logo
logo-text

Unduh buku ini di dalam aplikasi

Chapter 5

The man in a hoodie jacket showed up again
January 14, Tuesday, 11:50 A.M.
Hindi ko pa napo-proseso ang mga nangyari kagabi, bumungad agad sa umaga ko ang sumon sa polisya. Dahil sa krimen sa Ilaya, mas naging mabilis ang aksyon ng mga ito. Akala ko noong una ay dahil nakilala ako habang tumatakbo sa kanila sa checkpoint ngunit nang pagbuksan ko ng pinto ang parak, nagulat ako at maya-maya’y napalitan ng pagtataka. Bakit ako ni-report ni Ynah?
Kahit na iika-ika ay agad akong pumunta sa estasyon. Nang makaupo ako sa monoblock kaharap si officer Silayan na mas nadagdagan ang pangangalumata at katulad ko, mukhang hindi pa rin naliligo, parang biglang nagbutil ang pawis ko. Halos magkalapit lang kami ng upuan ni Ynah, napansin ko na seryoso siyang nakatingin sa harapan kaya hindi na ako nagsalita pa. Totoo naman na sinundan ko siya kaninang madaling araw pero hindi lang ako ang sumunod sa kan’ya.
Nakatikom lang ang bibig ko hanggang sa matapos ang napagkasunduan namin. Hindi ko pa p’wedeng sabihin ang buong detalye sa nangyari kanina dahil baka maungkat yung ginawa ko at kung bakit ako nasa kalye. Maswerte ako at hindi naman pala ganoon ka-delikado yung delivery hindi tulad sa mga naunang batch sa akin. Kung malalaman ng mga parak ang tungkol doon, baka malaman ni Primo at ipasimento ako sa drum habang nakatiwarik.
Muntik na akong matalisod at matumba sa gutter nang may malakas na bumangga sa akin. Mumurahin ko sana ngunit paglingon ko nakatingin siya sa akin at nakangisi. Kinunutan ko siya ng noo at hinarap. Wala ako sa mood ngayon makipagbasag-ulo sa kung sino. Wala pa akong almusal at isa pa, umiipekto na ngayon yung bugbog sa katawan ko.
“Problema mo?” hindi niya ako sinagot at tumalikod na. Bastos ‘tong mokong na ‘to, ah. Pasalamat ka nagugutom ako at gusto ko na umuwi.
Tatalikod na rin sana ako nang marinig ko yung pamilyar na tunog na ginagawa niya… sumisipol siya habang naglalakad papunta sa kabilang direksyon at alam ko kung saan siya patungo. Sa Abris, lugar kung saan nakatira si Ynah. Hahakbang na ako pasunod sa kan’ya nang may rumaragasang kotse na humarang sa pagitan namin. Sa isang iglap, nawala na siya sa paningin ko.
Tumakbo ako kung saan ko siya huling nakita, wala maski ang anino niya. Lumiko ako sa boundary ng Ilaya at Abris, marami pang pwedeng lusutang eskinita pero inuna ko ang papunta sa talipapa. Sumuot ako sa tindahan ng mga gulay na kasalukuyang nagbubukas ngunit wala siya. Dumiretso ako hanggang dulo upang tanawin kung nasa isdaan sa kabilang banda siya nagtungo nang makita ko si Mouse.
“Pre!” tawag ko ngunit sumisenyas siya na hindi ko naman maintindihan kaya lumapit ako. Napayuko at pumikit na lang siya.
Huli na para umatras, napapalibutan na ako ng mga pamilyar na mukha. Nasa gilid ko si Mouse habang bitbit sa damit ng malaking katawan na lalaki katabi ang bansot na may kakat’wang bigote.
Nanghihina pa ang katawan ko at nanlalambot ang tuhod ko dahil sa gutom samantalang si Mouse naman ay bugbog sarado na. Hindi ko na alam ang mga sumunod na nangyari. Siguro ay nagblack-out ako o tinuluyan na ako.
Bakit ba ako nilalapitan ng mga barumbado at mga taong nasa alanganin.
******
Thirty minutes before the attempted kidnapping in Abris bridge
January 14, Tuesday 4:00 A.M.
