Dinala siya ni Luna sa isang kubo. Sabi nito na ito ang una nitong naging tirahan nang mapadpad sa lugar na 'yon. Nalaman niyang asawa nito ang katabing lalaki kanina. "Nakakagulat lang at kilala mo ako," aniya kay Luna. "Ang sikat mo kaya. Hindi mo lang siguro ako kilala pero kinuha ka ng kompanya namin bilang endorser." "Anong pangalan ng kompanya?" "Soliva Enterprise." "Sa inyo 'yon?" Hindi siya makapaniwala sa nalaman. Kilala ang kompanya na 'yon sa buong Pilipinas at may mga branches na rin ito sa ibang bansa. Mayaman ang babaeng nasa harapan niya pero bakit nasa isang gubat ito ngayon? Dahil ba sa pag-ibig? Imposible namang wanted ito ngayon kaya nagtatago sa loob ng kagubatan. Kung may criminal record nga ito dapat noon pa lang ay alam niya na gayong walang pinalalampas na balita ang mga reporter sa siyudad lalo na kung galing ka sa isang kilalang pamilya. Ngumiti lang ito. "Alam ko medyo weird na magtanong ako lalo na't hindi natin kilala ang isa't isa pero curious lang talaga ako. Bakit nandito ka? Ang yaman mo pero sa gubat ka nakatira." Tumawa ang kasama, "I found my treasure here na mas mahal pa sa kayamanang mayroon ako sa siyudad,” saad nito. Tama nga ang unang hinala, dahil sa pag-ibig kung bakit nito nagawang tumira sa lugar na 'yon. "Hindi ba pwedeng sa siyudad kayo tumira?" Umiling ito, "maraming batas sa lugar na 'to at isa na roon ang bawal lumabas dito. I sacrificed a lot in order to be here and to have my happiness." "Anong ibig mong sabihin na bawal lumabas?" "You'll know soon, magpahinga ka muna." Ipinahiram ni Luna ang damit nito sa kanya para may bihisan siya dahil basa ang kanyang kasuotan. Wala siyang choice kundi isuot ang damit, si Luna nga na anak mayaman nakasuot ng gano'n siya pa kaya. Isipin niya na lang na nasa isang shooting siya. Matapos magamot ang paa ay nagpaalam na ang kasama sa kanya. Mayamaya ay pumasok sa loob ang isang dalaga na may dalang pagkain. "Ang sabi ni Ate Luna, kumain muna kayo." Lumapit siya sa pagkain, "salamat." "Walang anuman." Hindi umalis ang dalaga. Tahimik itong nakaupo sa gilid habang nakadungaw sa bintana. "Ako nga pala si Mirah," basag niya sa katahimikan. "Mutya ho ang pangalan mo." "Nice to meet you, Mutya." Tumingin sa kanya ang dalaga, "pareho kayo ni Ate Luna, kung minsan ay nagsasalita sa ibang wika. Gano'n ba kayong mga taga labas?" Marahan siyang tumawa. "Hindi lahat pero marami ang may alam ng ilang wika. Hindi ka pa ba nakakapunta sa kabihasnan?" Umiling ito. "Isang paglabag ang lumabas sa lugar na ito." "Bakit naman?" Sinabi rin sa kanya ni Luna na bawal lumabas sa lugar. Hindi ito nagbibiro nang sinabi 'yon. Kaya ba mas pinili nitong manatili roon kung saan nakatira ang asawa nito. "Nasa patakaran ng lugar na bawal lumabas dito sa gubat. Lahat ng nakakapasok dito ay hindi na nakakalabas pa. Ikinalulungkot kong sabihin ngunit ganoon ka rin." Hindi makapaniwala si Mirah sa narinig. "Ibig sabihin hindi na ako makakaalis dito?" "Ligtas ka ngayon dahil na rin kay Ate Luna. Ako na mismo ang magsasabi sa'yo Ate, sa oras na magtangka kang tumakas ay parusa ang aabutin mo. Kung nakakain ka na, aalis na ako." Kinuha nito ang kanyang pinagkainan at lumabas ng kubo. Lalabas na sana siya nang harangin siya ng dalawang lalaki. May mga nagbabantay pala