logo text
Tambahkan
logo
logo-text

Unduh buku ini di dalam aplikasi

5 : Takipsilim Part 2/2

“Cha-ad!” Tinig na aking narinig. Umiiyak ito.
“Rosa . . . ” sambit ko.
Tila mahika ang tinig ng aking mahal. Kaagad nitong napawi ang lungkot na bumabalot sa aking puso. Bahagya akong napapikit upang dinggin muli ang malamyos niyang tinig.
“Cha-ad!” muli nitong sigaw. Sa pagkakataong ito, masaya ang kanyang tinig.
Nilingon ko sina Ama na pawang may ngiti sa labi na aking ikinaluha. Patunay ng kanilang kapatawaran at suporta sa aking landas na tinahak.
“Tayo na, Cha-ad. Magsasara na ang lagusan,” yaya sa akin ni Diwatang Eigram.
Sinundan ko ang munti kong kaibigan at muling napapikit nang maramdaman ko ang hapdi sa aking balat. Iba na ang hanging aming nasasagap. Masakit, mahapdi. Nangangahulugang nakatawid na kami sa mundo ng mga tao.
“Ahhh!” daing ni Ina habang yakap-yakap ni Ama. Unti-unti silang napapaupo.
Palapit sana ako pero gaya nila ay ’di ako makagalaw. Hanggang maramdaman kong unti-unti akong nanghihina. Napaluhod ako habang mariing napahawak sa kwintas na bigay ni Haring Gideon. Kasunod ng pagbabago ng aming anyo kagaya ni Rosa.
Maging ang Diwatang si Eigram ay nagpalit ng kaanyuan bilang isang alitaptap.
“Cha-ad, mahal ko. Kaya mo pa ba?” Tinig na nagpaangat ng aking paningin. Hindi ko mapigilan ang sariling maluha habang nasasaksihan ang pag-aalala ng aking mahal na si Rosa.
Sising-sisi ako sa aking ginawa. Hindi ito ang buhay na nararapat para sa kanya. Sa halip na tuwa at saya ang alay ko, pighati at kalungkutan ang sa kanya’y ipinadama ko.
“Hmmm . . .” himig ko habang tumatango.
Haplos-haplos niya ang pawisan kong mukha habang naglalandas ang luha sa kanyang pisngi.
“Patawad, mahal ko.”
Pagod na pagod at uhaw na uhaw nang makarating kami sa tahanan ni Rosa. Nakakapanibago dahil kailanman ay ’di kami nakakararamdam ng ganito sa aming lugar.
Ilang sandali pa ay inabutan kami ni Rosa ng pagkain. Napatitig ako sa hawak niya. Hindi ko alam kung dapat ba naming kainin ang dala niya.
Napansin ni Rosa ang aking pag-aalinlangan kaya kumain siya sa aming harapan. Titig na titig din sa kanya ang aking mga gabay. Hanggang nakita ko na lamang ang aming sarili na kumakain katulad ni Rosa.
Hindi maalis-alis ang aking pagkamangha kay Rosa. Wala siyang kapaguran na tinuturuan kami na maging tulad niya.
Patayo na ako nang bigla akong nakaramdam ng kakaibang init sa dibdib. Nagmumula ang hapdi mula sa suot kong kwintas na palihim na iniabot sa akin ni Haring Gideon. Hindi ko na naitanong pa kung para saan iyon. Pero sa pagkakataong ito batid kong may kinalaman ito sa aming parusa.
Hindi ko nakayanan ang init kaya inalis ko ito sa aking katawan. Kusa itong lumutang habang nagniningning. Unti-unti ring nagbago ang hugis nito.
“Ang tanikalang ginto ng Hari!” sigaw ni Amang gabay.
Namangha ako sa aking narinig.
“Ba-Bakit ibinigay iyan sa akin ng Hari?”
Bago pa man sumagot si Ama, tila may kamay na humila sa amin upang magdikit-dikit. Si Ina, si Ama, si Diwatang Eigram at ako.
Napatakip na lamang ng bibig si Rosa sa nasasaksihan. Tuluyang siyang naluha nang inikutan kami ng tanikalang ginto. Hindi kami makagalaw. Hanggang maramdaman kong unti-unting bumabalik kami sa anyong engkanto.
