logo
logo-text

Unduh buku ini di dalam aplikasi

I: 2

Hapon na nang magising si Steffani. Napahawak siya sa kaniyang tiyan dahil kumakalam na ito. Tatayo na sana siya nang makarinig siya ng katok. Bumungad sa kaniya si Mark.
"Kagigising mo lang?" tanong ng binata sa kaniya.
"Oo. Bakit?"
"Ah…kasi kanina pa ako katok nang katok sa kuwarto mo, hindi ka sumasagot. Eh hindi ka pa nagtatanghalian, 'di ba? Hapon na kaya nalipasan ka na ng gutom. Kumain ka na," sabi ni Mark sabay ngiti.
Naabutan niyang naggigitara si Tim, habang si Ken naman ay naglalaro ng online games na nakaupo sa sala. Hindi niya nakita si Zack. Malamang ay nasa kuwarto 'yon. 
"Ano 'to?" tanong ni Steffani nang makita niya ang pagkaing nasa harapan niya.
"Ginisang upo 'yan sa sardinas," sagot ni Mark sabay alanganing ngumiti. 
Napalunok si Steffani. "Ha? Sardinas? Ito ang uulamin ko?" Tila gulat niyang sabi.
Napakamot ng ulo si Mark sabay ngiti. "Alam ko na hindi ka pa nakakakain ng ganiyan pero subukan mong kumain. Masarap 'yan. Ako ang nagluto niyan."
Napalunok si Steffani. "Wala na bang ibang ulam?" 
"Wala na. Huwag ka na mag-inarte diyan, Steffani kung ayaw mong isumbong kita sa Lolo mo," sabat ni Ken.
Matalim na tiningnan ni Steffani si Ken. Tinawanan lang siya nito habang patuloy na naglalaro.
Inis na nagsandok ng pagkain si Steffani. Wala naman siyang magagawa kun'di ang magtiis dahil binalaan siya ng Lolo Fidel niya na wala siyang makukuhang mana kahit na singko kapag hindi siya sumunod sa mga pinapagawa sa kaniya ng quadruplets.
Pagkasubo ni Steffani ng pagkain, hindi niya nagustuhan ang malansang amoy na nagmumula sa sardinas pero ayos naman sa panlasa niya ang ginisang upo sa sardinas.
"Kumusta? Okay naman sa iyo?" tanong ni Mark sa kaniya.
Tumango si Steffani. "Oo. Okay naman siya. Medyo malansa nga lang ang amoy. Pero masarap naman. Hindi ko nga lang alam ang gulay na ito."
Bumuntong hininga si Mark. "Basta magtiis ka na lang muna kung anong mayroon dito. Dahil anim na buwan ka lang namang mamamalagi dito eh. Pagtapos non, kapag naging maganda ang galaw mo dito, ibabalik naman sa iyo ng Lolo mo ang mga kinuha niya sa iyo. Kaya isipin mo na lang na para sa iyo rin ang lahat ng ituturo namin sa iyo," sabi ni Mark sabay ngiti.
Tipid naman na ngumiti si Steffani. Sa tingin niya pa lang, mukhang mabait ang binatang 'to. Hindi kagaya ni Zack na suplado. Bigla siyang nainis nang maisip ang lalaking 'yon. Akala kasi kung sinong guwapo eh mukha namang unggoy. 
"Pupunta pala ako sa bukid para kumuha ng prutas. Gusto mo ba ng mangga? Bayabas? Papaya? Anong gusto mo?" tanong ni Mark sa kaniya.
"Mangga na lang," tipid na sagot ni Steffani.
"Okay sige. Dadamihan ko ng mangga. Sige na. Kumain ka na muna diyan." Agad ding umalis si Mark para magtungo sa bukid.
Nang matapos kumain si Steffani, iniwan niya lang ang pinagkainan niya sa mesa. Hinarangan siya ni Ken.
"At saan ka pupunta?" Nakangising tanong nito.
Tumaas ang kilay ni Steffani. "Sa kuwarto ko? Bakit?"
Tumingin si Ken sa mesa. "Sa kuwarto mo? Eh 'yong pinagkainan mo? Diyan na lang? Hoy hindi ka senyorita dito. Maghuhugas ka pa nga ng plato eh."
"What?" Iritableng sabi ni Steffani.
Ngumisi si Ken. "Oo. Maghuhugas ka ng plato. Bakit ayaw mo? Sige. Isusumbong kita sa Lolo mo." Nagkunwaring may tatawagan si Ken pero pinigilan siya ni Steffani.
