logo text
Tambahkan
logo
logo-text

Unduh buku ini di dalam aplikasi

KABANATA 7

Tatlong araw ang lumipas at walang pag-atakeng naganap mula sa mga taga-tubig. Ngunit isang malaking problema naman ang kapalit.
"Ma --- Magda...nagugutom na ang aking mga hayop.."
Nagkakagulo ang marami sa harap ng bahay ni Magda. Ilang araw na rin kasi ang lumipas at paubos na ang lahat ng kanilang naimbak.
Wala kasi talagang mapagkunan ng tubig. Hindi naman sumang-ayon si Magda na magtungo ang mga ito sa bukana upang kumuha ng tubig sa mga balon na pagmamay-ari ng mga normal na tao.
"Magda, kung hindi mo kami mabibigyan ng tubig ay mapipilitan kaming dumayo sa nayon upang kumuha! Hindi maaring mamatay ang aming mga alaga Magda! At alam mo 'yon!" galit na sabi ng isang matandang lalake.
Ang kanilang mga alagang hayop kasi ang pangunahing karneng kinakain nila. At kapag ito ay nagkamatay ay siguradong susunod na sila.
Nabibingi si Magda sa sabay-sabay na pagsasalita nila. Sa sobrang lakas ng kanyang pandinig kahit pa ang reklamo ng mga nasa malalayong banda ay kuha niya.
Napaupo na lamang siya sa gulo ng kanyang isip.
Nang biglang..
"Ano ho'ng nangyayari?! Bakit tila nagkakagulo kayo?!" Ang dating ni Kadyo.
Napatayo si Magda sa pagkakabigla. Hindi niya kasi nais masaksihan ni Kadyo ang ganitong pagpupulong nila dahil sa magtataka ito. At ganoon na nga ang nangyari.
"Amang, wala na kasi kaming tubig na magamit! Maging ang aming mga hayop ay nanghihina na!" sigaw agad ng isang ale.
Natawa naman si Kadyo. "Tubig?! Ang tubig lang ba ang dahilan ng kaguluhang ito? At bakit --- bakit si Magda ang ginigitgit n'yo? Napakalapit ng malawak na ilog sa gubat! Bakit hindi kayo magtungo roon upang umigib?!" wika ni Kadyo.
Natahimik ang lahat sa binanggit ni Kadyo.
At agad namang sumagot si Magda. "Ah Kadyo! Hindi na kasi nila kayang lumakad pa nang malayo para maka ---"
Ngunit biglang sumabay sa kanyang salita ang isa sa pinakamatandang aswang sa knilang lugar.
"Gubat? Sa gubat ba eka'mo amang?" tanong nito.
Hindi nakakibo si Magda sapagkat ginagalang niya ang matandang ito.
"Opo inang, napakalawak ng ilog doon.." magalang na tugon naman ni Kadyo.
"Alam mo ba ang iyong sinasabi? Ang gubat na iyong tinutukoy?"
Natigilan sandali si Kadyo.
"Hindi tayo maaaring gumawi sa lugar na iba na ang nagmamay-ari, kahit pa sabihin mong hindi natin sila nakikita.." mahiwagang salita ng matanda.
"Ngunit inang, kung patuloy ninyong aakapin ang paniniwala n'yong may nananahan doon ay habambuhay kayong walang tubig.." mahinahong tugon ni Kadyo.
Tahimik lamang ang lahat at nakikinig.
"Hindi mo alam kung ano ang panganib na naghihintay sa iyo sa tuwing dadayo ka sa ilog.. sa ilog na pagmamay-ari ng mga taga ----"
Ang singit bigla ni Magda. "Ah Kadyo! Umalis ka na muna, napakaimportante lang kasi talaga ng pinag-uusapan namin eh..."
Kumunot ang noo ni Kadyo.
"Pasensya na, ipapaliwanag ko na lamang sa iyo mamaya.."
Tiningnan ni Kadyo ang nakikiusap na si Magda.
Sandali pa at..
"Sige Magda.." Umalis na din ito. At bago pa tuluyang lumakad ay.. "Tutulungan ko kayong mag-igib kung nais ninyo...upang mabawasan ang iniisip ni Magda.."
Halos magtubig ang mata ni Magda sa sinabi ni Kadyo.
Ngunit kahit ganoon ay hindi pa rin maganda ang tingin ng mga taga-baryo sa kanya.
