logo text
Tambahkan
logo
logo-text

Unduh buku ini di dalam aplikasi

Bab 12 XI - Dispute

Steve
Mag-isa.
Mag-isa na naman ako.
Isang simpleng araw lang ‘yon. Mag-isa ako, nakapuwesto sa upuan sa lilim ng malaking puno at nagbabasa ng libro.
Binubuklat ko ang mga pahina ng libro pero hindi ko naiintindihan ang binabasa ko. Bobo.
Ang bobo ko kasi.
Wala na ngang magandang nangyayari sa buhay ko, pati yata utak ko ay bumigay na.
Ayoko na.
“Hello.”
Napaangat ang ulo ko at nakita ko siya. Hindi ako nakapagsalita dahil hindi ko naman siya kilala.
Umupo siya sa tabi ko at sinulyapan ang binabasa ko.
“Nahihirapan ka ba? Gusto mo, tulungan kitang mag-aral?”
“Sino ka?”
“Ah, ako nga pala si Catherine. Catherine Inocencio.”
“Steve! Gising na!”
Naningkit ang mga mata ko sa biglaang pagkagising ng diwa ko. Humikab ako at pupungas-pungas na tumingin kay Ryan na gumising sa akin.
Nanaginip na naman ako. Napanaginipan ko na naman siya.
Napalunok ako ng laway upang maibsan ang natuyo kong lalamunan bago nagsalita.
“Anong oras na?” tanong ko.
“Hindi ko alam. Basta umaga na. Tapos na ang gabing muntik na tayong mamatay,” seryosong tugon ni Ryan at umalis. Pumunta siya sa iba pa naming kasama.
Tumingin-tingin ako sa paligid. Kinakausap ni Ryan si Noel na nakasandal sa puno, habang nasa paanan ni Noel sina Jessica at Jane. Si Alvin naman ay nasa gawing kaliwa ni Noel.
Sa pagkakasabi ni Ryan ng gabing muntik na kaming mamatay, nanumbalik sa isipan ko ang lahat ng nangyari kagabi.
***
Habang nakatingin lang ako sa nasusunog na si Kelly ay biglang dumating sina Jessica, Noel, Jane, at Ryan. Nagulat ako na magkakasama pala sila.
Gulat na gulat sila sa nasaksihan, lalo na si Jane na bestfriend ni Kelly. Hindi niya na kinaya at nahimatay. Agad naman siyang dinaluhan nina Jessica at Noel.
“A-Ano’ng nangyari kay Kelly?” ngarag na tanong ni Ryan sa akin. Tumingin naman ako sa kaniya at umiling.
“Hindi ko rin alam! Nadatnan ko na lang na ganito!”
“We have to do something!” deklara ni Noel. Agad kaming naghanap ng paraan nina Noel at Ryan para mapatay ang apoy.
“May tubig ba kayo? Kailangan nating patayin ang apoy!” sigaw ni Ryan na palingon-lingon sa paligid.
“We don’t have anything left! Naiwan lahat sa pinagtulugan natin!” tugon naman ni Noel na hindi rin alam ang gagawin.
Talaga ngang wala na kaming dalang kahit ano, kaya wala kaming magamit para apulahin ang apoy. Naisipan ko namang hilahin ang katawan ni Kelly at pagulungin sa lupa gaya ng itinuturo sa fire drills kapag naabot ng sunog ang damit mo. Alam kong medyo nakakatawa kung iisipin pero wala na rin naman kaming magagawa, sigurado akong patay na si Kelly sa lagay niyang ‘yon. Sinabi ko ‘yon sa kanila.
“Nababaliw ka na ba?” pagtutol ni Ryan sa suhestiyon ko.
“Kung hindi natin maaapula ang apoy, baka maging abo na si Kelly maya-maya. Balak niyo bang iwanan na lang siya na ganito?” sagot ko.
“Pero...” nag-aalangang lumingon si Ryan kay Noel na tinitigan lang din siya.
“Ikaw na ang bahala,” turan ni Ryan na napilitan nang sumang-ayon sa akin.
Inabot namin ang paanan ni Kelly na hindi pa nasasakop ng apoy, at hinila namin siya ilang metro mula sa kinalalagyan niya.
“Paano na? Paa lang niya ang hindi nasusunog,” tanong ni Noel.
“Ako na lang.” Sa huli ay ako na lang din ang gumawa ng sinasabi ko, dahil wala nang ibang parte kay Kelly na pwedeng hawakan nina Noel at Ryan.
Buong lakas kong inikot at idinapa ang katawan ni Kelly, at nabawasan naman ang lumalagablab na apoy na nasa kaniya. Mabuti at hindi siya nalagyan ng gasolina sa likuran kaya hindi umabot dito ang pag-aapoy.
