logo
logo-text

Unduh buku ini di dalam aplikasi

Chapter 13

Pinagbihis ng manager ang apat na lalaki. Inatasan din sila nito na gisingin si Nicole para makapaghanda.
Pasado alas-sais na kasi at pagkagat ng alas-siyete ay magsisimula na ang gig. Ayos lang naman ang manager, kaya lang masyadong mataas ang kilay tuwing tumitingin sa gawi ko.
Nag-iwas ako ng tingin sa kaniya at pinagsawa ang sariling tignan ang kabuuan ng bar. Nakabukas na ang disco lights at nakahanda na ang ilang bote ng beer sa counter na nasa gilid lang.
Nakaupo ako sa round table, sa eksaktong harap ng platform, kung saan ako naunang naupo.
Matapos ang duet namin ni Levi ay bumalik ako sa upuan. Habang nagsialisan ang Vine para bumalik sa cottage. Nagpaiwan naman ang manager para mag-final checking ng gagamiting musical instrument ng grupo.
Kanina pa niya kinakausap ang isang crew, at panaka-nakang tumitingin sa gawi ko. Mukhang ako yata ang pinag-uusapan nila. Pinili ko na lang ang ibaling sa iba ang paningin.
Naka-open space ang buong bar kaya kahit saan ako tumingin ay kitang-kita ko ang mga puno na nilagyan ng lights sa mga sanga. Madilim na sa labas at nakabukas na ang mga ilaw sa resorts. Dim lang ang light na tumatanglaw sa buong bar. Perfect ambiance para sa isang dramatic movie.
"Vodka, miss?"
Nabaling ang tingin ko sa isang waiter. May dala siyang maliit na tray kung saan nakapatong ang wine glass na may laman. "What's that?" tanong ko.
"A strong Russian drink."
"Strong?" Tumaas ang kilay ko. Bigla, na-curious ako sa lasa kaya inabot ko. "Thanks."
Ngumiti lang ang lalaki at walang sabing naglakad palayo. Kunot-noo kong tiningnan ang wine glass bago binaba sa mesa. Mamaya ko nalang iinumin.
Naghintay ako ng ilang minuto bago ko nakita ang pagpasok ulit ng Vine sa entrada. Kasama na nila sa Nicole. At nakabusangot ang babae.
Sumadya sila sa manager bago naupo sa east wing ng sound system ng bar. Unti-unti na ring dumarami ang taong naupo sa mga round table na nagkalat.
Saktong alas-siyete ay nagpakilala ang emcee. Ilang salita pa ay inimbitahan ng emcee ang Vine sa platform. Nagsalita saglit si Ariel bilang leader ng banda bago nagsimulang tumugtog.
Una nilang tinugtog ay isang upbeat song. Napapa-headbang ang ilang tao pero nanatili akong nakasandal at prenteng nanonood sa Vine.
Ang totoo, titig na titig ako kay Levi. Hindi ko makita ang kakaibang kulay ng mata niya. Ewan ko kung dahil sa dim light o nakasuot siya ng contact lens.
Maya-maya pa'y nagbago ang himig. Naging banayad. It must be a love song. Pinanood ko lang kung paano magtitigan sina Levi at Nicole. Na parang inlove na inlove sa isa't isa.
Nagbaba ako ng tingin at inabot ang Vodka. Diretso ko 'yong ininom at napapikit ako sa mapait at mainit na likidong gumuhit sa lalamunan ko pababa sa tiyan.
Kunot-noo akong muling nag-angat ng tingin sa dalawa. Gano'n pa rin. Nakatitig sa isa't isa.
Napabusangot ako at napahalukipkip. Bigla ay umikot ang paningin ko, at kumirot nang bahagya ang ulo ko. Napahugot ako nang malalim na hininga.
Epekto ba 'to ng Vodka?
Tinukod ko ang siko sa mesa at humalumbaba. Pero hindi ko kinaya ang pag-ikot ng paningin ko. At parang... nagbabadyang lumabas ang kinain ko kanina.
Nasapo ko ang bibig. Pinikit ko nang mariin ang mga mata at ilang ulit na huminga nang malalim.
Rinig ko pa rin ang banayad na saliw ng musika, at parang mas tumindi ang sakit ng ulo ko dahil doon. Bumigat ang ulo ko, hindi ko nakayanan. Humalik ang mukha ko sa mesa.
Ang init... ang init!
Pilit kong nilalabanan ang hilo. Ramdam ko rin ang pagpapawis ng palad at noo ko. Pinilit kong itaas ang ulo pero nawalan ng lakas ang kalamnan ko.
"Rishell. Rishell."
May yumuyugyog sa akin. Tapos sinandal ako ng sinuman sa sandalan. Dahan-dahan akong nagmulat at si Tiden ang nakita ko. Napangisi ako. "Hi!" bati ko.
Nangunot ang noo niya. "Lasing ka ba?" bulong niya.
"Siguro? Umiikot ang ulo ko, e."
Napabuga siya ng hangin at may sinenyasan sa likuran. Tapos humarap ulit siya sa akin. Ngumiti. "Ihahatid na kita sa cottage para doon ka na matulog."
"Ha? Pero ano ba kashing ---"
Napahinto ako sa pagsasalita nang binuhat niya ako bigla. Gaya ng bagong kasal.
Tahimik siyang naglakad palampas sa mga taong nakatitig sa amin. Umikot ang mga mata ko pataas. At napapikit ako nang mariin. Mas lalong tumindi ang hilo ko.
