logo
logo-text

Unduh buku ini di dalam aplikasi

BTSSM 3

Pababa si Jermaine ng hagdan, suot ang T-shirt at jogging pants nito. Gulo-gulo ang buhok nito at mukhang maghapong di nagsuklay. Taliwas sa itsura nilang mga rojo na galing sa party kaya pormal na pormal ang pustura. Pero walang pakialam si Jermaine. Normal na daw dito na magtrabaho nang nakapambahay o nakapantulog lang. At sa halip na sumama sa party, pinili nito na magsulat na lamang habang nakakulong sa kuwarto nito.
“Excuse me?” mataas ang tonong anong ni Atrisha. Noon pa man ay di na gusto ng babae si Jermaine. Hindi ito komportable sa presensiya ng mga tao na di namulat sa sirkulo nila. Pero pinakamalaking krimen daw na nagawa ng mortal na manunulat ay ang kawalan nito ng sense of fashion. Madalas kasi ay nakapambahay lang ang babae, sabukot at walang pakialam pangit ito sa paningin ng iba. Di nga daw nito alam kung paanong natatagalan ni Enricus ang babae samantalang ito daw ang isa sa pinaka-fashionable na bampira.
Beautiful creatures. Iyon ang palaging description sa kanilang mga sanguis sa simula pa lang ng panahon. Kahit daw anong gawin nila, parang di sila pinagpapawisan o nagugulo ang buhok. Immaculate even. At dahil matataas na uri ng nilalang ang tingin nila sa sarili, fashion must go with it.
Pero walang pakialam si Jermaine sa fashion-fashion. Isusuot nito kung ano ang gusto nito. Ayaw daw nito ng nasa bahay lang, parang kailangan laging may party. Ang problema daw sa kanilang mga bampira, nasa bahay lang daw parang laging magpi-pictorial.
“Magiging abala siya sa paghahanap sa itinakda,” sagot ng babae at lumapit sa kanila. “Tama po ba, Senyora Aleaja?”
Tumango ang puno ng consejo. “Tama. Siguro hindi pa ito ang panahon. Gusto mo bang magpahanda ako ng pagkain para sa iyo.”
“Salamat po pero mamaya na po. Malapit na ang SEA Games, hindi ba?” Kumislap ang mga mata ng babae. “Sa palagay k may makaka-break ng Olympic record sa taong ito.”
“Sino naman? ‘Yung iniilusyon mo na makaka-partner ni Kristian?”
Abot-tainga ang ngiti ni Jermaine. “Yesss.”
Naggiyagis ang ngipin ni Atrisha nang lumapit sa kanila. “Just shut up with your nonsense then. Lalabas ka lang ng lungga mo, sisirain mo pa ang mood ng iba.”
“Bakit ka galit? Nobela ko lang naman iyon,” pabalang na sagot ni Jermaine. “Kung naging mabait ka sana sa akin, ikaw sana gagawin kong bida… not.”
Nanlisik ang mga mata ni Atrisha. Lumabas ang pangil nito. “You…!”
Akmang susugod na ito kay Jermaine nang harangin niya. “Kumalma ka lang, Atrisha. Hindi mo siya kaaway.”
Nang lingunin niya ay nakaharang din si Aleaja at hawak ang balikat ni Jermaine, inaakay ang babae palayo. “Gutom ka na ba, Jermaine? Come. I am sure may pagkain na ipinatabi sa iyo si Enricus. Nakakagutom naman talaga ang magsulat. So tell me about this story of yours. Sino ang bagong love team mo?”
Humihingal pa rin sa galit si Atrisha pero umurong na ang pangil nito. Inakay naman niya ito palabas ng mansion at naglakad papunta sa cottage nito. “Anong sabi ko sa iyo tungkol sa temper mo? Learn to control your emotions. Isang buwan kang di nakapasok ng Valle at hindi naka-attend sa parties nang nakaraang nabangga kayo. Nag-sorry na sa kanya dati pero hindi ka pa rin natuto.”
“Nakakapikon ang mortal na iyon,” sabi nito at sinipa ang batong nadadaanan. Hilera ng nagtataasang puno ang nilalakaran nila. “Di dahil kresme siya, hari-hari na siya dito.”
“Hindi mo na dapat ina-antagonize si Jermaine. Hindi madali ang trabaho niya. Hindi mo gugustuhin na mapunta siya sa mga Umbra.”