At bilang engkanto, hindi kami pumapasok sa bahay ng mortal. Hinahanap ng aming katawan ang kalikasan. Kaya ganoon na lamang ang pagwawala naming lahat na makaalis mula sa pagkakagapos.
“Huminahon kayo! Huwag n’yo ng pilitin pang makatakas. Magiging delikado ang buhay n’yo kung makikita kayo ng aking kabaryo,” pakiusap ni Rosa.
Nagbigay liwanag sa akin ang pahayag ni Rosa. Marahil alam ng Hari na mangyayari ito kaya ipinagkaloob niya sa akin ang kanyang tanikalang ginto.
“Napakabuti ni Haring Gideon,” sambit ni Diwatang Eigram. “Hindi ka pa rin niya pinabayaan.”
Mataas na ang sikat ng araw nang ako’y magising. Ibig sabihin ay magdamag akong nakatulog.
Masakit ang aking buong katawan kaya dahan-dahan ang ginawa kong pagbangon. Nanlalambot man ay pinilit kong makatayo. Napahawak ako sa aking leeg nang maalala ang mahiwagang kuwintas ng Hari. Nakahinga ako nang maluwag nang masiguro kong bumalik ito sa dating anyo, mula sa pagiging tanikalang ginto. Maging ako ay naging anyong mortal.
Pumikit akong muli at pinakalma ang sarili upang masigurong totoo ang lahat ng ito.
“Mahal, gising ka na pala. Halika ka na at sabayan mo kaming kumain,” nakangiting yaya ni Rosa. Tila musika ang kaniyang tinig sa aking pandinig. Pinagaan nito ang aking pakiramdam.
Walang imik akong sumunod sa kaniya palabas ng silid.Ganoon na lamang ang aking pagkagulat nang matunghayan ko ang aking mga gabay na masayang kumakain. Nakapagtatakang nagugustuhan na nila ang pagkain ng mga mortal.
“Cha-ad!” bati ni Eigram sa akin.
Nahinto sa pagkain ang aking mga gabay saka inilahad ang kanilang kanang kamay at unti-unting inilapit sa aking noo.
Nagpalipat-lipat ang aking tingin sa kanila at kina Rosa.
“Mano, Cha-ad. Pagmamano ang tawag diyan bilang respeto sa iyong mga gabay at nakakatatanda,” paliwanag ni Rosa.
Mangha akong napatitig sa kaniya nang abutin niya ang kamay ni Inang gabay. Inilapit sa kanyang noo ang ibabaw ng palad nito at pikit matang dinama iyon sabay sabing, “Mano po.”
Napakamot na lamang ako sa aking batok habang nangingiti. Nakararamdam ako ng pagkasabik sa mga susunod pang dapat naming matutunan bilang mortal. Aliw na aliw ang aking mga gabay habang ginagaya si Rosa.
Hindi rin nagtagal ay naging normal na sa amin ang lahat. Bago mag takipsilim nagkukulong na kami sa isang silid upang ihanda ang sarili sa pagiging engkanton. At sa pagsikat ng araw ay nagiging kawangis muli kami ni Rosa.
Hindi rin naging mahirap sa amin na yakapin ang lugar ni Rosa. Nasa loob ng kagubatan kaya tila walang ipinagkaiba sa aking nilisang lugar.
Lubos ang aking kasiyahan sa bagong katauhan, dahil sa ganitong paraan ko lamang nayayakap ang aking Rosa. Walang bakas ng takot at pag-aalinlangan. Tunay at wagas ang nararamdaman naming dalawa.
Nagawa naming mamuhay ng normal. Masaya dahil bago sa amin ang lahat. Lalo na ang pagmamahalang pinagsasaluhan namin ni Rosa.
Panatag ang loob kong magpapatuloy kaming payapa at tahimik. Ngunit hindi pala. May hangganan din ang lahat.
