logo text
Tambahkan
logo
logo-text

Unduh buku ini di dalam aplikasi

IKA-APAT NA SULYAP

ANG PAKIUSAP
Pagbalik ay binibilisan ko ang paghakbang ng aking mga paa. Tuwid lamang ang aking tingin sa kalsada upang 'di ko na siya muling makita. Konting lakad na lamang at heto na ang kantong aming pinagkrusan ng landas. Pilit kong itinutuwid ang aking mga mata nang ako ay nalalapit na ngunit..
Paglapat ng mga paa ko kung saan ko sya nakita kanina ay kusa itong huminto. Maging ang pagpaling ng aking paningin ay nangyari din. Asan na ang aking sinasabing ayoko na siyang makita? Bakit tila 'di ko 'yon matupad.
Paglingon ko sa kanya ay muli kong nakita ang isang kaluluwang gusto nang katahimikan. Hawak-hawak ang kanyang mga lumang dyaryo na nakatayo at nakatingin din sa akin. Tila ako'y isang nauupos na kandila na kusang tumutulo ang luha dahil sa aking nakikita.
Pinagmasdan kong saglit ang may bitak niyang mukha at ang napakaruming pilipit na paa. Napakasakit siguro ng inabot niya. Nasa kasalukuyang paghahalo ang aking emosyon nang magsalita siya at sinabing..
"Sige na po Ate.. Baka hinahanap na ako ng aking lola.. Siguradong nalulungkot na siya dahil napakatagal ko nang 'di umuuwe.."  sabi niya sa akin.
At heto na nga. Kapag ako ay pumayag sa kanyang gusto ay siguradong wala nang atrasan ito. Ngunit naisip ko rin na kung 'di ako ang makakatulong ay meron pa bang iba?
Marahan akong lumapit sa kanya. Tumingin muna sa aking paligid kung meron na namang nakamasid. Pagtapos noon ay..
"Sige, hindi ito isang pangako ngunit pipilitin ko sa abot ng aking makakaya.."  aking sinabi sa kanya.
Napangiti ko ang batang kaluluwa sa aking tinuran. At muli..
"Ngunit 'di ko alam kung saan ka nakatira? Paano ko mahahanap ang fyong lola?"  bulong ko sa kanya.
Pagkasabi ko noon ay siyang takbo niya. Tumakbo ang batang nagtitinda ng dyaryo sa isang malawak na kalye na puros bakanteng lote lamang ang laman, malapad ang kalsada ngunit wala namang dumaraan. Tanaw ko pa rin siya mula sa aking kinatatayuan, at nang mahinto sa isang poste ay ako'y kanyang kinawayan.
Batid ko ang ibig niyang ipahatid. Sumunod naman ako at lumapit kung asaan siya. Matindi naman ang sikat ng araw kung kaya at wala akong dapat na ikabahala sa aking pagpunta.
Paglapit ko ay itinuro niya ang poste ng ilaw na naliligiran ng mga damong ugat.
"Ito?"  tanong ko.
Hinawi niya ang mga damong ugat at nakita ko na ang kanyang nais isiwalat. Isang lumang poster ang naroo'y nakadikit. Akin itong pinilas ngunit sa sobrang kalumaan ay agad din itong naalis.
"Ruben Tesoro..missing? June13,2010? Ikaw 'to ah!"  sambit ko.
Kasalukuyang binubusisi ko ang lumang poster na hawak ko nang may biglang dumaang humaharurot na sasakyan.
"Hah!"
Nagulat ako dahil napakabilis nito. Hindi ko rin naman inasahang may mga nagdaraan palang sasakyan sa kalsadang ito. Malawak kasi ang kalye at ang isa pa ay walang masyadong bahay kung kaya at puwede ka talagang magpaharurot ng sasakyan, at kung may madisgrasya ka man ay libre ang iyong pagtakas dahil siguradong walang makaka alam.
May biglang sumagi sa aking isip habang nakatanaw sa kalye. Hindi kaya?
"Dito po ako nasagasaan Ate.. Dito, sa mismong kinatatayuan natin.."  sabi ng bata.
Tama nga ang aking naisip. Isa nga siyang biktima ng walang kunsensyang driver na basta na lamang siguro siyang iniwan. Napatingin tuloy ako sa kanya. Magulo ang aking isip kung ako ba ay tutuloy sa pagtulong o iiwan na lamang siya.
Ngunit wala akong pinagkaiba sa driver na nakasagasa sa kanya kung akin rin syang iiwanang basta, lalo na at nangangailangan siya ng tulong.
