logo
logo-text

Unduh buku ini di dalam aplikasi

Kabanata 11

Kabanata 11
Payag
--
Hindi ako nakatulog agad nung gabing yon. Naglalaro sa isip ko ang lahat ng mga sinabi ni Amara. Nalilito ako kung susundin ko ba ang sinabi nya o ano. Sa tuwing naiisip ko na babalik ako, pupuntahan sya, pakiramdam ko napaka kapal ng mukha ko. Ang kapal kapal ng mukha ko para bumalik pa pagkatapos ng lahat ng sakit na binigay ko sa kanya.
Kaya tama pa bang bumalik pa ako?
Wala na akong karapatan, hindi ba? Kasi pinagtabuyan ko na sya, sinaktan ko sya, pina alis ko sya. Kaya wala na akong karapatan. Ang kapal kapal na ng mukha ko kung magpapakita pa ako sa kanya. Hindi na ako pwedeng bumalik.
Pero ang pag asa sa puso ko ay nabubuhay. Gusto nitong bumalik, gusto nitong umasa na hindi pa huli ang lahat, gusto nitong magpakita ako kay Joshua. Gusto yon ng puso ko pero hindi ko magawa. Pakiramdam ko hindi na pwede.
Galit na sya panigurado sakin. Sinaktan ko sya ng paulit ulit. Pinagtabuyan ko sya ng paulit ulit. Kaya galit na sya sakin. Galit na sya at siguro, yung pagmamahal nya sakin ay napalitan nalang rin ng galit. At natatakot akong kapag bumalik ako, galit nalang rin ang ipakita at ibigay nya sa akin.
Hindi ko na alam ang iisipin ko. Sobra akong naguguluhan. Natatakot ang utak ko pero ang puso ko ay punong puno ng pag asa. Hindi ko alam kung sino ang susundin ko sa dalawa.
Naalala ko ulit yung sinabi ni Amara. Bakit hindi ko subukan? Walang mangyayari kung hindi ko susubukan. Hindi ko malalaman ang mga sagot kung hindi ko susubukan. Kaya susubukan ko ba? Babalik ba ako?
Hindi ko alam kung ilang oras akong umiyak kagabi. Basta ang alam ko lang habang iniisip ko ang mga sinabi ni Amara ay umiiyak ako. Walang tigil na parang ulan. Walang tigil ang pagkirot ng puso ko na para bang paulit ulit itong pinipiga. At dahil iyakin ako ay wala akong nagagawa kundi ang umiyak. Kahit pigilan ko, mas lalo lang akong napapaiyak.
Sobrang kapal na ng mukha ko kung babalik pa ako pero susubukan ko pa rin. Aasa ako na sana mahal nya pa rin ako. Aasa ako na kapag nagsorry ako ay pagbibigyan nya ako. Aasa ako sa pagmamahal nya sa akin. Doon lang ako kakapit.
Pero naisip ko... mahal nya pa ba ako?
Sa tuwing naiisip ko na galit na nga lang ang natitirang nararamdaman nya para sa akin ay umaatras ako. Kapag naiisip ko na babalewalain nya nalang ako dahil sa galit nya, nanghihina ako, nawawalan ako ng pag asa. Tama pa bang bumalik ako sa buhay nya? Hindi na siguro, noh? Kasi sobra nang sakit ang ibinigay ko sa kanya. Alam kong hindi na nya ako mapapatawad.
Pero may kumakatok talaga sa puso ko. Nagniningning ang mga bituin na para bang sinasabi sa aking may pag asa pa. Maliwanag rin ang buwan na para bang sinasabi nyang gagabayan at sasamahan nya ako. Bumubulong ang hangin at sinasabing kaya ko ang lahat at magpatuloy lamang ako.
Habang umiiyak, magang maga ang mga mata, humihikbi, bumangon ako sa pagkakahiga. Nilagay ko sa lapag ang mga paa ko at umupo sa kama. Hinawakan ko ang kwintas na nasa aking leeg. Tinatamaan ng liwanag ng buwan ang kwintas dahilan para kuminang iyon. Kasabay ng pagkinang noon ay ang pagtulo ng luha ko.
Ito ang kwintas na binigay nya noong anniversary namin. Napaka sakit balikan ng alaalang iyon. Para na namang dinudurog ang puso ko lalo na kapag naaalala ko ang mukha nya nung araw na yon. Masayang masaya sya. Punong puno ng pagmamahal ang mga mata nya. Hindi rin nya napipigilan ang pagngiti dahil sa sobrang saya. Sobra akong nasasaktan kapag naiisip na pinalitan ko ng sakit ang saya na nararamdaman nya. Mas lalo akong napaiyak.
Tinitigan ko ng mabuti ang kwintas. Hindi ko ito kailanman hinubad. Palagi itong nakatago sa damit ko kapag lumalabas ako. Sa pagligo ko lang ito hinuhubad sa takot na baka mapatid. Pakiramdam ko kasi kapag hinubad ko ito, para ko na ring sinabi sa sarili ko na hindi ko na sya mahal. Hindi ko ito kayang hubarin.
Humikbi ako. Tama pa ba? Tama pa bang bumalik? Tama pa bang magpakita ulit sa kanya? Hindi ko talaga alam ang gagawin ko.
Pinunasan ko ang mga luha ko at tinignan ang aking bintana. Kitang kita roon ang nagliliwanag na buwan at mga bituin. Napaka ganda nila. Ngunit hindi ko magawang ngumiti kahit pa anong ganda nila. Mas lalo lang akong naiiyak.
Napag isip isip ko na... siguro dapat nga akong bumalik. Babalik ako para humingi ng tawad sa lahat ng nagawa ko. Babalik ako para ayusin ang lahat. Babalik ako para bumalik ulit sa kanya. Pero kung talagang galit na nga sya sa akin at hinding hindi na ako ulit matatanggap, tatanggapin ko yon. Tatanggapin ko ang galit nya dahil deserve ko iyon. Tatanggapin ko lahat ng mga masasakit na salitang sasabihin nya sa akin. Tatanggapin ko lahat. Basta hihingi ako ng tawad. At ayos lang rin kung hindi na nya ako mapatawad pa. Ayos na ayos lang iyon dahil may karapatan syang wag akong patawarin. Tatanggapin ko ang lahat ng sakit.
Kaya naman pagkagising ko ay magang maga ang mga mata ko. Ramdam na ramdam ko ang pamamaga noon. Nanghihina akong bumangon at muling nasulyapan ang napaka gandang kwintas na nasa aking leeg. Malungkot ko iyong tinignan. Kumirot na naman ang puso ko pero wala nang luhang gustong lumabas. Para bang napagod na o wala na talaga dahil ubos na ubos na.
Ayokong kumilos sa araw na yon pero alam kong kailangan dahil may pasok pa ako. Kaya naman pinilit ko ang sariling kong tumayo at maligo. Walang bakas ng kasiyahan sa aking mukha nang makita ko ang sarili ko sa salamin. Habang nagsusuklay ay nakikita kong puro lungkot, pagod at sakit lang ang makikita sa aking mga mata. Bumuntong hininga ako.
Siguro nga dapat kong subukan. Hindi ko malalaman ang mga mangyayari kung hindi ko susubukan. Bahala na kung hindi na nya ako mapatawad pa, basta gusto kong humingi ng tawad sa lahat. Tatanggapin ko kung galit man sya sa akin.
Nakatanggap ako ng mga text galing sa mga kaibigan ko. Lahat sila ay nag aalala.