Habang mataman akong nakatitig sa labas ng bintana, dahan-dahang akong nilapitan ni Rosa.
“Cha-ad, mahal ko,” sambit ni Rosa habang nakayakap sa akin. “Ano ang nasa isipan mo, mahal ko?”
Hindi ko maitago ang saya nang marinig ang malamyos niyang tinig. Tila musika na nagpapakalma sa akin.
“Salamat sa lahat ng ito. Humihingi rin ako ng kapatawaran sa gulong dulot ko. Hindi ko mapapatawad ang aking sarili kung sakaling mapahamak ka.” Napayuko ako matapos ipabatid sa kanya ang gumugulo sa aking isipan.
“Huwag kang mag-alala, mahal ko. Ligtas kayo rito. Walang ibang naninirahan dito maliban sa akin. Halika, ipapasyal kita.”
Nawili kami ni Rosa sa pamamasyal sa bayan. Nagbabadya ang ulan kaya hindi ko namalayan at nakita ang pagkakaiba ng kulimlim sa takipsilim.
“Ahh!” daing ko habang pauwi kami ni Rosa.
“Cha-ad!” sigaw niya habang sinusuri ang katawan ko.
Lakad takbo ang aming ginawa. Ikinukubli ko ang aking mukha na unti-unting nagkukulay berde. Hindi namin alintana ang mga mortal na aming nakakasalubong at nababangga. Ang tanging nasa isip namin ay makalayo sa lugar na iyon at makauwi ng buhay. Batid kong hindi lamang ako, ang aking mga gabay at higit si Rosa ang mapapahamak sakaling masaksihan ng mortal ang aking tunay na anyo.
“Konti na lamang, mahal ko,” mangiyak-ngiyak na saad ni Rosa.
Nakahinga ako nang maluwag nang matanaw ang bahay ni Rosa. Sarado ang buong kabahayan na animo’y walang tao. Ngunit ang katotohanan ay nakatago roon ang aking mga gabay.
“Madali, mahal ko. Pakiramdam ko’y may nakasunod sa atin,” pahayag ni Rosa na ikinakaba ko.
“Hindi! Hindi maaari! Hindi pa ngayon!” sigaw ko habang namimilipit sa sakit. Napahandusay na ako sa sahig sa sobrang panghihina.
“Patawad, mahal ko. Wala na tayong oras,” sambit ni Rosa. Puwersahan niya akong hinila papasok sa silid kung saan gaya ko ay nagsisimula na ring magbago ng anyo ang aking mga gabay.
Napapikit na lamang ako at hinayaan si Rosa na gawin ang nararapat upang hindi kami makalayo at masaksihan ng mga mortal.
Luhaan si Rosa habang itinatali kami.
Halos hindi siya makatingin sa amin matapos masiguradong nasa maayos na kaming kalagayan. Nanlalambot siyang napaluhod sa sahig. Napapailing habang patuloy na umiiyak.
Hindi ko napigilan ang sariling maluha. Berdeng luha ang sa aking mga mata ang naglalandas sa maugat kong pisngi.
“Rosa! Rosa!” sigaw mula sa labas na nagpa-angat ng paningin ni Rosa. Palipat-lipat ang tingin sa pintuan at sa amin.
Namumutlang nilingon ni Rosa ang pinanggagalingan ng tawag. Mabilis siyang nag-ayos ng sarili at malungkot na tumitig sa akin. Batid kong kapahamakan ang naghihintay sa amin sa oras na tuluyang makita kami ng mga mortal. Kahit mas malakas kami, hindi namin makakayang manakit ng mga taong walang kalaban-laban. Lalo na at kami ang pangahas na naghatid ng gulo rito sa lugar ni Rosa.
Nilingon ko ang aking mga gabay. Tinanguan din nila ako tanda na handa na sila sa anumang mangyayari.
Sa muling pagtatama ng mga mata namin ni Rosa, lubos ang kanyang pagtutol. Paulit-ulit siyang umiiling.
“Hindi! Hindi ko hahayaang mapahamak kayo!” Walang patid ang pag-iyak ni Rosa.
“Rosa! Lumabas ka kung ayaw mong kami ang pumasok sa loob!”