Humalukipkip ang babae. “Nananadya kasi siya. Sabi niya dati ipa-partner ka niya sa isang mortal na atleta. Huh! Masyadong nag-iilusyon ang mga mortal na iyan na isang rojo ang mapipili ng kapalaran para sa kanila. Nakatyamba lang siya kay Enricus.”
Magaan siyang tumawa. “Kwento lang naman iyon. Hindi natin alam kung totoo o hindi.”
May mga hula pa rin si Jermaine na pumapalpak. Katwiran nito, di naman nito sinusulat ang mga kwento bilang isang hula kundi isang klase ng entertainment para sa mga mambabasa nitong mortal. Sila lang naman daw mga rojo ang sumeseryoso sa sulat nito at nagpipilit na bahagi ng propesiya.
“I love you, Kristian,” anang si Atrisha at kinintalan siya ng halik sa pisngi. “Ayoko lang na mawala ka sa akin kahit nobela lang iyan.”
Tinapik niya ang ibabaw ng ulo nito. “Matulog ka na. Huwag mo nang masyadong problemahin si Jermaine o ang kwento niya. We can’t verify her claims yet. Hindi natin alam kung totoong oculus ang nasa atin o hindi.”
“Hindi ka ba natatakot na magkatoto ang isinulat niya?” tanong nito.
Natawa si Kristian. “Bakit naman ako mag-aalala sa isang fiction? Come on. Baka symbolic lang iyon na ako ang tutulong para mahanap siya. Nothing more. Sa palagay mo ba pakakasalan ko ang babaeng di ko pa nakikita o di ko pa kilala?”
Mahabang sandali siyang tinitigan ng babae. “I don’t know. Kahit na ayoko sa kanya, nabasa ko ang sinulat niyang kwento nila ni Enricus. Ninety-five percent accurate. Paano na tayo?”
“Huwag mo nang isipin ang mga bagay na posibleng di naman mangyayari.”
“Kapag ipinagpalit mo ako sa ibang babae, magiging kontrabida talaga ako sa buhay ninyo,” nanghahaba ang nguso nitong sabi.
Kung may babae siguro siyang pakakasalan, si Atrisha iyon. Kahit pa nga wala siyang maramdaman na spark. He didn’t want that spark to rule his life. Dahil ang mga sanguis daw kapag nagmahal, mas baliw pa kaysa sa mga tao. Mas mahaba ang buhay nila kaysa sa tao. Hindi niya makita ang sarili na habambuhay na hahayaan ang isang babae na ikutan ng buong buhay niya.
Atrisha was safe. Pero wala pa siyang maiaalok ngayon dito na kahit ano. Mahalaga sa kanya ang misyon. Handa siyang protektahan ang itinakdang mezzo sanguinare. Pero di niya ibibigay dito ang puso niya.
NAKAKAHILO ang init ng araw sa Malaysia. Nakakapaso at parang tumatagos sa bawat himaymay ng laman ni Alta Kintanar. Kasagsagan ng tag-init sa Malaysia nang doon ganapin ang Southeast Asian Games at isa siya sa represenstative ng Pilipinas na lalaban sa athletics. Siya ang record holder ng Pilipinas pagdating sa pinakamabilis tumakbo. She had the speed and the stamina. Isa lang ang kahinaan niya - ang matinding init ng araw. Kinakapos siya ng hininga at parang nasusunog ang balat niya kapag nakatutok na ang araw. At lumalabas ang pulang maliliit na hugis-buwan sa balat niya.
“Yuck! Ano na naman ‘yang meron sa balat mo?” nakangiwing sabi ng makakalaban niyang si Wanda nang balikan niya ang bag niya at uminom ng tubig. Gaya niya ay representative ito ng Pilipinas.
Sa lahat ng kasama niyang atleta ay ito lang ang hindi niya kasundo. Una ay isang matinding kalaban ang tingin nito sa kanya. Galing kasi ito sa isang mayamang pamilya at hampaslupa ang tingin nito sa katulad niyang galing sa mahirap na pamilya. At ni minsan ay hindi pa ito nanalo sa kanya sa mga competition. Ilang beses na silang nagkaharap sa athletics ng Palarong Pambansa hanggang sa mga kompetisyon sa labas ng bansa. Habang nagiging kaibigan niya ang ibang nakakalaban pati mga banyagang atleta, tanging si Wanda lang ang mainit ang dugo sa kanya.