Sofia:
I heard what happened! Gosh! Are you alright?
Beatrice:
Nakita ko sa internet ang nangyari. Mabuti nalang at hindi nakita ang mukha mo! Are you okay? Pupunta na talaga kami dyan sa sabado!
Pearl:
OMG! I saw on the internet what happened! Ayos ka lang ba?
Joy:
We'll come on saturday. Are you fine?
Thea:
Oh gosh! Amora! Nabalitaan ko yung nangyari! Ayos ka lang ba? Gosh! Nagpapanick na ako dito! Pupuntahan ka namin dyan! Nasaan ka ba? Nakita naming paalis kayo sa internet! Saan kayo pumunta?! Sumagot ka punyeta!
Marami pang text si Thea, sunod sunod. Naiinis sya sa akin dahil hindi ako nagrereply. Gabing gabi na nung nagtext sya at tulog na ako noon kaya hindi ako nakapag reply. Bumuntong hininga ako at nireplyan nalang silang lahat. Sinabi kong ayos lang ako at hindi na nila kailangan pang mag alala. Pagkatapos noon ay bumaba na ako.
Pagkababa ko nakita ko si Amara na paakyat yata. Napatigil sya ng makita ako. Natigil rin ako. Nagkatinginan kami at iyon na naman ang mga mata nya na nanunuri. Pilit akong ngumiti sa kanya. Gusto kong sabihin sa kanya ang desisyon ko pero kahit pagsasalita, hindi ko kaya dahil sa panghihina.
"Tatawagin na sana kita. Handa na ang pagkain..." anya habang naghahanap pa rin sa aking mga mata.
Tumango ako at bahagya ulit ngumiti. Nagsimula na akong maglakad dahil ayoko nang makita pa nya ang nararamdaman ko. Alam kong kitang kita na yon sa itsura ko pero ayokong derekta nyang makita sa mga mata ko. Ayoko syang mag alala.
Nakita ko si Papa at Mama sa dining area. Masayang nag aayos si Papa sa hapag habang nakahalukipkip lang si Mama sa kanyang upuan.
Malaki rin pala ang kusina. Kumpleto sa gamit at may dalawa pang ref. Magkahiwalay ang dining area at kusina. Pero hindi ko na nagawa pang ma-appreciate iyon dahil sa nararamdaman ko.
"Good morning!" Nakangiting bati ni Papa. "Let's eat."
Tumango ako at pilit na ngumiti. Napatingin si Mama sa akin nang hindi ako bumati pabalik. Nag iwas agad ako ng tingin. Alam kong naramdaman nya agad ang tamlay ko. Hindi sya sanay nang hindi ako bumabati ng good morning. Alam nya agad na may mali sa akin. Naupo na lamang ako at pilit na pinasigla ang mukha.
"Ihahatid nyo po kami ulit, Papa?" Pinilit kong paligayahin ang tono ko para hindi nila mahalata pa.
Hindi pa rin naaalis ang paningin sa akin ni Mama. At natatakot ako roon dahil pakiramdam ko, alam agad nya ang nararamdaman ko.
"Uh... hindi na muna, anak. Nagagalit ang Mama nyo at para na rin sa kaligtasan ninyo yon. Baka kasi may makakita ulit sa akin na kasama kayo," sagot ni Papa.
Marahan akong tumango. Ramdam ko rin ang titig ni Amara kaya hindi na talaga ako tumingin sa kanila. Nagsimula na lamang akong kumain. Nagsimula na rin naman sila.
"I'm sorry. Siguro sa susunod nalang, anak. Delikado pa kasi talaga ngayon," si Papa nang mapansin siguro na hindi ako kumibo.
Ayos lang naman sakin na hindi nya kami ihatid. Sadyang hindi lang talaga maganda ang pakiramdam ko. Inakala nya siguro na nalulungkot ako dahil hindi nya kami maihahatid. Malungkot naman ako pero naiintindihan ko naman yon. Kaya lang, hindi talaga dahil roon kung bakit ako malungkot.
"Naiintindihan ko naman, Papa..." sabi ko at pilit na ngumiti.
Hindi na talaga naalis ang paningin sa akin nina Mama at Amara habang kumakain. Napapansin na rin ni Papa ang pananahimik ko kaya naman sumali na ako sa usapan nila. Pinilit ko ring pasiglahin ang boses at mukha ko para hindi na sila mag isip pa ng iba. Pero ganon yata talaga. Pamilya mo yan, kaya wala kang maitatago sa kanila.
"Ayos ka lang ba, anak? Bakit parang ang tahimik mo? Are you not feeling well? Are you sick?" Sunod sunod na tanong ni Papa, nag aalala.
Umiling ako agad. "Ayos lang po ako, Pa. Wala po akong sakit. Medyo... stress lang siguro sa school..." palusot ko.
Tumango sya at parang nakahinga ng maluwag. "Don't stress yourself too much. Alam kong marami talagang gawain sa school ngayon dahil college ka na pero pagpahingahin mo naman kahit minsan ang sarili mo."
Tumango ako at ngumiti. "Opo, Pa..." wala na akong masabi pa.
Hindi na sila nagtanong pagkatapos noon. Pero hindi pa rin tumigil ang mga titig nila sa akin. Para bang may napapansin pa rin sila. Alam na ni Amara ang nangyayari sa akin kaya nag aalala ang tingin nya sa akin. Alam kong gusto nya akong kamustahin pero alam nya rin na ayaw kong ipaalam kina Mama at Papa ang nararamdaman ko. Kaya hindi sya makapag salita.
Natigil kami sa pagkain nang pumasok ulit si Daniel. Nakaramdam ako ng kaba nang makita ko sa kanyang mukha na hindi maganda ang ibabalita nya. Pumasok sa isip ko ang nangyari kagabi. Ganitong ganito rin iyon. Sana lang hindi...
"Sir, pasensya na. Pero... may mga media ulit sa labas."
Napapikit ako at napahawak sa noo. Napatayo naman si Papa, sumunod si Mama. Nanatili kami sa kinauupuan namin ni Amara, nag aalala at kinakabahan.
"What happened? Hindi ba't sinabi ko na sa village na wag papasukin ang mga yan?" Kunot na kunot ang noo ni Papa.
"Humihingi po ng tawad ang mga security guard na nasa labas rin ngayon at pinipigilan ang mga media. Hindi raw po nila napigilan dahil sa sobrang dami nila, nagpumilit po talagang pumasok."
Napapikit si Papa at napahawak sa kanyang noo. Napatayo na ako, kinakabahan na.
"Paalisin nyo sila. Gawin nyo ang lahat mapa alis lang ang mga yan!" Si Papa.
"Yes, Sir," si Daniel at agad agad nang lumabas.
"Paano yan?" Si Mama na nag aalala na rin. "Aalis na naman ba tayo?"
"No..." lumapit si Papa kay Mama, medyo huminahon na sya. "Hindi tayo aalis. Gagawa ako ng paraan para mapa alis ang mga media."
"Paano? Paniguradong hindi sila titigil!"
"I know. Pero gagawa pa rin ako ng paraan. May naiisip akong paraan pero..." tinignan nya si Mama pati kami ni Amara. Kinabahan ako.
"Pero? Pero ano?" Si Mama.
Bumuntong hininga si Papa. "Alam kong hindi ako titigilan ng media hanggat hindi sila nakakakuha ng sagot sa akin. Haharap ako sa kanila pero hindi ko alam kung titigilan pa rin nila ako--"
