logo
logo-text

Unduh buku ini di dalam aplikasi

CHAPTER 04

Nakasimangot ako habang isinasalansan sa tray ang agahan na inorder ni Sir Pablo. Kagabi pa lang ay sinabi niya na sa akin kung ano gusto niyang kainin ngayong umaga. Ito raw ang unang schedule ko sa kaniya.
Siya na nga itong nanloko, siya may ganang gawin akong alalay niya! Kung hindi lang nakasalalay ang trabaho namin at itong resort, hindi ko ito gagawin.
Hindi ko naman sinasadya na masabihan siyang antipatiko, kung ‘di ba naman kasi siya siraulo na pinagtripan ako.
“Be my slave, be my slave ka pa, kasalanan mo rin naman. Kung hindi ka lang gwapo, natiris na kita riyan!” mahina kong pangangausap sa aking sarili.
Napatalon ako sa biglang pagbukas ng pinto sa kusina at pumasok si Grace. “Sinong kausap mo riyan?”
“Wala,” simpleng sagot ko.
“Asus, inaalala mo pa rin ‘yang pagiging alalay mo kay Sir Pablo. Ayaw mo ba?”
“Mukha bang gusto ko? Kahit saan natin tignan, halatang malakas ‘yon. Kaya no’n gawin ang pagbabanta niya.”
“Hay naku, tanggapin mo na lang. Sino ba kasi may kasalanan? Kung hindi ka ba naman kasi malaking loka-loka, oh tingnan mo kung nasaan ka ngayon,” inirapan ako nito at lumabas na rin matapos makuha ang tasa ng kape.
Huminga ako nang malalim at kinalma ang sarili ko. Prinaktis ko pa ang pagngiti dahil alam ko sa sarili ko na itong busangot na mukha ang maipapakita ko sa kaniya kung sakali.
“Anong ginagawa mo, Easter?” si Kuya Ismer.
“Hehe. Wala kuya, labas na po ako.” Nakita ko pang napailing ito bago tuluyang magsara ang pinto.
Dumiretso ako labas patungo sa ikalawang palapag dahil naroon ang kwartong inookupa ng lalaki. Alas siyete pa lang ng umaga pero dahil sabi niya ganitong oras ko ihatid, siguro naman gising na siya ‘di ba.
Tatlong katok ang ginawa ko subalit inabot ako ng ilang segundo na walang nagbubukas. Napakagat ako sa aking labi dahil sa inis. Inulit ko muli ang pagkatok pero ngayon ay may kalakasan na. Ang siste ganoon pa rin!
Hindi na ako nahiyang bayuhin ng malakas ang pinto. Iyon nga lang sa huling subok ko ay biglang bumukas ang pinto at nabitin sa ere ang kamay ko.
Nanlaki ang mata ko sa bumungad sa akin. Isang matipuno at malapad na dibdib lang naman ang nasa aking harapan! Nang magtaas ako ng tingin ay nakita kong magulo ang buhok niya at pikit pa ang isang mata, halatang nagising ko. Bumaba ang tingin ko sa nakabalandra niyang mabalahibong dibdib, umabot pa ang aking tingin sa kaniyang tiyan na hulmang-hulma ang walo na pandesal.
Pinigilan ko pa ang aking mga mata na bumababa sa kung saan subalit hindi ko napigilan. Tanging itim na boxer short lang ang suot niyang saplot, ‘di alintana ang lamig ng aircon. Nahalata ko ang umbok doon na naging dahilan para mapalunok ako!
Lihim akong napadasal. Ayokong maging makasalanan sa ganitong kaaga subalit nangyari na.
“What?” ani ng baritonong boses sa akin. Nang bumalik ang tingin ko sa mukha niya ay masungit itong nakatingin sa akin.
Umarangkada ang pagiging masungit ko rin. ‘Di porket maputi at maganda katawan niya ay kakalimutan ko na ang ginawa niya sa akin!
Tinaasan ko siya ng kilay, hindi ko namalayan na nawala pala ang prinaktis kong dapat na ngiti sa kaniya. Pinapainit ng gwapong nilalang na ito ang ulo ko.
“Sir Pablo, nakalimutan mo na ba ang napagkasunduan natin kahapon?” taas-kilay kong tanong sa kaniya.
“Napag-usapan?” wala sa sariling wika niya sabay humikab. Nasilayan ko tuloy ang pantay at mapuputi niyang ngipin.
Lutang ba siya kahapon? Sa naisip ay lihim akong nagdiwang. Ang kaninang pilit na ngiti ay naging totoo na.
“Ha? May sinabi po ba ako? Ibig kong sabihin sir, baka po nakalimutan mo itong in-order mo sa amin kagabi. Ang sabi po ninyo ay ihatid ko sa’yo ngayong umaga kaya heto na po. Saan ko po ba ilalagay ito?”
Tila wala sa huwisyo niyang inabot sa akin ang tray na naglalaman ng agahan niyang American Breakfast.