“Nagkakaganito ako kapag sobrang init ng araw,” sabi niya at tiningnan ang namumulang balat.
“Hindi ka dapat lumalaban.” Itinirik nito ang mata. “Baka mamaya nakakamatay pala ang sakit mo tapos mahawa pa kami sa iyo. You should be put somewhere far from people. Di ka dapat nakikihalubilo, much less lumalaban sa international competition. Baka dito ka pa magkalat ng sakit. Baka parasites na pala ‘yang nasa balat mo. Yuck!”
“Nagpa-medical check up ako dito mismo sa Malaysia. Binigyan ako ng clearance ng doktor na maglaro.” Ayaw lang nito na maglaro siya dahil gusto nitong masolo ang medalya. Kung mawawala siya sa kompetisyon, mas malaki ang pag-asa nitong manguna. “Wala ngang makitang sakit ang doktor sa akin. May ganyan daw talagang balat kapag naiinitan ng araw pero di naman iyan delikado.”
Tumaas ang kilay nito. “Feeling mo naman aristokrata ka. Nagkaka-allergy kapag sinisikatan ng araw. You are from the slums. Di bagay sa iyo ang ganoong allergy. Baka mamaya nga galis iyan. Yuck! Huwag kang didikit sa akin dahil baka mahawaan ako.”
Hinaplos niya ang sariling balat. Hindi rin niya alam kung paano niya nakuha iyon. Bata pa lang siya ay namumula na ang balat niya basta nabababad siya sa init ng araw. Pakiramdam niya ay nasusunog siya. Nakakatawa nga dahil sa kabila ng init ng araw ay gusto pa rin niyang tumakbo. Nawawala rin naman ang pamumula niya kapag lumubog na ang araw. Di siya papayag na makapigil sa kanya ang allergy na iyon para makuha niya ang pangarap niya. Ang pagtakbo ang makakatulong para maabot niya ang pangarap niya.
“Ano? Inasar ka na naman ng bruhang Wanda na iyon?” tanong ng kaibigang si Chenie. Gaya niya ay sa athletics din ito. Bukas pa ang laban nito at naroon ito para mag-cheer sa kanya.
“Sanay na ako,” sabi niya.
“Naku! Insecure lang iyan. Mas maganda ka naman kasi sa kanya at mas magaling.”
“Hindi naman ganoon ang tingin ko sa sarili ko. Pare-pareho lang naman tayong tao na gustong lumaban para sa pamilya at sa bayan natin. Sa huli, pwede naman tayong maging magkakaibigan at maging masaya sa narating ng iba.”
“Don’t worry. Ikaw ang itsi-cheer namin at hindi siya.”
Tumawa siya. “Maldita ka talaga. I-cheer din ninyo sila. Isang team lang tayo dito.” Ayaw niya ng away sa grupo nila. At ayaw niyang sa kanya manggagaling ang gulo. Iisang bandila lang naman ang inilalaban nila. Ang tagumpay ng isa ay tagumpay nilang lahat.
Itinaas ni Chenie ang mga kamay. “Okay. Sabi mo, eh.”
Nang pinapwesto na sila sa starting line ay muli niyang naramdaman ang pagkagat ng init ng araw sa balat niya. Nakakahilo ang init na iyon. Dapat ay sanay na siya. Lagi naman siyang ganoon kapag may laban.
Nag-focus siya sa finish line. Nang pumutok ang baril bilang hudyat na maari na silang tumakbo ay inignora niya ang nakakahilong init ng araw o ang parang nasusunog niyang balat. Kailangan niyang marating ang finish line. Kailangan niyang manalo.
Itinodo niya ang bilis. Pakiramdam niya ay sumasabay siya sa hangin hanggang makita na niya ang finish line. Malapit na siya. Malapit na malapit. Nang tumama sa dibdib niya ang ribbon ng finish line ay saka lang niya naring ang malakas na hiyawan ng mga tao. Isang malakas na hiyaw ng tagumpay ang pinakawalan niya. Nanalo siya. Nanalo siya.

Komentar Buku (24)

  • avatar
    IKey Andeleon

    thank you

    24d

      0
  • avatar
    Dela CruzMynths Jurhie

    subrang ganda

    30/06

      0
  • avatar
    Loy Max Weyn

    good

    20/04

      0
  • Lihat Semua

Bab-bab Terkait

Bab Terbaru