Sigaw mula sa labas. Hindi lang isa ang nararamdaman kong presensya ng mortal. Marami. At malakas ang kutob kong pinalilibutan nila ang bahay ni Rosa.
Nang makalabas si Rosa, hinayaan namin ang aming kapangyarihang manaig. Kinakailangan naming makalayo bago pa kami maabutan ng mga mortal. Mapapahamak si Rosa kapag nagkataon.
Tinanguan ko si Diwatang Eigram bilang tanda na handa na kaming talikuran ang mundo ng mortal at bumalik sa lagusan. Doon namin haharapin ang kaparusahang nakalaan sa amin. Nakahanda na kaming ibalik ang aming buhay kapalit ng kaligtasan ni Rosa. Tanging kamatayan lamang namin ang maglalayo kay Rosa sa kapahamakan.
Walang ingay na binasbasan kami ni Diwatang Eigram. Pigil na pigil ang aming pagkilos maging ang paghinga upang hindi kami marinig mula sa labas.
Pagod na pagod kaming lahat habang nilalabanan ang gintong tanikala ng hari. Hindi naman kami nabigo at nagawa naming alisin ito sa aming katawan.
Kaagad kong sinilip si Rosa. Pero pinigilan ako ni Diwatang Eigram.
“Hindi maari, Cha-ad! Siguradong hindi mo makokontrol ang iyong pagiging engkanto kapag masaksihan mo ang paghihirap ng kalooban ni Rosa. Mas lalo tayong matutuklasan ng mga mortal.”
Patalikod na ako nang biglang sumigaw ang isang mortal.
“ENGKANTO! May engkanto sa pamamahay mo, Rosa!”
“Hindi! Hindi totoo iyan!” rinig kong pagtatanggol ni Rosa.
“Naamoy ko, Rosa! Kailanman ay hindi nagkakamali ang albularyong gaya ko! Nararamdaman ko ang init ng enerhiya nila mula sa iyong tahanan!”
“Rosa! Makinig ka! Huwag kang sasama sa engkanto! Hindi ka na makababalik ng buhay!”
Nagliyab ang aking mga mata sa narinig. Umangat ang mga balahibo ko na tila ugat ng puno. Nagkulay berde ang aking balat. At mga daliri ko’y tuluyang naging sanga. Mas higit ang kapangyarihang inilabas ko, kagaya ng kay Haring Gideon. Ibig sabihin ay puno ng galit ang aking puso. Hindi ito maaari. Mapapahamak si Rosa.
Sa tulong ni Diwatang Eigram nakalabas kami sa bahay at nakarating sa kagubatan na hindi namamalayan ng mga mortal. Mabilis ang aming paggalaw na tila hanging hindi nakikita. Huminto kami sa paglalakbay matapos masigurong malayo na kami sa kinaroroonan ng mga tao.
Nanlalambot akong napaluhod at buong pagsusumamong nakipagtitigan sa aking mga gabay.
“Alam ko ang nasa isip mo, Cha-ad. At alam ko rin na batid mong ikapapahamak ni Rosa ang iyong pagbabalik,” paliwanag ni Inang gabay.
“Ngunit hindi ako matatahimik hangga’t hindi ko nalalaman ang kanyang kalagayan. Kailangan ko siyang makita. Kailangan kong makasigurong ligtas ang aking si Rosa. Kahit sa huling sandali, hayaan n’yo akong makita at magpaalam sa kanya.”
Handa na akong mabaon sa limot. Tanggap ko na, namin, ang pagbawi sa aming buhay sa oras na makabalik kami sa lagusan. Kaya kahit hindi sila sang-ayon alam kong pagbibigyan nila ang aking huling kahilingan.
Tumayo ako at tumalikod pabalik kay Rosa. Hindi ko hinintay pa ang kanilang pagpayag.
“Cha-ad! Sandali! Huwag ka ng tumuloy. May nararamdaman akong enerhiya mula sa mortal,” pakiusap ni Diwatang Eigram.
