mo akong iwan," ani Julian na tila nagmamakaawa sa kanyang guro. Ginulo lamang ni Ginoong Calisto ang buhok niya na may pagngiting ipinakita sa mga labi. "Sa takdang panahon, isasama rin kita sa aking mga paglalakbay, Julian," wika ng ginoo. "Ngunit, sa ngayon ay kailangan ko munang umalis habang ikaw ay kailangan mo munang lumaki ng matiwasay,"
Tinuldukan naman ng maestro ang usapang iyon upang maiba ito.
"Mukhang malalim na ang gabi, Julian. Dapat ay natutulog ka na sa mga oras na ito. Halika..humiga ka na sa iyong cama para matulog,"
Sumunod naman si Julian dito at mula sa pagkakaupo sa escrotorio ay tinungo at humiga na siya sa kanyang cama. Kinumotan siya ni Ginoong Calisto nang makahiga siya at pagkatapos ay umupo ito sa tabi niya.
"Babalik ka ba, maestro?" isang payak ngunit malungkot na katanongan ni Julian mulang makahiga sa cama.
"Babalik ako, Julian. Pangako," tugon naman ni Ginoong Calisto.
Ngumiti ulit ang maestro. Nakita itong buo ni Julian, ang batang heredero ng mga Guevarra, at tila ang ngiting ito ay pumawi kahit papaano sa kalungkutang dinadamdam niya dahil sa pamamaalam ng maestro.
"Oh. Muntik ko nang makalimutan. May sasabihin pa pala ako sa iyo" ani Calisto sa batang Julian.
"Ano po iyon?" siyang tanong ng batang Julian.
"Sasabihin ko lang ito kung handa ka nang marinig ito," tugon ng maestro.
"Handa ka na ba?"
Tumango lang ng ulo ang bata bilang tugon, naghihintay sa anuman itong sasabihin pa sa kanya ni Calisto. Dito'y inilapit ni Calisto ang kanyang bibig sa tenga ni Julian, sa paraang pagbulong at sa paglapit na ito, narinig ni Julian ang isang mahina at nakakahindik na bulong na nagpabalik sa kanya sa malagim na nakaraan.
"Mi Sangre"
Nanlisik ang mga mata ni Julian ng marinig ang salita mula sa maestro. Lumukso ang kanyang kaluluwa dala nang matinding pagkagitla buhat makilala ang mga salitang ibinulong sa kanya. Naalala niya ito, napakalinaw pa sa kanyang isipan kung saan di niya nagawang kalimutan mulang marinig ang mga ito. Mi Sangre. Ang parehong dalawang salitang narinig niya sa halimaw noon na nakita niya sa gabing tinambangan silang mag-ama, ang gabi kung kailan pinaslang si Don Armando. Hindi siya nagkakamali, ito ang bulong ng halimaw noon--ang bulong ng kamatayan na narinig niya sa malagim at maulang gabing iyon.
Umihip bigla ang napalakas na hangin sa loob ng cuarto. Nagawa nitong patayin ang apoy sa lampara sa may escrotorio kahit ito pa ma'y nakatakip sa salamin. Sa pagkamatay ng ilawin ay buong kinain ng kadiliman ang cuarto ni Julian. At nanghindik buo ang mga balahibo niya sa katawan. Sa patingin niyang muli sa maestro, dito ay nakitang muli ni Julian ang mga mapupula at nag-aapoy sa galit na mga matang minsang nakita niya't hindi niya kailanman nakalimutan. Namanhid ang kaluluwa niya sa nakikita dala nang pinaghalong gulat at takot, subalit bigla na namang bumagwis ang malakas na hangin sa loob ng cuarto hanggang sa nabatid na lamang niyang wala na sa inuupuan sa cama ang kausap pa niyang maestro. Hindi niya alam kung papaano ngunit mabilis itong nawala na para bang kinain ng kadiliman. At sa bilis nito ay parang naging aninong napalid sa hangin ang yaong maestro, kaya nawala bigla sa kanyang paningin.
Mi Sangre.
Tumatak ang bulong na ito sa isipan ni Julian. Ang bulong ng halimaw na siyang huling nakita niya bago mawalan ng malay. Tandang tanda pa rin niya ang mapupulang mga mata at ang matatalas na pangil sa bibig nito na kailanma'y hindi na lumisan pa sa isipan niya. Laking gulat niya. Hindi niya inaasahan na sa malamig na gabing iyon ay malalaman ni Julian Guevarra na ang nakilala niyang maestro na si Ginoong Juan Calisto de San Gabriel ay maaari ang siyang halimaw na nakita niya sa gabing naganap ang pananambang.
Kinabukasan ay hinanap niya si Ginoong Calisto ngunit, simula noon ay hindi na niya nakita pang muli ang maestro.
