logo text
Tambahkan
logo
logo-text

Unduh buku ini di dalam aplikasi

Bab 3 KABILUGAN NG BUWAN

KABILUGAN NG BUWAN
NAGLALAKAD ako ngayon sa gitna ng madilim na daan pauwi sa bahay namin. Medyo napasarap ang inuman namin sa bahay ng kaibigan kong si Lieno. Hindi naman ako makatanggi dahil ayokong magtampo siya sa 'kin.
Tsaka, hindi naman gaano kalayo ang distansya ng bahay namin sa kanila. Kabisado ko na naman ang daan patungo sa 'min kaya ayos lang kahit liwanag lang ng cellphone ko ang tanging nagbigay liwanag sa madilim na kapaligiran.
Dito sa lugar namin sa Baryo Pahina, may haka-haka na may aswang daw na gumagala tuwing gabi. Kahit bente tres na ako ay natatakot pa rin ako sa mga nilalang ng kadiliman.
Habang iniisip ko ang tungkol do'n, hindi ko mapigilang mangilabot sa isiping baka bigla na lang akong sunggaban o harangan ng aswang habang naglalakad ako ngayon.
Ang lugar nga pala namin ay napakalayo sa bayan. Mula rito ay kailangan mo pang bumiyahe ng apat na oras at ang mas malala pa'y, dalawang beses lang dadaan ang dyip sa lugar galing sa kabilang baryo.
Kung hindi ka sanay sa lugar na kagaya ng sa 'min na napapalibutan ng mga naglalakihang mga puno at nagtataasang mga talahib ay paniguradong wala pang isang araw ay aalis ka na sa lugar na 'to.
Kahit sanay na ako sa buhay probinsya ay hindi ko pa rin maiwasang matakot lalo na kapag sumapit na ang gabi. May maririnig kang kakaibang mga ingay ng hayop at minsan din, kapag napaglaruan ka ng mga engkanto ay swerte mo na lang kung makakauwi ka pa sa inyo ng buhay.
Napayakap na lang ako sa sarili ko at mas binilisan ko pa ang aking mga hakbang nang makarinig ako ng isang nakakatindig balahibong alulong na aking naulinigan sa gitna ng masukal na kakahuyan.
Biglang lumukob ang takot sa aking buong katawan, kasabay ng pag-ihip ng malamig na hangin at huni ng mga tuko na umalingawngaw sa buong paligid.
Binilisan ko ang aking mga hakbang nang maramdaman kong parang may nagmamasid sa 'kin ngunit napaantada ako nang may biglang humarang sa aking harapan ang isang napakapangit na nilalang.
Hindi pangkaraniwan ang laki nito, nagbabaga ang kanyang mga mata habang nakatingin sa 'kin at tumutulo ang malapot nitong laway sa pagitan ng mga matutulis nitong pangil.
"Diyos ko, ano'ng klasing nilalang ito? Ito na kaya ang aswang na sinasabi nila?" anang ng isip ko sabay karipas ng takbo. Sobrang lakas ng kabog ng aking dibdib na para bang gusto ng sumabog dahil sa matinding tensyon na lumukob sa akin.
Tumakbo ako nang mabilis nang hindi lumilingon sa aking likuran dahil sa matinding takot. Medyo malapit na ako sa amin ngunit nakasunod pa rin sa aking likuran ang halimaw. Rinig na rinig ko ang kanyang alulong habang tumatakbo ako.
"Tulong! Tulungan n'yo ako!" malakas kong sigaw nang may makita akong mga taong may mga dalang sulo sa may unahan.
Lumapit ako sa kanila at sinabing hinabol ako ng halimaw ngunit pinagtawanan lang nila ako. Hindi sila naniniwala sa 'kin. Lumingon ako sa 'king likuran ngunit wala na ang halimaw na sumusunod sa 'kin.
"Hoooh! Muntikan na ako ro'n kanina, ah!" bulong ko sa 'king sarili. Kinakabahan pa rin ako dahil sa nangyari. Pumasok na lang ako sa loob ng bahay at nakita ko ang mga magulang ko na natutulog na.
Pagtingin ko sa aking relo, alas nuwebe na pala ng gabi. Hindi ko na lang sila ginising at pumasok na lang ako sa aking k'warto.
KINABUKASAN, maaga kaming nagtungo ni Papa sa bukid para anihin ang palay namin. Ito lang ang hanapbuhay namin dito sa probinsya.
Hindi naman ako nakatapos ng haiskul dahil walang pambayad sa paaralan kaya hindi ako makahanap ng matinong trabaho.
Nagtitiis na lang ako sa ganito at tinutulungan ko na lang ang mga magulang ko kaysa sa magliwaliw ako. Ako lang ang nag-iisang anak kaya kailangan kong tumulong sa mga magulang ko.
"Pa, pahinga ka muna ro'n sa kubo. Ako ng bahala rito," sabi ko kay Papa.
Alas dose pasado na ng tanghali kaya tirik na tirik na ang sikat ng araw. Tinapos ko muna ang aking ginawa at pagkatapos ay pumunta na ako sa kubo.
Sabay kaming kumain sa maliit na lamesa namin. Habang kumakain kami, ikinuwento ko sa kanila ang nangyari sa 'kin kagabi no'ng galing ako sa bahay nila ni Lieno.
Pagkarinig nila sa sinabi ko, mababakas ko sa kanilang mukha ang pag-aalala, pero 'di kalauna'y pinagalitan ako ni mama kung bakit daw ang tagal kong umuwi kagabi.