At nang makalayo na ito ay..
"Bakit hindi pa natin sabihin sa kanya Magda?Siya naman ang simula ng lahat ng kaguluhan! Maging dati pa!" galit na turan ng pinakamatandang aswang sa kanila.
Walang kibo si Magda.
Hindi na siya nakakibo pa at alam niya rin naman sa kanyang sarili na totoo ang lahat ng sinasabi ng kanyang kalahi.
Na si Kadyo ang tanging dahilan ng kanilang kaguluhang kinakaharap ngayon.
***
Umayos na ang pakiramdam ni Alfie ngunit hindi pa rin ito lumalabas ng bahay. Hanggang sa hagdan lamang siya ng kubo at sumusulyap lamang sa paligid.
"Bunso saluhin mo! Dito ako at diyan ka na lang!" masayang sabi ni Aleli.
Ipinasa niya ang bola kay Alfie na nakaupo lamang sa hagdan.
Natatawa pa ito sa paulit-ulit na pasahan nila.
Hanggang sa..
"Ay! Hindi mo sinapo, gumulong tuloy sa silong!"
Dahil sa hindi nasapo ni Alfie nang maayos ang bola ay dumiretso ito sa silong at gumulong tuloy-tuloy sa gitnang bahagi ng kubo.
"Teka, papasok ako sa silong.."
Sinilip pa muna ni Aleli kung asaan ang bola.
"Ang layo naman!"
Nagtanggal pa muna ito ng kanyang tsinelas bago marahang gumapang papasok ng silong.
"Um! Um!"
Sa kanyang marahang paggapang ay may naramdaman.
"Huh?! Bakit parang gumagalaw ang lupa?!"
Naramdaman niyang tila lumalalim ang lupang kanyang ginagapangan.
"Ark! Ang baho naman dito sa ilalim.."
Nakaamoy kasi siya ng malansang amoy ng tila hayop na nabubulok.
Panay pa rin ang kanyang gapang. Tanaw niya naman ang bola at konting gapang pa at maaabot niya na ito.
Ngunit..
"Huh?!"
Napansin niyang unti-unting umaalon ang lupa at lumilikha ito ng uka.
Pahigop nang pahigop na maging ang kanyang bola ay umiikot.
"Huh! Ano 'to?! Bunso!"
Nakaramdam na nang takot si Aleli.
Yumayanig na ang lupang kanyang pinagdadapaan. Nahihigop na rin unti-unti ang kanyang katawan.
"Ah! Bunso tulungan mo ako! Hatakin mo ang paa ko!" sigaw na nito.
Masyado kasing mababa ang sahig ng kubo sa silong kung kaya at hindi rin niya magagawang tumayo at ipihit ang katawan papalabas.
Mas humihigop pa ang lupa.
"Bunso!!!!"
Maging ang bola ay wala na. Kitang-kita niya kung paano ito ilubog nang humihingang uka ng lupa.
"Agh!!"
Ramdam niya na ang pagsikip ng kanyang dibdib habang pilit hinahatak ng nilalang na nasa ilalim ng lupa ang kanyang katawan.
"Agh! Bunso! Aah!"
Biglang nangilabot ang kanyang buong katawan nang maramdamang may matulis na bagay na bumaon sa kanyang tiyan.
"Bunso!"
Tila wala naman sa sariling isip si Alfie na kahit naririnig na ang kapatid ay wala lang sa kanya.
Hanggang sa..
"Aaaaah!!!"
Nagpapapadyak na ang mga paa ni Aleli sa sobrang sakit na nararamdaman. Nanginginig na rin ang buo nitong katawan. Mas tumitindi pa kasi ang pagkakatusok ng matutulis na bagay sa kanyang tiyan na tila lumalagari upang siya ay mahati. Pilit na hinahatak ng isang nilalang na nasa ilalim ng lupa ang buong katawan ni Aleli.
"Huh?! A -- Ate?!!"
Sa sobrang lakas nang padyak at sigaw ni Aleli ay natayhan ang tila wala sa sariling si Alfie.
"Ate?!"
Dinig niya pa rin ang sigaw.
"Ate?!"
Tumayo na ito sa pagkakaupo sa hagdan.
May takot pa ring nararamdaman kung kaya at nangangatog ang mga tuhod. Ngunit..