“Makinig ka, Cha-ad. Sa pagkakataong ito’y pipigilan kita. Hindi maaaring matunton ng mga mortal ang lagusan pabalik sa atin. Sisirain nila ang pananggalang at tiyak na magwawala si Haring Gideon. Masasaktan ang mga mortal ng walang kalaban-laban!” mariing pahayag ng aking Amang gabay.
Natigilan ako sa aking narinig. Ito ang bunga ng aking kapangahasan. Naghangad ako nang higit pa. May nasaktan at may masasaktan.
Nakatungo ako habang dumadaloy ang berdeng luha sa aking ugatang kamay. Napakapalad ko dahil minahal ako ng isang mortal gaya ni Rosa.
“Cha-ad, magmadali! Hindi nila tayo maaaring masundan. Magugulo ang takbo ng buhay ng magkabilang mundo,” pakiusap ni Diwatang Eigram.
Sa huling pagkakataon ay muli kong nilingon ang aming nilisang lugar.
“Paalam, Rosa. Paalam, mahal ko.”
Matapos ay mabilis naming tinahak ang daan pabalik sa lagusan. Ang hangganan na magtatakda ng aming buhay.
Ilang sandali pa’y nasa harapan na kami ng pakay na lugar. Sa pagitan ng mundo ng mortal at immortal mapagmamasdan ang talon ng buhay. At ang makababalik lamang sa aming mundo ay ang nilalang na nagtataglay ng binhi ng buhay.
Nakayuko si Diwatang Eigram habang humihikbi. Hawak-hawak ang binhi ng buhay na natural na taglay ng kagaya niyang diwata. Kaagad siyang nilapitan ng aking mga gabay.
Mahigpit na niyakap ni Diwatang Eigram ang aking mga gabay.
“Huwag kang mag-alala sa amin. Masaya kaming nakasama ang isang diwatang kagaya mo. Kung paanong tinanggap namin ang aming kapalaran, nawa’y ganoon din ang iyong pagtanggap mo nito sa iyong kalooban,” madamdaming pahayag ni Inang gabay.
Lalong naluha ang aking kaibigan. Mula noon hanggang ngayon ay hindi siya nawala sa aking tabi.
“Ipaalam mo sa lahat na masaya kami sa lugar na aming pinuntahan,” dagdag ni Amang gabay.
Mabigat ang aking hakbang papalapit kay Diwatang Eigram. Ayaw ko man siyang lumayo sa aking tabi pero hindi maaari. Hindi ito ang kapalarang nakalaan sa diwata.
“Hindi ka maaring manatili rito, kaibigang Eigram. Baunin mo ang magagandang alaala natin dito sa piling ng mga mortal pabalik sa ating mundo. Huwag mo hayaang mamahay ang lungkot sa iyong puso at isipan. Nararamdaman kong hindi ito ang huli nating pagkikita, aking kaibigan.”
Matapos ay biglang nagliwanag ang butil ng buhay na nasa palad ni Eigram. Dumistansya ako sa kanya at paatras na lumapit sa kinaroroonan ng aking mga gabay.
Tuluyang binalot ng liwanag si Eigram. Unti-unti naming nasilayan ang pagbabago ng kanyang anyo. Nagniningning at ginintuan ang pakpak ni Eigram habang nakasisilaw sa kaputian ang nakabalot sa buo nitong katawan. Hindi hamak na mas maganda ang panibagong Eigram ngayon.
Manghang napatitig ako sa kanya habang nagpaikot-ikot ang diwata sa himpapawid patungo sa pinto ng lagusan. Kaagad iyong nagbukas kasabay ng pagtapak ni Eigram sa kabilang mundo.
“Prinsipe Iskay!” sigaw ni Eigram.
Sinalubong si Eigram ng yakap ni Prinsipe Iskay. Panatag ang aking kalooban sa nasasaksihan. Napatingala ako at mariing napapikit. Kung nagkataon, maging ang buhay pag-ibig ng aking kaibigan ay mauuwi sa wala.
“Cha-ad! Patawad kung hindi kita maibalik kasama ng iyong mga gabay!”
Nanlaki ang aking mata sa narinig buhat sa prinsipe.
