logo
logo-text

Unduh buku ini di dalam aplikasi

NAKATAGONG MATA NI LUISA

NAKATAGONG MATA NI LUISA

June_Thirteen


UNANG SULYAP

AKING PAGLISAN
Ilang taon na rin ang nakalipas.
Pinayagan ako ng aking ama't ina na lumuwas ng Maynila at sumama kay Ate Elena upang doon maipagpatuloy ang aking pag-aaral. Isang bakasyunistang taga-Maynila ang nakilala at napangasawa ni Ate Elena, at nangako siyang tutulungan niya ako sa aking pag-aaral sa kolehiyo.
Nang una ay ayaw pumayag ng aking mga magulang dahil sa nag-iisa lamang ako at babae pa kung kaya at 'di nila nais na ako'y lumayo. Ngunit mabuti at naintindihan rin nila sa huli na ako ay isang taong nangangarap din, kung kaya at sa masinsinang pag-uusap ay sila ay aking napapayag.
Nangako rin ang Ate Elena na ako ay kanyang aalagaang mabuti at 'di pababayaan. Alam ko na kaya niyang tuparin ang kanyang mga sinabi, dahil mula ako ay nagkamalay ay silangg tatlo ang aking nakasama. Si Ate Elena, Kuya Abel at Ate Sonia. Sila ang tatlong batang kakaiba ang nag-aruga sa akin katuwang ng aking ama't ina kung kaya at panatag ang loob ko sa pagsama sa kanya.
Malungkot nga lang na iwan ang aking mga magulang ngunit, para naman ito sa aking kinabukasan. At ang isa ko pa ring dahilan?
Ay ang pagtakas sa kakaibang mundong ginagalawan..
Ni minsan ay 'di sumagi sa isip ko ang maging tagapag-mana ng kakayahan ng aking mga magulang. Alam naman ng lahat na ang aking ama ay isang aswang, at ang aking ina ay isang batikang manggagamot at lumaki rin ako sa piling ng mga 'di ordinaryong mga bata. Isang batang bulag na nakikita si kamatayan sa kanyang kaliwang mata at dalawang magagaling na mambabarang, kung kaya at ano pa ang aasahan ko sa aking sarili?
Ngunit 'di ko iyon ipinako sa aking isipan kahit kailan, sapagkat nais kong maging normal ang lahat sa akin.
Ayoko makakita ng mga kaluluwa at ayoko ring labasan ng mga pangil at managpang ng tao. Gusto ko maging ako..
Ako si Luisa..
Ang nag-iisang anak ng apo ng manggagamot at ng isang tagapamunong aswang.
Pilit kong inililihis ang aking daan patungo sa isang normal na pamumuhay, at hindi katigasan ng ulo ang tawag dito, kung'di pangarap. Sa Maynila ay pipilitin kong ayusin ang lahat.
Sa ngayon ay umabot na ako sa edad na disi- siyete at wala pang nararanasang kahit anong kababalaghan. Ngunit ayon sa kuwento ng aking mga magulang ay may isang araw din sa aking pagkabata noon na sinabi ko sa aking ina na kinakamusta raw siya ng kanyang lola, ngunit 'di ko na iyon matandaan pa. Ngunit aking panalangin, na sana ay iyon na ang una't huli kong karanasan pagdating sa kaluluwa.
Ngunit kahit anong gawin kong iwas ay wala rin palang magagawa, dahil ito ang dugong dumadaloy sa akin.
At kahit pilit ang aking paglayo..
Ay siyang mas lapit nito..
***
BAGONG BUHAY
Pagdating namin sa Maynila ay sa isang maliit, ngunit marangyang bahay kami tumuloy. Pag-aari ni Kuya Jigs na asawa ni Ate Elena ito. At kahit paano ay masasabi kong may sinasabi siya sa buhay. Ang kanyang bahay at ang sasakyang nakaparada ay isa lamang sa mga patunay na siya ay may pera. Ngunit ako ay humanga rin sa kanya dahil sa kabila ng lahat ay si Ate Elena ang napili niyang mapangasawa. Si Ate Elena, na isa sa pinakamabagsik na mambabarang sa kanilang angkan.
Ngunit, iyon ay sikreto lamang, ayaw niya kasing malaman ng asawa niya ang lahat ng tungkol sa pinagmulan niya... At iyon ang aming pangako sa isa't isa.
Pagpasok namin sa bahay ay agad niyang dinala ang aking mga gamit sa isang maliit na kuwarto banda sa may likuran ng kanyang bahay. Nagulat ako dahil 'di ko inasahang magkakaroon ako ng sarili kong puwesto. Ang sabi niya sa akin ay dati daw itong silid ng kanyang bunsong kapatid na babae, ngunit nang aking tanungin kung nasaan na siya?