"Haharap ka sa kanila? Ano namang sasabihin mo?" Natataranta na ngayon si Mama.
"Hindi ko kayo kailanman itatanggi kaya sasabihin ko na sa kanila na may asawa't mga anak na ako--"
"Ano?!"
"Please, Anna. Listen to me first. Ito lang ang tanging paraan para hindi na nila kayo magulo."
"Paano kami hindi magugulo kung sasabihin mo sa kanila kung sino kami? Brayden naman! Yung mga anak mo!"
"I know. I know. Hindi ko naman sasabihin sa kanila kung sino kayo. Hindi ko sasabihin ang mga pangalan nyo o magpapakita ng mga pictures nyo. Sasabihin ko lang na may asawa't mga anak na ako. Iyon lang. At alam kong kapag ganon lang ang sinabi ko, hindi pa rin nila ako titigilan. Mas lalo nila tayong guguluhin kaya isa lang ang naiisip ko na paraan para hindi na nila kayo magulo..."
Hindi kami nagsalita. Ni si Mama ay hindi nagsalita at tumitig lang kay Papa. Naghintay kami sa sasabihin nya. Huminga sya ng malalim at pumikit. Para bang pinapakalma nya ang sarili nya. Nang dumilat sya ay nakita ko sa kanyang mga mata na para bang handang handa na sya sa kanyang sasabihin. Kinabahan ako sa maaari nyang sabihin, kami!
"The only way I can think of is for you to leave. You have to leave the Philippines. Kayo ng mga anak natin..."
Hindi agad nakapag salita si Mama. Umawang ang kanyang labi at unti unting nanlaki ang mga mata. Ganon rin ang naging reaksyon namin ni Amara. Sa sobrang gulat at pagkamangha sa sinabi ni Papa ay hindi agad kami nakapag salita.
Ano daw? Leave? Umalis kami rito sa Pilipinas? Aalis? Nagkagulo gulo na ang utak ko sa mga sinabi ni Papa!
"Ito lang ang naiisip kong paraan para hindi na kayo magulo pa. I know you're not yet ready for this so you need to leave. Ayoko rin muna kayong magulo ng mga media nang dahil lang sa akin. Alam kong ayaw nyo sa ganito," dagdag ni Papa.
Hindi ulit kami nakapag salita.
"Naisip ko na rin ito noon pa. Na sa oras na bumalik ako ay aalisin ko kayo rito dahil alam ko nang mangyayari ito. Gusto ko rin kayong dalhin sa lugar na iyon matagal na but... I have no money before. Kaya ngayong may kaya na tayo, gusto kong pumunta kayo roon."
Ano? Pumunta saan? Saan pupunta? Gosh! Hindi maproseso ng utak ko ang mga sinasabi ni Papa. Alam kong ganon rin si Mama at Amara!
"Gusto ko kayong dalhin roon. Kung saan lumaki ang Mama ko," ngumiti si Papa. "Sa Espanya."
Napasinghap si Mama at napahawak sa kanyang noo. Para bang hirap na hirap syang iproseso sa utak ang mga sinasabi ngayon ni Papa. Habang ako naman ay unti unti nang nakukuha ang lahat. Kailangan naming umalis at dadalhin nya kami sa Spain? Kung saan lumaki ang Mama ni Papa? Si lola?
Espanyol ang lola ko habang purong Pilipino naman ang lolo ko. May lahing espanyol si Papa. Ang sabi sa amin noon ni Papa, dinala ni lolo si lola sa Pilipinas at doon na sila namuhay. Ayaw kasi ng mga magulang ni lola sa lolo ko. Kaya napilitan silang tumakas. Nagtanan sila. Tapos namuhay na sila rito ng simple. Ilang taon ang lumipas ay pinuntahan na sila ng mga magulang ni lola. Tinanggap na nila sila at hindi na pinakialaman. Mayaman ang lola ko sa Espanya. Pero nalugi sila, unti unting bumagsak ang negosyo at hindi na nakabawi. Hanggang sa namatay nalang ang kanyang mga magulang. Simpleng buhay ang naging pamumuhay nila lolo at lola rito hanggang sa mabuo na si Papa. Naabutan ko pa sila pero nung mag limang taong gulang ako ay namatay na sila. Nauna si lola tapos si lolo naman ang sunod. Sa parehong taon lang sila namatay.
"Please, Anna, Amara, Amora. Ito lang ang nakikita kong paraan para mailayo kayo sa magulong buhay na ito. At gusto ko rin kayong mamuhay roon..." si Papa.
Huminga ako ng malalim at sinarado ang bungangang kanina pa naka awang. Tinignan ko si Papa na nakatingin sa amin, nakikiusap. Hindi ko naman alam ang sasabihin dahil kung ako ang tatanungin... ayoko.
"Ang layo ng Espanya. May pamasahe ka ba papunta roon? At ang titirhan natin? Wag mong sabihing matutulog kami sa mga kalye roon?" Si Mama nang makabawi.
"No, Anna. Wag ka nang mag alala sa lahat. Meron akong pera para makapunta kayo sa Spain. Meron na rin tayong titirahan roon. Maayos na ang lahat. Kaya please. Ayoko ring nagugulo kayo rito. Kaya mas mabuting lumayo na muna kayo. Babalik rin naman tayo rito kapag handa na kayong magpakita sa lahat."
Nagpakawala ng malalim na buntong hininga si Mama. Ilang sandali syang hindi nagsalita, nag iisip. Hindi na rin kami nakapag salita pa ni Amara. May naglalaro rin sa isipan ko na kung ano ano.
Paano ang pag aaral ko kung aalis kami? Saan ako mag aaral? Doon? Paano ang mga kaibigan ko? Iiwan ko sila rito? Sina Pearl? Sofia? Bea? Thea? Joy? Sina Candy at Lance? Sina Klara at Jana? Iiwan ko silang lahat? Si... Joshua? Iiwan ko rin sya?
Balak kong humingi ng tawad sa kanya. Balak kong sabihin lahat sa kanya. Balak kong magpaliwanag. Paano ko yon magagawa kung aalis kami? Ayokong umalis...
"P-Papa, baka naman may iba pang paraan? P-Pwede tayong umalis pero wag naman yung malayo. S-Sa... Tondo? Pwede tayong bumalik sa Tondo," sabi ko, natataranta na agad.
Bumaling sa akin si Papa. Bumuntong hininga sya at hinawakan ang braso ko.
"Amora, kapag doon kayo pumunta, paano ko kayo mabibisita? At isa pa, alam ng mga kapitbahay natin roon ang tungkol sa atin. Maaaring sila pa ang nagpakalat na may pamilya na ako. Kaya hindi tayo pwedeng bumalik roon. Mas lalo kayong magugulo..."
Lumunok ako. "E-Edi sa ibang lugar? Sa... Bataan? Aurora?" Nag isip pa ako ng mga lugar.
Bumuntong hininga sya. "Anak... kahit saan tayo magpunta, magugulo tayo. Magugulo kayo. Maraming nakasunod sa akin. Kahit lumayo kayo, kapag bumisita ako, masusundan at masusundan tayo."
Nawalan na ako ng maiisip. Nawalan na ako ng paraan. Nag angat ako ng tingin sa kanya. Nangilid na ang mga luha ko. Paano si... Joshua? Hindi ako pwedeng umalis!