sa kanya, hindi niya man lang namalayan. "Gusto kong lumabas." "Hindi maaari. Ito ang utos sa amin ni Amang Nilo," sabi ng isa. Kahit anong pilit niya ay hindi siya pinayagan. "Kung magpupumilit ka pa. Hindi kami magdadalawang isip na ilagay ka sa kulungan." Sa narinig ay nanahimik na lang si Mirah at baka dalhin nga siya sa kulungan. Bumalik siya sa loob ng kubo at nag-isip hanggang sa dalawin siya ng antok. Kinaumagahan ay pinuntahan siya ni Luna. "Nang sabihin mo sa aking bawal lumabas sa lugar na 'to. Ibig bang sabihin maging ako ay hindi na makakalabas?" tanong niya rito. Mapait na ngumiti ang kasama, "sorry kung hindi ko nasabi agad. Akala ko sa oras na kausapin ko sina Ama tungkol sa'yo ay hahayaan ka nilang bumalik sa siyudad, ngunit hindi sila sumang-ayon." "Ama?" nagtatakang tanong niya. "Mga magulang ng asawa ko ang pinuno rito." Nalaman niyang Kayan ang pangalan ng asawa ni Luna. Amang Nilo at Inang Sita naman ang tawag sa dalawang mag-asawang pinuno. Sabi nito na gustuhin man siyang tulungan sa pagtakas ay wala itong sapat na kakayahan lalo na at buntis ito. Maaari itong parusahan kung sakali at ang inaalala nito ay ang bata sa sinapupunan. "Gaya mo ay sabik din akong umuwi sa amin noon. Ilang beses na akong tumakas ngunit laging pumapalpak. Bilang isang tulad ko na naranasan na ang sitwasyon mo, ang maipapayo ko lang ay dumito ka muna. Hindi ko gustong maranasan mo ang mga nangyari sa'kin. Huwag kang mag-alala, gagawa ako ng paraan para makaalis ka rito ngunit hindi muna sa ngayon," ani Luna. "Salamat. Ang bait mo." "Ano ka ba! Pareho lang tayong galing sa labas kaya naiintindihan talaga kita." Kinabukasan ay hinayaan na nilang lumabas si Mirah. Wala na rin ang dalawang lalaki na nagbabantay sa kanya ngunit sinabihan siyang huwag magtatangkang tumakas kung ayaw niyang mapahamak. Gaya ng sabi ni Luna ay hindi nga maganda ang trato ng mga katutubo sa mga taga labas. Wala ring pumapansin sa kanya maliban na lang kay Luna at sa kaibigan nitong si Mutya. Nakita niya si Halom at ang asawa ni Luna. Nalaman niyang matalik na magkaibigan ang dalawa. Hindi niya maiwasang pagmasdan ang binata, sa tingin niya ay crush niya na ito. Single siya kaya hindi masama kung magkagusto man siya. "Aba! pinahintulutan na siyang lumabas sa kanyang kubo," saad ng kadarating na dalaga. May dalawa itong kasama na nakabuntot dito. "Kilala ba kita?" "Hindi na mahalaga kung kilala mo ako. Narito ako para sabihin sa'yo na matuto kang lumugar." Kung makapagsalita ito ay parang pagmamay-ari nito ang lugar. Tumalikod na lamang siya at hindi pinansin ang sinabi nito. "Kinakausap pa kita," hinablot nito ang kanyang buhok kaya naman napasigaw siya sa sakit. "Ano na namang kalokohan 'to, Marikit?" sumaklolo na sa kanila sina Kayan. Binitawan ng dalaga ang kanyang buhok at itinulak siya sa lupa. Buti na lang at agad umalalay si Halom kaya imbes na sa lupa ang bagsak niya ay sa mga bisig nito. "Ayos ka lang?" mahinang tanong sa kanya ng binata. Tumango na lang siya dahil pakiramdam niya ay umatras ang kanyang dila. Ganoon din ang kanyang naramdaman nang una niya itong makita.
Terima kasih
Dukunglah penulis untuk menghadirkan kisah-kisah yang luar biasa untuk Anda
iloveyouuu
16/12/2023
0ang ganda ng story
23/10/2023
0yes
17/10/2023
0Lihat Semua