Hindi na lang ako umimik dahil unang-una, kasalanan ko naman ang lahat. Pinabayaan ko na lang si Mama na sermunan ako.
ALAS SAIS pa lang ng gabi ay masyadong maliwanag na ang buong paligid dahil kabilugan ng buwan. Maaliwalas ang panahon. Maaga pa lang ay kumain na kami ng hapunan at pagkatapos ay natulog na nang mahimbing.
Alas tres ng madaling araw ay naalimpungatan ako nang marinig ko mula sa loob ng bahay ang ingay ng aming mga alagang manok at baboy.
Kinuha ko ang aking punyal at lumabas na kami ng bahay ni Papa at tiningnan kung bakit parang nagkakagulo ang mga alaga namin. Dahil bawal ang mag-alaga ng baboy malapit sa bahay dahil sa baho ng dumi nito kaya kalahating daan ang layo ng kulungan namin mula sa aming bahay.
Nang malapit na kami sa kulungan, biglang lumundag ang malaking aso sa harapan namin. Akmang susunggaban ng malaking aso si Papa. Nakikita ko ang kanyang mga matutulis na mga ngipin habang tumutulo ang malagkit nitong laway.
Bigla nitong sinunggaban si Papa at kinagat ang braso niya kaya bumagsak si Papa sa damuhan. Sinaksak ko ang aso sa paanan niya gamit ang dala kong punyal hanggang sa nabitawan niya si Papa.
Naramdaman kong nasaktan ko siya kaya bumaling ang atensyon niya sa 'kin. Bigla niya akong sinugod at pinagkakalmot. Kahit puro na sugat ang aking katawan dahil sa mga kalmot niya, hindi ko pa rin binibitawan ang punyal at panay pa rin ang saksak ko sa malaking aso.
"Pa! Umalis ka na! Pabayaan mo na ako!" sigaw ko kay Papa habang patuloy na nilalabanan ang malaking aso na sumugod sa 'kin.
Nang makatyempo ako ay ibinuhos ko ang lahat ng natitira kong lakas. Sinaksak ko siya sa kanyang dibdib. Bigla itong umalulong nang napakalakas nang idiniin ko pa lalo ang punyal sa kanyang dibdib.
'Di nagtagal, naramdamang kong unti-unti siyang bumibigat at nanghihina. Naramdaman ko rin na tumutulo ang dugo nito sa 'king katawan.
Itinulak ko ang malaking aso na nakadagan sa 'kin at dahan-dahang tumayo. Nakita ko si Papa na dahan-dahang lumapit sa 'kin habang hawak nito ang brasong sugatan.
"Pa, ligtas na tayo," sabi ko kay Papa.
Napaupo ulit ako sa damuhan dahil nangangatog ang aking tuhod. Doon ko lang nalaman nang sabihin ni Papa sa akin na hindi lang ordinaryong aso ang nakalaban namin kanina kung 'di isang "Aswang."
Unti-unti ng sumikat ang araw at kitang-kita namin ang pagbabago ng anyo ng malaking aso. Nagulat kami ni Papa nang mamukhaan namin kung sino ang lalaking nasa harapin namin.
"Lieno! Ikaw! Isa kang aswang?!" hindi makapaniwalang tanong ko sa kaniya.
"Pa-tawa-rin n'yo a-ko, Ced-rick, hin-di ko lang ma-pigi-lan ang sa-ri-li ko," ani Lieno habang umiiyak.
"Ba-kit mo nagawa sa 'min 'to, Lieno? Kaibigan kita pero pinagtangkaan mo ang buhay namin ni Papa!" sigaw ko sa kaniya at umiyak na rin ako.
Niyakap na lang ako ni Papa nang mahigpit upang pakalmahin ako. Maya-maya pa'y, tuluyan ng binawian ng buhay si Lieno.
Sampung minuto ang lumipas ay nagsidatingan ang aming mga kapitbahay pati na rin si Mama.
Doon lang namin nalaman na bagong "yanggaw" pala si Lieno. Hindi niya makontrol ang kanyang sarili kaya pati ako na matalik niyang kaibigan ay kaya niyang biktimahin.
SIMULA NOON ay naniniwala na ako sa mga haka-haka rito sa amin. Minsan hindi ko maiwasang mapatulala kapag sumagi sa isipan ko na napatay ko ang matalik kong kaibigan.
Ngunit alam ko sa sarili ko na tama lang ang ginawa ko dahil iniligtas at ipinagtanggol ko lang ang buhay namin ni Papa.
NANDITO ako ngayon sa harap ng puntod ni Lieno habang iniisip ang mga kulitan at asaran namin ng matalik kong kaibigan. Panalangin ko na lang na sana'y matahimik ang kanyang kaluluwa kung nasaan man siya ngayon.
Wakas. 

Komentar Buku (375)

  • avatar
    Heidee_

    Ang ganda ng book na ito! Ang dami ko nalaman tungkol sa mga aswang tsaka favorite ko yung chapter na may Dinuguan😍💙

    26/08/2022

      0
  • avatar
    Nicachan

    Di ako nag sising basahin tong story na to. Nakakatindig balahibo sa bawat chapter. Keep up the good work author (^∇^)ノ♪

    24/08/2022

      0
  • avatar
    rhee027

    Speechless ako sa galing sa narration ni Author! Unang kwento pa lang, ramdam mo na hindi lang yung kilabot kung hindi pati yung linaw ng pagkakalarawan sa komunidad kung saan nagaganap ang mga hiwaga.

    09/08/2022

      0
  • Lihat Semua

Bab-bab Terkait

Bab Terbaru