"Anong ininom mo?" tanong ni Tiden.
Naramdaman ko ang malamig na simoy ng hangin sa balat ko. At unti-unting humihina ang tugtog ng musika. Parang nasa labas na kami ng bar.
Umungol ako. "Hindi ko alam," bulong ko.
"Sa susunod, 'wag ka nang uminom. Nagkakaintindihan ba tayo?"
Humagikgik ako. "Oh shut up. I can hear Papa's voice in you."
"Rishell," saway niya.
Ngumuso lang ako at nagmulat. Nagniningning na kalangitan ang bumungad sa akin. Umiikot sila, na parang mga ferris wheel. Tapos, ngumiti ang buwan sa akin.
Ngumisi ako. "Nasa parallel universe ba ako? O, isa na rin ba akong stars? Wooow gusto ko 'yooon."
"Rishell, tama na."
Nawala ang mga nagsasayang stars at ngumingiting buwan. Napalitan ng bubong na gawa sa nipa. Tapos, may nakakasilaw na liwanag na mula sa maliit na bagay.
Teka, florescent lamp?
Naramdaman kong inihiga ako ni Tiden sa malambot na kama. Nangunot ang noo ko nang maamoy ang pabango ng isang lalaki. Nakaawang ang bibig ko nang tingnan ko siya. "Sa'n tayo?"
"Sa cottage." Bumuntong-hinga siya. "Diyan ka na matulog. Doon lang kami sa lounge mamaya." Pinasadahan niya ako ng tingin sabay iling. "Matulog ka na, Rishell."
Naramdaman ko ang kumot na tumakip sa katawan ko. Ngumuso ako at namumungay ang matang tinitigan ko si Tiden. "Babalik ka ro'n?"
"Kailangan. Hindi pa tapos ang gig."
"Okay..." Tumitig ako sa kisame.
"Pikit mo mga mata mo," utos niya.
Sinunod ko ang sinabi niya. Narinig ko ang yabag niya palayo, at pagsara ng pinto.
Minulat ko ang mga mata ko. Umiikot ang paningin ko pero nasa matinong pag-iisip pa ako. Nasapo ko na naman ang bibig nang muntik akong masuka.
Mabilis akong bumangon at nagpalinga-linga sa paligid. May munting banyo sa gilid!
Umalis ako sa kama at tinakbo ang banyo. Doon ko sinuka ang halos lahat ng kinain ko. Ilang minuto 'yon, na halos mapaluhod na ako sa panghihina.
Nagmumug ako ng tubig tapos napatingala. Bahagyang nabawasan ang hilo ko. Medyo pumirmi na ang mga umiikot sa paningin ko. Napabuga ako ng hangin.
Sa susunod, hindi na ako tatanggap ng inumin galing sa kahit na sino. Tapos, hindi na rin ako iinom. Ganito pala ang feeling, a?
Nanghihina akong naglakad pabalik sa kama. Naupo ako sa gilid at napabuntong-hinga. Nawala bigla ang antok ko, at alam kong kahit na anong gawin kong pagbaling sa kama ay hindi ako makakatulog.
Nagpasya akong lumabas ng cottage. Binaybay ko ang daan papunta sa dalampasigan. May relis doon kaya hindi ako nag-alalang mahuhulog ako. Isa pa, may mga poste ng ilaw na nakapaligid sa dalampasigan para iwagan ang open table na nakatukod roon, just beside the sea waves.
Naupo ako sa upuan doon at tahimik na pinagmasdan ang madilim at malawak na karagatan. May iilang kumikislap na ilaw sa malayo at alam kong mga barko ang mga 'yon.
Pinikit ko ang mata at dinama ang hanging humahampas sa mukha ko. Maalat-alat at malamig. Napatingala ako sa mga bituin. Maningning. Nasa first quarter naman ang buwan.
Tinaas ko ang kamay at masayang dinama ang paligid. Hindi ko alam kung ilang minuto ang tinagal ko ro'n pero narinig ko na lang ang mabibilis na yabag at pabiglang yakap ng kung sinuman sa akin.
Magkasunod-sunod ang mura niya. "Bakit ka ba nandito? Pinag-alala mo na naman ako, Rishell!"
Nangunot ang noo ko. "Tiden?"
Mabilis siyang kumalas at hinuli ang magkabila kong pisngi. Mariin siyang tumitig sa mga mata ko. Naghahanap. Nagsusuri. Nag-aalala. "Ayos ka lang ba?" mahinahon na niyang tanong.
Tumango ako. "Wala namang nangyaring masama sa akin. Gusto ko lang makalanghap ng sariwang hangin."
"Hindi ko na alam ang gagawin ko sa 'yo," bulong niya. Pinagdikit niya ang mga noo namin. "Don't do it again, will you? Magkakasakit naman ako sa puso dahil sa 'yo, Rishell."
"I didn't do anything wrong," depensa ko.
Ilang segundo siyang tumitig sa akin bago tumayo. Walang pagdadalawang-isip niya akong binuhat. Na naman. Nag-alala tuloy akong baka mapano ang braso niya. I am not weightless!
Dinala niya ulit ako sa cottage. Nandoon na si June, Ariel, at Levi. Agad akong dinaluhan nina June at Ariel, habang nanatili sa sofa si Levi at nakatungo ang ulo sa Iphone.
"Mabuti't mabilis mo siyang nakita. Tatawag na sana ako sa resort," sabi ni Jun.
"Are you alright, pretty?" tanong ni Ariel.
Tumango ako sa kaniya. Sumulyap ako kay Levi at napabuntong-hinga. Bumalik na naman siya sa dati na walang pakialam sa paligid.