"I'm so sorry, Amora, Amara, Anna," tinignan nya kaming lahat. "Pero gusto ko ring mamuhay kayo roon. Tahimik at walang susunod sa akin roon. Makakapamuhay kayo ng maayos. Ayokong nandito kayo dahil hanggat nandito kayo, magugulo at magugulo kayo ng dahil sa akin. At pasensya dahil dahil sa akin kaya nagkakaganito ang buhay nyo. But we have no choice. I also want you to start a new life. Life I have long wanted to give you. Doon makakagalaw kayo ng maayos, makakapag aral kayo ng maayos, makakalabas kayo ng maayos, tayo," ngumiti sya. "Mabibigay ko rin roon ang buhay na gusto kong ibigay sainyo."
Yumuko ako.
"I'm really sorry for giving you this problem. I know this is too much. And I'm sorry for that. I know you don't want to leave your friends here, the people you already love. But we have no choice. You need to leave. I want to be angry with myself because because of me you're having a hard time," bumuntong hininga sya. "But I want to be with you. Desperado na akong makasama kayo. Miss na miss ko na kayo..." namaos ang boses ni Papa.
Nangilid ang aking mga luha habang tinititigan syang nahihirapan na rin. Napayuko rin ako agad dahil hindi ko na alam ang magiging desisyon ko. Nahihirapan rin ako.
"But ... if you really don't want to live there, I will understand. I have no right to force you here because I am the one who caused this problem. You are the ones who are suffering because of me. So you decide. The decision is still yours..." ngumiti sa amin si Papa.
Piniga ang puso ko roon. Alam kong gusto nya kaming makasama. Miss na miss na nya kami at ganon rin kami sa kanya. Alam ko ring payag na rito sina Mama at Amara, hindi lang sila makapag salita dahil umaangal ako. Pero hindi ko pa rin alam ang sasabihin ko. Nasasaktan ako dahil hindi ko magawang pagbigyan ang Papa ko.
Tumingin sa akin si Mama at Amara. Hindi ko sila magawang lingunin dahil hindi ko pa rin alam ang desisyon ko. Gusto kong pumayag sa gusto ni Papa pero ayaw ko ring umalis rito dahil... sa kanya. Sobra na akong nahihirapan. Ano bang gagawin ko?
Bumuntong hininga si Mama nang makitang wala akong balak magsalita. Tumingin sya kay Papa na nalulungkot pero pinipilit na ngumiti sa akin.
"Brayden, payag kami sa gusto mo. Gusto rin naming mamuhay ng tahimik. Kahit nakakagulat yang offer mo, papayag pa rin kami. Pero si Amora..." tumingin sa akin si Mama. Nanatili akong nakayuko. "Siguro kailangan pa nya ng oras para mag isip. Marami syang kaibigan rito kaya nahihirapan pa sya. Kakausapin ko sya..."
Nag angat ako ng tingin sa kanila. Pareho silang tumingin sa akin.
Huminga ako ng malalim at pina alis ang luhang lumandas sa aking pisngi. "S-Sorry po, Papa. P-Pero... pwede po bang pag isipan ko muna? Pasensya na po pero..." umiling ako. "Parang hindi ko po gustong umalis..."
Bumuntong hininga silang tatlo. Pagkatapos bumuntong hininga ni Papa ay ngumiti sya sa akin at tumango. Lumapit sya at niyakap ako ng mahigpit. Naramdaman ko ang paghalik nya sa gilid ng aking noo.
"Of course, my daughter. I'm not forcing you. Think and tell me what your decision will be. I will accept it..." bulong ni Papa sa aking tenga.
Napapikit ako at niyakap na rin sya ng mahigpit. Ilang sandali kaming ganoon hanggang sa kumalma ako. Hinarap ko silang tatlo. Nag aalala ang mukha ni Mama sa akin habang seryoso lang si Amara.
Ang sabi ni Daniel ay hindi pa rin umaalis ang mga media. Ang sabi ni Papa ay hayaan na namin at magpatuloy na kami sa pagkain. Aalis rin daw ang mga yon maya maya. Nag alala naman ako dahil may pasok pa kami ni Amara. Paano kami aalis nyan?
"It's better not to go to school first now because the outside media will definitely be tolerated. I know your study is important for you but we can do nothing now. Sigurado akong matatagalan pa ang media sa labas," paliwanag ni Papa.
Napabuntong hininga kami ni Amara. Kung ganon aabsent kami ngayon? Maraming ginagawa sa halos araw araw kaya posibleng marami akong ma-missed na lessons at reporting. Ganon rin si Amara. Sayang ang malalaking scores na makukuha namin. Pero gaya ng sinabi ni Papa, wala kaming magagawa ngayon. Nasa labas pa ang mga media at wala yatang balak umalis hanggat hindi nakakakuha ng sagot. Hihintayin nalang namin silang umalis.
Ngumiti na lamang kami kay Papa at tumango. Bumuntong hininga sya.
"I'm really sorry. I promise to fix this problem immediately."
"Ayos lang po, Papa. Parte na po ito ng buhay namin. Wag po kayong mag alala. Tanggap na namin ito. Ayos lang po ito sa amin," sabi ko.
Wala nang sinabi si Mama. Hindi na sya nagtaray o nagalit kay Papa. Sa tingin ko tanggap na nya ang buhay na ito. Na iba na talaga ang buhay ni Papa. At alam kong ayos lang iyon sa kanya. Masakit man sa ulo, tanggap nya dahil mahal nya si Papa. Ganon rin kami kaya tatanggapin namin ang lahat.
Kitang kita ang pag aalala at pagka-guilty ni Papa sa kanyang mukha. Kahit pilitin nyang hindi ipakita, kitang kita pa rin at pansin na pansin pa rin namin. Siguro iniisip na nya ngayon na pabigat sya sa amin. Na nang dahil sa kanya, hindi kami makagalaw ng maayos. Para sakin ayos lang naman talaga lahat ng ito. Ganito na ang buhay nya kaya ganito na rin ang magiging buhay namin. Tanggap namin iyon dahil mahal namin sya. Hindi dapat sya maguilty.
"Ayos ka lang ba, anak?" Umupo si Mama sa tabi ko rito sa aking kama pagkatapos isarado ang pinto at maglakad papunta sa akin.
Tapos na ang agahan namin. Kapapanik at kapapalit ko palang ng damit nang magpunta sya rito. Balak kong bumaba pero gusto nya yata akong makausap kaya naman naupo na muna ako.
Pilit akong ngumiti kay Mama. Alam kong kanina nya pa napapansin ang mood ko. Alam ko ring may hinala na sya kung bakit ako ganito. Wala naman yata syang hindi alam sa akin. Anak nya ako, Mama ko sya kaya paniguradong alam nya ang lahat. Ang nararamdaman ko, ang iniisip ko, ang lahat kahit pa pilit kong hindi pinapakita. Ganon naman yata lahat ng nanay. Agad agad nilang nababasa ang mga anak nila dahil sa kanya nanggaling yan. Alam nya lahat, walang maitatago.
