logo text
Tambahkan
logo
logo-text

Unduh buku ini di dalam aplikasi

Bab 5 Lumalandi Na

SUNOD-SUNOD na buntong-hininga ang naririnig ni Tisay galing kay Ray na katabi niya ngayon sa pedicab, si Kakay naman ay kasama ng Nanay Mila niya sa isa pang pedicab na inarkila nila para ihatid sila. Hindi naman kasi sila magkakasya sa isa lang lalo na't tatlong malalaking sako bag ang dala nila.
Nilingon niya ito. "Ayos ka lang?" pang-uusisa niya rito.
"Yap," sagot ng binata nang hindi siya tinitingnan.
Napalabi siya. Bakit parang hindi siya naniniwala sa sagot nito? Sa hitsura kasi nito na sobrang seryoso at sa lalim ng mga buntong-hininga na pinakakawalan, hindi iyon ang usual Ray na kilala niya.
Inilipat niya ang tingin sa unahan at wala na rin sa loob na napabuntong-hininga. "Hindi mo naman kailangang sumama kung may importante kang dapat puntahan, Ray." Naramdaman niya ang paglingon at ang paninitig nito sa kaniya.
Malaking lalaki si Ray. Matangkad ito, pakuba na nga ang pagkakaupo para lang hindi mauntog sa bubungan ng pedicab. May magandang pangangatawan, halatang alaga sa gym o talagang sanay itong nagbubuhat ng mabibigat. Nakapahinga sa magkabilang hita nito ang mga braso.
Halos magdaiti na ang hita nila at braso at hindi ito gumagalaw– na para bang makagagawa ito ng kasalanan oras na kumilos ito. Talagang ulo lang nito ang gumalaw para tingnan at titigan siya.
"I want to know where you live. I want to meet your tatay and your sister," seryosong sagot nito na nagpangiwi sa kaniya dahil nag-ingles na ito.
Hindi niya alam kung bakit nasabi niya iyon. Halata naman kasi sa reaksiyon ni Ray kanina nang tanungin niya kung makakasama ba ito. Hindi talaga tumanggi ang binata at halata sa boses ang saya.
Kaso kasi, nang datnan nila ito pagbalik galing sa pagsundo sa pedicab na inarkila nila, ang tahimik na ni Ray. Ang seryoso na ng mukha at hindi na ngumingiti. O, baka nakaramdam lang ito ng pagod.
"Maliit lang ang bahay namin, Ray. Alam kong mayaman ka, base na rin sa narinig ko sa girlfriend mo. Kaya baka mas malaki pa ang cr ninyo kaysa sa bahay namin. Sa sobrang liit nga lang no'n parang kasing hirap namin ang mga daga. Noong maliit pa kami ni ate, malaki na sa paningin ko iyong bahay namin. Kaso habang lumalaki kami, doon ko nararamdaman na pasikip nang pasikip iyong bahay namin. Pero ayos lang, ang mahalaga naman kumpleto ang pamilya ko. Meron akong tatay, nanay at kapatid. Nakakakain kami nang maayos at masaya kami. Ikaw? May mga kapatid ka ba? Nasaan ang mama't papa mo?"
"Magkasundo ba kayo ng ate mo?" sa halip na sagot ay tanong din ni Ray sa kaniya. Saglit niya itong nilingon.
"Ayos lang. Hindi kami masiyadong nag-uusap. Hindi rin naman kasi kami madalas na nagkakasama. Tuwing pasukan, halos sa gabi na lang kami nagkikita. Pang-umaga kasi siya, hahandaan ko lang siya ng agahan tapos papasok na siya. Panghapon naman palagi ang pasok ko. Hindi na niya ako madadatnan pag-uwi niya. Kapag bakasyon naman gano'n din dahil tinutulungan ko si nanay magtinda. Diyan ako pumapasok, oh!" Itinuro niya rito ang mataas na paaralan nang madaanan nila ito.
"Ikaw? May mga kapatid ka ba?" tanong niya ulit dito.
