logo text
Tambahkan
logo
logo-text

Unduh buku ini di dalam aplikasi

The General's Final Wish

The General's Final Wish

Nicos


Kabanata I: Pananakop

Gideon Garuda, ang aking ngalan. Wington ang pangalan ng kahariang aking pinagmulan. Ranggo ko'y heneral, at nakapanakop na ng labing dalawang kaharian. Taas ko'y madalas na tinitingala ng karamihan.Taglay ko ang katapangan ng isang tunay na mandirigma. Buhok ko'y kina-i-inggitan ng maraming kadalagahan at ang itim kong mata'y sapat na para patayin ang isang duwag na kaaway. Espada ang kadalasan kong tangan na nagsisilbi kong laruan. Libangan ko'y digmaan at lupain ng ibang kaharian ang aking palaruan. Kung may sining man ang pagpatay ay matatawag kong hari ang aking sarili pagdating sa larangan. Katawang lupa ang paborito kong guhitan, gamit ang espadang kasama kong umuukit ng kasaysayan. Obra ko'y masasasaksihan lamang ng mga taong kasangga ko sa labanan.
Ang Wington, ang aking tahanan. Subalit ang lupa na kasalukuyan kong tinatapakan ay pag-aari ng ibang kaharian. Ang mayamang kaharian ng Hamporo, ang aking tinutukoy. Isang kahariang lubusang pinagpala. May mataas silang kabundukang itinakda ng maykapal na magkaroon ng napakaraming pilak. Habang ang tangi naming maipagmamalaki bukod sa pagkitil at pananakop, ay bakal lamang. Tama, naroroon ako para sa isang labanan. Labanang magpapasya sa kinabukasan ng Wington. Tagumpay nami'y nangangahulugan ng pagbagsak ng Hamporo. Habang ang aming kabiguan ay magiging simula pa lamang ng isang mapandayang digmaan.
Sa harapan ng palasyo ng Hamporo, ay nakikipagpalitan kami ng palaso, sa kanilang mga kawal. Nakikita namin sa itaas ng konkreto nilang bakod, at nagtataasang mga tore, ang aming mga kalaban. Pero alam namin na hindi lamang sila ang dapat naming tapusin. Bukod sa mga palasong nagmumula sa mga kawal na nasa itaas ng bakod, ay may mga palaso pang nagmumula sa likuran nito. Lumilipad ang kanilang mga palaso nang napakabilis at napakataas, pagkatapos ay babagsak at tatama sa leeg ng aking mga tauhan.
Sa harapan ng mataas na tarangkahang yari sa kahoy, ay may mga kawal kaming bumubuhat ng mga matataba at pahabang solidong bakal. Paulit-ulit nilang pinatatama ang dulong bahagi nito, sa nasabing pintuan, para ito'y sirain. Sa gawi nilang likuran ay may mga kawal na nakikipagpalitan ng palaso sa mga kawal ng Hamporo. Matatagpuan sila sa itaas ng dalawang tore kung saan nakadikit ang pintuang pilit naming sinisira. Pinupuntirya nila ang mga kawal naming pilit na sumisira sa kanilang tarangkahan. Nagagawa nilang patamaan ang ilan. Pero hindi ito sapat para kami'y pigilan. Kung may isa mang mawalan ng buhay, ay papalitan lang ito ng panibagong kawal.
Sa patuloy na pagtama ng bakal na hawak ng aking mga tauhan, sa tarangkahan ng Hamporo, ay unti-unti na kaming nakakarinig ng kakaibang tunog. Ang tunog na 'yun ang palatandaan na malapit na kaming makapasok sa palasyo.
Pabilis nang pabilos ang tibok ng aking puso. Panibagong karangalan na naman ang maaari kong maibigay para sa aming kaharian. Walang dahilan para ako'y matalo. Ipapanalo ko ang laban kahit na ano pang mangyari. Nangako sa akin ang hari na ibibigay niya ang anumang kahilingan na aking hilingin, sa oras na magtagumpay akong sakupin ang Hamporo.
