logo text
Tambahkan
logo
logo-text

Unduh buku ini di dalam aplikasi

Chapter 8

Mabilis na lumipas ang mga araw. Nang sumapit ang pasko ay isang linggong nanatili sa probinsya si Mama para magbakasyon. Nag-take siya ng vacation leave para raw mas matagal kaming magkakasama. Ayos na rin iyon para makapagpahinga naman siya hindi iyong puro trabaho ang iniisip niya.
Sa loob ng ilang buwan kong pananatili sa probinsya ay marami akong natutunan. Hindi madali sa unang manirahan dito lalo na at pagtitinginan ka ng mga tao at uusisain kung bakit ka naroon sa lugar nila. Hindi madali para sa aking maging sentro ng atensyon lalo na at hindi ako sanay na binibigyan ng labis atensyon. Nagpapasalamat ako sa mga kaklase ko dahil mas marami ang pagkakataon na iniintindi nila ako. Alam nilang baguhan ako kaya mas madalas ay sila pa ang nag-aadjust para sa akin.
Halos lahat din sa kanila ay nakakausap ko na pero madalas ay tungkol lamang sa pag-aaral.
"Merry Christmas, Mama." yumakap ako sa kaniya at humalik.
"Merry Christmas din sa'yo, Ana." ngumiti siya sa akin at mahigpit akong niyakap. Lumapit naman ako kay Kuya at siya naman ang niyakap at binati ko. Binuhat niya ako kaya kumapit naman ako sa leeg niya.
"Regalo ko sa'yo." anas niya. Iniabot niya sa akin ang isang kahon. Nanlaki naman ang mata ko nang tuluyang mapagtanto kung ano iyon.
"K-kuya, ayaw ko niyan." saad ko saka muling ibinalik sa kaniya ang kahon ng cellphone. Kumunot naman ang noo niya sa akin.
"Bakit? Hindi mo nagustuhan?" umiling ako sa kaniya. Hindi naman sa hindi ko nagustuhan ang regalo niya. Sa katunayan ay iniisip ko na nga rin kung kailan ako magkakaroon ng sariling cellphone. Lahat kasi ng kaklase ko ay meron na nito. Ang kaso...
"Hindi ko naman hinihingi, Kuya. Saka ang mahal mahal niyan." pagtanggi ko sa kaniya. Huwag niyang sabihin sa akin na pinag-ipunan niya iyan para lamang maibili ako? Matagal ko naman ng sinabi sa kanila na hindi ko pa kailangan ng cellphone. Oo at gusto kong makausap sina Abby na nasa malayo. Pero ayaw kong mag-aksaya sina Kuya ng pera para lamang sa isang bagay na hindi ko naman masyadong kailangan.
"Hati kami ni Mama sa pagbabayad niyan. Huwag ka ng mag-alala dahil matagal nang nakaplano iyan. Bago ka pa magkaisip ay pinagpaplanuhan ka na naming bilhan ng cellphone."
Napasimangot ako sa sinabi niya. "Kuya..." nakita ko naman ang pagtawa sa amin ng matatanda. Si Mama naman ay nakangiti lang sa amin. Tuwang-tuwa siya sa tuwing ganito kami ni Kuya.
"Bakit ba ayaw mong tanggapin? Iyong mga ibang bata tuwang-tuwa kapag nakakatanggap niyan." saad naman ni Lola. Sumang-ayon sa kaniya ang asawa niya. Mas lalo akong napasimangot nang simulan nila akong pagtulungan.
"Ayaw ko lang na gumagastos kayo para sa mga bagay na hindi naman kailangan lalo na kung para sa akin. Kaya nga tayo lumipat dito para makatipid. Ayaw ko lang pong mas maragdagan ang mga gastusin niyo." naiintindihan ko naman kasi ang sitwasyon namin. Hindi kami mayaman. Sapat lang ang kinikita ng pamilya ko para may pang-gastos kami araw-araw. Buong buhay ko ay nagtatrabaho na sila. Kaya nga gusto ko nang lumaki kaagad para makatulong na ako sa kanila.
"Ikaw talagang bata ka. Napaka-matured mong mag-isip." hinamplos ni Mama ang buhok ko matapos niyang lumapit sa akin. Napatungo naman ako sa lupa dahil nahihiya ako sa tuwing pinupuri nila ako ng ganito. Hindi naman ako matured mag-isip. Naiintindihan ko lang talaga ang sitwasyon namin kaya ganoon. Ito naman talaga ang dapat na ginagawa ng isang anak.