"Yap. Ako ang bunso. Twenty-two ang panganay, twenty naman iyong sumunod, tapos ako eighteen. Puro kami lalaki."
"Oh…"
"Patay na ang mommy namin. She died while carrying on her tummy, our supposedly younger sister. But mom has heart complications, so as the baby. Sadly, they both died."
"Hala… sorry."
"It's fine. We have to move on. My dad is in States right now."
Nakaramdam siya ng awa dito. Hindi niya alam ang pakiramdam na mawalan ng magulang, pero alam niyang sobrang sakit iyon. Tapos pati kapatid at nag-iisang babae pa sana ng pamilya nito.
Pero sa tingin niya, hindi nito kailangan ng awa. Mukhang natanggap naman na ni Ray ang pagkawala ng dalawang mahalaga sa buhay nito. Masigla itong makipag-usap sa lahat at kung tumawa ito, parang wala ng bukas.
"Nandito na tayo. Hindi na makakapasok sa loob itong pedicab kaya lalakarin na lang natin. Ngayon palang sorry na agad, magulo at marumi ang paligid namin, Ray."
Huminto ang pedicab bago makarating sa isang eskinita. Naunang bumaba si Ray. Kinuha nito ang sako bag para makababa si Tisay. Inalis niya sa pagkakatali ang isang sako bag na nasa bubong atsaka iyon binuhat. Inilagag niya sa kanang balikat ang isa, dala-dala naman ng kaliwang kamay ang isa pa.
Akmang pagtutulungan ni Kakay at Tisay ang pangatlong sako bag na nasa bubong ng isang pedicab, ngunit mabilis iyong inawat ng driver at sinabihan na rin ito ni Ray na ihatid sila.
Tama nga si Tisay, marumi ang paligid. Nangingitim ang itim na putik sa paligid, nakakasulasok anv amoy niyon. Maraming mga bata ang hubad-baro, lalo na iyong mga paslit. Mga nakayapak at tila balewala ang dumi ng lugar na pinaglalaruan ng mga ito.
Magkakatabi ang bahay. Mayroong gawa sa semento pero hindi tapos, mayroong yari sa pinagtagpi-tagping yero o tabla. Mabababa lang taas ng bahay, mayroon ngang lagpas pa ang tangkad ni Ray.
Ang mga kawad ng kuryente ay sali-saliwa— na kung mamalasin baka pagmulan pa ng sunog.
Nauuna sa paglalakad ang walang dala-dalahing si Aling Mila. Sumunod ay silang tatlo na ni Tisay at Kakay. Kinuha pa nga ni Tisay ang isang handle ng sako bag na bitbit niya para tulungan siya doon.
Pero nang papasok na sila sa eskinita na sa sobrang kitid, isa o dalawang taong walang bitbit lang ang magkakasya. Humiwalay tuloy si Kakau at nauna, bumitiw naman si Tisay sa hawak nitong strap ng sako bag dahil hindi sila magkakasya. Pinauna siya nito.
Ilang metro din ang kahabaan ng eskinita. Habang papalapit sila nang papalapit ay naririnig na ni Ray ang samu't saring ingay. Mayroong nagbabangayang mag-asawa, binubungangaang anak. May sumisigaw ng 'Jueteng', mayroon ding naniningil ng upa.
Inilinga ni Ray ang paningin sa paligid pagkalabas na pagkalabas sa eskinita. Sa kanang gilid ng pader ay may pintuan, nakatambay doon ang isang ginang na abala sa panghihinguto sa anak nito. Sa kaliwang gilid naman ay may nakalatag na mesa kung saan mayroong mga nag-to-tong-its.
May mga miron na nanonood sa mga ito, na nang matanaw sila ay agad na nang-usisa.
"Hala! Ang pogi! Ate Tisay, sino iyang kasama mo?"
"Ate Tisay, jowa mo? Pakilala mo naman kami!"
"Porke pogi jowa agad ni Tisay? Hindi ba pwedeng jowa ko?!" singhal ni Kakay sa mga nang-uusyoso.
