logo
logo-text

Unduh buku ini di dalam aplikasi

Chapter 3

Chapter 3
Zamiell
Nagising ako dahil sa naramdaman ko ang sakit at hapdi sa bagong sugat kong natamo, ganun na rin ang mga lumang sugat na naapektuhan dahil sa laban na naganap kanina. Tinignan ko ang paligid, nakahiga ako sa sahig na may banig, may kulambong nakalagay sa aking pinaghihigaan. Napansin ko kaagad ang isang palanggana ng tubig at telang nasa tabi ko, ganun na rin ang ilang gamot ay nakalabas sa sako na aking pinaglalagyan ng gamit.
Kinapa ko ang mga sugat ko na nalapatan na ng lunas, unti-unti akong bumango upang makita kung nasan ako. Ang bahay ay gawa sa kawayan at pawid, mukhang nasa isang silid ako, nagawa kong tumayo at lumabas ng kwarto. Una kong nakita ang maliit na espasyo na may upuan na gawa sa kawayan, meron din itong maliit na lamesa, lababo, kalan na de kahoy, isang pinto na tingin ko ay isang palikuran, at isa pa ulit na pinto malapit sa palikuran maliban sa nasa may bandang bukana ng bahay.
Binuksan ko ang pinto na nasa malapit ng palikuran at tumambad sakin ang hagdan pababa, kinaya ko naman bumaba sa hagdan na gawa sa kawayan. Sa ilalim ng bahay ay may iilang manok na nakakulong at nakatali rin ang aso, hindi ito tumahol ng makita ako, nilapitan ko ito at hinimas ang ulo.
Sa ilalim ng bahay ay may iilang manok na nakakulong at nakatali rin ang aso, hindi ito tumahol ng makita ako, nilapitan ko ito at hinimas ang ulo
"Gising na pala ang pasyente mo, Porpeng"
Umangat ang aking tingin sa babae at batang lalaking magkasama, naalala ko sila. Ang babae ay nakita ko nung nakaraan lamang dahil nahuli ako nitong naglalakad sa lalim ng gabi, ang bata naman ay ang iniligtas ko sa demonyo.
"Maayos na po ba ang iyong pakiramdam, kuya?"
Tumango ako sa kanya at naupo sa malapit na baitang ng hagdan sa bukana ng bahay.
"Sariwa pa ang sugat mo, nakakita kami ng mga gamot sa gamit mo. Pero buhusan mo pa rin ito ng katas ng bayabas, hindi ka namin nadala sa hospital. Ayaw kang padala nitong si Porpeng kahit ako naman ang magbabayad"
Napakamot sa ulo ang bata habang bahagyang ngumiti.
"Marami ka na pong naitulong sa akin Ate Cecilia"
"Ito talagang batang ito, nahiya pa. Alam mo naman pwede kang lumapit sakin kailanman mo naisin"
Tinitignan ko lang sila habang nag-uusap, halata ang pag-aalaga at pag-iingat ng babaeng nagngangalang Cecilia.
"Ikaw? Ano pala ang iyong ngalan?"
Nakatingin na sila sakin ngayon, naghihintay ng aking sagot.
"Zamiell"
"Ang ganda naman ng pangalan mo Kuya? Tiga-ibang bansa ka ba?"
Tumango na lamang ako sa kanyang sinabi, wala naman din akong idadahilan. Ngunit pakiramdam ko ay sinisilaban ako ngayon, hindi ko naman nais mag-sinungaling, saglit akong tumungo at humingi ng patawad sa Ama at kay Jesus, upang mas mabilis madinig ang aking dasal.
"Porpeng!"
Mula sa malayo ay may sumigaw na isang lalaki habang kumakaway sa amin.
"Ay nako! Kailangan ko na po muna mag-trabaho, kuya Zamiell pwede mo pong kainin ang pagkain sa mesa tinira ko talaga sa iyo yun"
Tumango ako, tatakbo na sana siya palayo ngunit napatingin muli siya kay Cecilia.
"Ikaw ate? Maiiwan po ba kayo dito?"
