logo
logo-text

Unduh buku ini di dalam aplikasi

Grey #7

“CASH, ano, nasaan ka na?” tanong kay Cash ng kaibigang si Irani mula sa kabilang linya.
Araw ng Sabado. Wala silang pasok sa eskuwela ni Irani. May usapan sila ng kaibigan na magbo-bonding sa bahay nito. Alas diyes ng umaga ang napag-usapan nilang punta niya roon subalit mag-aalas diyes na ay nasa bahay pa siya.
“Papunta na ako, Irani...”
Alas otso na kasi siya nagising. Hindi na nga siya bumaba para mag-breakfast. Naligo na agad siya at nag-ayos. Doon na lang siya makikikain ng almusal kina Irani.
Paano, hindi siya nakatulog kagabi kakaisip kay Grey. Hindi mawala-wala sa isip niya ang eksenang nasaksihan nila ni Irani.
Hanggang ngayon, nararamdaman pa rin niya ang mga pinong karayom na tila tumutusok sa puso niya.
Pumikit siya. Hindi puwedeng ganito. Hindi puwedeng araw-araw ay mabigat ang pakiramdam niya... Kailangan na talaga niyang abandonahin ang nararamdaman niya para kay Grey.
“Okay...Bilisin mo. Kanina pa po ako naghihintay.”
“Yup. Sorry na.”
“Sus, nag-sorry pa. Sanay na ako na lagi kang late sa usapan. Ingat ka.”
Matapos ibaba ang tawag, ibinulsa niya ang cell phone sa pouch bag na dala.
Sinipat niya ang sarili sa salamin bago lumabas ng kuwarto. She was wearing a white blouse, a red skater skirt and a pair of doll shoes. Hinayaan lang niyang nakalugay ang mahabang buhok.
“May lakad ka, hija?” tanong sa kanya ni Manang Prising nang makasalubong niya ito.
“Pupunta po ako kina, Irani, Manang,” sagot niya. “Si Mang Lino po? Magpapahatid po ako.”
“Sandali at tatawagin ko. Teka, aalis ka na ba? Hindi ka pa kumakain, ah.”
“Doon na po ako kakain kina Irani,” aniya. “Si Kuya po pala?”
“Nandoon sa garden...”
Tumango siya at tinungo ang malawak na garden ng bahay nila upang magpaalam sa kapatid.
Subalit natigilan siya nang makitang hindi lang ang Kuya Blue niya ang nakaupo sa iron-wrought chair na nakapuwesto sa garden.
Mayroon pa itong tatlong kasama. Si Red, Indigo...at si Grey.
Nagkakatuwaan ang mga ito habang kumakain ng pizza.
Ibinaling niya ang mga mata kay Grey. He was wearing a black v-neck shirt and ripped jeans.
Habang nakatingin sa binata, muling bumalik sa isip niya ang nakita kahapon. Kung paano nito ipagtanggol si Kass, kung paano nito inangkin na nobya nito ang babaeng iyon.
Tila unti-unting pinipiga ang puso niya.
Step number 1: Avoid Him
Umalingawngaw sa isip niya ang unang hakbang na nakasulat sa papel na napulot nila ni Irani sa coffee shop.
Ito na araw para simulan niya ang Oplan: Un-crush Grey.
Dahil iniiwasan na niya si Grey, hangga't maari ay hindi siya dapat magpakita sa binata. Hindi siya maaaring lumapit dito.
Sa halip na kuhanin ang atensiyon ng kapatid ay nagpasya siyang tumalikod na. Hindi na baleng hindi na siya makapagpaalam sa Kuya Blue niya. Nagsabi naman na siya kay Manang Prising.
Subalit bago pa siya makahakbang ay narinig niya ang pangalan niya.
“Cash,” tawag sa kanya ng kapatid.
Napapikit siya.
Sa pagkakataong iyon, wala siyang nagawa kundi pumihit pabalik.
Sumalubong sa kanya ang apat na pares ng mga mata.
Isa-isa niyang binati ang mga ito. Huling bumagsak ang mga mata niya kay Grey. “Kuya Grey...” mahinang sambit niya.
Nagtama ang mga mata nila ng binata. Nanikip ang dibdib niya.
“Cash.” Umangat ang magkabilang sulok ng mga labi nito.
Sa kabila ng kirot sa puso niya, hindi pa rin niya napigilan ang pagwawala niyon nang masilayan niya ang ngiti nito.
Avoid him, Cash! paalala niya sa sarili. Stop with the eye contact!
Mabilis niyang binawi ang tingin kay Grey upang umiwas sa mga mata nito.
“Pupunta ako kina Irani, Kuya,” paalam niya sa kapatid.
Tinanguan lang siya ni Blue. “Take care.”
“Sige, Kuya,” paalam niya sa kapatid.
Nagtalo siya kung muling ibabalik ang tingin kay Grey.
No. Don't look at him. Iniiwasan mo na nga siya, di ba? Bakit ka pa titingin sa kanya? paalala sa kanya ng utak.
Baka naman isipin niya na ang rude ko kapag hindi ko siya tiningnan bago ako umalis?
Sa huli, bahagya niyang tinapunan ng tingin si Grey. “Sige, Kuya Grey,” tipid na tinanguan niya ang binata bago tumalikod.
Nang makalayo sa garden ay saka siya pumikit at itinapat ang palad sa kumakabog na dibdib.
“Cash, okay ka lang?”
Tumambad sa kanya ang kunot-noong mukha ng pinsan niyang si Red nang idilat niya ang mga mata.
“H-ha? Wala!” mabilis na sagot niya. Ibinaba niya ang tingin sa hawak nitong kahon ng pizza.
Nag-angat ito ng kilay. “Sigurado ka? Parang aatakihin ka sa puso, eh.”
“W-wala nga!”
Umangat ang sulok ng mga mata nito. “Okay, eh 'di wala.”

Komentar Buku (13)

  • avatar

    really good

    24d

      0
  • avatar
    Krvie Vicentillo

    shheeeshsh

    06/04

      0
  • avatar
    Ging Ging Cabatcha Ogoc

    graveh Ang Ganda basahin🥰

    03/01

      0
  • Lihat Semua

Bab-bab Terkait

Bab Terbaru