Nagtawanan ang mga ito.
"Si Kuya Totoy ang bagay sa `yo, Ate Kakay!"
"Aba'y lecheng bata `to! Iyang bibig mo pasmado, ha! Kapag ako pumuti, hu u kayo sa akin!" aniya na tinawanan lang uli ng mga nakarinig.
Nilampasan lang nila ang mga ito. Nagdi-diretso pa sila nang lakad. Nalampasan na nila ang maliit na basketball court, kung court nga bang matatawa iyon dahi improvise lang ang basketball ring na inilagay sa poste ng kuryente.
Pero kumpara sa labas, bago sila pumasok ng eskinita, bahagyang malinis ang loobang iyon maliban sa maraming residente ang nakatambay sa labas ng mga bahay, marahil ay nagpapahangin at nagpapalipas ng oras.
"Sino iyang kasama mo, Tisay? Ang gwapo, ah. Nobyo mo ba?" tanong ng isang ginang na madadaanan nila.
"Kaibigan po, Aling Mercedes," tugon ni Tisay na kaagapay na muli ni Ray sa pagbubuhat ng sako bag. Gusto nga sana niya itong tanggihan, pero iyong pakiramdam na kasabay niya ito sa paglalakad ang pumipigil sa kaniya.
"Aking jowa iyan, Aling 'Des."
"Kuu, magtigil ka nga Kakay. Mas bagay sila ni Tisay," pananabla ng ginang na inismiran ni Kakay.
"Pasensiya ka na, Ray, ha? Bagong mukha ka kasi dito kaya ganiyan sila makausyoso."
"Ayos lang. Parang ang saya dito."
"Oo, masaya nga dito. Huwag nga lang may mag-aamok," sagot ni Tisay na sinundan nito ng halakhak.
Hindi tuloy maiwasan na titigan ito ni Ray. Ang tunog ng tawa nito na ang sarap pakinggan. Iniisip tuloy niya kung nararamdaman ba ni Tisay ang nararamdaman niyang pagkabalisa matapos marinig ang tila pambabalewala rito ni Aling Mila.
Na kung tutuusin narinig lang niya, pero ito ang nakakaramdam sa kung paano ito ituring ng sarili nitong ina.
"And now, welcome to the Dimaguiva mansion. Ang mansyong isang hangin na lang ang pipirma, magigiba na," mahinhin at bakas ang hiya na ani Tisay nang tumapat sila sa bahay na gawa sa tinagpi-tagping tabla, tira-tirang plywood at kahoy.
"Ayieee, meet the family na ba ito, Tisoy?"
Napangiti siya sa pang-aasar ni Kakay. Iginala niya ang paningin sa kabuuan ng bahay at sa mga katabing bahay.
Kumpara sa karamihan ng bahay na nandoon, masasabing kahit papaano ay maayos ang pagkakagawa sa bahay nila Tisay. Siguro dahil na rin karpintero ang tatay nito.
"Medyo nataasan na iyong bubong namin. Ginawan kasi ako noon ni tatay ng sarili kong kwarto. Maliit pa rin, pero hindi ka naman mauuntog. Dito lang sana tayo sa labas, kaso kasi dudumugin ka nila. Kung sa loob tayo hindi sila makakapasok dahil bubungaan sila ni nanay." Humahagikgik ito matapos iyong ikwento.
Napansin niyang lalo itong nagmumukhang inosente kapag tumatawa ito nang ganoon. Para itong sampung taon kahit pa kinse anyos na ito.
"Tara, pasok ka. D'yan mo na lang sa gilid iyan ilapag." Naunang pumasok si Tisay sa bukas na pintuan at itinuro nito ang gawing kaliwa.
Naroon ang square na puting monoblock table. Nakahain na sa ibabaw niyon ang ilang dilaw na tupperware na sa tingin niya ay laman ang mga niluto ng dalagita.
"Kuya Totoy, mananghalian muna kayo rito."
"Hindi na, Tisay. Hinihintay ako ni Pablo sa labas."
"Gano'n ba? O, ito na lang." Inilabas nito ang dalawang shawarma at gulaman na binili niya para dito at inabot iyon kay Totoy. "Ito iyong bayad ko. Salamat, ha? Bukas ulit."