Hindi pa rin naaapula ang lahat ng apoy, kaya iniikot ko pa siya nang ilang beses bago tuluyang lumiit ang sunog. Tinapakan ko na lang ang huling ningas ng apoy na nasa bandang tiyan niya.
Binuhat ni Noel ang walang malay na si Jane at inilayo sa nakaririmarim na eksenang ‘yon. Sinundan siya ni Jessica at Ryan na mukhang matutumba na sa hilakbot. Hindi ko napansin na dumating din pala si Alvin, na nabigla rin sa nabungaran niya.
“S-Si Kelly...” Namutla si Alvin nang makita ang nakatarak na ulo ni Kelly sa isang kahoy. Sinulyapan ko rin ito at nanindig ulit ang balahibo ko.
Mulat ang mga mata at bahagyang nakabuka ang bibig. Sabog-sabog na ang buhok niya at puno ng talsik ng dugo ang itsura.
Gimbal.
Gimbal na gimbal si Kelly sa mga huling sandali niya. Sigurado ako.
Pumikit ako at ipinilig ang ulo ko at bumuntonghininga. Binalingan ko si Alvin na naistatwa na sa kinatatayuan.
“Mabuti at ligtas ka. Tara, sundan natin sila.”
***
Naglakad kami papunta kina Jane na nakalayo na sa pinangyarihan ng pagkamatay ni Kelly. Doon na kami tumigil at eto nga, nakatulog ako.
Sa kasalukuyan ay ginising na ni Ryan ang lahat maliban kay Jane. Nagising kasi siya kagabi at hindi na tumigil sa pag-iyak hanggang sa nakatulog. Nakasandal siya ngayon sa isang puno at nakaupo sa tabi niya si Jessica na sinisiguradong hindi matutumba si Jane.
Mukhang puyat pa rin ang lahat, at pakiramdam ko ako lang ang nakatulog nang maayos. Hindi ko rin sila masisisi dahil ibang klase ang nasaksihan namin kagabi.
Wala na si Kelly. Ang puno ng enerhiyang binabae ng tropa. Hindi ko na maririnig pa ang pangungulit at pagpapatawa niya sa akin. Hindi na.
Paalam, Kelly.
Naisipan kong magsalita na at subukang gisingin ang diwa nila.
“Anong oras na ba kayo natulog?” tanong ko.
“Hindi ko alam, basta halos isang oras lang siguro ang tulog ko. Nagbantay kami ni Noel,” sagot ni Ryan.
“Ano na’ng gagawin natin?” wika ni Alvin na maluha-luha pa dahil kagigising lang din.
Walang nakasagot ni isa sa amin. Napalunok naman ako ng laway. Pagkatapos noon ay naramdaman ko ang gutom at uhaw na nagpangiwi sa akin.
“May mga pagkain pa ba kayo?” Napilitan na akong basagin muli ang nakabibinging katahimikan.
“W-We left all of our things sa lugar kung saan tayo natulog,” pakli ni Jessica.
“Kailan kayo huling kumain?” sunod kong tanong.
“Pagkatapos pa nating maglaro,” sagot ni Ryan.
“Jessica and I ate before we rested last night, but that’s just a few pieces of biscuit,” wika naman ni Noel.
“Ikaw, Alvin?” baling ko naman kay Alvin. Walang kaemo-emosyon ang mga mata niya nang tumutok ito sa akin. Umiling lang siya pagkatapos, na hindi naman sagot sa tanong ko.
“Kung gusto niyo, may dalawang pack pa ako ng biscuit dito. Kailangan natin ng lakas para makaalis dito,” pag-aalok ko sa kanila at inabot ang backpack ko sa isang tabi. Binuksan ko ‘yon at inilabas ang mga pakete. Agad kong isinara ang zipper at inilahad ang mga pagkain sa harap nila.
“Kumuha na kayo,” wika ko.
“May dala kang bag?” usisa ni Ryan na seryosong nakatitig sa akin.
“Oo,” simple kong sagot.
“Paano ka nakapagdala ng bag?” karagdagan niyang tanong. Ano bang ibig niyang sabihin?
“Anong paano?” naguguluhan kong tanong.
“Hindi ba inatake tayo kagabi? Tingnan mo, wala kaming nadalang kahit ano dahil sa gulat at panic. Kaya paano ka nakapagdala ng bag?” litanya ni Ryan at mariing tumitig sa akin.
“Ano bang gusto mong sabihin? Hindi ba pwedeng alerto ako at nabitbit ko pa ang bag ko bago tumakbo palayo? Pinagbibintangan mo ba ako?” agresibo kong sagot. Hindi ko na nagugustuhan ang mga sinasabi at ginagawa niya.