Hindi ako mapalagay. Bukod sa resibo at sentimong naiwan ko kay Ynah, may isa pang gumugulo sa isip ko kanina pa.
“Good job!” Bakangisi siyang lumapit sa akin at hinablot ang condom sa kamay ko pagkatapos ay dire-diretsong pumasok sa kwarto kung saan siya galing. Hindi pa ako nakakapagsalita ay pinigil na ako ng bantay niya. Sumilip siya at initsa sa sahig ang delivery fee ko.
Nang makita ko na gumugulong ang mga barya sa carpet ng club ay parang nag-init bigla ang katawan ko. Ano ba ang tingin niya sa mga katulad ko? Gusto ko habaan ang pisi ko dahil huling duty ko na ito, ayaw ko na ng gusot pero nakakapika. Huminga ako ng malalim at yumuko upang kunin ang bayad sa akin.
Alam ko na may iilang nasa hallway ang nakakita sa ginawa niya kaya mas yumuko ako. Kung sa kalye lang ito ay hindi ako mag-aatubiling sikmuraan siya. Ngunit hindi ko balwarte ito. Nag-angat ako ng tingin nang may dumaan sa harap ko. Nakasuot siya ng puting long sleeve na halos bumitiw na ang mga butones sa dibdib. May katangkaran siya ngunit kung titingnan ay parang mas malaki pa ang katawan niya kaysa binti. Ito ang pangalawang beses na nakita ko siya ng malapitan ngunit hindi pa rin ako makatingin ng matagal sa kan’ya lalo na sa kaliwang mata niya na may katarata. Wala akong problema sa kondisyon niya, hindi ko lang magawang tumitig sa kung saan siya kilala.
“Move.” Nagulat ako hindi dahil sa tigas ng pagkakasabi niya kundi dahil sa tingin niya na para bang handang manuwag kahit anong oras. Punung-puno ng ginto ang palibot ng leeg niya maging ang ngipin niya sa harap. Bago ako makausog, nakita ko pa ang relong naninikip sa kan’yang braso na katulad ng ipinahiram sa’kin ni Mouse.
Katulad ko, lahat ng tao sa hallway ay umiiwas at kusang humahawi sa torong dumadaan. Sa Cadaviar na kadikit lang nitong Montgomery, ang clan niya ang may pinakamalaking sakop sa lugar. Dating karibal ng grupo ng ninuno niya ang mga Cadaviar na noon ay pinakama-impluwensya roon at dahil na rin sa naiambag nila sa lugar kaya ito ipinangalan sa kanila. Nang pumanaw ang head of the family ng Cadaviar, nagsimula nang agawin ng del Toro ang teritoryo nila. Hanggang ngayon, kahit na sila ang kilabot sa lugar, hindi pa rin nila matumbasan ang kita ng nakalipas na clan. Lalo na ngayon na si Marco del Toro na lang ang nag-iisang lalaki sa pamilya nila. Narinig ko rin kay Mouse ang balita na mas gugustuhin ng buong angkan nila na mapunta ang pamamahala sa daan-daang negosyo nila sa babae nitong pinsan. Siguro ay dahil sa kilala siyang lover boy kapag groge sa alak.
Muntik na akong sumalampak nang bungguin ako ng soro habang may karga-kargang babaeng langong-lango na halos hindi na maidilat ang mata. Naghahanap talaga ata ‘to ng away eh!
“Oh, ba’t nandito ka pa?” Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa. Hindi na ako kumibo at tinalikuran na lang siya. Hindi niya na bayad ang oras ko kaya wala na akong pakialam sa tarantadong katulad niya.
Maingat akong tumapak sa carpet dahil sa putik ng sapatos ko at dahil sa tagalinis na nakatingin sa akin. Hindi pa ako nakakalayo sa kwartong nilipatan ng kolokoy, nakarinig na ako ng sigaw mula sa babae. Hahakbang ulit sana ako nang marinig ko akong sigaw at tatlong kalabog sa pinto na iyon. Nasundan pa ito ng isang malakas na kalabog pagkatapos ay tumahimik na.
