Inalalayan siyang tumayo ni Halom at ito na mismo ang nag-ayos sa nagulo niyang buhok. Alam niyang namula ang pisngi sa ginawa nito kaya naman ibinaling niya ang mukha sa ibang direksyon. Tinanong din ni Kayan kung ayos lang ba siya at sinabing, oo. Kahit na ang totoo ay medyo masakit pa ang kanyang anit sa biglang paghila ng dalaga sa kanyang buhok. "Dahil sa ginawa mo kay Mirah ay dadalhin ka sa piitan at mananatili roon ng isang araw" "Pero Kayan~" "Kung hihirit ka pa ay madaragdagan ang parusa mo." Dumating ang dalawang lalaki at kinuha ang dalaga upang ikulong. Sumama rito ang dalawang babaeng kasama nito, siguro para ihatid ang kaibigan. Umirap pa ang mga ito sa kanya bago umalis. Umalis si Kayan at sinundan ang mga ito. Naiwan sila ni Halom. "Salamat," aniya. "Walang anuman. Pagpasensiyahan mo na si Marikit, noon pa man ay ganoon na talaga ang ugali niya." Nginitian niya na lamang ang binata. Tinanong siya nito kung saan siya pupunta at sinabi niyang hindi niya alam. Lumabas lamang siya upang lumanghap ng hangin. "Kung gusto mo ihatid na lang kita kina Luna. Gaya mo ay taong-labas din siya kaya tiyak kong magkakasundo kayo." Agad siyang sumang-ayon at baka magbago ang isip nito. Sinamahan siya ni Halom patungo kina Luna. Nasa ilog ito kasama si Mutya, nagsasampay ng mga nalabhan. "Mirah! Halika rito," aya sa kanya nito nang makita siya. Muli siyang nagpasalamat kay Halom bago ito umalis. "Himala at magkasama kayo ni Halom," ani Luna. Natapos na sila sa pagsasampay at kasalukuyan silang nakaupo sa ilalim ng puno. "Nakita niya ako sa may daan at nag-offer siya na ihatid ako sa inyo." Hindi na niya sinabi ang pagsabunot sa kanya dahil baka mag-alala lang ito. "Nakakagulat lang at kinausap ka ni Halom. Sa tagal na ng pananatili ko rito bilang lang sa daliri ko sa kamay ang pag-uusap namin." "Hindi talaga palasalita si Kuya Halom. Kahit na lagi mo siyang kasama, bihira lang ito magbuka ng bibig," singit ni Mutya sa usapan nila. Nag-usap pa silang tatlo. Kahit paano ay masaya siya dahil may naging kaibigan siya sa lugar na 'yon. Kahit alam ni Luna na artista siya ay hindi iba ang pakikitungo nito sa kanya. Nakiusap siya rito na kung maaari ay kunin niya ang kanyang camera. Hindi naman sa araw-araw ay lagi niyang kasama sina Luna kaya naman kung meron ang camera ay hindi siya mababagot kung nag-iisa. Kasama si Luna ay nagtungo sila sa kubo nina Amang Nilo. "Nakiusap si Luna na kung maaari ay ibalik sa'yo ang iyong gamit. Hindi ito mapanganib kaya pahihintulutan ka naming makuha ito. Hindi ka na rin lang makakabalik sa iyong pinanggalingan kaya hindi na kami mababahala sa mga kukunan mong larawan. Limitado lang ang lugar na 'yong mapupuntahan, kung gusto mo pang mabuhay sundin mo na lang ang mga sasabihin sa'yo. Naiintindihan mo ba?" "Oho." Hindi na siya umapila pa at baka humaba ang usapan. Disidido na talaga ang mga itong huwag siyang paalisin sa lugar na 'yon. "Kung gayon ay ibabalik ang 'yong gamit. Itatalaga ko si Halom bilang bantay mo sa oras na kumuha ka ng mga larawan. Wala kaming tiwala sa'yo, baka mamaya ay magtangka kang tumakas. Mabuti na 'yong may kasama ka." Wala siyang nagawa kundi sundin ang kagustuhan nila. Ibinalik ang camera ng dalaga. Hindi pa ito lowbat kaya naman magagamit pa niya. Nang sumunod na araw ay nagtungo siya sa ilog upang kumuha ng mga larawan, syempre dala ang pinakamamahal niyang camera. Nakabuntot naman sa