logo
logo-text

Unduh buku ini di dalam aplikasi

Chapter 3

Kibabukasan ay maagang bumangon si Mariz. Naglinis siya ng buong bahay at kahit bakuran nila ay hindi nakaligtas. Nagdamo siya sa paligid upang aliwin ang sarili. Ayaw niyang nagmukmok dahil mas mararamdaman lang niya ang sakit ng pagkabigo tuwing wala siyang ginagawa.
Pinagdiskitahan niya ang mga damo habang tagaktak ang pawis. Dati-rati ay ayaw niyang magdamo dahil mas lalo siyang iitim sa sikat ng araw pero ngayon ay wala siyang pakealam. Suot din niya ang maluwang na T-shirts at pajama habang ang buhok ay nakatali ng walang kaayusan.
"Ano ba ang nangyari sa anak mo?" bulong ni Pedring sa asawa habang nakatingin kay Mariz. Nakasilip sila sa bintana ng munti nilang bahay at tila ba mga tsismosang nagbubulungan.
"Hindi ko alam, tanungin mo," bulong rin ni Salud.
"Bakit ako? Ikaw ang ina," sambit rin ng matandang lalaki. Kapag ganoon ang mood ng anak nila ay nagtuturuan silang dalawa kung sino ang unang kakausap. Masayahin kasi si Mariz at palakwento pero kapag badmood ay hindi makausap ng matino.
"Hay naku! Oo na, ako na ang kakausap!" inis na nagmartsa palabas ng bahay ang ginang at pumunta sa munti nilang hardin. Na-cultivate na ni Mariz ang mga tanim nilang rosas at ngayon naman ay hinarap nito ang mga gumamela at isa-isang tinatanggal ang tuyong dahon.
"Ah, Mariz, anak," pagtawag ni Salud pero hindi siya pinansin ni Mariz. Patuloy lang ito sa paghawi ng halaman. Mabuti sana kung marahan ang ginagawa nito pero halos maputol na ang tangkay ng pobreng gumamela sa ginagawa niya.
"Mariz!" mas nilakasan niya ang boses pero hindi pa rin ito natinag. Nilapitan niya ito at hinawakan sa balikat.
"Bruha! Aswang! Halimaw! Demonyita!" sigaw ni Mariz sa pagkagulat bago hinarap ang ina na muntik nang matumba sa gulat.
"Mariz! Ano bang pinagsasabi mo?" nanlalaki ang mga matang bulalas ni Salud. Iyon ang dahilan kung bakit takot silang lapitan ito kapag tahimik dahil tiyak na nawawala sa sarili.
"Nay! Ikaw pala! Sorry po!" sambit nito na natataranta. Ang nasa isip niya kanina ay si Hanah kaya naman kung ano-ano na naman ang nasambit niya.
"Anak, ano ba ang problema?" malumanay nitong tanong. Kanina pa sila umagang nag-aalala ni Pedring dahil wala sa sarili ang kanilang dalaga. "May nangyari ba kagabi, anak?"
"Ano naman ang mangyayari, Nay? Syempre wala! Inaayos ko lang 'tong mga halaman mo," sambit niya bago tinuloy ang ginagawa.
"Anak, hindi mo naman inaayos, eh. Sinisira mo!" giit nito. Tinignan niya ang mga halaman, halos makalbo na nga iyon kaya agad niyang binitiwan. Wala naman talaga siyang hilig sa paghahalaman. Gusto lang niyang malibang sana pero nawala siya sa sarili at napagbuntunan ito.
"Sorry, Nay." Napaupo siya at doon bumuhos ang mga luha niya. Tumabi naman ang matanda at hinagod ang kanyang likod. Lalo siyang napaiyak dahil sa awa sa kanyang sarili. Hindi lang kasi puso niya ang nasaktan dahil maging ang pride niya bilang babae ay nasaling din. Hindi na niya alam kung paano haharapin ang matalik niyang kaibigan. Natatakot siya ngayon na baka magkalamat ang friendship nilang dalawa.
"Sana pala hindi na lang ako umamin!" bulalas niya sa pagitan ng pag-iyak. Naramdaman niya ang pagyakap ni Aling Salud at ang marahang hagod nito sa kanyang likod kaya naman kahit paano ay gumaan ang pakiramdam niya.
