December 2005... December na! Ibig sabihin malapit na ang pasko! Masayang masaya akong pumasok sa classroom. Agad kong nadatnan si Yuna na tahimik na nakayuko sa desk niya. Nangunot ang noo ko saka nagtatakang tinignan si Mikael na nagkibit balikat lang. Bihirang-bihira para sa aming lahat na nananahimik si Yuna sa isang tabi kaya naman kinalabit ko siya pero inis niya lang na pinalis ang kamay ko na tumatapik sa likod niya. "Ano ba 'yang ginagawa mo?" Nagtatakang tanong ko. "Nagsusulat ako ng letter para kay Santa. Sandali lang, malapit na matapos." Narinig kong napa-'tss' si Mikael sa tabi ko. "Santa, Santa. Hindi naman totoo 'yan." "Manahimik ka, supot." "Hindi nga sabi ako supot!" Inis na sigaw ng katabi ko. "Okay... Supot." Napapailing na lang ako dahil nagsimula na naman silang mag-away. Palagi silang ganiyan, parang hindi sila mabubuhay kapag hindi sila nag-away sa isang araw. Inilabas ko na lang yung zest-o na binigay ni Yhann kanina. Nakangiti kong tinusok ang straw dito at akmang sisipsipin ko na nang may biglang umagaw noon sa akin. "Ang init grabe!" Padaskol na umupo si Keene sa bakanteng upuan na nasa tabi ni Yuna. Napaawang ang bibig ko at hindi ko agad siya napigilan nang sumipsip siya sa zest-o ko hanggang sa mawalan ito ng laman. Pinipi niya pa 'yon bago binalik sa akin. "Salamat," wika niya bago tumayo at naglakad papunta sa puwesto niya habang naiwan naman akong nanggagalaiti at halos patayin na siya sa tingin. Hanggang recess ay masama pa rin ang timpla ko. Hindi ko siya pinapansin kahit anong pagpapansin ang ginagawa niya. Nandiyan yung babatuhin ako ng papel, kakalabitin ako tapos parang bobong iiwas ng tingin, sisisitsitan ako at pag lumingon ako ay tatawa ng parang tanga. Binibigyan ko na lang siya ng matindi-tinding irap, ako na lang ang iintindi tutal mukha naman siyang kinulang sa aruga. "Ayos ka lang?" Concern na tanong ni Yhann nang mapansin ang nakabusangot kong mukha. Dahil doon ay hindi ko na napigilang ilabas ang lahat ng hinanakit at sama ng loob na nararamdaman ko sa tuwing nakikita ko ang pagmumukha ni Keene. Palagi niya akong inaagawan ng pagkain, pinagt-trip-an nila ako kapag walang teacher, nakakailang times two na ako sa tabi ng pangalan nila sa tuwing naglilista ako ng noisy pero hindi pa rin sila nagb-behave. Ang sakit nila sa ulo sa totoo lang. Pero ang pinakamalalang ginawa niya ay inagawan niya ako ng zest-o! Orange 'yon! Favorite ko 'yon saka bigay ni Yhann 'yon! "...Kung legal lang talaga ang pagpatay siguradong nakalibing na siya sa pagkakataong 'to." Nakita kong nakangiti si Yhann habang ngumangakngak ako. "Nakakatawa 'yon?" Inis kong saad saka humalukipkip. Marahan siyang tumawa saka pinisil ang ilong ko. "Ang cute mo," simpleng saad niya at feeling ko ay umakyat lahat ng dugo ko sa bandang pisngi ko. "Yhann!" Napa-'tss' ako at muling napasimangot nang marinig ko ang pamilyar na tinig ni Teo. Siguradong kasama niya ang asungot na 'yon. Agad na bumalik ang pagkainis ko. "Nandito ka na pala, Cance. Hinahanap ka namin kanina." Tumuon ang tingin ko kay Keene na tinaasan ako ng kilay pero inirapan ko lang siya at tumayo. "Anong nangyari don?" Rinig ko pang tanong niya kay Yhann nang magsimula akong maglakad papalayo sa kanila. Hindi ko narinig kung ano ang sagot ni Yhann pero wala naman akong paki. Pagdating ko sa classroom ay nadatnan ko pa rin si Yuna na himalang hanggang ngayon ay tahimik pa ring nagsusulat sa lamesa niya. Napakarami siguro niyang gustong regalo. Tumuwid siya ng upo, sinuksok ang papel sa puting sobre saka dinilaan ang gilid nito at idinikit. "Tapos na!" Masayang masaya niyang saad bago bumaling sa akin. "Hindi ka ba magsusulat para kay Santa? May papel pa ako dito." "Hindi na, hindi naman totoo si Santa," simpleng saad ko. Sumimangot siya sa akin saka ipinadyak ang mga paa niya sa lupa. "Pati ba naman ikaw?!" Napa-iling na lamang ako. "Hindi 'yon pupunta sa bahay niyo kasi wala kayong chimney," sagot ko na lamang. Noong nakaraang