logo text
Tambahkan
logo
logo-text

Unduh buku ini di dalam aplikasi

Ikalimang Kabanata

"Saan niyo ako dadalhin?" Tanong ko sa mga ito pero hindi nila ako sinasagot.
Dinala nila ako sa isang pamilyar na lugar. Minsan ko na itong nakita pero hindi ako pumupunta rito. Ito ang bulwagan ng mahal na prinsesa. Mula sa malayo ay nakita ko ang bababeng nakatalikod. Nasisiguro kong siya ito dahil sa maharlika nitong kasuotan. Pinaluhod ako ng dalawang guwardiya.
Bakit ako naririto?
"Nagkita rin tayo," anito kaya inangat ko ang aking tingin ng pigilan ako ng guwardiya.
"Mahal na Prinsesa..."
"Magpakilala ka.."
"A-Ako po si Lili Roque. Ang personal na doktor ng prinsipe."
"Anong relasyon mo kay Punong Heneral Thomas?"
Natigilan ako. Paanong napasok si Marco sa usapan?
"Nakita ko kayong nagyayakapan kahapon."
Napapikit ako. Hindi lang pala ang prinsipe ang nakakita. Hayy...
"Magkaibigan lang po kami ni Marco. Magkababata kaya normal nalang yun samin. Ilang taon rin kaming hindi nagkita kaya hindi namin napigilan iyon." Ani ko habang nanginginig.
"Bakit ako maniniwala sayo?"
"Nagsasabi po ako ng totoo, kamahalan."
"Kung magkaibigan nga kayo may ipapagawa ako sayo," anito at umupo sa harap ko.
Inangat nito ang aking mukha kaya nagsalubong ang aming tingin. Porselana ang kanyang kutis. Napakaamo ng kanyang mga mata at ang tangos ng kanyang maliit na ilong. Mapula ang kanyang manipis na labi.
Napaiwas ako ng tingin. Napakapamilyar niya sobra.
"Ano po iyon, kamahalan?"
"Tulungan mo akong mapalapit sakanya."
"Ehh?" Umawang ang bibig ko.
Pinapunta niya ako rito para siguraduhing wala kaming relasyon ni Marco? At ngayon magpapatulong pa siya. Hindi ko nga matulungan ang kapatid ko, siya pa kaya?
"Bakit ayaw mo ba?"
Umiling ako, "Susundin ko po kayo, kamahalan."
Humalukipkip siya at ngumuso. "Pag matulungan mo ako, magkaibigan narin tayo." Anito at nginitian ako.
Napalunok ako. Mabait naman pala siya. Iyon ang nakakainis.
Matapos nun ay hinayaan na nila akong makaalis. Naiinis man dahil akala ko ano na ang mangyayari sakin ay nagpapasalamat parin ako dahil tungkol lang iyon doon.
"Pano kung hindi ko siya matulungan? Aba'y talagang hindi ko siya matutulungan."
Napasuntok ako sa ere. Nag-aalala ako sa iisipin ni Cris kung sakaling malaman niya ito. Pero anong magagawa ko? Utos na ng prinsesa eh. Patay ako pag hindi ako sumunod.
"Paano ko naman kukumbinsihin ang lalaking 'yon?"
"Sinong lalaki?"
"AYYY! Ginulat mo naman ako!" Binatukan ko si Ton na basta basta nalang sumusulpot.
"Mukha ka kasing tuliro kaya hindi moko napansin. Ano bang iniisip mo?"
Napatingin ako sa kanyang anyo. Nakasuot siya ng damit pang-Eunuch at mukhang ang gaan ng itsura niya.
"Masaya kaba kasi nakapasa ka?"
"Hala! Pano mo nalaman?"
"Aba'y syempre may tiwala ako sa talino ako."
"Oo na, ikaw na matalino."
Humalukipkip si Ton, "Ano ba yang iniisip mo? Ayos ka lang ba? Saka anong ginagawa mo sa lugar na ito? Hindi ba't sa prinsipe ka nagtratrabaho?"
Sumimangot ako sa sunod sunod na tanong niya. Gulong gulo na nga ako sa pinapagawa sakin ng prinsesa.
"Wag mo ng alamin, nasisiraan na ako ng bait."
"Mukha nga.."
Bumuntong hininga ako, "Eh ikaw? Anong ginagawa mo rito?"
Ngumisi siya, "Hindi paba halata? Dito ako nagtratrabaho. Isa ako sa mga eunuch ng prinsesa."