kanya si Halom. "Ayos lang ba na lagi kang nakasunod sa'kin? Wala ka bang ibang gagawin?" "Ito ang utos sa'kin ni Amang Nilo. Kailangan ko itong sundin." Napasimangot siya sa sagot nito. "Utos lang pala. Akala ko pa naman natutuwa kang kasama ako," bulong niya sa sarili. Matapos sa may ilog ay nilibot pa niya ang ibang parte ng gubat na maaari niyang puntahan. Nanatiling nakasunod sa kanya ang binata at hindi man lang siya kinikibo. Feel niya ang awkward ng kanilang sitwasyon. Gustuhin man niya itong kausapin hindi niya naman alam ang sasabihin. Hindi na pinatagal ni Mirah ang pamamasyal at bumalik na siya sa kanyang kubo. Doon na niya sinuri ang mga kinuhang litrato. Naisip niyang mas maganda kung mananatili muna siya sa lugar na 'yon. Alam naman nilang nagpapahinga siya sa kanyang trabaho kaya nakasisigurado siyang walang magtatangkang hanapin siya. Nais niyang kunin ang lahat ng magagandang tanawin sa lugar bago siya bumalik ng lungsod. Gusto rin niyang sa susunod na makita si Kevin ay wala na siyang nararamdaman para rito. Walang pagmamahal at walang galit. Gabi na nang dalawin siya ni Luna. "Bakit hindi mo sinabi sa akin na sinaktan ka ni Marikit? Kung hindi lang nabanggit sa'kin ni Kayan hindi ko pa malalaman," ani nito. "Ayos lang naman ako. Saka pinarusahan na rin siya kaya hindi na ako nag-abala pang sabihin sa'yo." "Sa oras na makita mo siya pati 'yong dalawang alalay niya, mas mabuting umiwas ka na lang para walang gulo. Ewan ko ba sa babaeng 'yon! Nang una kong dating dito mainit din dugo niya sa'kin." Ikinuwento nito ang naging karanasan nila kay Marikit. Ngunit nagulat siya nang malamang ito rin ang tumulong sa pagtakas ni Luna. "Ibig sabihin naranasan mo nang umalis dito?" "Oo naman. Si Marikit ang tumulong sa'kin ngunit ang hindi ko alam ay naroon din si Kayan. Hindi niya ako pinigilan sa aking pag-alis bagkus ay sinamahan niya ako nang palihim hanggang sa makaalis ako ng ligtas dito sa gubat. Pag-uwi ko sa amin ay nalaman kong patay na ang Papa. Naisip ko na lang na bumalik dito dahil nangungulila na rin ako sa asawa ko. Hindi naging madali nang bumalik ako rito pero sa huli ay naging maayos naman ang lahat." Masaya itong nagbalik-tanaw sa nakaraan nito. Kailan din kaya niya mararanasan ang relasyong mayroon si Luna at ng asawa nito? Darating din kaya ang punto na magsasakripisyo siya gaya ng ginawa ni Luna? Minsan ay sumasama ang dalaga sa paglalaba. Kahit paano ay marunong siya sa nasabing gawain. Hindi niya naman gustong nanunuod lang habang may ginagawa sila. Hindi pa malaki ang tiyan ni Luna kaya naman nakakagawa pa ito ng mga gawaing bahay. "Buti naman at hindi maselan ang paglilihi mo?" "Ay ewan ko ba! Napaka-weird ng paglilihi ko. Alam mo ba na ang pinaglilihian ko ngayon ay karne ng bayawak. Ni hindi ko nga magawang tikman ito noon, samantalang ngayon ay lagi kong hinahanap. Minsan pa nga ginising ko si Kayan ng hating gabi para lang maghanap nito dahil gutom ako." Natawa siya. "Ganyan daw talaga ang pagbubuntis. Maaari mong hanapin ang bagay na pinakaayaw mo." "Natatakot nga ako na baka mamaya ay sawa naman ang hanapin ko," bumusangot ito. Maging siya ay hindi niya rin kayang kumain ng exotic foods. Paano na lang kaya kung nasa ganoong sitwasyon siya?
Terima kasih
Dukunglah penulis untuk menghadirkan kisah-kisah yang luar biasa untuk Anda
iloveyouuu
16/12/2023
0ang ganda ng story
23/10/2023
0yes
17/10/2023
0Lihat Semua