logo text
Tambahkan
logo
logo-text

Unduh buku ini di dalam aplikasi

IOL 7

Dinumog agad ng mga reporters si Toni pagpasok pa lang niya ng Alta Music. Napakabilis kumalat sa publiko ng balita tungkol sa paghihiwalay nila ni Phil at ang pagkakabuntis nito sa kapatid niya. Hindi man siya nagsasalita tungkol sa isyu ay sumabog na iyon nang tuluyan dahil sa mga eye witnesses at sa mismong malapit na kaibigan ni Aya. She felt betrayed once again.
“Aya, usap-usapan pa rin ngayon ang tungkol sa pagpapalayas mo sa buntis mong kapatid sa bahay mo. Alam mo bang kontrabida na ang tingin sa iyo ng maraming tao? Ano ang masasabi mo sa mga anti-Toni?” bato agad sa kanya ng isang reporter.
“Hindi mo naman daw inaasikaso si Direk Phil kaya nabaling ang atensiyon sa kapatid mo,” sabi naman ng isa pa.
“Usap-usapan naman na may iba daw lalaking pinaselosan si Direk kaya chumenez siya ng ibang girlash,” anang isang bading na reporter. “Anong say mo doon?”
Itinaas niya ang dalawang kamay bilang pagsuko. Iyon ang unang appearance niya sa publiko mula nang sumabog ang eskandalo at nalapitan siya ng reporters. Sa trabaho kasi ay walang nagtatangkang magtanong sa kanya. Wala ring makuhang sagot sa kanya ang mga fans niya. Ano pa bang dapat niyang sabihin? Niloko na siya ng dalawa sa taong pinakamamahal niya. Wala nang magbabago pa doon.
“Guys, please hold your questions. Hindi ako nagpunta dito para pag-usapan si Phil o kung sinuman ang nabuntis niya. Sana tungkol na lang sa ire-record kong kanta ang itanong ninyo sa akin. It will be our country’s unity song. Sa palagay ko mas mahalaga iyon kaysa sa personal kong buhay,” nakangiti niyang sabi. Nasanay na siyang huwag ipakita kanino man na nasasaktan siya. Nasasanay na rin siyang wala sa buhay niya sina Aya at Phil.
“Anong pakiramdam na ang kantang compose ni Rushmore Huntelar ang kakantahin mo? May nararamdaman ka pa bang kilig sa kanya?” may halong panunuksong tanong ng reporter.
Hindi niya alam na si Rushmore ang nag-compose. Siguro ay alam ni Mommy Jho na tatanggihan niya iyon. “Hindi na ako bata.” Pikit-mata niyang kakantahin ang kanta nito at iisipin na lang niyang hindi ito ang songwriter.
“Baka naman may katuloy na ang nakaraan ninyo,” tudyo pa ng isa.
“Sa ngayon gusto ko lang magtrabaho.”
“You are promoting unity and peace. Ibig sabihin handa ka nang ayusin ang problema ninyong magkapatid. Humarap ka ba sa pamamanhikan ng pamilya ni Phil?”
“Pamamanhikan?” tanong niya.
“Kagabi lang daw. Hindi mo ba alam iyon?”
Kaya pala wala ang nanay niya nang nakaraang gabi. Ni ayaw nitong sabihin kung bakit ito bihis na bihis. Iyon pala ay namanhikan na ang pamilya ng pamilya ni Phil. Magpapakasal na ang mga ito. Pakiramdam niya ay tinraidor siya ng sarili niyang ina. Pinagmukha siya nitong tanga at iniwang mag-isa sa laban.
“Nakapag-move on ka na ba?” nag-aalalang tanong ng isang reporter.
She suddenly felt vulnerable and defenseless. Pakiramdam niya ay mag-isa na lang siya sa laban at walang kakampi. Iniwan na siya ng lahat ng mahahalagang tao sa buhay niya. “I don’t know how to move on. How can I move on when I don’t even know where to start. Just last week, I thought I had a loving sister and a perfect boyfriend. Now I have neither.” Umiling siya at di na niya napigilan pa ang pagpatak ng luha sa mata niya. “Sana huwag itong maranasan ng ibang tao kasi masakit. Wala naman kasi akong ginawa kundi mahalin sila.”
“Everyone, I think that’s enough for now. Papasok na sa loob si Toni. Hindi siya pwedeng paiyakin dahil may recording pa siya,” natatarantang sabi ng road manager niya at hinawi na rin ng security ang mga reporters.
Idinala siya sa waiting lounge. Tahimik siyang nakaupo doon at di pa rin alam kung anong dapat na isipin. Another betrayal from her mother. Parang hindi na iyon matatapos. Pagod na pagod na siyang apak-apakan at gawing tanga.
“Chocolate?”
Isang bar ng Big Bang ang nasa harap niya at hawak ni Rushmore. Parang nakakaloko pa ang ngiti nito na lalong nagpaguwapo sa mokong. Iningusan niya ito. “Kakanta ako. Gusto mo bang masira ang boses ko?”
“Chocolate will make you feel better. Mahirap kumanta ng tungkol sa kapayapaan kung may galit ka at sama ng loob sa dibdib mo,” sabi nito at inilapit pa ang chocolate sa kanya. “Masarap ‘to. Hindi ka kumakain ng imported na chocolate. Dito lang nakikipag-agawan ka pa sa akin.”