"Sige, Tisay. Salamat dito."
Hinatak ni Tisay ang isa sa apat na monoblock chair at ibinigay iyon kay Ray. "Upo ka. Iinitin ko lang iyong mga niluto ko. Nay, si tatay po?"
"Aba malay ko! Wala akong naabutan dito pagpasok ko. Baka naharang iyon nila Kaloy," anito. Lumabas ito mula sa pintuang natatabunan lang ng kulay rosas na kurtina na katapat ng pintuan.
May ganoon ding kurtina sa gawing kanan at sa itaas. Tabla ang dingding at sa gitna niyon ay may ilang baitang ng kahoy na siya yatang hagdan para makaakyat sa itaas.
"Hala! Ano ba `yan si Tatay! Teka, Ray, susunduin ko lang si Tatay."
"Hoy, bakla ka! Iiwan mo pa iyang si Tisoy. Ako na ang tatawag. Bibili na rin ako ng coke," prisinta ni Kakay at agad na itong lumabas.
"Nakakahiya, Tisay. Wala akong regalo."
"Ayos lang. Hindi naman importante iyon kay tatay. Atsaka may regalo naman ako sa kaniya. Ay, teka lang ha? Kukunin ko lang sa kwarto ko."
Mabilis siya iniwan ni Tisay at tumungo doon sa ilang baitang ng mga kahoy. Sinusundan niya ito ng tingin, pero nang umakyat ito sa bawat baitang ay iniiwas na niya ang paningin dito. Masiyadong maiksi ang suot nitong short at makikitaan niya ito.
Dumako ang tingin niya sa mga nakalatag sa lamesa. Naroon na sa kabilang pwesto nakaupo si Aling Mila at hindi na nakapaghintay sa may kaarawan. Lumalantak na ito ng pancit bihon. Kahit naman sabihing nakaaalwan sila sa buhay kilala pa rin niya ang mga pagkaing Pinoy, lalo na't madalas magluto ng mga gano'ng pagkain ang yaya niya. Iyong dalawa namang nasa tupperware din ay afritada at caldereta. Hindi lang niya alam ang kung ano ang afritada doon at caldereta dahil nalilito siya sa dalawang iyon.
Natatakam siya sa amoy. Lalo na't si Tisay raw ang nagluto ng mga iyon.
Ilang sandali pa nakita na niya mula sa peripheral vision niya ang pagbaba nito, pinigil niya ang sariling lingunin ito hanggang sa makababa ito.
Ilang sandali lang din ay pumasok na si Kakay, may kasunod itong matangkad at bahagya nang may edad na lalaki. Sunog sa araw ang balat nito at bahagya namang namumula ang mukha.
"Nandito na pala ang bunso ko!"
"Tatay naman, eh! Sabi ko h'wag kang iinom, `di ba? Naku, kapag ikaw napaaway na naman!"
"Pagbigyan mo na si tatay. Birthday ko naman, bunso. Atsaka nakakadalawang tagay palang ako."
"Magandang tanghali po." Tumayo si Ray at humarap sa lalaki.
"O? May bisita tayo? Sino ito, Tisay?
"Tay, si Ray po. Kaibigan namin ni Kakay. Bagong boy siya ni Mr. Ching. Ray, ang Tatay Roberto ko."
"Nice meeting you, Tay at happy birthday na rin po," magalang na bati ni Ray dito.
"Aba'y, nobyo mo ba ito, bunso? Kagwapo mo totoy, ah. Salamat. Hala, maupo ka. Tamang-tama, may makakainuman pala ako. Binigyan ako ng foreman namin ng Jack Daniels ba iyon. Pers taym masasayaran ng mamahaling alak ang lalamunan ko."
"Tatay naman!"
"Kuuu, hayaan mo nga iyang tatay mo, Tisay! Ang ingay ninyo!"
Napalabi na lang si Tisay at inilabas ang mga kamay na may tangan sa regalong itinatago sa likuran nito. "Happy birthday sa mahal kong tatay."
"Talaga naman itong bunso ko. May pakain na may regalo pa. Salamat, anak."