“Thank you. You may go now.” Huling sinabi niya bago isinara ang pinto.
Hindi ko napigilan ang mapatalon sa kasiyahan! Sa wakas, makakalimutin naman pala siya! Malapad ang ngiti ko habang bumababa sa hagdan.
Nang makapasok ako sa loob ng resort ay nagtataka ang mga tingin na ibinibigay sa akin nila Grace.
“Anong nangyari sa’yo?”
“Maganda lang ang mood ko ngayon!”
“Huh? Ba’t parang pinagsakluban ka kanina?”
“Nagbago na isip ko, mas ibe-bless tayo ni Lord kapag in-appreciate natin itong panibagong araw na ibinigay niya!”
“Gaga. Nakita mo lang si Sir Pablo, naging ganiyan ka na. Iba pala epekto sa’yo ni sir!”
Hindi ko pinansin ang sinabi ni Grace at umupo na sa stool sa loob ng reception desk. Pasayaw-sayaw pa ako na animo’y may tugtog pero sa isip ko lang naman ako kumakanta.
Bandang alas-dyes ng umaga pagkatapos namin magmeryenda ay tinawag ako ni Miss Ana. Biglang sumibol ang kaba sa akin dahil baka pahatirin na naman ako sa bahay nila Mayor.
“B-bakit po?”
“Ayos ka lang, Easter? Bakit parang tensyonado ka?” nag-aala niyang tanong.
“U-uh, wala po…”
“Naku, iniisip mo bang papupuntahin kita ulit kina Mayor?” atubili pa akong tumango.
Mabini siyang ngumiti sa akin. “Hindi iyon ang ipagagawa ko. Hinahanap ka ni Sir Pablo.”
Biglang napangiwi ang labi ko na ikinatawa niya. “P-po?”
“Kanina ka pa raw niya hinihintay.”
“Bakit naman daw po?”
“Iyong tungkol daw sa napag-usapan ninyo kahapon?”
Normal lang naman ang boses na ginamit ni Miss Ana sa pagsabi niya no’n, pero pakiramdam ko ay ako ang nahiya dahil baka kung ano ang isipin niya!
“Sige na, ako na muna riyan. Ako na rin ang ang mag-aasikaso sa mga darating na bisita galing sa island hopping.”
Plastik ang naisukli kong tingin kay Miss Ana. Paano naman kasi, kinukutoban na ako kung ba’t ako pinatatawag ng lalaking ‘yon.
Binabagalan ko pa ang aking paglakad baka sakaling mainip siya at magbago ang isip. Subalit mali pala ako ng akala, narinig ko na lang ang isang yabag at tinawag ako.
“Easter? Tumawag si Sir Pablo sa desk. Dalian mo na raw!”
Hindi na ako nag-abala pa na lumingon, nagmadali na akong maglakad dahil biglang sumagi sa isip ko na baka dagdagan niya pa ang pagiging alalay ko.
Nang makarating ako sa harapan ng kaniyang pinto ay hindi ko na kinailangan pa na kumatok. Bumukas ito agad at katulad kanina ay masungit na mukha ng lalaki ang nag-aabang sa akin.
Muling sumagi sa isip ko ang nakita ko kaninang umaga. Pinasadahan ko ng tingin ang kaniyang katawan, nakahinga ako nang maluwag nang nakita kong naka-beach short at v-neck t-shirt na siya.
Iwinaglit ko na sa aking isip ang naglalarong mga imahe. Upang maalis ang hiya at kaba ay itinuwid ko ang reaksyon sa aking mukha.
“Sir, pinapatawag mo raw po ako?”
“Tss. Huwag ka ngang umakto na parang hindi mo alam kung anong mayroon ngayon.”
“Ano nga po bang mayroon ngayon?” tanong ko sa kunyaring walang ideya.
“Sa lahat ng ayaw ko ‘yong hindi marunong sumunod sa napag-usapan,” ayan na naman ang malamig niyang tono.
Hindi ako nagpatinag. Pinantayan ko rin ang mga tingin niya sa akin. “Sir, ‘di ko po kasalanan kung nakalimutan mo kanina,” pagdadahilan ko.
Hindi niya pinansin ang sinabi ko bagkus niluwagan niya ang pagbukas sa pinto. Umani ito ng pagprotesta sa akin.
“A-ano po ang gagawin mo sa akin?!”
“You’re not my type so shut up and get inside.”
Ouch. Gwapo sana bastos naman ang bibig! “Ano? Tatayo ka na lang ba riyan o ipapasara ko itong resort?”
“Ito na nga po oh, papasok na!”
Inilibot ko ang tingin sa loob ng kwarto. May mga damit na nakakalat sa sahig at hindi pa nakaayos ang kaniyang higaan. May ilang bote rin ng alak ang naroon sa tabi ng cr maging ang upos ng sigarilyo ay nakakalat lang sa sahig.
Parang hindi naman ito guest, daig pa nagbe-bedspace sa kalat! Narinig ko na lang ang may kalakasan niyang pagsara ng pinto.
“Ano pang itinatayo mo riyan? Simulan mo na ang paglinis!”