"Kaya mahal na mahal ko itong kapatid ko eh." pinisil ni Kuya ng malakas ang pisngi ko. Mabilis kong inalis ang kamay niya sa akin dahil ang sakit niyang mamisil sa pisngi.
Kinabukasan ng bagong taon ay lumuwas na rin si Mama pabalik sa Manila. Malungkot pero wala akong magagawa. Ang sabi ko nga ay naiintindihan ko ang sitwasyon namin. Hindi ko kailangang magalit sa kaniya dahil wala siya parati sa tabi ko. Naiintindihan kong para sa amin din ang ginagawa niya.
"Kuhaan ng card sa lunes. Sinong papapuntahin mo?" tanong sa akin ni Emily. Napaisip naman ulit ako kung sino ang papapuntahin ko mula sa amin. Nabanggit ko na ito kay Kuya pero alam kong may trabaho siya. Ang sabi niya ay magha-half day na lang daw siya tutal ay hapon naman ang kuhaan ng card. Ayoko namang papuntahin sina Lola dahil matanda na sila.
"Si Kuya ang pupunta sa akin." sagot ko. Bigla ko namang narinig ang pagtili ni Vera.
"Totoo?! Kuya mo ang pupunta?!" tuwang-tuwa siyang tumili sa tabi ko. Hinahampas-hampas pa niya ako sa braso dahil sa kilig. Napailing na lamang ako sa kaniya.
"Ano ka ba Vera. Ang tanda na ng kuya ko para sa'yo." pangangaral ko sa kaniya. Magmula kasi nang makita niya si Kuya noong pumunta sila sa bahay ay palagi na siyang nagkakaganiyan mabanggit pa lamang ang kuya ko. Hindi naman ako naniniwala sa kabaliwan niya dahil ilang taon ang agwat nila sa isa't-isa.
"Ano ka ba? Hindi problema ang edad sa mga taong nagmamahalan. Kung mahal namin ang isa't-isa ng Kuya mo, walang makakahandlang sa amin kahit malaki pa man ang agwat ng edad namin. Ganoon ang tunay na pagmamahal." nakangising saad ni Vera. Napatakip naman ako ng tenga sa mga sinasabi niya. Hindi ko kayang pakinggan ang mga ganitong klase ng salita. Ang cringe para sa akin. Hindi ko pa rin kasi nai-imagine ang sarili ko na nagmamahal ng isang lalaki. Paniguradong bago pa man ako magmahal, patay na ako kay Kuya.
"Tumigil ka nga Vera. Nakakarindi ka." natawa ako nang batuhin ni David si Vera ng bote ng walang laman na yakult. Kita ko rin sa mukha ni David na iritadong-iritado siya sa pinagsasabi ni Vera. "Anong pagmamahalan iyang sinasabi mo? Kung magmamahal ka, bakit hindi iyong kaedad mo na nga naman? Para mahal niyo na nga ang isa't-isa, sabay pa kayong tatanda."
Sa sinabi ni David ay sabay-sabay kaming tumayo lahat. Pati si Kahel ay halata na ang iritasyon sa usapan ng dalawa. Lumabas kaming lahat sa classroom at iniwanang nagtatalo ang dalawa tungkol sa pagmamahal na sinasabi nila. Hindi talaga ako makasabay sa mga pag-uusap nila. Bukod sa wala akong kaalam-alam sa pag-ibig na iyan, wala pa rin naman akong balak sumubok. Saka na siguro kapag meron na akong magandang trabaho.
Nagtungo kami sa labas ng classroom sa ilalim ng malaking puno ng acacia. May mga bench kasi na nakalagay doon. Nagpasya muna kaming maupo dahil maaliwalas din naman ang hangin. Napatingin ako kay Emily nang bigla siyang maglabas ng isang piraso ng papel. May pinagbubulungan sila ni Nana sa tabi ko.
"Ano iyan?" kuryusong tanong ko sa pinagbubulungan nila. Gulat namang napabaling sa akin ang dalawa. Mabilis na itinago ni Emily ang kapiraso ng papel.
"W-wala." pagtanggi nila. Nanatili namang kuryuso ang ibinibigay kong tingin. Paanong wala eh may nakita nga akong pinagbubulungan nila?
"Ano iyang papel na hawak mo, Emily?" namutla siya sa tanong ko. "Kodigo ba iyan?" hindi makapaniwala kong tanong. Malapit na kasi ang periodical test namin. Baka nagtatago pala sila ng kodigo.