"Okay fine! Maghuhugas na ako ng plato! Pero turuan mo ako," mangiyak-ngiyak na sabi ni Steffani.
"Okay sige…" sabi ni Ken sabay tawa.
Nagsimula nang turuan ni Ken si Steffani. Napaiyak naman si Steffani habang naghuhugas. Nandidiri kasi siya. Hindi kasi siya nakaranas na maghugas ng plato sa bahay ng Lolo niya kahit isang beses. 
"Oh? Anong nangyari sa babaeng 'yan? Bakit umiiyak 'yan?" tanong ni Zack na kalalabas lang sa kuwarto.
"Pinaghugas ko ng plato kaya umiiyak," natatawang sabi ni Ken.
"Ang arte naman ng babaeng 'yan. Dapat lang sa kaniya na matutong maghugas. Simpleng paghuhugas, iniiyakan pa," sabi ni Zack sabay lakad patungong kusina.
Matalim siyang tiningnan ni Steffani. "Oh? Bakit ganiyan ka kung makatingin sa akin? Gusto mo bang tusukin ko ang mata mo?" Magkasalubong ang kilay na sabi ni Zack.
"Epal! Nakikisali sa usapan hindi naman kasali" sigaw sa kaniya ni Steffani sabay iwas ng tingin.
Natatawa namang nagkatinginan si Tim at Ken. Habang si Zack naman ay napailing na lang.
Gabi na nang makauwi si Mark galing bukid dahil may inasikaso pa siya. Pagkauwi niya, naabutan niya sa labas ng bahay, sa duyan si Steffani.
"Oh? Bakit nandiyan ka pa? Umiiyak ba?" tanong niya sa dalaga.
Inis na pinahid ni Steffani ang luha niya. "Oo. Naiinis kasi ako eh! Pinaghugas ako ng plato ni Ken! Tapos paepal pa si Zack! Mga bully sila!" wika ni Steffani sabay iyak.
Tinapik ni Mark sa balikat si Steffani. "Hayaan mo na sila. Huwag mo ng pansinin. Si Ken kasi ay malakas talagang mang-asar pero mabait naman 'yon. At isa pa, kailangan mo rin kasi talagang maghugas ng plato. Huwag ka ng umiyak. Pumasok ka na sa kuwarto mo dahil gabi na."
"Ang papasaway pala ng mga kapatid mo. Mabuti na lang at hindi ka kagaya nila."
Mahinang tumawa si Mark. "Eh 'di kung kagaya nila ako, baka napaiyak ka na lang sa inis."
Pinahid ni Steffani ang kaniyang luha. Sa isip niya, mabuti na lang at nandiyan si Mark dahil kahit paano ay may kakampi siya.
Sumunod na araw, isinama nila sa bukid si Steffani para turuan magtanim ng gulay. Ayaw pa sana ni Steffani na sumama pero wala siyang nagawa dahil siguradong isusumbong siya ni Ken sa kaniyang Lolo Fidel.
"Oh my gosh! Nagkaputik ang paa ko! Kadiri!" Maarteng sabi ni Steffani sabay ngiwi.
"Buti nga sa iyo," mahinang sabi ni Zack pero narinig ni Steffani.
"Anong sinabi mo? Epal ka talaga? Kulang ka siguro sa aruga kaya ganiyan ang ugali mo!" sigaw ni Steffani kay Zack.
Inis namang nag-iwas ng tingin si Zack at saka nauna nang lakad. Sa loob-loob niya, aminado naman siya sa sarili niya na kulang siya sa aruga at pagmamahal. Pero hindi niya alam kung kanino niya ito mararanasan.
"Ang arte mo talagang babae ka. Putik lang talaga 'yan! Hindi naman 'yan mabaho. Basang lupa lang 'yan. Akala mo naman nakatapak ka ng dumi ng hayop," sabi naman ni Ken. Tumawa naman sa gilid niya si Tim.
"Manahimik na nga kayo. Akin na ang paa mo, Steffani. Babasain ko ng tubig," sabi naman ni Mark.
"Ang bait mo naman masyado sa babaeng 'yan, Mark. Baka mamaya utuin ka na lang niyan," sabi pa ni Ken.
"Ano bang pinagsasabi mo? Epal ka!" Gigil na wika ni Steffani. Tiningnan lang ni Mark ang kaniyang kapatid at saka nagsimula na silang maglakad.
Malakas na tumawa si Ken. "Ang sarap mong asarin, Steff. Napakaasar talo mo. Kulang na lang umusok ang ilong mo sa inis," malakas pang natawa si Ken dahil inis na inis na ang mukha ni Steffani.