Napailing ako, "Hindi ko akalaing gusto mo pala maging Eunuch."
"Hindi ko paba nababanggit sayo?"
"Ang ano?"
"Kung sino ang taong nagugustuhan ko."
"Hindi mo sinabi. Sino ba siya?"
Ngumiti na siya ng pagkalaki laki, "Ang mahal na prinsesa."
Natigilan ako at nagugulat na napatitig sakanya. Wala na, puputok na talaga ang utak ka. Mas lalo lamang niyang dinagdagan ang sakit ng ulo ko.
"Ayos ka lang? Namumutla ka."
Umiwas ako ng tingin. "Wala."
Hindi ko muna sasabihin sakanya ang problema ko. Masasaktan lamang siya. Kailangan kong pag-isipan muna ito.
Ngunit paano ako makakapag-isip? Gusto niya ang prinsesa. Gusto ng prinsesa si Marco. At ang gusto ni Marco hindi ang prinsesa. Kung tutulungan ko ang prinsesa, masasaktan si Cris at Ton. Kung hindi ko siya tutulungan, may pambili kaya ng kabaong si Cris at Ton?
"Bakit siya ang gusto mo? Alam mo namang mahirap siyang abutin."
Lumaylay ang kanyang balikat, "Nauutusan ba ang sariling wag magkagusto?"
Umiling ako, "Pwede mong pigilan."
Tumigil siya sa paglalakad, "Ikaw lang naman ang magaling diyan. Paano ba naman kase, gusto karin ng taong gusto mo. Eh ako, hindi."
Natigilan ako, "Sino? Anong pinagsasabi mo diyan?"
"Hayy.. Wag ka ngang magpanggap diyan. Gusto niyo ang isa't isa ni Marco. Pinipigilan mo lang ang sarili mo dahil ayaw mong masaktan si Cris."
Simula't sapul, iyon ang iniisip ng mga kaibigan ko. Buong akala nila'y gusto ako ni Marco at gusto rin ako ni Marco. Ngunit mali sila. Wala kaming gusto sa isa't isa. Ang relasyon na meron kami ay kakaiba sa relasyon na inaakala nila. Hindi nila alam na isa lamang akong taong palaging nakasuot ng maskara, habang si Marco ang aking tagaprotekta.
"Master Ken?" Nagugulat na tanong ni Ton kaya napatingin ako sa harap namin.
Bumungad samin ang nagugulat rin na Prinsipe. "Ton?"
Patay...
"Uyy ikaw nga, Master Ken!" Lumapit dito si Ton at inakbayan pa ang kamahalan. "Oo nga pala at nagtratrabaho karin dito sa palasyo."
Hinila ko si Ton, "Ano kaba, wag kang didikit masyado sakanya."
"Eh? Bakit naman?" Nagtatakang tanong nito.
Tumikhim ang prinsipe, "Dapat malayo ka ng isang metro sakin. Huwag mo rin akong kaswal na kausapin. Wag mo ring sasalubungin ang mga mata ko."
Binigyan ako ni Ton ng nagtatanong tingin. "Bakit ko gagawin iyon?"
"Dahil..." Napaiwas ng tingin ang prinsipe. "Dahil isa ako sa kinatatakutan dito sa palasyo."
Nagtaka si Ton, "Dahil ba ikaw ang alalay ng prinsipe? Naiintindihan ko iyon. Ang mga tulad mo ay hindi talaga basta basta makakausap. Dapat kayo katakutan. Nagulat lang ako ng makita kita. Masaya ako, Master Ken."
"Isa kana bang Eunuch rito?"
Ngumiti si Ton, "Oo, Master Ken. Kayo po? Bakit hindi niyo kasama ang mahal na prinsipe?"
Umikot ang mata ng prinsipe, "May ginagawa siya."
"Bagay na bagay sayo ang kulay asul, Master Ken."
Natigilan ako at napatitig sa kasuotan ng Prinsipe. Mabuti naman at simple lang ito at hindi maharlika. Dahil kung maharlika nga ay talagang kanina pa siya nabuking. Pero nakakapagtatakang kailangang niyang magsinungaling.
"At dahil narito narin naman tayo, pwede niyo ba akong ipasyal sa lugar na ito?"
Siniko ko si Ton, "Anong tingin mo sa palasyo, pasyalan?"
Lihim na ngumiti ang Prinsipe, "Sige libutin natin ang palasyo para hindi ka maligaw."
Nagulat ako sa inakto ng prinsipe. Ilang beses ko ng tinapik ang aking mukha. Sinisiguradong bumait na naman ang prinsipe.