"Happy birthday, Mang Roberto. Ang totoo niyan, suhol iyan ni Tisay. Magkakaboypren na kasi iyang anak ninyo…" bati naman ni Kakay at kunwari ay pabulong ang huling sinabi nito.
"Hindi, Tay ah!"
"Anong usapan natin, bunso?"
"Tay, hindi nga kasi. Kakay, manahimik ka nga." Nakabusangot na ito at masama ang tingin sa kaibigan. "Ray, sabihin mo nga kay tatay na hindi naman. Hindi ka ng nanliligaw, di ba?" Gustong matawa ni Ray dahil nangangamatis ma sa pagkapula ang mga pisngi at tainga nito.
"Hindi ba, totoy?"
"Kung magpapaalam po ba ako na liligawan ko si Tisay, papayag po ba kayo?"
"Ray!"
"Yon, oh!"
"Hayaan mo nga iyang si Tisay kung gusto nang lumandi!"
"Sinong gustong lumandi?"
Pare-pareho silang napalingon sa may pintuan. Babaeng hindi nalalayo ang edad kay Tisay ang nakatayo roon. Hanggang leeg ang maikli nitong buhok at namumula ang mga labing gawa ng lipstick. Nakasuot ito ng pink na spaghetti strap blouse at maikling maong short at tsinelas na bagong uso, na kumpara sa suot ni Tisay na halatang mga pinaglumaan na, ang suot nito'y halatang bago pa.
"Ate…"
"Iyang kapatid mo, lumalandi na," sagot ni Aling Mila.
"Hindi naman totoo, Ate. Gusto ko pang makapagtapos ng pag-aaral."
Inirapan ito ni Anisa at tinungo ang mesa. Kumuha ito ng isang shawarma. "Kapal naman ng mukha mo. Pinag-aaral ka nila nanay at tatay tapos pag-bo-boyfriend iyang inaasikaso mo. Infairness, ang gwapo niya, ha. Anong pangalan mo?" Baling nito kay Ray.
"Ray. Kaibigan lang ako ni Tisay. At kung manliligaw man ako, kapag nakatapos na siya."
"Pabayaan n'yo nga iyang si Tisay. Hayaan ninyong mag-asawa nang makalayas na dito! Hindi na nga makatulong, ang hilig pang gumastos!"
"Mila! Iyang bibig mo!"
"Kuuu! Sige, kampihan mo iyan! Magsama kayong parehong bwiset sa buhay!" Nagdadabog na tumayo si Aling Mila at lumabas ng bahay. Sinundan naman ito ni Anisa at bago pa tuluyang makalabas ay nakangising tiningnan ang kapatid.
Nilapitan ni Mang Roberto ang bunsong anak at niyakap ito. "H'wag mo nang intindihin ang nanay at kapatid mo. Salamat sa pahanda at regalo mo, bunso. Tandaan mo, mahal na mahal ka ng tatay," anito at kinintilan ng halik sa ulo si Tisay.
Nakaramdam ng pagka-guilty si Ray nang makitang mabilis na nagpunas ng mga pisngi at nagkusot ng mga mata si Tisay. Sana pala hindi na siya nagsalita nang ganoon. Kung alam lang niyang magkakaganito dahil lang sinubukan niyang magpaalam para manligaw, sana pala ginawa na lang niya nang sila-sila lang.
Lumapit din si Kakay sa kaibigan at nakiyakap sa mag-ama. "Love na love ka namin, Tisay. Hayaan mo na nga ang bruhang nanay mo. Palibhasa mas maganda ka kaysa kay Anisa," pang-aalo nito.
Lalo pang nanikip ang dibdib ni Ray nang marinig ang sunod-sunod na paghikbi ng dalagita. Halatang pinipigil nito ang umiyak, ngunit hindi kinakaya ng mga mata nitong namamasa na namang muli sa mga luha.

Komentar Buku (30)

  • avatar
    Marjun Masapol

    next po madam sobrang sobrang ganda po ng storys po promis

    1d

      0
  • avatar
    Sarah Eunice Solmayor

    ang ganda po

    20d

      1
  • avatar
    Flor C. Panugaling

    🥰🥰🥰

    20d

      0
  • Lihat Semua

Bab-bab Terkait

Bab Terbaru