Ang tanging sagot niya lamang ay "malayo na."
Ano kaya ang ibig niyang sabihin sa kanyang tinuran na tila may gumuhit pang kalungkutan sa kanyang mukha. Ngunit 'di ko na inusisa pa ang lahat, sapat na sa akin ang kanyang isinagot.
Pagtapos niyang ipasok ang aking mga gamit ay sinabi niya sa aking bukas ay iaayos niya ang lahat para sa aking pag-aaral. Isa kasing guro si Kuya Jigs sa isang malaking unibersidad sa sentro ng Maynila kung kaya at magiging madali lang daw ang lahat para sa akin. Gumuhit ang napakalaking ngiti sa aking labi nang binanggit niya iyon. Ako'y talagang nasasabik sa aking bagong buhay.
Lumabas na muna siya ng kuwarto upang iwan ako at asikasuhin naman ang Ate Elena.
Paglabas niya ay akin munang inilibot ang paningin sa mga gamit na naroon sa silid. Wala akong makita kahit isang litrato man lamang ng kanyang sinasabing kapatid. Ngunit may napansin akong, tila isang bagay na iniingatan. Isang kamera ang nakalagay sa isang cabinet na may salamin, nakasusi ito kasama ng iba pang mga litrato. Sa aking panantiya ay, ang kapatid na babae niya ang nagmamay ari nito. Puros larawan ng masasayang salu-salo ang narito, at sigurado akong ang kamerang iyon ang ginamit sa pagkuha nito.
Tila may nagtulak sa akin upang haplusin ang salamin ng cabinet. Paghaplos ko rito ay nakaramdam ako nang pag ihip ng hangin mula sa aking likuran. Dampi ng malamig na hanging nagmumula sa malaking bintana ng silid, galing sa labas ng bahay.
Hindi ako nag-isip ng kahit anong kakaiba o binigyan man lamang ng kahulugan ang malamig na hanging iyon, bagkos ay aking inilihis ang pilit sumisiksik sa aking isip na may tila bumabati sa akin.
Iyon ay natural na hangin lamang...
At iyon ang aking gustong ipagsaksakan.
***
Alas-otso na ng gabi at oras na para sa aming hapunan. Tinawag na ako ni Ate Elena upang lumabas muna ng kuwarto, dahil mula nang dumating kami ay 'di pa ako nalabas rito. Inayos ko kasi ang aking mga gamit at inilagay sa aparador na ipinagamit sa akin ni Kuya Jigs.
Nang isinasara ko na ang pinto ay tila may bumabara sa kandado nito.
"Um!"   aking hila. "Um! Um!"   pilit ko pa ring hatak rito.
Sa aking pagtataka ay binitiwan ko ang doorknob at itinulak nang marahan ang pintuan papasok. Hindi ko alam ngunit tila may bumubulong sa akin at 'di ko maintindihan ang kanyang sinasabi. Nakatingin pa rin ako sa loob ng kuwarto nang..
"Luisa tara na! Kumain na tayo.."   aya ni Ate Elena.
"Ah! Sige Ate, susunod na ako.."  sagot ko.
Muli kong hinawakan ang doorknob at hinatak ang pinto upang ito ay isarado ngunit..
Sa pagkakataong ito ay ramdam ko ang paghila at pagpigil ng puwersa mula sa loob.
"Um!"
Pilit kong hinatak ngunit, mas malakas ang nasa kabila kung kaya at binitiwan ko na lamang ito. Pagbitiw ko sa pinto ay ni 'di man lamang ito gumalaw. Napahinto ako saglit. Ayoko ng bagay na pilit pumapasok sa isip ko. Ayokong isiping may naglalaro sa akin. Agad na akong tumalikod upang  'di na sumagi ang aking nararamdaman.
Wala akong makikitang kaluluwa... Iyan ang aking pinaniniwalaan.
***
Pagtapos ng hapunan ay naghugas ako ng aming pinagkainan at naupong muna sa bangkong bakal na nasa garahe ni Kuya Jigs. Maliwanag ang kalye at masarap tumanaw sa mga nagdaraan. Isang subdivision kasi ang tinitirahan ni Kuya Jigs, kaya at medyo maliwanag at payapa ang lugar.
Pagtingin ko sa bahay na katapat ay may batang babaeng nakasilip sa akin. Siguro ako'y pinagmamasdan niya dahil sa bago lamang ako. Ngunit, napansin kong, tila di siya umaalis sa kanyang kinadudungawan kahit pa hawiin na ng matandang lalake ang kurtina ng kanilang bintana. Naroon pa rin siya at nakatayong nakatingin sa akin.