Napahinga naman ako ng maluwag nang umiling sila sa akin. Nakita ko ang pagbuntong-hininga ni Nana saka siya tumingin sa akin.
"Sabihin kaya natin kay Ana? Baka matulungan ka niya." saad ni Nana. Lumapit naman ako ng konti para makiusyoso sa kanila.
"Ano ba iyon?" napaiwas ng tingin sa akin si Emily. Kita ko na nagdadalawang-isip pa rin siya pero kalaunan ay pinakita rin niya sa akin ang papel. Nakatiklop na ito ngayon.
"Magtatapat na kasi si Emily ng nararamdaman niya para kay Kahel. Nakasulat diyan lahat ng mga gusto niyang sabihin. Kaso hindi namin alam kung paano ibibigay kay Kahel." pagpapaliwanag ni Nana.
Kaagad namang nanlaki ang mata ko sa kanilang dalawa. "Totoo?" hindi makapaniwalang tanong ko. Tumango naman sila.
Kung ganoon ay totoo nga ang napapansin ko na may gusto nga si Emily kay Kahel. Pansin ko naman iyon sa mga tingin niya lalo na sa tuwing namumula siya kapag inaasar sila ni Vera. Hindi ko lang talaga maiwasang magulat lalo na at direktang inamin na nila sa akin ito.
"Ana, tulungan mo kami. Hindi ba't sabay naman kayo palagi kung umuwi ni Kahel? Baka pwedeng ikaw na lang ang mag-abot nito sa kaniya." napaahon ako at mabilis na umiling.
"A-ayaw ko. Nahihiya rin ako." ano na lang ang iisipin sa akin ni Kahel kung sakali. Baka akalain pa niya na galing sa akin ito.
"Ana, sige na. Hindi na talaga namin alam kung paano ito ibibigay ni Emily." pamimilit pa sa akin ni Nana. Napabuntong-hininga naman ako at muling umupo. Bigla akong nagdalawang-isip lalo na at gagawin ko naman ito para sa kaibigan.
"A-ang totoo, hindi naman talaga ako nag-eexpect na ibabalik ni Kahel ang nararamdaman ko para sa kaniya. Matagal ko na kasi talaga siyang gusto. Elementary pa lang ay magkaklase na kami. Ilang taon na rin akong may gusto sa kaniya. Gusto ko ng maalis itong nararamdaman ko kaya ipagtatapat ko na. Wala naman akong balak na humingi ng higit pa roon. I-isa pa... alam kong may ibang gusto si Kahel." malungkot na anas ni Emily. Bigla naman akong naawa sa kaniya. Natutuwa ako dahil ang matured niya mag-isip tungkol sa ganitong bagay. Iyong gusto lang niyang magtapat ng nararamdaman ng walang ibang hinihinging kapalit. Hindi mo naman talaga pwedeng ipilit na magustuhan ka ng isang tao kung ayaw niya nga sa'yo. Imbes na magkalapit kayo ay mas lalo ka pa niyang aayawan.
Bigla naman akong napaisip kung sino ang tinutukoy niyang gusto ni Kahel. Walang dudang si Fatima na iyon. Ang napakaganda at napakabait naming president.
"Bakit hindi mo subukang magtapat sa personal? Mas maganda iyon hindi ba-
"Ayaw ko." mariin siyang umiling-iling sa akin. "Nahihiya ako."
Naiintindihan ko siya kaya hindi ko na ipinilit. Pumayag na lamang ako sa gusto nila kahit labag iyon sa loob ko. Para naman sa kaibigan itong gagawin ko. Ang kaso, hindi ko talaga maiwasang isipin kung ano ang iisipin sa akin ni Kahel kapag nagkataon. Kung sabagay... wala naman akong kinalaman doon. Ibibigay ko lang naman.
"Salamat, Ana!" tumawa na lamang ako nang niyakap nila akong dalawa. Inabot nila sa akin ang papel. Hindi ko naman tinangka pang buklatin iyon. Invasion of privacy ang lalabagin ko. Para kay Kahel ito kaya hindi ko dapat pakialaman.
Pumasok na kami sa classroom nang dumating ang panibagong teacher. Habang nakikinig ako sa discussion ay iniisip ko na rin kung paano ko ibibigay ang letter kay Kahel mamaya. Nahihiya rin kasi ako. Kahit naman palagi kaming sabay umuwi ay hindi pa rin naman kami close sa isa't-isa. Hanggang ngayon ay iritado pa rin siya sa akin at sa palagay ko nga ay hindi na mababago iyon.