taon ay sinira ni Ate ang paniniwala ko kay Santa. Gabi noon, kakasabit ko lang ng malaking kulay pulang medyas ni Santa sa may tabi ng bintana namin. Busy siya sa pagbabasa pero nagawa niya pang ibuka ang bibig niya upang sabihing 'Tss, nagsasayang ka ng oras. Wala naman talagang Santa Claus.' sabay kagat sa huling piraso ng cookies at dala ang libro ay umakyat siya sa kuwarto. At dahil gusto kong patunayan na mali siya, kinuha ko ang camera sa kuwarto nila Mama at Papa saka naghintay kay Santa sa ilalim ng lamesa. Bandang madaling araw ay nakarinig ako ng kaluskos kaya naman nagising ang diwa ko at agad kong kinuha 'yong camera pero imbes na si Santa ang makita ko, nakita ko si Mama at Papa na nagsusuksok ng regalo sa pulang medyas. Iyak ako nang iyak pagkatapos noon at kahit anong paliwanag at pang-uuto ni Papa ay hindi na ulit ako naniwala kay Santa. Natigil kami sa pagtatalo kung totoo ba o hindi si Santa at nakisali pa nga si Mikael nang may maglapag ng zest-o sa lamesa ko. Tinaasan ko ng kilay si Keene. "Ayoko ng apple," wika ko. Inirapan niya ako. "Arte," sabi niya saka akmang kukunin yung zest-o pero agad kong kinuha 'yon saka niyakap at nakipagtitigan ng masama sa kaniya. Iniling niya 'yong mukha niya saka dumiretso na ng lakad papunta kay Teo. "Si Keene 'yon?" Binalingan ko ng tingin si Yuna na mapupunit na ang labi kakangiti. Crush niya kasi si Keene at hindi ko talaga maintindihan kung bakit at paano. "Akin na lang 'ya--" iniwas ko ang zest-o sa kaniya kaya napasimangot siya. Kunin mo na lahat sa 'kin, wag lang zest-o. ~~~~~ New year's eve, 2005 "Hoy! Si Cance naka-dress!" Napasimangot ako nang isigaw iyon ni bansot sa buong Barangay. Pinanlisikan ko siya ng mata pero natatawa pa rin siya. Sa labing-isang taon kong nabubuhay sa mundong 'to ngayon lang ako hindi naging komportable sa damit na suot ko. Isang white dress na polka dots ang napag-trip-ang bilhin ni Mama kahit na sinabi ko na ng paulit-ulit na ayaw kong mag-dress dahil nangangati ang katawan ko. "Manahimik ka bansot. Nangangati buong katawan ko!" Sabi ko habang patungo sa puwesto nila Yhann, Teo at Keene. Sumalampak ako sa side walk pero agad ding napatayo nang marinig ko ang sigaw ni Mama. "Cance! 'wag kang umupo diyan at madudumihan ang suot mo! Humanda ka sa akin kapag may nakita akong marka diyan, sinasabi ko sa 'yo!" Mas lalo akong nainis mabuti na lang at tumayo si Yhann mula sa pagkakaupo sa puting monoblock hindi kagaya ni Keene na naka-dekuwatro pa habang nakakunot ang noo na nakatingin sa akin. "Titingin-tingin mo?" Inambahan ko siya ng suntok pero tinaasan niya lang ako ng kilay. Nakakainis talaga! Tuwing Christmas at New Year's eve ay palaging may party sa street namin na pakana ng pinakamamahal kong magulang. Masyado kasing galante si Mama tuwing pasko at bagong taon pero kapag ako nanghihingi ng piso katakot-takot na sermon pa ang kailangan kong marinig mabigyan lang ako. "'yong mga bata! Magsipila na at malapit nang magsimula ang pabitin!" Napahawak ako sa tenga ko nang biglang tumunog ng malakas ang speaker at magsalita si Mama sa Mic. Hindi rin naman nagtagal ay tatlo na lang kami nila Yhann ang natira na nakaupo sa gilid ng kalsada. "Hindi kayo sasali doon?" Tanong ko kila Keene at Yhann na umiling lang habang pinapanuod namin ang mga kapwa namin bata na nagtutulakan para makakuha ng magandang puwesto. Ramdam ko na ang antok dahil maga-alas onse na rin pero pinipigilan kong matulog dahil inaantay ko 'yong fireworks display na sponsored ng bida-bida kong magulang. Kung makagastos para sa ibang bata siyang-siya sila pero pag sa sarili nilang anak galit na galit. May nakita pa nga akong 1000 sa isa sa mga sobre na nasa pabitin 'e samantalang piso lang hirap na hirap nila akong bigyan. Siguro ampon ako. Humikab ako saka tumayo sa inuupuan ko. "Inaantok ako, sali na lang tayo doon. Alam ko kung nasaan banda 'yong 1000 pesos." Binulong ko yung dulong bahagi at nakita kong bigla silang ginanahan. "Sure ka 