"Tahan na, anak. Ganoon talaga ang pag-ibig."
"Nay, mas maganda naman ang BenRiz kesa Benah, 'di ba?" humihikbing tanong niya. Hindi man maintindihan ng ginang kung anong ibig niyang sabihin ay tumango na lang ito. Naiiyak na rin ang ginang at nasasaktan sa nakikitang kamiserablehan niya.
"Anak, anuman ang kinahinatnan ng pagtatapat mo ay huwag mo gaanong dibdibin dahil wala ka namang dibdib," biro nito kaya agad na napalayo ang dalaga sa ina.
"Inay naman!" Nakabusangot niyang singhal. Natatawang niyakap naman siya ng ina kahit na may luha rin sa mga mata nito.
"Parte ng pag-ibig ang sakit kaya naman kayanin mo 'yan. Diyan ka magiging matatag."
Napangiti siya sa sinabi ng ina. Kahit paano ay gumaan na ang kanyang pakiramdam. Ipinagpapasalamat talaga niya na nabiyayaan siya ng mabait at cool na inang katulad ni Aling Salud.
Nang mahimasmasan siya sa pag-iyak ay magkatulong nilang hinakot ang mga damo para itapon sa likod bahay nang matanawan niya si Benjie. Mababa lang naman ang tarangkahan nila na gawa sa kawayan kaya kita niya ang lalaki mula sa labas.
"Mariz!" sigaw ni Benjie. Matagal na itong nanliligaw sa kanya pero palagi niyang binabasted dahil si Benedict ang tinitibok ng kanyang puso. Siguro'y pagkakataon na para pagbigyan ang lalaki. Mabait naman ito at maginoo. Kung sa itsura naman ay masasabing gwapo rin ang lalaki, mapayat nga lang. Palaging may salamin sa mata at naka-braces pa kaya mukha itong nerd.
"Magandang tanghali po, Aling Salud," bati nito sa kanyang ina na bahagya pang yumukod. Ito ang gusto niya sa lalaki dahil magalang at maginoo lalo na sa mga matatanda kaya kung may bibigyan man siya ng chance ay si Benjie na iyon.
"Oh, Benjie! Halika, tuloy ka muna!" nakangiting paanyaya ni Aling Salud pero malugod itong tumanggi.
"Naku, hindi na po. Napadaan lang ako po ako para yayain si Mariz mamaya doon sa sayawan," kumakamot sa ulong sambit nito na tila ba nahihiya.
"Abay kayong dalawa ang mag-usap. Maiwan ko muna kayo at nang matapos na itong ginagawa namin," sambit ng matanda bago nagtungo muli sa likod bahay habang hawak ang sako ng mga damo.
"Ahm... Mariz, pwede ka ba mamaya?" tanong nito pagkaalis ng kanyang ina.
Napaisip siya ng ilang saglit bago marahang tumango. Hindi naman siguro masama kung sasama siya.
"Sure, basta sunduin mo ako mamaya!" nakangiting tugon niya na ikinalaki ng mga mata nito sa tuwa.
Maraming beses na siya nitong niyayaya na lumabas o makipag-date sa bayan pero tinatanggihan niya kaya hindi ito makapaniwalang pumayag siya ngayon.
"Thank you, Mariz! Sige, susunduin kita mamaya!" maaliwalas ang mukhang sambit nito bago nagpaalam na aalis.
May sayawan mamayang gabi sa bahay ng isa nilang kababata na ikakasal bukas. Imbitado rin siya ngunit balak sana niyang sa simbahan nalang pumunta. Wala siyang hilig sa mga sayawan pero naisip niyang pagkakataon na iyon para buksan niya ang puso sa iba at makalimutan na rin si Ben. Mas magandang aliwin na lamang niya ang sarili kaysa umasang magkakaroon siya ng puwang sa puso ni Ben ng higit pa sa pagiging kaibigan.

Komentar Buku (1041)

  • avatar
    John John

    tapos

    4h

      0
  • avatar
    LaurenceLeya

    nice story

    8h

      0
  • avatar
    Genelvie Sabado

    verry impresive

    1d

      0
  • Lihat Semua

Bab-bab Terkait

Bab Terbaru