“Imported na ang gusto ko ngayon,” pakli niya. Gusto lang naman niya ang Big Bang noon dahil iyon ang paborito ni Rushmore. Masaya na siya kapag hinahatian siya nito ng chocolate. Pakiramdam naman niya ay nililigawan na siya nito kapag binibigyan siya ng chocolate. Naiinis siya sa sarili niya kapag naaalala iyon.
Umupo ito sa couch sa tapat niya. “Akala ko ibang singer ang kakanta ng unity song. Nagulat ako nang sabihin ni Mommy Jho na pumayag ka. So you’ll sing for me after all.”
“Hindi ikaw ang kakantahan ko. I am gonna sing it for peace,” paglilinaw niya. Bakit ba kailangang kasama pa ito sa recording? Nakakainis talaga.
Isang babaeng sa palagay niya ay 5’1” lang ang tangkad at may pagka-chubby ang pumasok ng pinto. Yumakap agad ito mula sa likuran ni Rushmore. "Rush, I am looking all over the place for you. Nandito na daw si Toni. Jeez! I am so excited to see her.”
Itinirik niya ang mata. Hindi ba siya nito nakita?
"Lorna, nandito nga siya,” sabi ni Rushmore at inginuso siya.
Natutop ng babae ang bibig. "Oh, my gosh! I finally met you in flesh. I can't believe this. Hi! I am Lorna Tesoro." At na-freeze na ito dahil di na nito nadugtungan pa ang sasabihin. She was used to that. Mga nai-starstruck kapag nakikita siya.
Kinamayan niya ito at tipid na ngumiti. "Nice meeting you."
"Isa siya sa volunteer teacher ng Shining Hope School for the Disabled. Siya ang nag-push na imbitahan ka sana sa concert,” sabi ni Rushmore.
Humawak si Lorna sa braso ni Rushmore. "Thank you for the donation."
"It isn't much.” Di niya maialis ang tingin sa pamilyar na paghawak nito sa braso ni Rushmore at hinawakan naman ni Rushmore ang kamay nito. May relasyon ba ang mga ito? Hindi niya alam na ganito pala ang type ni Rushmore. Maliit, chubby at plain lang ang ganda. Kaya naman pala hindi siya ang type nito.
“Sana makadalaw ka sa amin. Gustong-gusto kang ma-meet ng mga bata.” Pinisil nito ang braso ni Rushmore at may ibinulong dito. Naiirita siya sa pagiging sweet ng mga ito sa isa’t isa. Di man lang mahiya sa kanya.
"I met your boyfriend last year when he went to our school. Nandito ba siya?" Lumakas na naman ang boses ni Lorna. "Gusto ko sana siyang kumustahin."
"Break na sila," sabi ni Rushmore.
Natutop ni Lorna ang bibig. "I am sorry. I didn't know. Di talaga ako nakakanood ng news."
"It's okay," aniya at sinapo ng isang kamay ang sentido. Mukhang magkaka-migraine siya sa sobrang tense. Magaling na composer si Rushmore. Bagamat hindi na ito performer ay nagko-compose ito para sa ilang mga artist. Kaya nakaka-pressure din na siya ang kakanta ng composition nito. May pagka-critic pa mandin ito.
Nagulat siya nang hawakan ni Rushmore ang balikat niya. "Are you fit to perform?"
"Of course. I am professional."
Pinisil ni Lorna ang braso ni Rushmore. “Huwag ka namang ganyan kay Miss Toni.”
Isang matinis na tunog ang narinig niya at muling pumintig ang sakit sa ulo niya. Kailangan lang niyang inumin ang gamot niya. Hindi pwedeng makaapekto ito sa trabaho niya. "Excuse me. I will just make a phone call."
Tinawagan niya si Dianne para sa gamot niya. Nagtaka siya dahil di nagri-ring ang phone. Nang tingnan niya ay naka-activate naman ang tawag at naka-connect na. "Hello." Walang sumasagot.
"Dianne, 'yung gamot ko?"
Di niya narinig ang sinabi niya. Bakit bigla siyang nawalan ng boses? Hinawakan niya ang lalamunan. Tumikhim siya. Naramdaman niya ang vibration pero hindi niya narinig ang tunog. Hindi siya malat. Maraming beses na siyang umiyak pero nakakapag-perform siya pagkatapos.
Nanlamig siya dahil masyadong tahimik ang abalang corridor ng recording company. May naglalakad pero wala siyang marinig na yabag ng paa. May nakikipag-usap sa phone pero di niya marinig kahit ang bulungan. Lumapit sa kanya ang isang staff. Bumuka ang bibig nito pero wala siyang marinig. May humawak sa balikat niya. Si Rushmore. Bakas ang pag-aalala sa mukha nito at may sinasabi. Wala siyang marinig na kahit ano. Wala!
Sinapo niya ang ulo nang muling sumigid ang sakit. Bingi na ba siya? Hindi pwede ito. Hindi pwede.
Parang bumagsak ang mundo sa paligid niya at nagdilim ang lahat.

Komentar Buku (41)

  • avatar
    DequitoShahani

    napaka ganda ng story na ito dalang dala ako sa kwento...

    18/01/2022

      0
  • avatar
    Candy Claire Calba

    nice

    22d

      0
  • avatar
    Jing Castro

    Ang ganda ng novel

    23/08

      0
  • Lihat Semua

Bab-bab Terkait

Bab Terbaru