"Hindi, Mama..." pag amin ko.
Bumuntong hininga sya at pinatong ang kamay sa aking mga kamay na nasa aking hita.
"Anak, alam kong nasasaktan ka pa rin sa nangyari sainyo ni Joshua. Hindi mo man ipakita, nakikita ko sa halos araw araw ang lungkot sa mga mata mo," inayos nya ang buhok ko sa aking noo at nag aalala akong tinignan. Hinawakan nya ang baba ko. "Bakit hindi ka nagsasabi, Amora? Alam mo bang hinihintay kitang lapitan ako para sabihin lahat ng nararamdaman mo? Pero bakit hindi ka lumalapit? Bakit pilit mong tinatago?"
Napayuko ako. Iyon na naman ang pagkirot sa puso ko. Hindi ko akalain na nakikita pala ni Mama ang mga nararamdaman ko sa araw araw. Hindi ko alam na palagi nya pala akong hinihintay na umiyak sa kanya. Ngayon napagtanto ko na talaga na kahit anong pagtatago ko, lalabas at lalabas pa rin ang totoo. Wala akong maitatago sa kanya.
"Anak, hindi masamang ilabas ang lahat. Hindi masamang umiyak. Hindi masamang magsabi ng nararamdaman. Kapag nasasaktan ka, dapat tumigil ka muna. Dapat umiyak ka muna. Dapat ilabas mo muna. Dahil mananatili ang sakit na iyan dyaan kung hindi mo ilalabas. Masasaktan ka lang lalo..."
Nangilid ang mga luha sa aking mga mata. Ayaw ko lang naman na mag alala pa sila sa akin. Alam ko namang tama sya na dapat ilabas ko lahat. Iniisip ko lang naman na hindi na dapat sila malungkot dahil lang nalulungkot ako. Hindi na sila dapat madamay sa nararamdaman ko. Masakit... pero kaya ko namang tiisin.
"Wag mong sanayin ang sarili mo nang ganyan, Amora. Hindi maganda ang ganyan. Hindi maganda ang nagtatago ka ng nararamdaman. Mas lalo kang masasaktan at mas lalo kang magdudusa. Ano ang mahirap sa paglalabas ng nararamdaman sa isang araw lang? Hindi ba't mas mahirap ang hindi magsabi at araw araw kang masasaktan?"
Tumulo na ng tuluyan ang mga luha ko. Tama si Mama. Hindi dapat ako naglilihim. Hindi dapat ako nagtatago sa liwanag. Hindi dapat ako nananatili sa dilim. Dahil hindi ako makaka ahon kung patuloy akong magtatago. Hindi ako makakakita ng liwanag kung patuloy akong maduduwag.
Nag angat ako ng tingin kay Mama. Hindi ko na napigilan at napayakap na ako sa kanya. Humagulgol ako sa bisig nya at mahigpit na mahigpit syang niyakap. Hinimas himas nya naman ang buhok ko at hinalik halikan ang aking noo.
"H-Hindi ko alam ang kasalanan ko, Mama. N-Naging mabuti naman ako. Naging mabuti naman a-akong kaibigan, naging mabuting anak, naging m-mabuting kapatid. K-Kaya bakit pinaparusahan a-ako ng ganito? Hindi ko alam kung... anong naging mali ko para matanggap ang ganitong klase ng sakit," hagulgol ko.
Hindi sya nagsalita. Niyakap nya lang ako ng mahigpit at patuloy na hinalikan.
"H-Hindi ko pa nararanasang magmahal, Mama. Sa kanya ko lang yon naranasan. At hindi ko alam na ganito pala k-kasakit ang magmahal. G-Ganito pala kasakit mahalin ang isang lalaki. Hindi ko alam kung bakit pa sya ibinigay kung h-hindi naman pwede. Ano ba yon, Mama? P-Pinaramdam lang sa akin kung paano m-magmahal at masaktan? Pinaramdam lang sa akin kung g-gaano kahirap? A-Ano bang naging kasalanan ko?"
Pumikit ako at hinawakan ang dibdib na sumisikip. Hinayaan ko ang sariling huminga bago nagpatuloy habang humahagulgol pa rin.
"S-Sabi mo sakin noon, ang p-pagmamahal ang pinaka masarap na nararamdaman n-ng isang tao. K-Kaya dapat hindi nawawala yon d-dahil iyon lang ang susi para walang maging m-masama, para walang m-magdusa at para walang m-masaktan. P-Pero bakit nasasaktan ako, Mama? B-Bakit sinasaktan ako ng p-pagmamahal na yon?"
Walang tigil ang paghikbi ko. Pakiramdam ko mawawalan ako ng hininga pero nagpatuloy ako. Bumuhos lalo ang mga luha ko pero ang bigat na nasa dibdib ko ay bahagya nang nababawasan.
"L-Lahat ng tao dapat na maging masaya, hindi ba? L-Lahat ng tao may karapatang magmahal. P-Pero bakit ako tinanggalan ng karapatan? Bakit hindi ko sya pwedeng mahalin? Bakit hindi ko sya pwedeng makasama? S-Sa pag ibig ba... estado na ang tinitignan? K-Kapag hindi mo ka-level, hindi na pwede? H-Hindi ba unfair naman yon?" Napapikit ako sa sobrang sakit.
Kasabay ng sakit ay kaginhawaan sa puso ko. Pero mas matimbang pa rin ang sakit na nararamdaman ko. Pakiramdam ko hindi na ako maghiholom pa. Pakiramdam ko kahit umayos ako, pepeklat pa rin na parang sugat ang sakit na dala ng pagmamahal na ito sa puso ko. Pakiramdam ko kahit kailan hindi iyon gagaling at mawawala. Kapag nakamot ng mga alaala, muli na namang susugat at magdudugo.
"Gusto kong magalit. Gusto kong magwala. Gusto kong sumigaw hanggang sa mapaos ako. Pero hindi ko kaya sa tuwing naiisip ko si Joshua. Ang galit ko ay umaatras sa tuwing iisipin kong lolo nya yon. Mahal nya yon kaya kapag nagalit ako, alam kong masasaktan ko sya. At hindi ko kaya yon, Mama. Hindi ko na kakayanin kung masaktan ko pa sya ulit. Sobra nang sakit ang binigay ko sa kanya..."
Kumalas ako sa yakap ni Mama at tinignan sya. Kitang kita ko ang pangingilid ng kanyang luha, nasasaktan rin sa mga sinasabi ko. Mas lalong bumuhos ang mga luha ko.
"Gusto kong bumalik sa kanya, Mama. Ngayon mayaman na si Papa, ibig sabihin mayaman na rin ako, hindi ba? Kaya siguro naman... pwede na?" Halos desperada na ang boses ko pero wala na akong pakialam. "Gusto kong humingi ng tawad sa lahat ng nagawa ko sa kanya. Gusto kong subukang ibalik ang dati naming pagsasama. At kung hindi na nya ako mapapatawad, kung hindi na nya ako kayang tanggapin pa, tatanggapin ko yon, Mama. Pero paano ko yon magagawa kung aalis tayo rito? Paano ko gagawin yon kung malalayo pa ako ng tuluyan sa kanya?"
Naiyak na rin si Mama. Pinunasan nya ang kanyang mga luha at pagkatapos ay yung sa akin naman. Humikbi pa rin ako. Ayaw tumigil ng mga luha ko talaga. Tinitigan ko sya at nakita ko ang pag aalala, sakit at lungkot na nararamdaman nya para sa akin.