“Mahal na prinsipe, maaari ko bang marinig muli ang iyong iwinika?”
“Kasama kong magbabalik ang iyong mga gabay. Dalawang butil ng buhay ang aking alay,” tugon ng prinsipe.
Kaagad kaming napaluhod sa sinabi ni Prinsipe Iskay. Ibig sabihin ay ipinagpalit ni Iskay ang pagiging prinsipe alang-alang sa aking mga gabay.
“Hindi kami karapat-dapat sa sakripisyo mo mahal naming prinsipe,” saad ni Amang gabay habang nananatiling nakaluhod.
Kagaya ni Diwatang Eigram, binalot ng liwanag mula sa butil ng buhay ang aking mga gabay. Magaan ang pakiramdam kong natatanaw silang matagumpay na nakabalik sa aming mundo.
“Patawad aking anak. Mahal na mahal ka namin ng iyong ama,” basa ko mula sa mata ni Inang gabay.
“Huwag kayong malulungkot sa aking pagkawala. Masaya akong lilisan kung makikita kong tanggap n’yo ang aking kapalaran. Mananatili kayo sa aking puso.” Ramdam na ramdam ko ang kalungkutan nila nang maiparating ang nais kong ipahiwatig.
Tumayo ako sa gilid ng talon na tila walang hangganan sa lalim. Ang bangin na naghihiwalay sa dalawang magkaibang mundo.
Magsasara ang lagusan bago maghatinggabi. At dito sa gilid ng bangin ay mananatili ako hanggang sumapit ang bukang liwayway. Sa sinag ng araw, magtatapos ang aking buhay. Magiging kaisa ako ng mga punong nasa paligid.
Nanatili pa ring nakatayo ang aking mga kasama at matamang pinapanood ako.
Hindi ko matagalan ang nakikitang kalungkutan sa kanila. Yumuko ako upang itago ang berdeng likido mula sa aking mga mata. Ang luha ng kabiguan at pamamaalam.
“Cha-ad!” Napatunghay akong muli at hinanap ang pinanggalingan ng tinig.
Kaagad akong lumuhod nang maaninag si Haring Gideon at Reyna Saith na kapwa nakatitig sa akin.
Hindi ko maintindihan ang nais ipahiwatig ng paligid sa pagdating ng Hari. Kanina lamang ay nababalot ako ng saya dahil nakabalik ang aking gabay sa aming mundo. Dapat na malungkot din ako dahil sa kapalarang naghihintay sa akin. Hindi na ako kailanman makababalik sa piling ni Rosa. Dito na ako mawawalan ng buhay at tuluyang magiging kaisa ng lupa.
“Hanggang sa muli, Cha-ad . . .” bulong ni Haring Gideon.
Kapanatagan ang hatid ng paalam niya sa akin kaya lalo akong naguluhan sa aking mga napapansin. Wala ring bakas ng lungkot sa kanilang aura kahit unti-unting nagsasara ang lagusan.
“Cha-ad!” Bumilis bigla ang tibok ng puso ko nang marinig muli ang tinig na nagpapakalma sa akin, si Rosa.
Luhaan siyang nakatitig sa akin. Ngunit ang direksyong tinatahak ay ang talon ng buhay sa kabilang bahagi.
“Rosa! Huminto ka sandali. Tiyak na mahuhulog ka!” Napalakas ang aking boses dala ng takot. Pero hindi ko man kinakitaan ng pagkabahala ang aking mga gabay na nakatitig lamang sa amin.
Humakbang muli si Rosa kaya wala akong magawa kundi pagalawin ang sanga sa aking katawan upang ilayo siya mula sa talon ng buhay.
“Ano’ng ginagawa mo rito? Hindi ka na dapat sumunod. Mapapahamak ka dahil sa akin.”
“Cha-ad, patawad kung hindi ko kayo napangalagaan. Sa pagkakataong ito, hayaan mo akong tulungan kang makabalik sa inyo.”
Naiiling ako sa kanyang iwinika.
“Hindi mo alam ang iyong sinasabi. Wala ng paraan upang makabalik ako. Ito ang parusang naghihintay sa akin.”