Ilang oras rin bago namin napagpasyahan magpahinga. Hindi naman buong palasyo ang nilibot namin dahil maraming tao. Maraming pwedeng makakita sa prinsipe.
"Napakaganda rito," aning Ton.
"Ginugutom na ako," reklamo ng prinsipe na ikinagulat ko.
"Kam--Master Ken, kumain na tayo."
Siniko ako ni Ton, "Bat siya lang? Nagugutom rin naman ako ah."
Napatingin ako sa prinsipe at malagkit na ang tingin nito sakin. Naiilang akong nag-iwas ng tingin ng magsalita siya.
"Ipagluto mo ako, binibini."
Gulat akong napatingin sa nakangiti ng kamahalan.
"Ako rin, Lili." Ani naman ni Ton.
"Kaso may dapat pa tayong gagawin."
Nangunot ang noo ng prinsipe, "Ano?"
Ngumiti si Ton, "Alam ko na iyan. Sumama ka samin, Master Ken."
Nagulat ang prinsipe, "Saan?"
Nagkatinginan kami ni Ton at sabay na napangiti.
--
"Anong ginagawa natin rito?" Kinakabahang tanong ng prinsipe.
Nasa loob kami ng manukan at balak naming manghuli ng mga manok para makapag-adobo. Ngunit mukhang natatakot ang prinsipe. Napakaraming manok at maiingay pa. Mukhang hindi siya sanay sa ganitong lugar.
Nagkatinginan naman kami at sabay na napatango. Hinabol namin ang puting manok ng lumipad ito palayo. Nagtatakbuhan at nagliliparan narin ang ibang manok. Natatawa kami minsan ni Ton at minsan naiinis.
Hinabol uli namin ang isa kaso natakasan kami. Muntik ko pang maapakan ang isa sa sobrang pagkataranta. Pareho na kaming nauubusan ng pasensya ni Ton. Pero wala kaming magagawa kundi patuloy lang sa paghuli.
Nang matanaw namin ang nag-iisang puting inahin ay nagkatinginan kami ni Ton. Sinenyasan niya akong magdahan dahan at nilapitan niya ito. Pero malakas rin ang pakiramdam ng inahin kaya nag-ingay ito.
Nang akma ng huhulihin ni Ton lumipad ito kaya hinabol ko. Pero ganun nalang ang gulat ko ng papunta sa prinsipe ang lipad nito.
Patay...
Hinabol ko parin ito hanggang sa pumatong ito sa ulo ng prinsipe. Napapikit ang prinsipe at pinagpapawisan. Nararamdaman ko ang takot niya ngayong hindi parin ito umaalis sa ulo niya.
Nang dumilat ang prinsipe at binigyan ako ng nagmamakaawang tingin ay sinenyasan ko siyang wag maingay na ginawa niya naman. Dahan dahan akong lumapit at hinanda ang aking kamay sa pag-abot dito. Masyado pa naman matangkad ang prinsipe.
Nang malapit na ay may naapakan akong bagay kaya nawalan ako ng balanse at bumagsak ang aking katawan sa prinsipe. Pero mas ikinagulat ko ang sumunod na nangyari. Sa pagbagsak namin sa lupa ay bumagsak rin sa ibabaw ng labi niya ang labi ko.
DUG.DUG.DUG.
Pareho kaming hindi nakagalaw. Nanlalaki ang mga matang hindi alam kung anong dapat gawin. Sa ilang segundong pagiging tuod ay nailayo ko ang katawan sakanya. Napabangon naman siya at sabay kaming tumingin sa ibang direksyon.
Kinakabahan na naman ako. Natutuliro ako at nakakaramdam ako ng sobrang hiya. Napakalambot ng labi niya kaya napailing ako sa naisip. Iyon ang pinakauna kong halik pero hindi dapat tawaging halik iyon. Hindi namin iyon ginusto at hindi rin sinasadya.
"Nahuli ko na!!" Napalingon kami sa sumigaw na si Ton. Napakalaki ng ngiti nito at may isang manok sa kanang kamay. Napalitan ito ng pagtataka ng mapatingin samin. "Ayos lang kayo?"
Hindi niya nakita?
Agad akong tumayo at pinagpagan ang aking sarili. Sobra na akong naiilang sa nangyari. Pakiramdam ko ay nanghihina na ang tuhod ko. Hindi ko alam saan ako kukuha ng lakas.