1000?" Balik na tanong ni Keene na tinanguan ko lang. "Ano pa ginagawa natin dito? Turo mo kung saan ako kukuha." Inirapan ko siya. "Maka-ano ka diyan, as if naman abot mo 'e hanggang noo nga lang kita. Si Yhann na kukuha!" Kinuha ko 'yong braso ng nananahimik na si Yhann saka yumakap rito. "Mas matangkad kaya ako sa kaniya! Tignan mo!" Tumabi pa siya kay Yhann pero tinulak ko siya palayo. "Wala kang dapat patunayan," natatawa na lang si Yhann sa pagbabangayan namin hanggang sa tawagin niya si Teo. Nag-plano kaming apat kung paano makukuha 'yong 1000 at nagka-sundo kaming si Keene na ang kukuha kasi bida-bida siya at kami na ang bahalang magpatumba sa iba pang mga bansot. Tinuro ko kung nasaan at ilang minuto pa ay nagsimula nang magkagulo dahil inumpisahan na ang palaro. Tinutulak naming tatlo 'yong ibang bata habang si Keene naman ay sinisimot ang lahat ng sobre na nakasabit sa pabitin. Iyong mga matatandang nanunuod ay tuwang tuwa habang naghihirap 'yong mga anak nila. "Okay na! Nakuha ko na!" Tumigil kami sa pagtulak saka tumakbo palapit kay Keene pero nagtuloy-tuloy kami sa pagtakbo dahil hinabol kami ng mga bata doon habang sumisigaw ng 'ang daya!' Natitigil lang sila nang muli silang tawagin para sa bagong laro at hindi na daw kami sasali kasi masasama daw mga budhi namin. Muli kaming tumambay sa sidewalk habang naghahatian sa mga premyong nakuha ni Keene. "Wala namang 1000 dito!" Reklamo ni Keene nang mabuksan na namin ang lahat ng sobre pero hindi pa rin namin namamataan 'yong isang libo. Napakunot ang noo ko, "Alam ko meron 'e." "Pinagod mo 'ko para sa wala," reklamo niya pa kaya hindi ko na napigilan ang sarili ko na batukan ka. "Hindi kita pinilit! Ikaw 'yong bida-bidang nag-volunteer, tanga!" "Tama na 'yan," awat ni Yhann saka siya nagbuntong hininga kaya nakuha niya ang atensyon ko. "May problema ba?" Marahang tanong ko. Nginitian niya ako saka ginulo ang buhok ko. "Lilipat na kasi sila," singit ni Teo na nilalantakan na 'yong candy na nakuha namin kanina. "Ha?!" Napasigaw ako saka nahampas ko 'yong hita ni Keene sa sobrang gulat. "Aray!" Reklamo ni Keene dahil nasa tabi ko lang siya pero hindi ko siya pinansin. "Kailan?! Saan? Bakit?!" Napasinghot ako dahil naramdaman ko na ang luha na nagbabadyang labas mula sa mga mata ko. "Ay! Hala, wag kang umiyak! Hindi pa naman ngayon," natatarantang wika ni Yhann. "Bakit?! Ayoko! Dito ka lang!" sabi ko habang pinupunasan ang luha ko. Nakita kong nagbabatukan si Keene at Teo sa gilid pero hindi ko sila pinapansin. Nginitian ako ng malungkot ni Yhann saka ginulo ang buhok ko. Pagkatapos noon ay hindi ako nagkaroon ng oras para maging malungkot dahil tinawag na kami ni Mama para sa count down. Ito na siguro ang pinakamalungkot na New Year ko. Nang hindi ako gumalaw ay tinabig niya ako palapit sa kaniya saka niyakap. "Pagbalik ko, papakasalan kita." Umakyat ang lahat ng dugo ko sa mukha ko at para akong napako sa kinatatayuan ko nang ibulong niya ang mga katagang iyon habang nakayakap sa akin. Humiwalay siya sa pagkakayakap, nakangiting ikinaway ang mga palad upang magpaalam saka pumunta na sa direksyon kung nasaan ang Mama niya. 5... 4... "Cance! Tawag ka na ni Tita!" Rinig kong tawag ni Keene. Nginitian ko siya na ikinakunot ng noo niya. 3... 2... "Papunta na," nakangiti kong sagot saka masayang tumakbo palapit sa kaniya. Pero BFF kami ng katangahan, kinailangan kong matisod sa isang bato at masubsob sa semento. Pero imbes na matigas na semento ang pagbagsakan ko ay may naramdaman akong parang malambot na nakalapat sa labi ko. 1... Nanlaki ang mga mata ko. Hindi ako makagalaw at parang siya rin ay na-estatwa sa ilalim ko. "HAPPY NEW YEAR!" Kasabay ng nakakabinging sigaw ng mga tao sa paligid at ang liwanag na dulot ng fireworks na pumuputok sa kalangitan... Nawala ang first kiss ko.
Terima kasih
Dukunglah penulis untuk menghadirkan kisah-kisah yang luar biasa untuk Anda
bom
03/05
0high quality
23/05/2025
0Bom demais
07/02/2025
0Lihat Semua