Komentar Buku (63)

  • avatar
    Jeriza Balarote Gloria Madrigal

    i think its based on true story,,,,grabe nangilabot akoh ng mabasa koh toh, super ganda.... lalo yung pinglabanan nya na mkawala under sa possesion ng cult,,, God is the highest above all !!!!!! Hindi ngwawagi ang kasamaan kailan pa man, kailangan lng ntng tanggapi n si Jesus sa ating puso at paghariin sya,😘😘😘😘😘😘😘 salamat author!!!!

    09/12/2021

    Β Β 0
  • avatar
    MsBrattyGirl

    Just by creating this story, I know na yung mga nakabasa nito is mas tumibay pa ang pananalig kay God. Thank you for this wonderful story of yours mas lalo pang tumibay yung pananalig ko kay God. I'm an Adventist. Though hindi tayo same ng religion at least pareho tayong may pananalig kay God. Yung nasabi mong Idolatry is a sin nabanggit na ng preacher yon sa religion namin so I believe na tho we're not in same religion but we're the same by believing and trusting our God.

    23/11/2021

    Β Β 4
  • avatar
    Ei Gie Corpuz

    Super ganda ng story, it opens the eyes of the reader about what happens in the reality today na sa sobrang nawiwili na tayo sa mga bagay bagay nakakalimutan na natin ang Diyos.

    14/11/2021

    Β Β 0
  • Lihat Semua

Bab-bab Terkait

Bab Terbaru