"Namumula kayo pareho, may nangyari ba?"
Nagkatinginan kami ng prinsipe at sabay na napaiwas ng tingin. Hinawakan ko ang aking pisngi at mainit nga.
"Wala namang nangyari," ani ko kay Ton, "Wala talaga. Walang wala!"
Nagtataka siyang napatingin sakin, "Edi wala, bat naninigaw ka?"
"Ang ibig kong sabihin, magluto na tayo."
"Ipagluluto mo siya?" Muntik akong mawalan ng balanse sa sinabi ni Ton.
Napansin ko ang tahimik na Prinsipe. Parang tulad ko ay hindi niya rin alam kung anong gagawin. Minsan siyang napapatingin sakin at agad na napapaiwas.
Napalunok ako.
Si Ton ang kumatay sa manok at ako naman ay hinanda ang mga sangkap. Nang mahugasan at mahiwa ni Ton ay saka na ako nagsimula sa pagluluto. Talagang naiilang ako sa sitwasyon lalo na't nanonood lang ang prinsipe samin. Maingay naman si Ton pero hindi nun nababawasan ang kahihiyang aking nararamdaman.
"Master Ken, masarap magluto si Lili. Pero mas masarap parin magluto ang kapatid nito na si Cris."
Hindi kumibo ang prinsipe. Pareho lang kaming naiilang parin. Pilit kong iwinawaksi sa isip ko ang nangyari pero paulit ulit nalang na nagpapakita sa isipan ko. Hindi ako makapaniwalang ng dahil sa insidenteng iyon ay mapapahamak ang aking labi.
"Uyy maraming mansanas dito. Master Ken, Lili, doon kaya tayo kumain sa ilog na maraming paru-paro? Napakaganda ng tanawin dun."
Napalunok ako, "Ano kaba, baka may mga tao."
"A-Ayos lang," aning kamahalan na nauutal pa. Ngayon lang siya nagkaganito.
Pumunta kami sa ilog na may maraming paru-paro. Inalalayan ako ni Ton na sumakay sa bangka kaya napatingin naman ako sa prinsipe. Pilit kong inalis ang pagkailang na nararamdaman saka inalok dito ang aking kamay.
Nangunot ang noo niya ng mapatingin sa kamay ko. Nailang tuloy ako dahil mukhang ayaw niyang tanggapin.
"Aalalayan na kita." Ani ko pero nanatili siyang nagtataka.
Nang hindi niya parin tinatanggap ay ibaba ko na sana aking kamay ng hulihin niya ito. Ganun nalang ang pagkagulat ko ng ipalupot niya ang kanyang isang braso sa aking bewang. Gamit ang lakas ng isang braso ay nagawa ako nitong ibinaba sa bangka na ipinagtaka ko.
Bakit niya ako ibinalik sa lupa?
Napansin ko ang nagtatakang tingin ni Ton at pabalik balik ang tingin samin. Nangunot ang noo nito at maging ako rin naman.
Sumakay ang prinsipe sa bangka at saka humarap sakin. Inilahad nito ang kamay na ipinagtaka ko. Maamo ang parehong mata nito.
"Tanggapin mo ang aking kamay, Binibini."
Natigilan ako at napatitig sakanya. Humihingi ng mas malinaw na ibig sabihin ng kanyang ginagawa. Hindi pa nga tuluyang nawawala ang pagkailang na nararamdaman ko kanina ay nadadagdagan na naman. Akala ko'y ganun rin ang nararamdaman niya pero heto't pinapakaba niya na naman ako.
"Ito ang pinakaunang beses na pinaghintay ang aking kamay."
Umawang ang bibig ko sa sinabi niya. Nakakaramdam man ng hiya ay tinanggap ko na lamang ito. Nang tuluyan na akong makasakay ay hawak niya parin ang aking kamay. Napatitig kami sa isa't isa.
"Ito rin ang pinakaunang beses na nag-alok ako ng kamay sa isang babae."
Napalunok ako at iniwas ang paningin sakanya. Paano niya nasasabi ito? Hindi niya ba alam kung ano ang epekto niyon sakin?