Napakapa ako bigla sa aking dala dala.
"Naku!"
Malamig na ang dala kong pagkain.
"Lagot ako nito!"  natatarantang sambit ko.
Ako ay nagpaalam munang agad sa kanya dahil siguradong hinihintay na ako nila Ate Elena. Ngunit nangako ako sa kanyang babalikan siya. Malalaki ang aking hakbang dahil sa pagmamadali. Nagawa niya pa akong ihatid sa kanto kung saan kami nagtagpo.
Habang lumalakad ako ay gumagana ang aking isip. Ang sabi ko sa aking sarili ay 'di ako babalik ngunit, naisip ko na baka panghawakan niya ang aking mga salita at umasa. Masasaktan kong lalo ang damdamin niya kapag nagkaganoon.
Sa aking pag iisip ay 'di ko namalayang eto na pala ang gate.
"Umalis na ang Kuya Jigs mo! Saan ka ba nagpunta? Akala ko kung napano ka na!"  sermon ni Ate Elena.
Hindi naman ako kumibo at ngumiti lamang.
"Alam mo bang halos isang oras ka na wala? At ano naman 'yang basura na 'yan Luisa?"  mataray na tanong niya sabay hablot sa lumang poster na hawak ko.
Binasa niya ito kahit na 'di na maintindihan halos ang nakasulat.
"Ano 'to Isang?"  kanyang tanong na tila hula na ang dahilan ng aking pagtatagal sa kalye.
Hindi ko rin naman akalaing ganoon na pala ako katagal nawala sa bahay. Para kasing saglit pa lamang ang aming pag uusap ng batang kaluluwa na iyon.
"Tumawag nga pala ang Ate Andrea, 'di ka pa raw nagpaparamdam mula nang umalis tayo sa probinsya."
Natuwa ako sa sinabi niya. Nagtataka ako sa aking sarili, napakagaan kasi ng aking pakiramdam. Hindi ko pa man nagagawang tulungan ang mga kaluluwa ay tila ang damdamin ko ay nagsasaya na. Naitanong ko tuloy sa aking sarili..
Ganito din ba nag-umpisa ang aking ina?
***
ANG ESTUDYANTE AT ANG KAHERA SA GROCERY
Isinama ako ni Ate Elena upang lumabas at mamili ng ilang mga pangangailangan. Paglabas pa lamang ng gate ng aming bahay ay sumakay na kami ng jeep. May mga ilan kasing dumaraan rito kung kaya at kami ay nag abang lamang.
Natutuwa ako sa aming paglabas. Hindi ko na muna binalikan ang bata dahil nga sa may lakad pala kami. Natutuwa ako sa aming mga dinaraanan. Iba't ibang klaseng tindahan kasi ang aking nakikita. Magagandang damit at masasarap na pagkaing tinitinda. Sabayan pa ng komportableng pagsakay dito sa jeep. Iilan lamang kasi kaming pasahero.
Sa tingin ko ay medyo malayo pa ang aming byahe kung kaya at namintana muna ako. Ipinipikit ko pa ang aking mata at natutuwa sa paghampas ng hangin sa aking mukha, kahit ako ay pinagtitinginan ay wala akong pakialam.
Napansin kong malayo na ang aming nararating. Nang mapadaan kami sa isang eskwelahan ay pumara ang isang babaeng estudyante.
"Para po!"  sigaw nito.
Ngunit sa kabila ng lakas ng boses niya ay 'di pa rin siya pinarahan ng driver. Nakatingin lamang ako sa kanya habang paulit-ulit siyang pumapara. Sigaw siya nang sigaw ngunit kahit mga pasahero ay 'di siya alintana.
Nag-umpisa na rin akong mairita dahil pansin kong tila napapalayo na siya sa kanyang pupuntahan. Hanggang sa..
"Manong para daw po!"  aking sigaw.
Sa isang stoplight kami napahinto. Nang mahinto na ang jeep ay agad tumayo ang estudyante, at bago pa siya bumaba ay hinawakan niya ang aking braso at..
"Salamat ha?"  nakangiting sabi niya sa akin.
Ngumiti rin ako sa kanya pabalik.
Pagbaba nito ay agad siyang tumawid na 'di man lamang tumingin sa kaliwa't kanan, dahilan upang siya ay ..
" Hala! Hah! "
Mahagip ng sasakyan.
Napasigaw ako sa nangyari.
Nagulat ang mga pasahero, maging si Ate Elena ay nagtaka.