"Oo, susunduin ako dito ng aking asawa"
"Sige po! Mauna na po muna ako! Babalik ako kuya Zamiell dito!"
Tinanaw namin ang bata na tumatakbo patungo sa lalaki at sumakay sa isa pang kalabaw na dala nito.
"Nais ko humingi ng pasensya sa pagpaparatang ko sayo nitong nakaraan"
"Wala iyon"
Huminga ito ng malalim bago ako tinignan.
"Ako nga pala ay si Cecilia, ang bata naman kanina ay si Porfirio palayaw niya ang Porpeng. Naikwento niya sakin ang ginawa mong pagligtas sa kanya."
Bigla akong kinabahan at nanigas sa kanyang sinabi, baka nakita ng bata kung paano ako nakipaglaban, marami siyang hindi dapat makita kung ganun.
"Paano niya nalaman na ako ang nag-ligtas sa kanya?"
"Nakita niya ang itak ng lalaking humahabol sa kanya sa iyong tabi, laking pasalamat nga niya na bumalik siya kungdi baka patay ka na ngayon"
Nakahinga ako ng maluwag sa sinabi niya, sigurado ako na nakalayo ang bata bago ko labanan ang demonyo.
"Sinabi sakin ni Porpeng na multo ang humabol sa kanya, na ginagamit ang mukha ng kanyang ama"
Umupo siya sa duyan na gawa sa lambat na nakasabit sa puno ng mangga. Malalim ang iniisip nito habang iniisa isa ang butil ng purselas niyang gawa sa perlas.
"Namatay ang buong pamilya ni Porpeng, musmos pa lamang siya noon. Anim na taon gulang ngunit nakaranas na siya ng hirap, ang tatay ni Porpeng ay dating sundalo na nakatakas sa mga Hapon noong sila ay pinagmartsa simula sa Bataan, ginamit niya itong paraan upang makaalis at makabalik sa kanyang pamilya dito sa Bulacan. Ngunit pagkalipas ng isang taon ay umanib siya sa Hukbalahap, akala namin ay matatapos na ang kanilang samahan pagkatapos ng pandaigdigang digmaan at makuha ang kalayaan mula sa Hapon ngunit nagsimula sila ng bagong adhikain, ito naman ay ang pagtatanggol sa mga magsasaka mula sa mayayamang may-ari ng lupa sa pangunguna ni Luis Taruc"
"Kaya mo ba ako pinagkamalan na kaanib nila?
Tumango ito habang nakatungo pa rin sa kanyang purselas.
"Gusto ni Taruc na pabagsakin ang gobyerno ng Pilipinas dahil sa pagnanakaw ng mga ito ng pera mula sa kaban ng bayan, ginagamit nila ito para sa kanilang mga sarili. Ang mga militar o pulis din ay inaabuso ang kanilang posisyon, dahil dito maraming nag-aklas. Kanilang tinawag sa panibagong ngalan ang kanilang samahan ito ay ang People's Liberation Army, nais niyang gumawa ng pamahalaan na siya ang pangulo at nandun pa rin ang adhikain na para sa mga mahihirap at para sa mga mamamayan ng Pilipinas"
"Marami kang nalalaman, mas dapat siguro akong matakot sa iyo"
Natawa ito sa akin habang marahan na inuugoy ang duyan na kanyang inuupuan.
"Ang itay ay parte ng gobyerno at ako ay isang guro, nararapat lamang na marami akong nalalaman"
"Kung ganoon ay sino ang guro na sinasabi mo noong tayo ay nagkita?"
"Naalala mo pa pala iyo, ako ay nag-aaral ng ingles. Dahil ang mga amerikanong guro na dumating dito ay nais ituro ito sa mga mamamayan, nahuli lamang ako dahil noong sila ay nagtuturo ay kapapanganak ko pa lamang sa aking panganay. Laking pasalamat ko na lamang dahil meron pang ilang amerikanong guro dito sa Bulacan"