Nilapitan ko si Ton at tinulungan itong ilapag ang mga pagkain sa munting mesa ng bangka. Habang inaayos ko ang uupuan ng kamahalan ay napatitig ako sakanya. Nasa malinaw na ilog ang kanyang paningin habang nakatayo at parehong nasa likod ang dalawang kamay.
Nang bahagyang gumalaw ang bangka ay napahawak ako. Pero siya ay hindi man nagbago ang maayos na tindig. Mukhang nakasanayan niya ng sumakay rito.
Nang lingunin ako nito ay natigilan ako. Pinaningkitan niya ako ng mga mata at humalukipkip.
"Ahh.. Maupo na po kayo." Anito ko dito at sinunod naman niya. Umupo siya saaking harap kaya nakaramdam ako ng pagkailang. Tatayo na sana ako ng gumalaw na naman ang bangka.
"O siya, ako muna ang magsasagwan," aning Ton, "kumain na muna kayo."
Naiilang man ay hindi ako nagpahalata. Yumuko lang ako at hinintay siya magsimulang kumain. Nang makaraan ang ilang minuto ay hindi niya man lang ginalaw ito. Pag-angat ko ng tingin ay nakakunot noo na ito.
"Kumain na po kayo, kamahalan." Hininaan ko ang huling salita dahil baka marinig ni Ton.
"Paano ako makakakain kung may kaharap ako na animong nakagawa ng napakalaking kasalanan."
Malaki naman talaga ang kasalanan ko. Dinala ko sa ganung lugar ang kamahalan at muntik pa siyang mapahamak dahil sakin. Talagang malaking kasalanan ang nagawa ko. Bawal hawakan ang isang tulad niya pero yung nangyari, sumobra sa bawal. Pero aksidente yun at di namin inaasahan.
"Hindi ako makakakain."
Nagulat, "Ayaw niyo po ba ng luto ko?"
"Hindi ako magaling gumamit ng kaliwang kamay."
Nangunot ang noo ko, "Pwede naman pong kanan."
Bumuntong hininga siya at tinaas ang kanang kamay. Tinitigan niya ito na animong may naaalala.
"Walang akong ibang hahawakan sa kamay na ito."
Bakit naman?
Tumunghay siya sakin at tinitigan ako mata sa mata.
"Subuan mo 'ko."
Natigilan ako at napatitig sakanya. Hindi ko siya maintindihan at nagtataka ako bakit ayaw niyang gamitin ang isang kamay. Yan ang kamay na inalok niya sakin kanina. Iniisip niya bang madumi ang kamay ko na hinawakan niya kaya ayaw niyang gamitin? Hayy..
Nagdadalawang isip man ay sinunod ko nalang. Ano pa bang magagawa ko, dapat ko siyang sundin. Pinulot ko ang kutsarang pilak at naiilang na sinubuan siya. Hindi ko sinalubong ang kanyang mga mata dahil hindi ko kaya. Ngunit sadyang malikot ang mga mata ko at napatitig ako sa labi niya.
Napailing ako ng maalala ang nangyari kanina. Ang rami na talagang naglalaro sa utak ko, hindi ko 'to gusto. Tumingin ako sa ibang direksyon ng matigilan sa napakagandang tanawin. Napakaganda at makukulay ang mga nagsasayawang mga paru-paro. Napakagaan sa pakiramdam at napapangiti na lamang ako. Pinapalibutan ang aming bangka ng mga ito pero hindi naman ito lumalapit.
Napatingin ako kay Ton na natigilan pa sa pagsasagwan. Bahagyang nakaawang ang bibig nito pero nanatiling nakangiti ang mga mata. Napapikit ako, para akong nananaginip. Pagmulat ko ay saka ko nilingon ang prinsipe. Nakatitig na ito sakin habang nakangiti.
Nagtataka man ay sinuklian ko siya ng ngiti. Natigilan ito bago nag-iwas ng tingin. Ibinalik ko ang tingin sa napakagandang tanawin. Nababatid kong hindi lang ako ang nakakaramdam ng paghanga dahil nasisiguro kong pati rin ang mga kasama ko.