Inis naman na umirap si Steffani. Aminado naman kasi siya na asar talo talaga siya at madaling mainis. Kaya naman nanggigil talaga siya kay Ken.
Pagdating nila sa bukid, tinuruan nilang magtanim si Steffani ng mga gulay kagaya ng talong, okra at iba pa. Pinagpawisan naman si Steffani sa pagbubungkal ng lupa.
"Ew naman! May mga lupa na ang kuko ko," sabi ni Steffani habang nakatingin sa kaniyang kuko.
"Eh bakit kasi nagpapahaba ka pa ng kuko mo? Malamang magkakadumi talaga 'yan. Hay naku, Steffani ang sarap mong ilibing sa lupa dahil sa kaartehan mo," sabi ni Ken sa kaniyang likuran.
Nilingon siya ni Steffani  sabay suntok sa braso. "Kanina ka pa, ha! Epal ka talaga!" inis na sigaw niya sa binata.
"Ouch! Grabe naman ang sakit mo manuntok! Parang kagat lang ng langgam!" Pang-aasar pa ni Ken.
Inis na umirap si Steffani at saka nagpatuloy na sa pagtatanim. Habang abala siya sa kaniyang ginagawa, hindi niya napansin na may lumapit na baka sa kaniyang likuran. Nanlaki ang mata niya nang makita ito kaya naman napasigaw siya.
"Mama!" malakas na sigaw ni Steffani sabay takbo sa kinaroroonan ni Zack.
Dahil sa taranta ni Steffani, nasubsob siya kay Zack at natumba sila sa putik.
"Ano ba! Ang tanga mo naman! Naligo tuloy tayo sa putik! Baka lang naman 'yon! Akala mo naman papatayin ka!" Galit na sigaw ni Zack.
Ngumuso naman si Steffani at saka nagsimulang maiyak. Ito naman kasi ang unang beses na makakita siya ng baka sa malapitan kaya takot na takot siya. Bigla namang nakaramdam ng awa si Zack nang makita niyang umiiyak na si Steffani.
"Sorry na. Halika na. Tumayo ka diyan. Puro putik na ang mukha mo." Inalayaan ni Zack si Steffani na makatayo.
Malakas na tumawa naman si Ken. "Grabe! Nag-swimming ba kayo sa putik kaya naging ganiyan ang itsura niyo?"
"Guwapo mo diyan, Zack! Mukha kang taong putik!" Dagdag pa ni Tim.
Matalim na tinitigan ni Zack ang dalawa niyang kapatid kaya sumeryoso na ang mukha nito at nagpatuloy sa pagtatanim.
"Umupo ka muna diyan," utos ni Zack kay Steffani.
Nagsimula na siyang magbomba ng tubig sa poso. Nang makaipon siya sa timba ay marahan niyang binuhusan sa ulo si Steffani.
"Hilurin mo ang katawan mo para matanggal ang putik," sabi ni Zack.
Saglit na tumingin sa kaniya ang dalaga at saka nagsimula nang hilurin ni Steffani ang kaniyang katawan.
"Salamat," tipid na sabi ni Steffani sabay tayo. Nagbalik na siya sa puwesto niya kanina. Mabuti na lang talaga at may poso kaya natanggal ang putik niya sa katawan.
"Oh! Suotin mo 'to!" sabi ni Zack sabay bato ng damit niya kay Steffani.
"Bakit?" Nagtatakang tanong ni Steffani.
Tinalikuran siya ni Zack. "Bakat 'yang bra mo."
Nag-init naman ang pisngi ni Steffani sabay tingin sa kaniyang dibdib. Bakat nga ang suot niyang pink na bra kaya agad niyang sinuot ang damit ni Zack. Pasimple niya itong inamoy. Napangiti na lang siya dahil sa mabangong amoy na nanggagaling sa suot niyang damit ni Zack. Palihim siyang ngumiti. Hindi naman pala talaga masama ang ugali ni Zack.

Komentar Buku (88)

  • avatar
    VillamorMarivel

    good

    08/07

      0
  • avatar
    Rosemarie Perez

    very nice po yung story...makaka kuha ka ng lesson

    09/05

      0
  • avatar
    Venernandy Ortega Andres

    what a good novel

    27/01

      0
  • Lihat Semua

Bab-bab Terkait

Bab Terbaru