Ngunit mas nagtaka ako. Dahil ang estudyanteng nahagip ng sasakyan ay tumagos lamang. Mabilis akong lumipat sa kabilang upuan upang matanaw siyang malapitan, ngunit tuloy-tuloy lamang siya sa paglakad, at lahat ng kanyang madaanan ay tinatagusan niya lamang.
At nang makatawid na sa kabilang kalye ay kumaway pa ito at ngumiti sa akin.
At sabay biglang naglaho sa maraming tao.
"Bababa po ba kayo?"  tanong ng driver.
Sumagot naman ang Ate Elena.
"Ay! Di po, akala nya kasi dito na kami."
Ngumiwi ang nainis na driver at pinatakbong muli ang jeep. Nakatuon naman sa akin ang pansin ng lahat, at alam ko kung ano ang nasa kanilang isip.
At 'yun ay ako ay isang baliw.
Nanahimik akong bigla dahil sa aking paligid. Hinawakan na lamang ni Ate Elena ang aking mga kamay.
"Ang lamig ng mga kamay mo..hayaan mo na 'yun Luisa.."  alo niya.
Nanlalamig ngang talaga ang aking buong katawan. Bigla ko tuloy naisip na bakit 'di ko iyon napansin kanina. Nang hinawakan ako ng estudyanteng babae ay kasing lamig ng yelo ang kamay niya. Kung sana'y pinagtuunan ko nang pansin ay 'di sana mauuwi sa aking pagkataranta. Naisip ko tuloy na... Mas kailangan ko pa ang higit na pagsasanay sa larangang ito. Kailangan kong malaman kung ano ang kaluluwa at ang normal na tao.
Ngunit..
Paano?
Maya-maya pa ay narinig ko nang pumara si Ate Elena. Pagsilip ko ay nasa tapat na kami ng malaking grocery. Napahanga tuloy akong muli sa kanya, sa pang ilang araw pa lang kasi namin dito ay kabisado niya na ang lahat. Tunay nga ang sabi ng inay na sadyang napakagaling ng kanyang memorya.
Bumaba na kami ng jeep. Ang ibang pasahero ay sa akin pa rin nakatingin.
Pagpasok sa malaking grocery ay amoy agad ang halimuyak ng mga nilulutong pagkain. Napakasarap langhapin dahil humahalo pa ito sa ibang bagay na mabango.
Kumuha kami ng kart. Mukhang marami talagang balak bilhin si Ate Elena.
"Luisa, sabi ng Kuya Jigs mo ay mamili ka rin ng mga gamit mo.."  sabi niya.
Natuwa naman ako dahil ito ang unang pagkakataong mapipili ko ang aking mga gusto. Madalas kasi sa probinsya ay ang inay ang bumibili ng lahat, at isa pa ay, walang ganito kalaking grocery na marami kang magagandang makikita.
At nag-umpisa na nga kaming mamili.
***
Inabot rin kami halos ng ilang oras sa loob. Napakarami kasing nakalista na pinilit talagang hanapin ni Ate Elena, iyon daw kasi ang bilin ng kanyang asawa. Namili siya ng pang isang linggo naming gamit.
Paglapit sa kahera ay iniabot niya sa akin ang credit card na dala niya. Iniabot ko naman ito agad at ang babaeng kahera ang kumuha nito sa akin. Hindi man lamang ako nag - obserba. Dahil sa ignorante ako sa mga gano'ng bagay ay 'di man lamang ako nagtanong at agad ring tumalikod upang tumulong kay Ate Lenang maglabas ng mga pinamili niya.
Nang matapos na at mabilang kung magkano ay muling nagtanong ang lalakeng nakaharap sa kaha.
"Ma'am tanong ko po ulet..card po 'yan di ba?"  sabi nito.
"Oo..Luisa nasaan na ang credit card?"  baling sa akin ni Ate Elena.
"Inabot ko na diyan sa babaeng katabi mo, sa kanya!"  turo ko sa kanyang katabi.
Lumingon naman ang lalakeng kahero sa kanyang magkabilang gilid. At..
"Ma'am.. Wala po akong katabi.."  sagot niya.
Nagkasalubong ang aking mga kilay. Eto na naman sila.
"Ayan po at katabi niyo siya! Siya ang umabot sa akin ng card, "   sagot ko.
Ngunit ipinipilit ng lalakeng wala talaga siyang katabi kahit meron namang talaga. Medyo napataas na ang boses ko, nakalimot na naman ako na hindi nga pala lahat nang nakikita ko ay nakikita nila.
Nag-umpisa na namang bumaling ang atensyon sa akin ng mga tao. Maging ang kanilang manager daw ay lumapit na rin at nakikipag-usap na sa akin. Pinabayaan lamang ako ni Ate Elena. At ako naman ay  medyo nagagalit na rin dahil pinagpipilitang wala talaga siyang kasama.