Napabuntong-hininga na naman ako. Pang-ilang beses ko nang ginawa ito.
"Okay ka lang, Ana?" tanong sa akin ni Sayon. Lumapit siya sa akin habang nag-aayos ako ng mga gamit.
Tumango naman ako sa kaniya saka ngumiti. Napatingin naman ako kina Emily na ngayon ay nakatingin na sa akin. Alam ko ang ibig sabihin ng tingin na iyon. Tumango ako sa kanila para sabihing ako na ang bahala sa lahat pero ang totoo ay hindi ko talaga alam ang gagawin ko.
"Sabay ba ulit kayo ni Kahel?" tanong sa akin ni Sayon. Napatingin naman ako kay Kahel na isinusuot na ang bag niya. Binilisan ko na ang pagliligpit ng gamit bago tumango kay Sayon. Narinig ko ang pagbuntong-hininga niya. "Hindi ba masyadong naaabala si Kahel na palagi ka niyang ihinahatid?" napatigil naman ako sa pagliligpit dahil sa sinabi niya.
Bigla akong napaisip dahil doon. May punto siya sa sinabi niya. Bigla akong napatungo sa lupa. "Sa palagay ko ay ganoon na nga." hindi na kasi nakakasama si Kahel sa mga basketball game nila dahil inuuna niya akong ihatid. Palagi ko namang sinasabi sa kaniya na kaya ko ng umuwi ng mag-isa pero palagi niya lang akong sinasamaan ng tingin o hindi kaya ay papagalitan.
"Gusto mo ako na lang maghatid sa'yo pauwi? Wala naman akong gagawin-
"Anastacia! Tara na." dinig kong pagtawag sa akin ni Kahel. Bigla kong naalala ang kailangan kong gawin ngayong hapon. Mabilis akong nagpaalam kay Sayon at sinabing sa susunod na lang niya ako ihatid sa bahay.
Naabutan ko naman si Kahel na nag-aatay sa akin sa labas ng classroom. Ang sama na naman ng tingin niya sa akin. Napababa ang tingin ko sa lupa.
"Bakit ba ang tagal mo?" iritadong anas niya. Napaiwas ako ng tingin sa kaniya.
"K-kinausap ko lang naman si Sayon." bakit ba galit na naman sa akin ito? Kinausap ko lang naman kaibigan namin. Kapag siya naman hindi ko pinipigilang kumausap ng ibang tao. Pero kapag ako palaging kinukwestyon?"
"Tara na." iritadong anas niya at tumalikod sa akin. Napabuntong-hininga naman ako saka sumunod sa kaniya. Kahit kailan ay napakabugnutin ng isang ito. Parang galit siya sa mundo. Tinanong ko naman si Vera at Sayon kung ganito ba talaga si Kahel. Ang sabi naman nila ay hindi raw.
Hindi raw ganito kainitin ang ulo ni Kahel dati. Napabuntong-hininga ako nang maisip na baka naging ganito lang kainitin ang ulo niya simula nang dumating ako.
Tahimik akong sumunod sa likod niya. Nadaanan pa namin sina Fatima sa may gate na naghihintay ng masasakyan. Kaagad niyang tinawag at kinawayan si Kahel nang makita ito. Nabitin naman sa ere ang pagngiti ko.
"Kahel! Gusto mo sumama? Pupunta kami sa Labrada." pang-aakit ni Fatima. Kasama niya ang dalawa pang kaibigan niyang babae at may isa ring lalaking kasama. Nahihiya naman akong nagbaba ng tingin dahil pakiramdam ko ay out of place ako rito. Parang hindi nila ako nakikita.
Kinuhit ko si Kahel sa likod niya. Napatingin naman siya sa akin.
"Sumama ka na. Sasabay na lang ako kay Sayon sa pag-uwi." baka kasi hindi na naman siya sumama dahil sa akin. Iniisip na naman niya ang pinag-usapan nila ni Kuya. Ilang beses ko ba naman kasing kailangang sabihin na hindi naman na niya kailangang gawin ito. Kabisadong-kabisado ko na ang daan kahit pumikit pa ako.
Nakita ko naman ang pagdilim ng tingin niya sa akin. Bigla akong nagbaba ng tingin dahil sa takot. Ano na namang nasabi kong mali?