Nagulat ako sa pagsigaw niya. “Sir?”
“Hindi mo ba narinig ang sinabi ko?”
“Narinig ko po. Ito na nga po, kukuha na ako ng panglinis sa ibaba!”
Habang naglalakad ito patungo sa terrace ay nagsalita pa siya na ikinalaki ng mata ko.
“Pagkatapos mo riyan, labhan mo mga damit ko.” At parang hangin siyang nawala sa paningin ko.
Napasigaw ako sa frustration, hindi ko na inalintana ang kaibahan ng estado namin. “Sir, hindi naman po ako housekeeping!”
Wala akong narinig sa kaniya dahil nakasara na pala ang sliding door papunta sa terrace. Matalim kong tiningnan iyon. Wala rin naman mangyayari kung itutuloy ko ang pagngawa rito kaya minabuti ko nang bumalik sa ibaba at kunin ang mga dapat gamitin.
*****
Halos manlumo ako dahil sa pagod! Habang ako naghihirap maglinis ang walanghiyang lalaki nandoon pa rin sa terrace. Bumait naman siya sa part na inalok niya ako ng meryenda pero tinanggihan ko dahil nga kakakain ko lang kanina.
Ang mas siste pa, nang dumating ang pananghalian, umorder siya ibaba ng para sa amin palang dalawa. Siyempre dahil sa hiya kahit na halos gusto ko na siya suntukin kanina, tinanggihan ko ulit.
Pero ano nga ba naman ang laban ko sa banta niya ‘di ba? Kaya wala akong choice kundi kunin iyon at kumain kaharap siya.
Kung kanina na halos inis ako sa kaniya, bigla naman umurong ang tapang ko nang makitang seryoso na ulit ang mukha nito. Halos hindi ko malunok ang pagkain na nasa bibig ko dahil kada nagagawi ang tingin ko sa kaniya ay ganoon din siya sa akin.
Gusto ko siyang sungitan subalit ano ba ang magagawa ko kung banggitin na naman niya ang pagpapasara sa resort?
Kinagabihan, halos tahimik lang ako habang nililinis ang reception desk. Pang-ilang araw ko pa lang pero pakiramdam ko araw-araw na akong nandito. Gusto ko nang umuwi at mahiga! Punyetang lalaki talaga ‘yan e.
“Easter, ano? Kaya pa?” mapang-asar na tanong sa akin ni Grace. Inirapan ko siya at padabog na tinapos ang pagpupunas sa tanggapan.
Tawang-tawa ang loka dahil sa nakikitang pagod sa akin dahil sa kagagawan ng damuhong iyon. “Tumigil ka riyan kung ayaw mong sa iyo ko ipunas ito!” banta ko sa kaniya. Ngumisi lang naman siya sa akin.
Nang matapos doon ay saktong lumabas si Kuya Gelo galing kusina, kasunod niya si Miss Ana na pareho pa silang nakangiti.
“Iba talaga kapag in love, ‘no?” tukso ko sa kanila.
Namula ang magkabilang pisngi ni Miss Ana habang may mapaglarong ngiti naman kay Kuya Gelo. Napailing ako at sinabihan nila na kumain na.
Nang makapasok ako sa kusina ay nadatnan kong nagtatawanan ang dalawang kusinero at si Grace.
“Oh ayan na pala si Easter. Kumusta ang pagiging alila ni Sir Pablo?” si Limuel na idiniin pa ang pagbanggit niya ng salitang alila.
Sinamaan ko lang naman siya ng tingin kapagkunway tumabi na kay Grace. “Huwag nga kayo! Ang dami n’yong alam.”
“Naku, baka naman kasi may balak sa’yo si Sir?” dagdag pang-aasar pa ni Limuel. Pinandilatan ko siya ng mata.
“Huwag mong masamain ang pang-aalila niya sa akin, pwede ba!” turan ko.
“Asus, pinagtanggol pa nga.”
Hindi ko naman na pinansin ang sinabi niyang iyon kaya nagtuloy-tuloy na ako sa pagkain. Itinatak ko na tinanggap ko ang pang-aalila sa akin ni Sir Pablo dahil sa ayaw kong ipasara niya itong resort. At kung may balak man siya sa akin, aba’y hindi naman ako papatol doon.
Lalo na at anumang araw, alam kong aalis siya at nandito lamang siya para sa isang bakasyon.
At saka hindi kami pwede no’n. Mamaya may naiwan pala siyang girlfriend sa siyudad, isa pa ang mga katulad niyang lalaki ay hindi nagse-settle sa mga babaeng katulad ko na taga-probinsiya.
Ang mayaman ay para lang sa mayaman.

Komentar Buku (10)

  • avatar
    Crismathew Solis

    salamat Po.

    29/07/2022

      0
  • avatar
    Jesslyn Bataller

    🖤🖤

    21/06/2022

      0
  • avatar
    Rej Dela Cruz

    evwww

    26/02/2022

      0
  • Lihat Semua

Bab-bab Terkait

Bab Terbaru