Hindi na ako nakatiis at sa aking galit ay sinigawan ko ang kaherang babae na kanina pa nakatayo at nanonood lamang sa aming pagtatalo. Ang babaeng umabot sa credit card na hawak ko. Ang babaeng pinipilit kong katabi ng kahero.
"Ilabas mo!"  gigil na sigaw ko sa kanya. Napatingin sa akin ang lahat.
Sa pagkakataong 'yun ay nagsalita na si Ate Lena.
At ang babaeng sinigawan ko? Itinuro ang cash register.
"Pakihanap na lang po sir.. Iniabot na po kasi namin talaga.."  malumanay na sambit ni Ate Elena, tila nababago na talaga ng paligid ang pag - uugali niya, nagiging may pagkamalumanay na at pasensyosa siya ngayon.
"Tingnan niyo po diyan sa loob, baka diyan niyo nailagay."  turo ko sa kaha.
Tatanggi pa sana ang lalaki ngunit ang manager na ang nagbukas. At..
"Mike! Eto o!"  inis na salita ng kanilang manager na napangiwi pa.
"Eh, ma'am..Wala po talaga akong matandaan na nilagay ko iyan diyan eh.. Pasensya na po!"  sambit ng lalake.
Tinanggap naman ni Ate Elena ang pasensya, ngunit ako ay irita pa rin. Hindi dahil sa lalake, kung hindi dahil sa babaeng iyon. Napahiya kami sa maraming tao dahil sa hindi ako nakapag - isip mabuti.
At alam kong 'di siya tao ngunit hindi ko man lamang naisip agad iyon.
Dahil nang mga oras na nagtatalo na kami ng lalakeng nasa kaha ay dapat na may ginawa na siya, ngunit wala. Walang reaksyon, wala siyang ginawa kung'di ang ngumiti at magmasid lamang, tila natutuwa pa siya sa nangyayari.
Doon ko napatunayang hindi siya tao. Ngunit huli na ang lahat, nabastos ko na ang lalaking kaharap na tunay namang nagsasabi ng totoo.
Dahil sa nangyari ay todo ang paumanhin ng lahat sa amin, bagay na marapat na ako ang gumawa. Maging ang paghatid sa labas ay ginawa pa nila. Nang kami ay nasa labas na ay muling nagpaumanhin ang kanilang manager at nagtanong rin ukol sa itsura ng babaeng umabot ng card na binigay ko. May kaunting inis pa rin sa pagsasalita ko nang sabihing..
"Alam kong madalas kayong mawalan at magkagulo riyan, kung ako sa inyo ay pabendisyunan niyo ang tindahan niyo. Dahil ang dating kahera na anak ng may ari niyan ay masama ang loob sa pagkakabenta ng lugar na 'yan kung kaya at lahat kayo ay binibigyan niya ng problema.."
Nakatingin lamang ang manager sa akin, maging ang matagal na palang guard doon ay alam ang istorya. Nagpakamatay pala ang babaeng kaluluwa na siya ring kahera. At sa huli ay..
"Siya 'yong maputing babae na maigsi ang buhok at may kulay pulang labi, nakasuot siya ng jacket na maong at paldang maigsi.."
Napanganga ang guwardiya nang sinabi ko ang kanyang itsura. Pati ang kanilang manager ay kilala ito.
"Sa--salamat po Madam.."
Ang tanging nasambit na lamang nila.
Tumalikod na kami at pumara ng taxi.
Hindi ko alam kung saan nanggaling ang lahat ng aking sinabi, kusa na lamang itong lumabas lahat.
At napabulong rin ako na..
" Napakapangit ng inasal ko..."
Napatingin sa akin ang Ate Elena, nakasimangot at matalim ang tingin.
" Sana sa susunod ay magmasid ka munang mabuti bago ang lahat, lagi mo sanang tatandaan na hindi ka normal tulad ng iba.."
Napaisip ako sa tinuran niya. Tunay namang napakapangit ng aking inasal kanina, bagay na hindi ko marapat gawin sa mga taong hindi nakaiintindi sa akin.
June_Thirteen

Komentar Buku (81)

  • avatar
    SebastianCarlo

    5000

    26/07

      0
  • avatar
    Allesh Ledesma

    surprising but scary story

    25/07

      0
  • avatar
    CasipitCielo

    ddyy

    20/07

      0
  • Lihat Semua

Bab-bab Terkait

Bab Terbaru