Napatingin ako sa kulay asul na paru-paro. Papalapit ito sa direksyon namin nang itaas ng prinsipe ang isang kamay. Natigilan ako ng napatitig sa prinsipe ng puno ng paghanga. Isa siyang napakagandang tanawin dahil sa kulay asul nitong kasuotan at dagdagan pa ng kulay asul na paru-paro sakanyang kamay. Ang kanyang pagiging magandang lalaki ay nadagdagan pa sa tamis ng kanyang ngiti.
Kung may talento lang ako sa pagguguhit ay baka iginuhit ko na siya. Natitiyak kong magugustuhan talaga ng lahat at satuwing nakatingin sila ay mararamdaman rin nila ang paghangang nararamdaman ko ngayon.
Napaiwas ako ng tingin. Hindi ko dapat nararamdaman ito. Natigilan ako ng bahagya niyang ilapit sa direksyon ko ang kanyang kamay. Hindi naman kumilos ang paru-paro na animong masunurin sa prinsipe. Nagtataka ako ng ngumiti siya habang nakatingin sa paru-paro at titingin sakin.
Anong ginagawa niya?
"Maliban sa napakagandang bulaklak na nababagay ilagay sa iyong tainga. Nababagay rin dito ang paru-paro na nakadadagdag sa iyong ganda."
DUG.DUG.DUG.
Sinasabi niya bang maganda ako?
Nag-iingay na naman ang dibdib ko. Kinakabahan na naman ako sa sitwasyong 'to. Nakakainis na talaga. Hindi ito pwede.
Nang pakawalan ng prinsipe ang paru-paro ay sinenyasan niya akong subuan ulit siya. Kahit naiilang ako ay ginawa ko nalang habang nakatingin sa paligid.
"Mas magandang tanawin ba ang paligid kesa sa kaharap mo?"
Napatingin ako sa prinsipe at nakakunot na ang noo nito. "Po?"
"Hindi ka man lang tumitingin sakin. Mabuti't hindi sa ilong ko pumasok ang pagkain."
Yumuko ako, "Pagpasensyahan niyo na kamahalan. Sadyang napakaganda lang po, ito na ata ang pinakamagandang tanawing nakita ko."
"Maganda nga, pero may mas maganda pa riyan."
Natigilan ako, "Talaga po? Saan iyon?"
Ngumiti siya kaya natigilan na naman ako, "Ipapakita ko sa iyo sa susunod."
Napaiwas ako ng tingin. Panay ang ngiti niya. Hindi ko tuloy mapigilang kabahan. Hindi ako pwedeng mahulog sakanya. Hinding hindi.
"Masarap ang luto mo." Aniya.
"Adobong Manok po ang tawag diyan.",
"Alam ko."
"Mas masarap po ang luto ng aking kapatid dahil sa aming dalawa siya ang mas masarap at magaling magluto."
Tumingin siya sakin na animong hindi kumbinsido. "Hindi ako naniniwala."
Natigilan ako, "Ahh ganun po ba? Siguro mas masarap magluto ng adobo ang tagapagluto niyo." Nahihiya kong ani.
"Hindi rin."
Naguguluhan akong napatitig sakanya.
"Alam mo kung kaninong pinakamasarap na adobo ang natikman ko?"
Sino? Ang aking ina ba? Wala akong matandaang pinagluto siya ni Ina. O kaya'y masarap magluto ang mahal na reyna at iyon ang pinakamasarap sakanya?
Nang mapatingin ako ulit sakanya ay ngumiti siya, "Adobo ni Lili."
Ako ba iyon? Lili Roque? Sigurado na?
Masyado atang mainit ang panahon at kailangan kong maramdaman ang pag-iinit ng aking pisngi. Ano bang meron sa prinsipe at hindi ako makaakto ng maayos dahil sa pinagsasabi niya? Kainis.
Ako ang tipong taong hindi basta basta nakakaramdam ng takot. Kung kinakailangan kong lusubin ang bulwagan ng sinumang makapangyarihan ay hindi ako matatakot. Kung tututukan ako ng espada ng mga taong may matataas na posisyon ay hindi parin ako matatakot. Parusahan man ako ng hari at malaman man nilang ako si Mask Princess ay hindi parin ako matatakot. Kung kinakailangan sumabak ako sa gitna ng digmaan ay wala akong mararamdamang takot. Kaya kong ibuwis ang aking buhay basta't hanggat kamatayan ay may ipinaglalaban ako. Hindi ako natatakot.