Lumipas pa ang ilang sandali at tuluyan na ngang nasira ang tarangkahang hadlang sa aming pagpasok. Dahan-dahan itong bumagsak sa lupa. Ang pwersang idinulot ng kaniyang pagbaksak ay naging dahilan para matangay ang mga alikabok na nasa lupa. Lumipad sila sa hangin. Ngayong wala na ang tarangkahan ay tanging ang alikabok na lamang ang nagsisilbing harang sa pagitan ng aming mga hukbo.
Nagsimula na kaming kumilos para pumasok sa kanilang palasyo. At mula sa espasyong nababalutan ng alikabok ay nagliparan ang napakaraming sibat at palaso. Tumama ang mga ito sa aking mga tauhan, na nagtangkang pumasok sa palasyo ng Hamporo. Nakipagpalitan kami ng palaso sa kanila. Sa likuran ng nasirang tarangkahan ay hindi namin matukoy kung may mga kawal ba kaming napapatay. Tanging alikabok lamang ang aming nakikita.
Nang mga sandaling 'yun ay napuna ko na tila ba napakatahimik na ng aming mga kalaban. May mga kawal ng Wington, na nakahandang magpakawala ng palaso, at nakatingin sa itaas ng bakod. Nang sunsunin ko ang nasabing lugar ay wala akong makitang kahit na isang kawal ng Hamporo. Alam kong naroroon pa ang aming mga kalaban. Kung wala na sila doon ay hindi na magsasayang ng oras ang aming mga kawal, para pagtuunan sila ng pansin.
Pansamantala ko munang pinahinto ang mga kawal kong nasa harapan ng tarangkahan, sa pagpapakawala ng palaso. Hinintay namin na maglaho ang mga alikabok na nasa hangin. Nakahanda kaming lahat na sumugod. Mahigpit ang pagkakahawak ng aking mga kawal sa kanilang mga sandata. Hindi pa man ganap na naglalaho ang alikabok na humalo sa hangin ay isa-isa nang naglabasan ang mga kawal ng Hamporo. Sila na ang unang sumugod. Subalit wala kahit na isa ang nakalapit man lamang sa aking kinatatayuan. Lahat sila'y nangamatay, matapos tamaan ng mga palaso.
Nang maubos ang mga kawal na lumabas ng palasyo, ay napagdesisyunan kong pasukin na ang palasyo ng Hamporo. Ako ang nasa unahan ng aming hanay, kaya ako ang unang nakapasok sa palasyo. Binitiwan ko na din ang hawak kong palaso. Ang mga sumunod na pangyayari ay hindi ko inaasahan. Mula sa aking tagiliran ay isang kawal ang nagtangkang tagpasin ang aking leeg. Mabuti na lamang at sadyang mahusay akong heneral. Ginamit ko ang kaluban ng aking espada para salagin ang naturang pag-atake. Mula sa kaluban na ginamit ko bilang panangga ay binunot ko ang aking espada. Nagpakawala ako ng malakas na sipa, na tinanggap ng kawal na umatake sa'kin. At ang aking espada ay tumama sa espada ng isa pang kawal ng Hamporo, na tinangka din akong tapusin. Hindi pangkaraniwan ang gamit kong sandata. Regalo ito ng ika-labing apat na hari ng Wington, na si Haring Riki. Ibinigay niya ito sa akin bago kami lumisan sa Wington.
Nagdiklap ang talim ng aming mga espada, nang mahalikan nito ang isa't isa. Sa sobrang lakas ng pagtatama ay kumawala ang kaniyang sandata mula sa kaniyang kamay. Napansin ko din na nakakaramdam ito ng matinding takot habang nakatingin sa akin.
"Si-si Gideeooon!" malakas nitong sigaw.
Halos panghinaan ng loob ang lahat ng nakarinig sa kaniyang sigaw. Nawala ang kanilang atensyon sa digmaan, na sinamantala naman ng aking mga tauhan. Ang kanilang mga espada ay isa-isang nabahiran ng dugo ng mga taga-Hamporo.
"Ipag-paubaya na ninyo sa amin ang laban na ito, heneral. "Tapusin na po ninyo ang hari," wika ng isa kong kawal.
Hinayaan ko ang aking mga tauhan na makipagpatayan sa mga kawal ng Hamporo. Pinaligiran ako ng napakarami kong tauhan, habang naglalakad. Sila ang tumatapos sa mga sagabal sa aking daan. May mga tumitira ng palaso at mayroon din namang gumagamit ng espada.