Dalawang mabibilis na katok ang biglang naulinigan ni Julian sa pinto ng kanyang cuarto. Ang pagmuni-muni niya sa nakaraan ay nagambala ito dahil sa mga pagkatok na iyon. Mula sa inuupuang silya ng escrotorio ay tinunghan niya ang nakasaradong pinto upang pagbuksan ang sinumang nasa sa likod nito, at dito bumungad sa kanya ang isang matandang babae na marahil ay tagasilbi sa kanyang mansion. "Ipagpaumanhin niyo po, senyorito. Ngunit, may naghahanap po sa inyo sa ibaba," aniya ng babaeng alila. Nagitla si Julian dito, bagamat wala siyang inaaasahang panauhin sa mga oras na iyon. "Sino po raw sila?" ang naging katanungan niya.
"Isang padre po, senyorito. Padre Mariano po ang kanyang pangalan,"
Padre Mariano? bulalas ng isipan ni Julian buhat marinig ang sagot ng alila sa kanya. Nagulat siyang malaman ito dahil ni hindi niya kilala ang naipangalanang padre. Wala rin siyang inaasahang padre na maghahanap sa kanya dahil wala naman siyang kakilalang sinumang prayle sa pagkakatanda niya.
Bumaba naman sa ikalawang palapag si Julian para tunghan ang prayleng naghahanap sa kanya. Doon sa may salahan sa unang palapag, sa tanggapan ng mga panauhin, nakita niya ang isang matandang prayle na nakatayo lamang roon. "Magandang araw," ang isinalubong niyang pagbati sa padre. Hindi na rin siya nagpatumpik pa at itinanong na kung ano sadya nito sa kanya. "Anong maipaglilingkod ko sa inyo, padre?" dagdag ni Julian sa prayle.
Ang matandang padre ay nakasuot ng itim na sotana o karaniwang damit ng mga prayle na may mahahabang manggas at ibabaan. Isa itong Pilipinong pari, batid ni Julian, dahil sa kayumangging pamamalat nito at dahil sa kulobotin ay marahil nasa mga gulang na animnapung taon na ito.
"Ikaw po ba si Dr. Julian Guevarra, ginoo?" ang siyang tanong nitong padre sa kanya.
"Opo, ako nga po, padre."
"Ang pangalan ko ay Jose Mariano Tanedo. Ako ang padre ng isang capella sa Barrio Umag. Napag-alaman kong isa kang doktor, ginoo, tama po ba ako?" ani ng matandang padre na nagpakilalang si Padre Mariano. Dama sa tinig ng padre ang pangangailangang tulong nito. "Tama po ang inyong sabi, padre," tugon naman ni Julian.
"Anong maipaglilingkod ko po sa inyo?"
"Nang marinig kong may bagong dating na doktor dito sa Sangrevida, agad akong pumunta rito mula sa Barrio Umag para humingi ng tulong. May isang lalaki kasi roon ang nagkaroon ng malubhang sakit. Di namin alam kung ano ito kaya pumunta ako rito para humingi ng tulong sa iyo upang tingnan at gamutin niyo po siya, doktor" wika ni Padre Mariano sa kanyang pakay kay Julian.
"Hindi niyo ba siya dinala sa hospicio o sa mga clinica sa gitnang bayan?" ang nagtatakang tanong ni Julian sa Pilipinong padre. Nagtataka siya dahil bakit sa kanya siya humingi ng tulong bagamat may mga pagamutan naman sa bayan. Agad naman itong tumugon sa kanya. "Sinubukan naming puntahan ang mga doktor sa gitnang bayan. Ngunit lahat sila ay tumangging gamutin siya. Natatakot sila dahil..."
".....dahil anak siya ng isang mamamatay-tao. Kaya ako nandito ngayon, doktor, dahil nagbabasakali akong iba ka sa kanila," tugon ni Padre Mariano.
Dahil sa narinig ay nakadama ng pagkasuklam si Julian sa sinuman itong mga doktor na tumangging gamutin ang lalaki. Para sa kanya, nilabag nang mga ito ang kaluluwa ng tunay nilang layunin bilang isang manggagamot.
"Parang awa mo na, doktor," pagmamakaawa ng matandang padre. "Ikaw na lang ang doktor ang tanging mahihingan ko ng tulong. Tulungan mo ang lalaking ito. Isa siyang mabuting tao. Bilang kababayan mo, doktor,  tulungan mo siya"
Kahit hindi magmakaawa ang yaong Pilipinong padre ay tutulungan namang talaga ni Julian ang maysakit na lalaki. Ang pagtulong sa mga taong nangangailangan ng tulong-medikal ang isinumpang gawain ni Julian, hindi lang bilang isang doktor ngunit bilang isang kapwa tao, at siyang isa rin sa mga dahilan kung bakit siya bumalik ng Sangrevida.
"Kukunin ko lang po sandali ang aking mga gamit, padre," pagpaalam muna ni Julian Guevarra kay Padre Mariano.
"At pagkatapos ay dalhin niyo po ako sa pasyente,"

Comentário do Livro (21)

  • avatar
    Rick Balorio

    pinaka gusto ko sa LAHAT ng nabasa

    27d

      0
  • avatar
    Hans Del Valle

    5142

    18/07

      0
  • avatar
    Jus Tine

    good story

    21/06

      0
  • Ver Todos

Capítulos Relacionados

Capítulos Mais Recentes