“Batid kong alam mo ang ibig kong sabihin, Cha-ad. Buhay ko kapalit ng buhay mo!”
“Pa-Paano mo nalaman?” Tama si Rosa. Buhay ng isang mortal ang katumbas ng isang butil ng buhay. Ang pag-asang makabalik ako sa aking mundo.
“Bago pa man kita nakilala, nangyari na ito sa aking panaginip. Walang kasiguruhan pero gusto kong subukan.”
“Hindi ito ang kapalaran mo, Rosa. Hindi nararapat na saluhin mo ang parusang laan sa akin.”
“Mahal kong Cha-ad. Matagal na panahon akong namuhay mag-isa. Naranasan kong abusuhin ng mga taong akala ko’y masasandalan ko. Sira na ang buhay ko noon pa man. Nang dumating ka, binuo mo akong muli. Mula ka man sa ibang mundo, ipinaramdam mo sa akin ang pagmamahal na akala ko'y naglaho na.”
“Patawad, Rosa. Pero hindi ko hahayaang gawin mo ’yan. Naging masaya ako sa piling mo at gusto kong mamuhay ka ng normal.”
Napapikit ako nang haplusin ni Rosa ang aking mukha. Inaalis nito ang alalahanin sa aking puso. Wala na sa harapan si Rosa nang magmulat akong muli. Nakangiti siyang habang nakapikit sa gilid ng talon.
“Rosa!” Tuluyan niyang iniaalay ang kanyang buhay para sa akin. Hindi ako nagdalawang-isip na sundan siya.
“ Cha-ad!” Huling tinig na aking narinig bago ako tuluyang nilamon ng kawalan.
-------------------------
Malamig na simoy ng hangin ang lalong nagpapikit sa akin. Pakiramdam ko’y isinasayaw ako ng hangin.
“Chard!”
Tawag na nagbangon sa akin. Nagpaikot-ikot ako habang kinakapa ang aking sarili.
“Bu-buhay ako? Pa-Paano nangyari? Hindi ba’t? Hindi ba’t tumalon kami sa bangin?”
“Mister, hindi yata namaligno ka na rito. Ang hilig mong matulog dito.”
Mataman kong pinagmasdan ang nasa paligid ko. Gawa sa sanga-sangang tali ang aking kinahihigaan. Wala akong ibang makita sa gilid kundi mga nakaharang na bato na halos kalahati ng aking katawan ang taas. Sa kabilang bahagi matatanaw ang magandang talon na kumikislap sa ilalim ng liwanag ng araw na nagsisimula pa lamang sumikat.
“Halika na, Chard. Kanina ka pa hinahanap nina Papa.”
Doon ko lamang naaninag ang aking kausap. Awang ang aking mga labi. Walang paalam kong hinila ang kanyang magkabilang kamay at inilapat sa aking pisngi. Napapikit ako sa init na hatid nito.
“Rosa . . .” sambit ko.
“Rosa?” ulit niya sabay bawi ng kanyang kamay.
“May kinakatagpo ka ba ritong babae? Kailan pa naging Rosa ang aking pangalan?”
Kunot-noo akong napatitig sa kanya.
“Richard! Rose! Kanina pa nakahanda ang almusal. Kayo na lamang mag-asawa ang wala!”
Napalingon ako at muling namangha sa nakita.
“Inang gabay?”
“Halika na. Ang mabuti pa’y isuot mo itong kuwintas. Malamang, naengkanto ka na sa kakatulog mo sa lugar na ito.”
Hugis butil ng luha ang nasa gitna ng sinasabi niyang kuwintas. Napahawak ako sa bagay na iyon—ang butil ng buhay.
Niyakap ako nang mahigpit ng aking kaharap saka bumulong, “Maligayang pagbabalik, mahal ko.”
- wakas-

Komentar Buku (11)

  • avatar
    Talisic Janlee

    200

    14d

      0
  • avatar
    Min Sugar

    cool nice good beautiful wow cute

    12/05

      0
  • avatar
    Charles Batakmagml

    ...............………............

    05/04

      0
  • Lihat Semua

Bab-bab Terkait

Bab Terbaru