"Gusto ko malaman bakit namatay ang pamilya ni Porpeng"
Natigilan ito sa kanyang ginagawa ng maalala na nagkukwento siya sakin ng dinanas ni Porpeng.
"Pasensya na at naudlot ang aking kwento, tila ikaw ay interesado"
"Malapit ang aking loob sa mga bata"
Naaalala ko kay Porpeng ang mga batang anghel sa langit, ang mga batang kailanman hindi pa nakakagawa ng kasalanan at naiipit sa gulo ng mundong ito.
Napangiti ito habang nakatingin sakin, na mas lalong nagpatingkad ng kanyang kagandahan. Ang kanyang itim na mahabang buhok ay nakalugay habang ang ilang hibla nito ay nakatirintas sa likod na mas nagpaaliwalas ng kanyang mukha, mahaba ang kanyang pilikmata, na bumagay sa kanyang malaki at mapungay na mata na bumabagay sa kanyang bilugang mukha, ang labi nito ay manipis lamang ngunit kulay rosas at ang kanyang kutis ay kayumanggi.
Lumihis ako ng tingin ng aking mapagtanto na ang tagal ko na palang nakatingin sa kanya.
"Ang kanyang tatay ay balak isama ang kanyang buong pamilya sa pagtatago sa bundok upang maisagawa nila ang kanilang magiging plano, ngunit bago makatakas ay nahuli ang tatay ni Porpeng. Siya ay lumaban sa militar kasama ang ilang mga kasamahan mula sa grupo ngunit sa kasamaang palad ay nabaril sila ng mga ito, ganun din ang sinapit ng pamilya nito na balak niyang isama. Si Porpeng lamang ang nakaligtas, agad akong nagtungo noon sa bayan para lamang makuha ang bata na nasa pamamalaga ng mga militar"
"Kaya ba malapit din ang loob mo sa kanya?"
Tumango muli siya sakin.
"Matalinong bata si Porpeng, isa siya sa mga estudyante kong tinuturuan ng libre dahil nasa mababa silang antas ng pamumuhay, mahilig gumuhit at magpinta si Porpeng. Nais ko siyang ampunin ngunit umayaw siya, gusto niyang tumira rito sa bahay na naiwan sa kanya ng kanyang pamilya. Kaya tingin ko kaya nagparamdam ang multo ng kaniyang itay ay dahil sa pananabik nito"
"Wala namang ama na gustong ipahamak ang kanyang anak"
"Jusko po, hindi kaya demonyo pala ang nakita ni Porpeng"
Gulat pa itong napatingin sa akin at ilang beses na gumawa ng tanda ng krus, napailing na lang ako sa kanya.
"Aking sasabihan na magdasal yang si Porpeng ng kung hindi kung anu-ano ang nakikita"
"Hindi na ba siya nag-aaral?"
Bumalik ang atensyon sa akin ni Cecilia na tingin ko ay mahihimatay na sa kaba ng mapag-usapan namin ang tungkol sa demonyo.
"Madalang na siya nakakapasok sa mga klase ko, inuuna niya ang pagkayod para sa araw-araw"
"Kung ganoon ay ako na lamang ang papasok sa kanyang ginagawang trabaho"
"Marunong ka bang magsaka?"
"Oo"
Tila namangha ito sa aking sinabi. Kaya ko naman gawin ang mga gawain ng tao dahil akin itong inaral bago bumaba rito upang makasalamuha sila ng mabuti.
"Bakit mo iyon gagawin? Hindi ba ay nakilala mo lang siya ngayon?"
"Pansamantala akong titira rito kasama niya dahil wala pa akong matutuluyan"
Natatawa siya habang tinitignan ako, bakit? May mali ba sa sinabi ko?
"Sa iyong sinabi ay parang naniniwala kang papayag kaagad si Porpeng"
"Ako naman ay magtatrabaho para sa aming dalawa, habang siya ay makakapag-aral katulad ng normal na bata"
Sa di kalayuan ay may sasakyang tumigil, kumaway si Cecilia at tumayo na.