Pero sa unang pagkakataon ay nararamdaman ko na. Ang pader na itinayo ko sa pagitan namin ng prinsipe ay ikinakatakot kong bumagsak. Ang pusong ikinulong ko sa isang hawla ay ikinakatakot kong tuluyang mabuksan.
Natatakot akong ang prinsipe ang makahanap ng susi ng aking hawla. Natatakot akong makita niya ang puso ko ay durog durog na. At kung mapapamahal ako sakanya, mas lalo lang itong madaragdagan.
Hindi ko hahayaang mas madurog pa. Hindi ko hahayaang madagdagan ang aking lungkot. Hindi ako kahit kailan man mapapaibig sa taong dapat ay itinuturi kong kaaway.
Ilang araw rin ang dumaan simula ng maghigpit ang patakaran ng palasyo. Hindi na basta bastang makakalabas at mas rumami pa ang kawal. Maraming usap-usapan tungkol sa rebelde na nasisiguro kong ako. Lahat ay nagtataka sa kung sino iyon.
Ilang araw rin simula nung huli kong makita ang prinsipe. Mas mabuti narin iyon dahil ayaw ko siyang makasama araw-araw. Ang sabi ni Master Ken ay abala daw ito pero hindi niya sinabi sakin ang dahilan.
Humiga ako sa ilalim ng puno at ginawa kong unan ang sariling mga braso. Napatitig ako sa nakakasilaw na kalangitan. Masyadong masakit sa mata ang liwanag. Ilang gabi rin akong hindi nakakalabas ng dahil sa paghihigpit sa palasyo. Kasalanan lahat ito ni Heneral Ybarra.
"Binibini," natigilan ako't napatingin sa nagsalita.
"Master Ken," tumayo ako't hinarap siya.
"Maaasahan kaba talagang doktor?"
Bahagya akong nagulat sa tanong niya, "Ilang araw na akong nanatili rito pero ngayon niyo lang naisipang magtanong."
"Maliban sa mahal na prinsipe, wala akong ibang pinagkakatiwalaan rito."
"Magaling ako sa larangan ng paggagamot, asahan mo iyan Master Ken."
Tumitig siya sakin na puno ng lamig ang mga mata. Hindi talaga siya marunong magpakita ng ibang reaksiyon. Nakakatakot tuloy yung paraan ng pakikipag usap niya.
"May isa pa akong sasabihin,"
"Ano iyon?"
"Wag mahuhulog ang loob mo sa prinsipe."
Natigilan ako.
"Hindi niyo man ako kasama ay pinagmamasdan ko kayo mula sa malayo. Kung ayaw mong mapahamak ang iyong kaibigan ay payuhan mo siya na lumayo na sa prinsipe."
Alam kong tama si Master Ken at pabor ako sa gusto niyang mangyari. Ngunit nakapagtatakang nakaramdam ako ng panlulumo. Ano nala kaya ang iisipin ni Ton tungkol rito.
Bumuntong hininga ako ng malalim.
Pag gumaling na ang prinsipe ay aalis na ako ng palasyo. Kung tutuusin ay pwede naman akong manatili sa aming bayan at pupunta lang ako ng palasyo pag kailangan. Pero nakakapagtatakang kailangan kong manatili rito.
Mabuti narin ito, lahat ng kaaway ko ay malapit lang sakin.
Tumingala si Master Ken sa langit kaya ginaya ko rin siya.
"Hindi pwedeng maulit ang nakaraan."
Natigilan ako.
"Minsan nang dumanak ang dugo ng dahil sa pagmamahalan ng dalawang taong hindi sa isa't isa nakalaan."
Nagugulat akong napatitig kay Master Ken. Akala ko't nakalimutan na ng lahat ang mapait na nangyari noon. Pero heto siya't sinasabi ang istorya ng nakaraan na hindi dapat basta bastang binubuksan.
"Hindi ko po kayo naiintindihan, Master Ken." Pinilit kong magmukhang inosente at di makuha ang kanyang sinasabi. Hindi ako dapat magpadala sa galit na kasalukuyan kong nararamdaman.
"Alam ng lahat ang tungkol roon."
"Ngunit hindi mo basta basta ikwekwento iyon sabi ng aking Ama."
Tumitig siya sakin, "Alam ko."