"Mama, ayokong umalis. Gusto ko pong manatili rito. Gusto ko pong bumawi kay Joshua. Alam kong ayaw nyo sa magulong buhay pero desperada na po ako. Pwede po ba akong bumalik sa kanya?"
Pinunasan nya ulit ang mga luha ko. Tumitig lang ako sa kanya, umaasa na pagbibigyan nya ako. Alam kong napaka selfish ko sa bagay na ito pero desperada na talaga ako. Gusto ko nang humingi ng tawad kay Joshua. Gusto ko nang magbalikan ulit kami.
Tanga ba ako? Bobo? Immature? Oo, alam kong ayan ako lahat. Pero anong magagawa ko? Ito ang sinasabi ng puso ko at hindi ko ito mapigilan. Pilit umuusbong ang pag asa sa puso ko. Nasasaktan ako sa tuwing pinipigilan ko kaya hindi ko na kaya pang tumigil at tumakbo. Gusto kong sundin ito dahil patuloy lang akong makukulong sa dilim kung hindi ko pagbibigyan ang puso ko. Ang kaligayahan ko.
Tinignan ako ni Mama sa mga mata pagkatapos ng ilang sandali. Malungkot ang mga mata nya para sa akin at mas lalo akong nasasaktan roon. Pakiramdam ko kinakaawaan nya ako. Ayoko man ng ganon ay umaasa pa rin akong papayag sya sa gusto ko. Wala na akong pakialam sa mga iisipin nila. Ito ang gusto ko kaya sana pagbigyan nya ako. Sana pumayag sya.
"Sige..." halos ibulong nya yon. Nagliwanag agad ang mukha ko. "Sige, anak. Hindi na tayo aalis..."
Agad akong napayakap sa kanya sa sobrang tuwa. "Salamat, Mama! Salamat!" Naiyak ulit ako.
"Pero ipangako mong hindi ka na ulit masasaktan. Ipangako mong ipaglalaban mo na ito. Ipangako mong hindi mo na ulit sasaktan ang sarili mo para lang sa iba. Mangako ka, Amora."
Tumango ako at humiwalay sa kanya. Tumango ako nang tumango. "Pangako, Mama."
Marahan syang tumango at ngumiti. Pinunasan nya ang luha sa aking pisngi at hinwakan ang panga ko.
"Sasabihin ko sa Papa mo ang desisyon mo. Sasabihin ko sa kanyang hindi na tayo aalis. Alam kong papayag iyon..."
Tumango ako at muli syang niyakap. Niyakap nya rin ako ng mahigpit. Ramdam na ramdam ko ang pagmamahal nya sa akin. Pinaramdam ko rin sa kanya ng mabuti ang pagmamahal at sayang nararamdaman ko.
Masaya ako... oo. Pero may kaunti pa rin akong sakit na nararamdaman. May kaunti pa rin akong pag aalinlangan na nararamdaman. Hindi ko alam kung tama ba ang naging desisyon ko. Pero sa ilang oras kong pag iisip, alam kong tama ako. Tama akong bumalik at humingi ng tawad sa kanya. Tama ako sa desisyon kong ito. Medyo selfish pero paninindigan ko ito. Hihingi lang ako ng tawad sa kanya at aasa na baka may pag asa pa kami pero kung wala na talaga, tatanggapin ko iyon. Basta gusto kong humingi ng tawad sa kanya.
Nanatili ako sa kwarto pagkatapos noon. Iniwan na muna ako ni Mama para mapag isa at makapag isip isip. Yakap ko ang mga tuhod ko habang nakasandal sa headboard ng kama. Ramdam na ramdam ko pa rin ang pamamaga ng mga mata ko sa pag iyak kanina at hanggang ngayon, sumisinghot pa rin ako.
Naalala ko ang sinabi ni Mr. Antonio Salvador noon. Ang sabi nya, pakakasalan ni Joshua si Ella balang araw. Pakakasal sila pagkatapos mag aral o kung kailan sila handa. Pumayag kaya si Joshua roon? Girlfriend nya si Ella dati kaya posibleng pumayag sya, hindi ba? Posibleng kahit paano may naramdaman rin sya kay Ella. Kaya posibleng pumayag sya.
Ngunit naalala ko rin yung sinabi nya noon. Na wala syang nararamdaman para kay Ella. Na ginawa nya lang itong nobya dahil sa kanyang lolo. Totoo kaya iyon? Hindi nagsisingungaling sa akin si Joshua kaya... posibleng totoo iyon.
Ang sabi nya, ako lang ang babaeng minahal nya ng ganon. Ako lang ang nag iisang babaeng nakapag papasaya sa kanya ng todo. Sa akin nya lang daw napapakita ang totoong katauhan nya. Ang masiyahing pagkatao nya, sa akin lang nya naipapakita. Napatunayan ko naman yon dahil sa tuwing magkasama kami, masaya sya. Pero kapag may kaharap nang iba, seryoso at malamig na. Hindi ko maiwasang mapangiti habang naaalala iyon.
Masaya sya sa piling ko. Gaano sya nalungkot noong ipinagtabuyan ko sya?
Nasasaktan ako kapag naiisip na sobra syang nalungkot at nasaktan. Pero ngayon babalik na ako, Joshua. Hindi mo na kailangan pang malungkot. Babalik ako at hihingi ng tawad sayo. Kung gusto mo ay liligawan kita. Susubukan kong ibalik ang dating tayo.
Tsaka hindi na rin siguro hahadlang ang lolo nya? Kilala ng mga Salvador si Papa kaya siguro naman hindi na sila hahadlang pa kapag nalaman nilang anak ako ni Brayden Oceanus Legaspi? Sana lang...
Naisip ko tuloy sina Jana at Klara. Kamusta na kaya sila? Nagtatampo kaya sila sa akin dahil hindi ako nagpaliwanag bago umalis? Sigurado akong alam na nila ang dahilan ko kung bakit ako umalis. Galit kaya sila sa akin? Akala nila siguro pinili ko ang pera...
Bumuntong hininga ako at dinampot ang cellphone na nasa side table. Hinanap ko roon ang number ni Jana at nang makita ay agad akong napangiti. Agad kong binuksan ang messages namin. Nakita ko roon ang mga dati naming pag uusap.
Jana:
Hoy! Walang hiya ka! Nasan ka na? Bakit si Klara na naman ang mag isang umuwi?
Amora:
Haha! Sorry! May date kami ni Joshua, eh. Hinatid naman sya ni Zil, ah?
Jana:
Ikaw, ah! Pinagkakatiwala mo na itong dalagang Pilipina na ito sa Zil na yon! Mabait ba yon?
Amora:
Oo naman, noh! Hindi ko naman hahayaang sumama yan sa kung sino sino lang! Tsaka kilala mo naman si Zil! Alam mo namang kaibigan sya ni Joshua!
Jana:
Tsk! Ewan sayo! Bahala ka na nga dyan! Baka nakaka abala pa ako! Wag ka nang magtext!
Amora:
Okay!
Jana:
Wag ka na sabing magtext!
Bahagya akong natawa. Pagkatapos noon ay hindi na nga ako nagtext pa. Marami pa kaming pagtetext roon. Palaging may ganto '!' ang bawat text nya kaya akala mo palaging sumisigaw. Naririnig ko rin tuloy palagi ang boses nya kaya natatawa ako.
Nang makuntento ako sa pagbabasa ay nag isip na ako ng itetext sa kanya. Pinag isipan ko ng mabuti iyon at nang handa na ay nag type na ako.
Amora:
Hi, ate! Miss mo ako? Haha! Sorry kung ngayon lang ako nakapag text. Medyo busy kasi sa school at paglilipat. Kamusta ka na? Kamusta na rin si Klara? Sorry kung hindi ako nakapagpaliwanag bago umalis dyaan. Kailangan ko na rin kasing umalis nung araw na yon, nagmamadali ako. Maiintindihan ko kung nagagalit kayo ni Klara sa akin ngayon. Deserve ko yon. Gusto ko lang mangamusta. Sana makapag kita tayo kahit minsan. Pasensya na ulit sa lahat.
Bumuntong hininga ako at binitawan ang cellphone pagkatapos i-send iyon. Sana iyon pa rin ang number nya. May kutob akong hindi na iyon ang number nya dahil hindi na sya nagtext pa sa akin nung umalis ako. Pero sana ito pa rin talaga ang number nya. Sana nagtatampo lang sya kaya hindi sya nagtetext.
Nabuhayan ako nang tumunog ang cellphone ko. Mas lalo akong nabuhayan nang makitang nag reply sya! Agad agad kong kinuha yon at binuksan.
Jana:
Huhu! Walang hiya ka talaga! Bakit ngayon ka lang? Alam ko bang ang tagal tagal ko nang hinihintay na magtext ka? Nagtatampo ako sayo kaya dapat ikaw mag first move! Asan ka?!
Napangiti ako. Parang may humaplos sa puso ko. Kung ganon... hindi sya galit? Hindi sila galit?
Imbes na magreply, tinawagan ko na sya para makapag usap kami ng maayos. Agad agad nya iyong sinagot kaya napangiti ako.
"Hi!" Bati ko.
"Anong hi?! Pagkatapos nung mga ginawa mo, hi lang?! Siraulo ka talaga!" Na-miss ko ang maingay nyang boses.
Ngumiti ako. "Sorry. Ang dami kasing nangyari nung umalis ako dyaan. Lumipat kami ng Maynila at... mas lalong maraming nangyari..."
"Ano? Maynila?!" Nagulat sya.
"Oo. Dito na kami nakatira. Mahabang kwento at magkukwento nalang siguro ako sayo kapag nagkita na tayo."
Ilang sandali syang natahimik. Narinig ko ang buntong hininga nya.
"Ayos ka lang ba? Kamusta na?" Hindi ko inaasahan ang tanong nya.
Sa huli ay nakabawi ako at malungkot na ngumiti. "Ayos naman. Kayo dyan ni Klara? Kamusta na? Maayos pa rin ba ang pag aaral nya? May nambubully na naman ba sa kanya?"
"Hayy. Ewan ko dun sa babaeng yon. Hindi naman sya nagkukwento. Pero ayos lang naman kami rito. Medyo naging tahimik nung nawala ka..." hindi nya tinuloy ang sinasabi.
"Mmm..." pinaglaruan ko ang mga balahibo ko sa hita. Nakaramdam na naman ako ng kirot. "Si Zil? Hinahatid at sinusundo nya pa rin ba si Klara?"
"Oo. Palagi ring bumibisita rito kapag sabado at linggo. Palaging may dalang pagkain para kay Klara at Mang Benjo. Kinikilig nga ako palagi, eh! Syempre nakikihati rin ako sa mga pagkaing dala nya. Hindi naman muubos yon ni Klara kaya dapat meron rin ako!"
Bahagya akong natawa. Kahit masaya akong magkausap na ulit kami ngayon, pakiramdam ko may kulang pa rin. May lungkot at sakit pa rin akong nararamdaman.
Narinig ko ang buntong hininga nya pagkatapos ng ilang sandali. Para bang nararamdaman rin nya ang nararamdaman ko.
"Amora, alam ko ang mga nangyari. Alam ko kung bakit ka umalis. Kailangan ko ng paliwanag mo pero hindi ko alam kung handa ka na bang pag usapan kaya..."
Ngumiti ako. "Kaya ko naman nang pag usapan kaya wag ka nang mag alala..."
At babalik na rin ako dyan para kausapin si Joshua. Para ayusin ang tungkol sa aming dalawa.
"Sure ka?"
"Mmm. Tsaka deserve nyo rin ng paliwanag. Kaya magpapaliwanag ako ngayon..." huminga ako ng malalim.
"Amora..." inunahan nya ako sa pagsasalita. Natigilan ako sa malungkot at nanghihinayang nyang boses.
"Mmm?"
"Talaga bang pinili mo ang pera kesa kay... Sir Joshua?"
Napapikit ako roon. May dumaang sakit na naman sa dibdib ko pero agad akong kumalma at ngumiti. Alam na nga nila. Pero may isang bagay pa silang hindi alam.
Hindi ako sumagot kay Jana kaya narinig ko ang buntong hininga nya.
"Sorry. Alam kong sariwa pa rin sayo ang lahat ng nangyari. Sorry kung--"
"Hindi, Jana," ngumiti ako kahit hindi nya nakikita. "Sabi ko kaya ko nang magpaliwanag kaya magpapaliwanag ako."
Ganon nga ang nangyari sa buong tawagan namin. Pinaliwanag ko sa kanya ang kaunting nangyari. Hindi buo ang pinaliwanag ko sa kanya. Hanggang doon lang sa pinapili ako ni Mr. Antonio Salvador.
"Ayos lang kung hindi mo pa handang sabihin sa akin ang bagay na yon. Naiintindihan ko. Pero sana... maging okay ka na. Kung pwede lang akong bumyahe pa Maynila ay ginawa ko na para madamayan ka. Pero alam mo namang... hindi ako pwedeng umalis rito sa trabaho. Abuso na yon kina Ma'am Juliette..."
Napangiti ako. "Mmm. Salamat. Pangako, babalikan ko kayo ni Klara dyan..." kung tatanggapin pa ako ni Joshua.
"Promise yan, ah? Kapag ayan hindi mo tinupad! Magtatampo na talaga ako sayo!"
Natawa ako. "Mmm. Magkikita pa talaga tayo. Pangako yan."
Nag usap pa kami ng ilang sandali roon. Hindi na sya nagtanong pa tungkol sa mga nangyari rito sa akin sa Manila. Hindi na rin naman ako nagkwento pa. Masaya akong nakakwentuhan ko ulit sya. Sayang at wala si Klara. Sabi ni Jana nasa school pa at mamaya pa uuwi. Sinabi ko nalang na ikamusta nya ako sa kanya nang magpaalam na kami sa isa't isa.
Nagstay pa ako ng ilang sandali sa kwarto ko pagkatapos noon. Nang lumabas ako ng teresita ay agad rin akong napapasok sa loob dahil naririnig ko pa ang ingay ng mga media. Baka mamaya makita nila ako kahit pa nasa likuran ng mansyon ang teresita ko. Napabuntong hininga na lamang ako.
Bumaba ako pagkatapos pa ng ilang sandali. Naabutan ko sina Mama at Papa sa sala, nag uusap tungkol sa kung saan. Seryoso si Mama habang nagsasalita habang si Papa ay tinititigan ang kanyang mukha habang nakikinig. Palagi nya ring inaangat ang kamay para ayusin ang buhok ni Mama sa may bandang noo.
"Nakikinig ka ba?" Iritadong tanong ni Mama kay Papa.
Binaba ni Papa ang kanyang kamay at umayos ng upo, nakaharap ang kanyang katawan kay Mama habang nakikinig rito.
"Mmm, yes. Continue," si Papa.
Narinig ko ang pagod na pagod na buntong hininga ni Mama, para bang sobra na syang naiinis dahil mukhang kanina pa hindi nakikinig si Papa, nakatitig lang sa kanya.
"I'm sorry. Nakikinig naman ako--" napatingin si Papa sa gawi ko. "Amora!"