Sakit lang sa katawan kung makikialam ako at isa pa, wala naman akong makukuhang benipisyo.
Huminga ako ng malalim. Tutal namumuro na siya sa akin, bakit hindi ko siya bigyan ng kaunting sakit sa katawan? hindi ko na rin naman duty.
Tuloy-tuloy akong tumungo sa pintong pabukas at sinalubong siya ng kamao ko. Napabitaw siya at sumalampak sa sahig hawak-hawak ang ilong. Mumurahin niya sana ako kaya’t inagapan ko ng sipa sa mukha niyang pahaba.
May umiikot sa loob ng tyan ko na nararamdaman ko lang dati tuwing makikipagbakbakan. Hindi ko tiyak pero mas ginanahan ako nang makita ko yung mukha niyang nakalukot. Umubo siya sabay sa pagpatak ng dugo sa ilong. Tumingin siya ng matalim sa akin kaya ginaya ko ang ngisi niya kanina at saka ibinato ang panyo ko.
“Oh, punasan mo nga ‘yang ilong mo!” panunuya ko. Sumulyap siya sa likod ko kaya agad akong umiwas. Napadpad sa kan’ya yung tauhan niyang hanggang siko ko lang. Umiwas naman siya nang makitang papunta sa baba niya ang talim ng dagger ng minion niya.
“Hoy!” Hindi na ako naka-react nang buhatin ako ng kalbo niyang kasama at ibalibag sa direksyon ng higaan. Napangiwi ako nang tumama ang tumbong ko sa kanto nito. Putangina iba na ‘to taympers!
Pakilos pa lang ako nang muli akong buhatin at tuhurin sa sikmura. Parang umakyat lahat ng likido ko sa ulo. Papatay ata talaga mga ‘to ‘di tulad sa kalye. Yinapos ko ang sarili sa sobrang sakit habang nakadapa sa sahig. Ginawa akong sipa ng dambuhalang ‘to.
Hinawakan niya ulit ako sa damit at sa pagkakataong ‘to hindi na ako sasalo, mabilis akong umikot at hinakawan ang makinis niyang ulo ng dalawang kamay ko at buong puwersa kong inuntog ang noo ko sa kanya. Hindi ko na rin siya pinaatras at hinataw ko ang mukha niya ng siko ko at bilang ganti na rin, sinipa ko ang malambot niyang tyan na naging dahilan ng tuloy-tuloy niyang pag-atras papunta sa amo niyang mukhang soro.
Bago pa ako maabutan ng iba pa niyang pulgas, binitbit ko na ang babaeng nakahiga sa tabi at walang malay. May tama na rin ako kaya hindi na ako maghihintay ng resbak niya.
Hindi sa hindi ko kaya ha, kaninang gabi pa ako may galos at hindi ko na duty ngayon. Masyado na nasasayang ang oras ko.
Ang problema ko na lang ay kung paano ko ihahatid pauwi ang babae dahil una sa lahat, hindi ko siya kilala. Hindi rin naman siya natinag kanina maski nang binabalibag ako.
“Jasha!” Napalingon ako sa gilid nang may sumigaw na lalaki. Papalapit siya sa direksyon ko kaya humarap ako. Mangiyak-ngiyak ang hitsura niya, puro galos at gula-gulatin ang damit. Kung tama ang naaalala ko, siya yung lalaking bitbit pababa sa exit.
“Jasha, gising!” Tumungin siya sa akin, “what happened to my sister?” aniya. Dahil hindi ko sila kilala pareho, hindi ako nakasisiguro kung totoo silang magkapatid. Nahalata niya ang pagdududa sa mukha ko kaya kinapa niya sa bulsa ang wallet at ipinakita ang identification card niya, kinuha niya rin sa bag ng babae at ipinagdikit ang mga card na may parehong apelyido.
“Kailangan niya madala sa ospital, mukhang drinoga siya nung lalaki.” Napatitig siya sa akin pagkatapos ay lumingon kung saan ako galing.
Ibinigay ko sa kan’ya ang walang malay niyang kapatid at kumaway sa nakaabang na taxi sa hindi kalayuan. Bago siya maka-alis, dumungaw siya sa bintana, “maraming salamat!” at ngumiti hanggang sa makalayo na ang sasakyan.