"Pigilan ang heneral ng Wington!" sigaw ng isang lalaki na nagmula sa Hamporo. Kung taas ang pagbabasehan ay halos kapantay ko siya. Ang buhok niyang kapantay ng kaniyang balikat, ay tila kumikinang na ginto. Mas matipuno din ang kaniyang pangangatawan kumpara sa akin. At kung pagmamasdan mo ang kaniyang mukha ay parang hindi niya magagawang pumatay. Subalit sa likod ng maamo niyang mukha ay nagtatago ang isang halimaw. Halos paglaruan lamang niya ang mga kawal ng Wington. Pinaghihiwalay niya ang kanilang mga ulo mula sa kanilang mga katawan. Siya si Thyke, ang Heneral ng Hamporo. Nagpupumilit siyang makalapit sa akin, para pigilan ako sa aking binabalak. Bakas ang panggigigil sa kaniyang mukha. Pero kahit ano pang pagpupumilit ang kaniyang gawin, ay bigo siyang makalapit sa akin.
"Ako ang harapin mo, Gideon! Huwag kang duwag!" wika ni Thyke.
Ang pagtapos sa hari ang nasa aking isipan, kaya hindi ko pinansin ang kaniyang hamon. Papalapit na ako sa isa pang pintuan ng palasyo. Sa likod noon ay natitiyak kong may isang silid kung saan nanginginig sa takot ang hari. Malapit ko na siyang makita, at malapit na din akong makauwi. Ilang hakbang pa ang aming ginawa, nang bigla na lang humarang ang napakaraming kawal ng Hamporo, sa pintuang gusto naming pasukin. Bawat isa ay may hawak na sibat, at kalasag na abot hanggang leeg nila ang taas. Para silang pader na nakaharang sa aming daraaanan.
"Protektahan ang hari!" sigaw ng isang kawal.
Nagpakawala ng napakaraming palaso ang aking mga kawal. Ang mga kawal naman ng Hamporo, ay nagsitago lamang sa likuran ng nagtataasan nilang mga kalasag. Ang mga kalasag na 'yun ang pumuprotekta sa kanila. Nabigayan sila nito ng matibay na depensa, pero walang opensa. Kaya naman pinasugod ko ang aking mga kawal. Habang nagpapakawala sila ng mga palaso ay lumalapit sila sa mga kawal ng Hamporo. At habang lumalapit sila'y bigla na lamang bumukas ang isang pintuang nakakubli sa ibabaw ng lupang kinatatayuan ng mga kawal ng Wington. Lahat sila'y nahulog sa malalim na hukay, na mayroong matutulis at mahahabang bakal sa ibaba. Isang hakbang lang ang layo ng naturang hukay sa aking kinatatayuan. Maswerte at hindi ako nahulog sa inihanda nilang bitag.
Sinubukan ng iba kong mga tauhan na maglakad sa lupang nasa tabihan ng hukay. Tumalon-talon pa ang iba sa kanila para alamin kung mangyayari ang nangyari kanina. Napangiti sila nang hindi sila nahulog. Subalit naglaho din ang ngiti na 'yun ng bigla na lamang bumukas ang pintuang nasa ibabaw ng lupa.
Maaaring napapaligiran ng napakaraming patibong ang pintuang gusto naming pasukin. Pinagsadan ko ang disenyo ng kanilang palasyo. Ang kanilang bakod ay konektado sa palasyo. Una akong naghanap ng hagdanan na konektado sa kanilang bakod. Nang makakita ako ng isa'y napagpasyahan kong lisanin ang aking kinatatayuan. Iilang hakbang pa lamang ang aking nagagawa nang makarinig ako ng malakas na sigaw.
"Hinto!"
Lahat kami'y napatingala. Nahinto na din ang labanan. Sa balkonaheng matatagpuan sa ikalawang palapag ng palasyo ng Hamporo, ay naroroon ang isang lalaking may mabilog na pangangatawan. Nakasuot siya ng pulang kapa, may ginintuang setro at koronang tila namumunga ng mga mamahaling bato. Siya ang hari ng Hamporo. Ang isang salita na kaniyang binigkas ang nagpahinto sa nagaganap na kaguluhan. Nakatingin siya sa akin. Hindi ko makakalimutan kung paano ba niya ako titigan. Magkalayo man ang aming agwat ay tila ba nasa harapan ko lang siya. Ramdam ko ang sukdulang galit ng Hari ng Hamporo.