“Wala akong sinasabing ganyan. Tinatanong ko lang naman. Kung makapagsalita ka, akala mo naman kabang-kaba ka na madiskubre namin na ikaw ‘yong may gawa ng mga pangyayari kagabi.” Aba’t nagawa pa niya akong ngisihan pagkatapos noon?
“Ano bang problema mo?” Napatayo na ako at ibinagsak sa lupa ang bag ko. Akala yata nitong si Ryan eh hindi ko siya papatulan.
“Calm down, Steve. He’s just asking,” saad naman ni Noel at pumunta sa tabi ni Ryan. Nagtinginan naman silang dalawa.
Nagkampihan pa kayo, ha. Wala pa rin kayong magagawa.
“Huwag na nga tayong maglokohan! Bakit ba pinagsususpetsahan niyo ako na gumawa ng lahat ng ‘to?” asik ko.
“Bakit nga ba nangyari ‘to? Hindi ba dahil pupunta tayo sa sinasabi mong camp pero ‘di umano, nasiraan tayo ng gulong?” Madiin ang bawat salitang binibitawan ni Ryan laban sa akin.
“Ryan, tama na,” usal ni Jessica na nag-aalalang tumingin kay Jane.
“At bakit ko naman naging kasalanan ‘yon? Una sa lahat, hindi ko kontrolado ang pagkabutas ng gulong ng van! Pangalawa, hindi ako ang nagsabi sa inyong gumala sa gubat na ‘to! Si Jessica ang nakaisip na maggala kayo ‘di ba? Bakit hindi siya ang sisihin niyo? Hindi porke ako ang nagdala sa atin dito ay sa akin niyo na ibibintang kapag may nangyaring masama!” singhal ko sa kanila. Naalimpungatan na si Jane pero wala akong pakialam.
Ang ayoko kasi sa lahat ay ang pinagbibintangan ako. Hindi ko na hahayaang masira ulit ako dahil sa mga pamimintang na ‘yan.
“Talaga ba? Sige, hindi mo na kasalanan ‘yon. Pero ang pagkawala ni Mark at ng van? Sa ating lahat, ikaw lang ang pwedeng makagawa noon! Hindi ba bestfriends kayo ni Mark? Kayang-kaya mo siyang utusan na umalis at iwanan tayo dito para magawa mo na ang plano mo sa amin!” Hindi pa rin nagpapatinag si Ryan sa mga sinasabi niya. Akala niya siguro, hahayaan ko siyang sirain ulit ang imahe ko sa iba. Noon, pumayag ako. Pero ngayon? Hinding-hindi na.
“Sa tingin mo ba tanga si Mark para basta-bastang sundin ang utos ko, kung totoo nga ‘yang sinasabi mo? Kilala mo siya, Ryan! Hindi siya umaakto nang walang kaalam-alam! Alam kong alam mo ‘yon dahil kaibigan mo siya— Ay, dati lang pala ‘yon. Itinakwil ka nga pala niya dahil d’yan sa bibig mong puro walang kuwenta ang sinasabi!” Kitang-kita ko ang panlalaki ng mata ni Ryan dahil sa mga sinabi ko. Akala niya yata hindi ko alam ang kahinaan niya.
“Putang ina mo!” Parang baliw siyang sumigaw at sumugod papunta sa akin. Inihanda ko naman ang sarili ko pero agad siyang napigilan ni Noel.
“Hayop ka! Alam kong ikaw ang may kagagawan ng lahat ng ito! Mamatay ka na!” histerikal niyang saad habang pilit siyang pinipigilan ni Noel.
Ako naman ang ngumisi sa kaniya ngayon bilang ganti sa mga ginawa niya kanina.
“Mamatay, ako? Mauna ka na,” turan ko.
“Steve! Umayos ka nga! Akala ko ba, matino ka? Why are you making the situation worse?!” pangunguwest’yon naman sa akin ni Jessica.
“Ako pa rin ba? Nagmamagandang-loob ako sa inyo, pero ‘yang Ryan na ‘yan, ang lakas ng loob na pagbintangan ako? Siya ang kausapin niyo!” nagngingitngit kong tugon at matalim na tumingin kay Ryan. Hindi na siya nagpupumiglas ngayon pero nakatitig rin siya nang matalim sa akin.
“G-guys...” Napukaw naman kami sa nanginginig na boses ni Jane. “Please, tumigil na kayo!” sigaw niya at nagpatakan ang mga luha niya.
Grabe, nakakaantig ng damdamin. Buti sana kung nakakatulong ang mga pag-iyak niya na ‘yan.