Nakapagtataka naman ang paligid ng lugar na ito, o marahil siguro ay 'di lamang ako pamilyar. Ito ang unang araw at gabi na mawawalay ako sa aking mahal na ama't ina. Nakararamdam ako ng kaunting lungkot ngunit 'di ko na  'yon alintana.
Naroon pa rin ang bata at nakatingin pa rin sa akin. Tumayo ako sa aking kinauupuang bakal na silya at lalapit sa bakod upang dumungaw rito. Gusto ko kasing makita ang mukha ng batang kanina pa panay ang silip sa akin. Malapit na ako sa bakod nang biglang..
"Isang!"   tawag ni Ate Elena.
Napalingon ako bigla sa kanya, at nang ibalik ang aking tingin sa batang nakaparungaw sa akin ay wala na ito. Napakunot-noo ako, tila iba ang pakiramdam ko ngunit..
Ayokong mag isip ng kung ano, sigurado akong kapitbahay nila ito.
***
Alas-dos na ng madaling araw ngunit balisa pa rin ako, tila 'di talaga ako sanay na hindi naririnig ang boses ng aking ama't ina. Namimiss ko silang tunay, sabayan pa ng malamig na hanging galing sa aking bintana.
Ngunit..
Bintana?
Bakit nga ba bukas pa ang aking bintana?
Nasanay lang siguro ako sa aming probinsya na 'di nagsasara nito. Napakadilim sa aking silid na tinutulugan. Ang liwanag lamang ng ilaw sa mga poste sa labas ang nagsisilbing tanglaw. Tumayo muna ako upang isara ang bintanang nakabukas pa.
Paglapit ko ay humampas sa aking mukha ang puting malaking kurtinang nakasabit at halos malunod ako sa pagkakatabing nito.
"Agh!"  Ang singhap ko habang pilit iniaalis ito. Nangilabot ako sa nangyari. Animo naghugis tao ang malaking kurtinang puti. Napalayo tuloy akong bigla at 'di na naituloy pa ang pagsasara nito. Dumistansya na ako ngunit tila pilit pa rin akong inaabot ng malaking puting kurtina. Panay ang kanyang wagayway ngunit 'di naman talaga ganoon kahangin.
Nakaramdam ako nang biglaang takot.
Ayokong mag-isip ng kung ano, ngunit sa aking nakikita ay parang gusto ko na. Sandaling napako ang aking mga mata sa panay pa rin ang sayaw na kurtina. Biglang pumasok sa aking isip ang madalas na sinasabi ng aking ina --- Na kapag ako daw ay nakakaramdam ng kakaiba ay huwag na huwag ko ipipikit ang aking mga mata, dahil kapag  'yon daw ay aking ginawa, siguradong pagmulat ko ay nasa harapan ko na siya. Mas lalo tuloy lumakas ang takot ko, ngunit ayoko mang ipikit ang aking mga mata ay tila kusa silang sumusunod sa saliw nang sayaw ng puting kurtina. Konti na lang at..
Biglang bumaba ang kanina lamang ay pilit akong inaabot na kurtina. Ngayon ay malumanay na siya. Pinatagal ko muna ng ilang segundo pa at..
Sinabayan ko nang mabilis na pagkilos at isinarado na ang bintana.
Shag!
Halos lumagapak ang buong dingding nang ibagsak ko 'yon at madali ring naikandado. Pagtapos ay umatras ako na nakakuyos ang aking mga palad patong-patong sa aking dibdib. Dinarama ko ang kabog na nararamdaman ko.
Marahan akong lumakad pabalik sa aking higaan. Kuyos pa rin ang mga palad na patong sa aking dibdib. Nabalingan ng aking tingin ang aking cellphone. Nais ko sanang tawagan ang aking ina upang itanong sa kanya kung ano ang nangyayari sa akin rito sa Maynila. Unang araw ko pa lamang ay parang gusto ko nang bumalik muli sa piling nila..
Ngunit hindi..
Hindi ako dapat magpadaig sa takot. Walang kakaiba at nasa isip ko lamang ang lahat ng iyon..
Ngunit..
Ngunit paano kung hinde?
June_Thirteen

Komentar Buku (81)

  • avatar
    SebastianCarlo

    5000

    26/07

      0
  • avatar
    Allesh Ledesma

    surprising but scary story

    25/07

      0
  • avatar
    CasipitCielo

    ddyy

    20/07

      0
  • Lihat Semua

Bab-bab Terkait

Bab Terbaru