"Kung gusto mo pwede ka ring sumama, Ana?" nakangiting tanong ni Fatima. Umiling naman ako sa kaniya dahil sa hiya.
"Huwag na kayo na lang. Sasama na inyo si Kahel." paniniguro ko sa kanila. Lumapad naman ang pagkakangiti sa akin ni Fatima.
"Totoo?" hindi makapaniwalang tanong niya. Tumango naman ako at ngumiti sa kaniya. Natanaw ko sina Sayon hindi kalayuan kaya mabilis akong nagpaalam sa kanila.
"Sige mauuna na ako sa inyo-
"Saan ka pupunta?" nagulat ako nang higitin ni Kahel ang braso ko para pigilan ako sa pag-alis. Napaiwas naman ako ng tingin lalo na nang nakita ko sina Fatima na nakatingin sa braso kong hawak-hawak ni Kahel. Hindi na siya makangiti ngayon.
"K-kina Sayon. Sa kanila na ako sasabay para makasama ka kina Fatima." pagpapaliwanag ko naman. Iritado siyang tumingin sa akin.
"Ana!" napalingon ako kina Sayon nang tawagin niya ako. Kasama niya sina David. Kumaway ako at ngumiti sa kanila.
"Sayon! Sasabay ako sa inyo-
Nagulat ako nang bigla akong hilahin ni Kahel papasok sa isang tricycle. Sa gulat ay hindi ko nagawang makapagprotesta lalo na nang umupo siya sa katabi kong upuan. Bakas pa rin ang iritasyon sa mukha niya.
"Paano sina Fatima? Inaakit ka nila-
"San Isidro, Manong. Dalawa." hindi niya pinansin ang sinabi ko at iritadong inabot ang bayad naming dalawa sa driver. Hindi na lamang ako nagsalita dahil baka mas lalo siyang magalit sa akin.
Tahimik ako buong byahe dahil ganoon naman palagi. Hindi naman talaga kami nag-uusap ni Kahel dahil palagi siyang iritado sa akin. Kahit anong gawin ko ay nagagalit siya. Napabuntong-hininga ako nang bumaba na kami sa sasakyan. Tahimik akong sumunod sa kaniya papasok sa gubat. Nang makarating kami malapit sa bahay at tumigil ako at tinawag siya. Inilabas ko rin ang letter na ibinigay sa akin nina Emily.
Tumigil din siya at lumingon sa akin. Inipon ko lahat ng lakas ng loob na meron ako kahit nahihiya. Ito ang unang pagkakataon na gagawin ko ito. Sana ay wala ng kasunod pa.
"Pwede mo na akong huwag ihatid magmula ngayon. Sasabihin ko kay Kuya na kaya ko ng umuwi mag-isa. Ayoko naman na nahahadlangan ko ang kasiyahan mo dahil kailangan mo pa akong ihatid hanggang dito. Alam ko namang may mas mahalagang bagay ka pang ginagawa kaysa ang ihatid ako." mahabang anas ko habang nakatingin sa kaniya. Nakatingin lang din siya sa akin.
Malalim ang ginawa kong paghinga saka inabot sa kaniya ang papel. Walang bakas ng emosyon naman niya itong tinanggap.
"Sana magustuhan mo ang laman niyan."
Iyon lang ang sinabi ko at mabilis na tumakbo papasok sa bahay.

Komentar Buku (172)

  • avatar
    QuindaraImelda

    I really enjoyed reading this novel inspite of busy days. I try to read. So inspiring specially the main character Anastasia and Kahel. The time sequences is extremely important. The moral values of the characters are very good coz they show the value of being patience and if you really love the person you can wait until the right timing. Its give suspense for the reader to wait what will happen on the next chapter. My heart beat make me in love again, fall in love again.Thank you for this novel

    23/11/2021

    ย ย 2
  • avatar
    RodriguezCharlene Mae Odal

    the novel is so really appreciated and it really feels like existing in real life congratulations author you made a wonderful novel๐Ÿ‘๐Ÿ‘๐Ÿ‘

    01/07

    ย ย 1
  • avatar
    Kimryl Nazareno

    niceeeeeeeeerereeeee

    28/06

    ย ย 1
  • Lihat Semua

Bab-bab Terkait

Bab Terbaru