Ngumiti ako, "Alam niyo pala, pasalamat ka mabait ako. Hindi kita isusumbong."
Nakaramdam ako ng pagkailang ng nanatili siyang nakatitig sakin.
"Alam mo bang hindi lahat ng ngiti ay totoo. Dahil kung sino pa yung may pinakamatamis na ngiti, sila pa ang may pinakamapait na kwento."
Tuluyan ng nabura ang aking ngiti at nagtatakang napatingin sakanya. Sa paraan ng pagkakasabi niya ay may nalalaman siya. Alam kong likas siyang matalino pero mahirap matukoy kung sino talaga ako. Pero sa pagkakataong ito ay nakaramdam ako ng kaba sa posible niyang maging sagot.
"Sumunod ka sakin."
Nag-aalangan man ay sinunod ko ito. Nasa likod lamang ako at pinagmamasdan si Master Ken. Iginiya ako nito sa loob ng palasyo.
Napatitig ako sa malaking pintuang minsan kong binalak pasukan. Kung hindi lang naging pakialamero si Heneral Ybarra ay baka tuluyan ko itong napasok nung huli.
"Wag kang titingin sa mga mata ng kamahalan." Aning Master Ken kaya natigilan ako. "Nasa loob ang prinsipe, umayos ka."
Sa pagkakataong ito hindi ang prinsipe ang nasa isip ko. Ngunit hindi ko matukoy kung bakit kailangan kong mag-ingat sa pagpasok. Bubuksan ko na sana ang pinto ng pigilan ako ni Master Ken sa braso.
"Wag mo siyang tanungin, gawin mo lang ang trabaho mo bilang doktor." Aniya at pinagbuksan ako ng pinto.
Mula sa di kalayuan ay natanaw ko ang nakaupong pigura. Nakasuot maharlika ito't ramdam ko ang kakaiba nitong awra. Mayroon ring takip ang mukha nitong animong ayaw nitong makita ko ang mukha niya. Kung hindi ako nagkakamali ay hindi prinsipe ang kaharap ko.
Kung ibang tao lang ako'y hindi ko mahahalata ang kaibahan nila ng prinsipe. Parehong damit at katawan. Ngunit para saan pa ang pag-eensayo ko ng ilang taon upang hindi matukoy ang kaibahan nila.
Yumuko ako't lumapit dito. Sinimulan kong ayusin ang materyales at napatitig sa kamay nitong may saplot din. Nanginig ako ng akmang hahawakan ito nang itaas nito ang kamay tinanggal ang telang nakapalibot dito. Nagugulat akong napatitig sa may katandaan nitong kamay ngunit kutis porselana parin.
Hindi ako nagkakamali. Hindi ito ang prinsipe.
Nang tuluyan ko ng mahawakan ang kamay nito ay naramdaman ko ang init ng balat nito. Pakiramdam ko'y isang kuryente ang dumaloy sa pagitan ng aming kamay. Pilit kong kinalma ang aking sarili at pinakiramdaman ang kanyang pulso.
Umawang ang bibig ko ng maramdaman ang tibok ng kanyang pulso. Nanginginig kong pinigilan ang aking sarili na ipakita ang aking pagkagulat. Pero hindi ko nakayanan, nanlumo ang aking mga paa't nawalan ako ng balanse. Ngunit bago ako bumagsak sa sahig ay hinawakan nito ang aking kamay ng mahigpit. Dahan-dahan nitong inalis ang telang nagtatago sakanyang mukha na ikinalaki ng aking mga mata.
Tumambad saakin ang may katandaan ng lalaki ngunit lumilitaw parin nito ang gwapong mukha. May balbas rin ito na siyang nababagay lang sakanya. Ang mga mata nito'y malamig at balat nito'y ang init. Bakit ngayon ko siya kailangang makita? Ngayong wala akong dalang sandata.
"Mahal na hari?" Nagugulat kong tanong.

Komentar Buku (29)

  • avatar
    Tisoy Mandeoya Laquip

    thank you

    13/07

      0
  • avatar
    Kristen Talaban

    It's good

    10/07

      0
  • avatar
    Ken Ken

    Nice one

    24/06

      0
  • Lihat Semua

Bab-bab Terkait

Bab Terbaru