Ngumiti ako. Napalingon rin sa akin si Mama. Tumayo sya at agad lumapit sa akin, nag aalala ang mukha.
"Amora. Ayos ka na ba?" Tanong ni Mama.
"Why? Is she sick?" Napatayo na rin si Papa sa narinig.
Umiling agad ako. "Wala po akong sakit, Papa. Medyo..." napatingin ako kay Mama na nag aalala pa rin. "Sumakit lang po ang ulo ko," binalik ko ang tingin kay Papa at ngumiti. "Ayos na po ako ngayon."
Lumapit sya sa akin at hinaplos ang pisngi ko. "Namumutla ka. What's wrong?" Mukhang kanina pa ito gustong itanong ni Papa.
"Wala po, Papa. Sumasakit lang po talaga ang ulo ko," palusot ko. "Ayos na po ako ngayon."
Bumuntong hininga sila at hinayaan na ako. Ang tingin ni Mama ay nag aalala pa rin. Naupo kami sa sofa.
"Sinabi ng Mama mo na ayaw mo talagang umalis," si Papa. "Are you sure you don't want to leave?"
Nanuyo ang lalamunan ko. Napatingin ako kay Mama na maliit na ngumiti sa akin at tumango. Bumuntong hininga ako at nahirapan pa sa pagsasalita. Sa totoo lang hindi talaga ako sigurado rito. Hindi ko alam kung may babalikan pa ba ako pero... bahala na. Tumango ako kay Papa.
"Sigurado na po ako, Papa..." sagot ko.
Bumuntong hininga sya at tumango. "Okay. Siguro hahanapan ko nalang kayo ng matutuluyan pansamantala, yung malayo rito. Maybe... Bataan? Gagawa nalang ako ng paraan para makabisita sainyo," ngumiti si Papa.
Medyo naguilty ako roon pero hindi na ako pwedeng umatras pa. Paninindigan ko ang desisyon kong ito. Bahala na sa mga mangyayari. Basta babalikan ko sya.
Ilang oras pa ang lumipas. Nanatili na si Amara sa kanyang kwarto, siguro marami na namang ginagawa o binabasa. Bumaba rin naman sya pagkatapos ng ilang oras. Unti unti na ring nabawasan ang mga media sa labas, napagod na siguro pero paniguradong babalik at babalik pa rin sila rito.
Naisip ko tuloy, importante ba talagang malaman kung may pamilya na ba talaga si Papa? Importante bang malaman kung sino ang pamilya nya? Sabagay. Yung mga artista ganito rin ang pinagdadaanan. Aaminin kong isa rin ako sa mga nagiging interesado kapag nalaman kong may girlfriend na yung iniidolo ko. Kaya siguro normal lang ang ganito? Tsk. Ang gulo talaga kapag sumikat ka na. Bakit kasi napaka galing at napaka gwapo ng Papa ko?
Hanggang sa mag gabi na ay nawala na ang mga media. Ang sabi ni Papa posibleng bumalik ulit sila bukas. Hindi talaga sila titigil hanggat hindi nalalaman ang katotohanan. Naisip ko tuloy na... magpakita na kaya kami? Pero alam kong hindi pa ready sina Mama at Amara rito. Ako rin aaminin kong hindi pa handa. Dahil panigurado talagang magugulo kami. Hindi kami sanay sa ganong buhay kaya hindi pa talaga kami ready. Napabuntong hininga nalang ako. Siguro nga kapag handa nalang kami magpapakita sa publiko.
Pagkatapos naming mag hapunan ay tumambay muna kaming lahat sa malaking sala ni Papa. Manonood daw kami ng movie kaya na-excite kami. Bago kami manood may tumawag kay Papa kaya sinagot nya muna yon hindi kalayuan sa sala. Ako naman ay pumuntang kusina para kumuha ng snacks at drinks para sa aming lahat.
"Ngayong araw ay dinagsa ng mga media ang mga Salvador. May ginanap kasi na party at ang party raw na iyon ay para sa engagement ng apo ni Mr. Antonio Salvador na si Joshua Salvador at ng kaisa isang anak ng nga Villar na si Daniella Villar..."
Natigil ako sa paglalakad nang marinig ko iyon. Malapit na ako sa sala at napatigil lang nang marinig iyon. Hawak ko ang tray na may lamang mga snacks. Unti unti akong nanigas sa kinatatayuan.
"Maraming netizens ang natuwa at kinilig nang kumpirmahin ng dalawang mag nobyo na engagement party nga ang naganap kanina. Ito po, panoorin."
Hindi ko man makita ang tv, kumirot pa rin ang puso ko. Hindi na talaga ako nakagalaw sa kinatatayuan ko.
"Joshua Salvador, totoo bang engagement party ito?"
"Totoo bang nagkabalikan na kayo?"
"Maraming nagtatanong kung ikakasal na nga ba kayong dalawa kapag handa na kayo?"
"Totoo bang pumayag kayo na magpakasal? Hindi lang para sa pamilya kundi para na rin sainyong dalawa?"
Ilang mga tanong ang narinig ko at hindi ko kinakaya iyon. Nag angat ako ng tingin at doon ko nakita na nagingilid na pala ang aking mga luha. Kinagat ko ang aking labi at nagtama ang mga mata namin ni Amara at Mama. Agad silang napatayo at lumapit sa akin.
Sa napaka raming tanong na iyon, ang sagot nya ang nakapag pasakit sa aking puso.
"Yes..." matigas at seryoso ang boses ni Joshua nang sabihin nya yon. Kasabay nang pagsagot nya ay ang pagtulo ng luha ko.
Nabitawan ko ang tray na dala. Nabasag ang baso at tumapon ang juice. Agad pinatay ni Mama ang tv at mabilis namang naglakad papunta sa akin si Amara. Binaba rin ni Papa ang kanyang cellphone at lumapit rin sa akin.
"What happened?" Nag aalalang tanong nya.
Hindi ako sumagot. Parang pinupunit ang puso ko. Pina alis ko ang mga luhang lumandas sa aking pisngi at tinignan sila. Mga nag aalala silang lahat sa akin.
"Amora..." pagtawag ni Mama, hindi rin alam ang sasabihin.
Pina alis ko ulit ang mga luhang lumandas sa aking pisngi at pinatapang ang sarili. Patuloy na kumikirot ang puso ko ngunit binalewala ko iyon at tiningala si Papa.
Tinitigan nya ako. Nag aalala ang kanyang mukha pero alam kong alam na nya ang problema. Tulad ni Mama at Amara, hindi rin nya alam ang sasabihin.
"Papa..." namamaos kong pagtawag. "N-Nagbago na po pala ang isip ko..."
Gumalaw sya at lumunok. Tinitigan nya ako sa nag aalalang mukha. Alam na nya ang sasabihin ko.
"Payag na po ako..." huminga ako ng malalim, nahihirapan sa sasabihin. "P-Payag na po akong umalis. Payag na po akong pumuntang Espanya."

Komentar Buku (155)

  • avatar
    tearShall

    It's an interesting story and how painful they suffer as well

    23/12/2021

      0
  • avatar
    Nawaf Sultan Mustapha

    goods

    30/04

      0
  • avatar
    Erika Evangelista

    ganda 🥰

    14/04

      0
  • Lihat Semua

Bab-bab Terkait

Bab Terbaru