"Kung ganoon ay sabihin mo kay Porpeng na akin siyang hihintayin para sa aming leksyon"
***
Kinagabihan ay bumili ako ng pagkain sa bayan, wala pa si Porpeng noon kaya naman nagawa ko pang lumibot at kabisaduhin ang bagong lugar na aking titirhan, aking napagtanto na nasa San Miguel,Bulacan pala ako.
Bumili ako ng ilang gamit sa pag-aaral para kay Porpeng, nakita ko kasi sa bahay ang lumang kuwaderno nito na ubos na ang pahina, ang lapis nito ay maikli na lamang mukhang hindi na niya magagamit pa iyon.
Hindi ko alam kung bakit ko ito ginagawa pero ang tanging naiisip ko lamang ay bilang pasasalamat sa pagkalinga sakin at para mapapayag ko itong patirahin ako sa kanyang tahanan.
"Kuya Zamiell! Akala ko po ay tuluyan ka ng umalis!"
Tumatakbo ito papalapit sa akin kaya naman hingal na hingal ito ng makarating sa akin.
"Bumili lamang ako ng pagkain"
"Pasensya na po Kuya, wala po kasi akong sasakyan dito. Malayo tuloy ang nilakad mo"
"Ayos lang dahil dun nakabisado ko ang lugar, pero nangangawit na ang paa ko"
Tumawa siya sakin, sabay kaming pumasok sa bahay at nagsaing na siya habang kumakanta-kanta pa.
"Wag ka na magluto ng ulam, bumili na ako"
Napatingin sakin ito ng akmang ilalabas ang isa pang kaldero para naman sa kanyang lulutuing ulam.
"Kuya hindi ka na dapat gumastos pa, hayaan mo po akong suklian ang ginawa mong pagtulong sa akin"
Dahil sa nagiging usapan ay alam kong pwede kong banggitin ang tungkol sa paninirahan ko rito ngunit nagulat ako dahil inunahan niya ako magsalita.
"Sandali po kuya, patapusin niyo po ako. Pwede po kayong tumira rito, kumain at gawin ang inyong gusto. Maliit lamang po ang bahay ko pero dadalawa lamang po tayo, handa po akong magtrabaho para masuklian ang ginawa niyong kabutihan sa akin"
Nakatulala akong nakatingin sa bata, napangiti ako dahil sa sinseridad nito dahil lang sa niligtas ko siya.
"Ganito na lang, ako ang magtatrabaho para sa ating dalawa, may pera rin ako mula sa dati kong trabaho kaya walang kaso sakin ang gastusin. Habang ikaw ay mag-aaral sa iyong guro na si Cecilia"
"Ngunit-"
Hindi ko siya pinatapos magsalita, dahil pinakita ko ang mga bagong gamit sa pag-aaral na aking binili. Kumuha na rin ako ng mangkok upang mailagay ang binili kong ulam.
"Ayan na, wag mo sayangin yan at mag-aral kang mabuti, ako na ang bahalang mag-trabaho para sa atin. Mag-tipid na lamang tayo dahil hindi ganoon kalaki ang pasahod sa mga magsasaka rito ayon sa aking nalaman sa pagtatanong"
Bigla itong umiyak at niyakap ang aking bewang dahil iyon lamang ang kaya niyang abutin.
"Marami pong salamat!"
Tinawanan ko lamang ito at ginulo ang buhok, aking napagtanto na hindi ko dapat iugnay ang sarili sa batang ito. Sisiguraduhin kong nasa maayos siyang kalagayan na lamang bago ko lisanin ang lugar na ito, hindi ko maaaring hayaang mapalapit sa batang ito.

Komentar Buku (46)

  • avatar
    Rodrigo Jr Yandan

    jsjsjs

    26d

      0
  • avatar
    AyeshaAkiko Meñoza

    i love it

    29/07

      0
  • avatar
    ZorrillaLennie

    good

    27/07

      0
  • Lihat Semua

Bab-bab Terkait

Bab Terbaru