"Saan ka naman pupunta, Heneral Gideon?" tanong nito. "Naduduwag ka bang dumaan sa kaparehong daan na dinaanan ng iyong mga kawal. Masayang dumaan d'yan, heneral." Dagdag pa niya na may malaking ngiti.
"Bakit hindi ka bumaba diyan at dumaan sa tinutukoy mong daan?" tanong ko.
Bigla na lamang sumara ang mga pintuang nasa ibabaw ng lupa. Sinundan ito ng malakas na pagtawa mula sa hari ng Hamporo. "Nakahanda ka bang salubungin ako kung sakaling dumaan ako d'yan? Kung oo ang sagot mo'y maghanda ka ng napakaraming pagkain! Dalhan mo ako ng maraming babae. Gusto ko din ng mga musikero. At sa gitna ng lupang mayroong patibong ay sabay tayong magsaya!"
Paulit-ulit na tumawa ang hari. Nakakarindi at mapang-asar.
"Tumawa ka hangga't nais mo, kamahalan. Dahil sa pagtatapos ng araw na ito'y kami ang huling hahalakhak!"
Mas lalo lang lumakas ang tawa ng hari, habang nakatingin sa akin. Ang isa niyang daliri ay nakaturo sa akin, at ang kaliwa naman niyang kamay ay nakahawak sa kaniyang tiyan.
"Palabiro ka pala, Gideon. Para kang payaso. Mas nakakatawa ka siguro kung wala kang buhok at kilay. Tapos puro ilong lang na nakakapagsalita at maraming kulangot ang mayroon sa mukha mo!"
Mapang-asar ang hari ng Hamporo.  Alam kong pinatatagal lamang niya ang kaniyang kamatayan. Napakarami na niyang mga tauhang namatay. Sa bawat isang nabubuhay niyang kawal ay tatlo ang kakailanganin nitong patumbahin sa aming hanay.
"May gusto ka pa bang sabihin? Kung wala na'y maaari mo na akong hintayin sa iyong kinatatayuan. At sa oras na marating ko 'yan ay paghihiwalayin ko ang ulo mo at katawan!"
"Ikaw at ang iyong sakim na hari ang pupugutan ko ng ulo. At gamit ang aking lakas ay itatapon ko 'yun sa kalawakan. Pero dahil mabait ako, bibigyan kita ng pagkakataong lumayas ng aming palasyo, kasama ang inyong mga kawal."
Nagsasayang lamang ako ng laway at panahon sa pakikipag-usap sa napakayabang na hari. Kaya naman napagpasyahan kong umalis na sa aking kinatatayuan. Balak kong umakyat sa isang hagdanan na magdadala sa akin sa itaas ng bakod. At mula dito'y maghahanap ako ng pintuang magdadala sa akin sa kinaroroonan ng hari. Subalit muli akong napahinto nang marinig kong muli ang kaniyang boses.
"Sandali lamang, heneral. Kung talagang matapang ka'y bakit hindi natin ito daanin sa isang patas na labanan. Patunayan mo ang iyong tapang!"
"At ano naman ang aking makukuha kung papayag ako sa iyong hamon?" tanong ko sa kan'ya
"Alipin!" sagot nito. "Lahat ng mga nabubuhay kong mga kawal ay maaari mong isama ng Wington, para gawing alipin. Subalit kung ikaw ang matatalo ay ang mga tauhan mo ang magiging alipin namin."
Masasabi kong matalino ang Hari ng Hamporo. Wala na silang pag-asa pang manalo kaya kailangan na niyang sumugal. Salat na din ang Wington, sa alipin. Kakailanganin namin ng mga taong magtatrabaho sa aming lupang sakahan. Napangiti ako habang nakatingin sa hari. Naroroon ako para sa isang digmaan at hindi para makipagpustahan. Subalit ang aking dangal bilang isang mandirigma ang naging dahilan ng isang mapangahas kong pagpapasya.
"Buong karangalan kong tinatanggap ang iyong hamon!"

Komentar Buku (87)

  • avatar
    Randy Garbida

    thank you🙏

    23d

      0
  • avatar
    Zean Belda

    Nice story

    24/07

      0
  • avatar
    Rey Batiancila

    very nice the stretch

    21/07

      0
  • Lihat Semua

Bab-bab Terkait

Bab Terbaru