Natahimik naman silang lahat pagkatapos noon. Inilihis ko na lang ang tingin ko dahil baka kung ano na naman ang sabihin nila kapag tinignan ko sila nang masama.
Nakakainis! Asar na asar na ako sa mga pangyayaring ‘to. Ang gulo-gulo!
Ang ganda-ganda ng plano kong magpunta sa camp, tapos ganito ang kinalabasan? Sobrang dami na nga naming problema, dadagdagan pa ng mga suspisyon nila sa akin.
Noong una, kalmado pa ako dahil akala ko makokontrol ko ang sitwasyon. Patawa-tawa lang ako kasama sila. Pero ngayon? Nawalan na ako ng gana. Bahala na sila sa mga gagawin nila. Sawa na akong maglider-lideran.
“Saan ka pupunta, Ryan?” Napalingon naman ako muli sa kanila. Mukhang paalis si Ryan kaya nagtanong si Alvin.
“Hahanapin ko si Catherine,” sagot niya at inilibot ang paningin niya sa amin bago tuluyang tumalikod at naglakad.
“Wait! It’s too dangerous. Baka makasalubong mo ‘yong killer,” pagpigil sa kaniya ni Noel. Pero parang wala siyang narinig at tumuloy lang sa paglalakad.
“Ryan!” Sumigaw ulit si Noel pero wala talagang pakialam si Ryan.
“Hayaan niyo siya. Gusto niya ‘yan, eh,” saad ko. Yumuko naman ako at pinulot ang mga biscuit, saka ko nilagay sa bag.
“I’ll— Alvin, pwede mo bang sundan si Ryan? Baka nakakalimutan niyang umaaligid pa rin ang killer,” turan naman ni Noel kay Alvin.
Napaismid na lang ako habang nakatingin kay Noel. Alam ko naman. Wala ring tiwala sa akin si Noel. ‘Yon ang dahilan kung bakit atubili siyang iwanan sina Jessica kasama ko.
Nakumbinsi niya si Alvin na sundan si Ryan, at hindi nagtagal, kaming apat na lang ang magkakaharap dito.
Ramdam ko pa rin ang tensyon sa hangin. Wala yatang may balak magsalita at para kaming mga tanga na nakatulala lang.
Wala akong magagawa kung nandito lang kami. Kailangan na naming umalis dito. Humugot ako ng isang malalim na buntonghininga bago ko binasag ang nakabibinging katahimikan.
“Kailangan na nating umalis dito.” Tumutok sa akin ang mga mata nilang tatlo.
“How?” tanong ni Noel. Napatiim-bagang ako. Pati ba naman ‘yon ay hindi nila alam?
“Kailangan nating makabalik sa kalsada. Tutuloy tayo sa camp,” maotoridad kong sagot.
“What? Hindi ba mas safe kung babalik na tayo sa bayan? The killer can still follow us at the camp,” nag-aalalang tugon ni Jessica.
“Mas safe, oo. Ang tanong, kakayanin ba natin pabalik? Sigurado akong mas malapit ang camp. May tao naman doon, may telepono rin na magagamit natin para humingi ng tulong,” eksplanasyon ko.
Muli ay walang sumagot sa kanila. Ano pa bang gusto nilang gawin?
Maya-maya pa ay napalingon kami sa isang direksyon kung saan maririnig ang mga nadudurog na tuyong dahon dahil sa pagtakbo ng isang tao.
“Alvin!” bulalas ni Noel nang matanaw ang humahangos na si Alvin. Hindi nagtagal ay kaharap na namin siya.
“What happened?” tanong ni Jessica na ngayon ay nakatayo na katabi si Jane.
Kitang-kita sa nanlalaki niyang mata at namumutlang mukha ang pagkagimbal sa kung ano mang nakita niya.
“S-Si M-Mark... P-Patay na...”
•••

Komentar Buku (118)

  • avatar
    BagasinAmormia

    Potek ang ganda ng story. Dimo talaga alam kung sinong magiging killer. Diko inaasahan ang mga revelations Hahaha ang ganda. Diko one expect na ganun yung magiging ending hanep haha. Nice nice

    06/01/2022

      0
  • avatar
    EscondeAzzy lei

    woohhh ka thrill ng stories HAHAHA d mo talaga mahuhulaan yung mga susunod na mangyayare

    21/12/2021

      4
  • avatar
    PersiaKlaatu

    it's my first time reading this kind of story kind the like it's nice

    12/12/2021

      5
  • Lihat Semua

Bab-bab Terkait

Bab Terbaru