Hindi na ako nag-abalang tumugon. Hindi naman ako sumugod para iligtas ang kapatid niya, nagkataon lang.
Pauwi na ako nang mapadaan ulit ako sa convenience store nila Ynah. Agad akong pumreno nang mapansin na nandoon ulit nakatayo yung naka-jacket na nakita ko kanina. May kaliitan siya ngunit malaki ang paa niya. Pansin ko rin ang suot niyang sapatos na katulad ng kay Billkin kaya sigurado ako na lalaki siya.
Nakatalikod siya sa akin kaya hindi niya alam na nakatayo ako malapit lang sa kan’ya. Tutok na tutok siya sa loob kung nasaan si Ynah. Dali-dali akong nagtago nang kumilos siya, papalapit na si Ynah sa pintuan dala ang shoulder bag niya kaya nagtago ako. Pero bakit ako nagtatago?
Humakbang ako upang lumabas sa dilim ngunit katulad ko, lumabas din ang lalaki sa pinagtataguan niya. Kung tama ang kutob ko, baka nasa panganib si Ynah. Hindi na ako nagdalawang-isip, palihim akong sumunod sa ngayo’y sumusunod kay Ynah na wala namang kaalam-alam.
Nagbigay ako ng pagitan para hindi niya rin ako mahalata. Mukhang wala rin naman siyang balak lumingon dahil titig na titig siya kay Ynah.
Nang makarating kami sa kanto ng Abris, lalong bumilis ang lakad ni Ynah. Hindi ko inaasahan ang paglingon niya sa likuran kaya hindi ako nakatalikod man lang at parang nasimento sa kinatatayuan ko habang ang lalaki naman ay mabilis na sumuot sa makipot na eskinita sa gilid. Akala ko ay lalapitan niya ako ngunit pa-iwas pa lang ako ng tingin ay mabilis na siya tumakbo palayo.
Hindi ko na siya sinundan pa, sinigurado ko rin na wala na sa paligid ang lalaki. Paliko na ako sa eskinita nang may humawak sa balikat ko.
“Put—” maski pagmumura ay hindi ko naituloy dahil sa matalim niyang titig. Mas matangkad siya sa akin ngunit parehas lang kami ng nipis ng katawan. Para ako natutop sa presensya niya lalo nang higpitan niya ang hawak sa akin.
“Mali ‘yang ginagawa mo,” malalim ang boses nito at medyo garalgal. Hanggang balikat naman ang tuwid niyang buhok na mas lalong nakapagbibigay ng kaunting kilabot sa akin. Nag-iba ang hitsura niya nang tumapak siya sa nasisinagan ng street lights.
Nangunot ang noo niya at naningkit ang mata na para bang inaaninag ako. May kinapa siya sa bulsa, nang iangat niya at nakita ko na parang ulo ng ice pick ay agad akong umatras para dumipensa. Ayaw ko na ulit masaksak ng ganyang kutsilyo.
Napaatras din siya sa biglaang paggalaw ko. Doon ko nakita na kinukuha niya ang salamin sa mata sa loob ng kaha nito. Bago niya suotin ay pinunasan niya muna gamit ang tela na kasama nito at saka tumingin ulit sa akin.
Magsasalita sana siya nang mapahinto kaming dalawa dahil sa isang sigaw na nanggagaling sa gawi ng Abris bridge na nasa gilid lang namin. Malaki ang boses nito ngunit alam ko na galing ito sa isang babae… at pamilyar ito sa akin.
Bumilis ang tibok ng puso ko at walang pagdadalawang-isip na sumugod kung saan nanggaling ang sigaw.
Hindi ako pwedeng magkamali. Sa ilang taon na hindi ko siya kasama, hindi ko makakalimutan ang boses ng kapatid ko.
“Ginny!”

Komentar Buku (26)

  • avatar
    BuenaflorAiyana Gail

    niceeeeeee oneeeeeeeee I likeeeeee ittttt

    27/07

      0
  • avatar
    ArcaDhan Jester

    100

    03/06

      0
  • avatar
    Hannah Miley Casco

    amazing incredible

    27/01

      0
  • Lihat Semua

Bab-bab Terkait

Bab Terbaru