"Aaaaaaaaaahhhh!!!!!"
Nataranta na si Alfie sa ubod nang lakas na sigaw ni Aleli.
Dali-dali itong tumakbo pababa.
"Ate!!!"
Paikot na sinisilip ang buong paligid ng silong. Hinahanap kung saan gawi naroon ang kapatid.
At nang kanyang makita ang pares ng tsinelas ay agad itong yumuko upang tingnan ang ilalim.
"Ate?!"
Ngunit wala na si Aleli.
"Ate?! Nasaan ka?!" sigaw ni Alfie.
Hindi niya na makita si Aleli sa ilalim, ngunit may nakita siyang ikinatakot niya na naman.
"Huh?! Du --- dugo??!!"
Napaatras ito paupo nang makitang may mga bakas ng dugo sa lupa sa ilalim ng silong.
"Ate?! Na --- nasaan ka?!"
Nagkalat ang bakas ng dugo sa lupa. Ngunit wala na ang mga uka.
Nanatiling nakaupo at nakatitig lamang si Alfie sa mga dugo. Hindi magawang makakilos na maging ang mga luha sa mata ay di matuluyan sa pagtulo.
At sandali pa at..
"Alfie?! Ano ang ginagawa mo riyan anak?!"
Kararating lamang ni Emma mula sa kabilang gulayan, may bitbit pa itong bayong.
"Bunso asaan si Ate?!" muling tanong nito.
Ngunit wala pa ring kibo si Alfie.
Hindi naman bago kay Emma ang ganitong reaksyon ng anak dahil dalawang araw na ring kakaiba ang ikinikilos nito.
Ngunit sa kanyang pagtitig na mabuti ay tila may napansin.
Hinawakan nito sa balikat ang anak.
Kahit hirap dahil sa laki ng tiyan ay pinilit nitong lumuhod at sumilip sa silong kung saan nakatuon ang atensyon ni Alfie.
"Ano ba kasi ang sinisilip mo ----"
Nanlaki ang mga mata ni Emma na maging ang bibig ay napanganga nang makita ang nagkalat na dugo sa ilalim ng silong.
"Bunso? Nasaan si ate mo?" nangatal bigla ang kanyang boses. Tila may naglarong bigla sa kanyang isip at si Aleli ang tumatakbo roon.
"Bunso!"
Mabilis itong tumayo.
Hinatak pilit ang di makagalaw na anak.
"Tumayo ka riyan! Hanapin natin ang ate mo!"
Dahil sa ayaw talagang umalis ni Alfie sa kinauupuan ay binitiwan na ito ni Emma.
Nagtatakbo ito sa likod ng bahay habang nagsisisigaw.
"Aleli! Hah! Hah! Aleli anak???!!!!!"
Halos mabaliw siya kasisigaw habang panay ang tawag sa anak.
Takbo rito takbo roon ang ginawa niya.
"Aleli!!"
Tumakbo siya nang tumakbo hanggang sa makarating na sa bukana ng gubat.
"Hah! Haaah!"
Hawak ang nananakit na balakang ay habol hininga itong huminto at napayukong sandali.
Paparating na si Kadyo.
"Si Emma ba iyong sumisigaw?!"
Malayo pa lamang siya ay dinig niya na ang boses ng asawa.
"Si Emma nga!"
Halos magkandasubsob ito sa sobrang pagmamadali.
Ang pakiramdam ng isang ama ay gumana na kanyang agad nalamang may hindi tama.
At nang makapasok na ng bakuran nila ay unang dinatnan ang anak na si Alfie na nakasalampak pa rin sa lupa.
"Alfie?! Ano ang nangyari?!"
Kinarga ang anak at sumunod na binagtas ang likod bahay kung saan naroroon si Emma.
"Emma! Emma!"
Nakita niya itong nakatayo sa bukana ng gubat at panay pa rin ang sigaw.
"Emma!"
"Agh!"
Ang takbo ni Kadyo habang karga ang anak na nasa matinding takot pa rin.
Tinakbo niya si Emma nang mas mabilis dahil sa nararamdaman niyang may hindi magandang mangyayari.
"Aleli!" sumisigaw pa rin si Emma. "Diyos ko po! May balon! Baka nahulog ang anak ko doon! Aleli!" muli na itong tumakbo.
"Emma! Sandali!!!" malakas na sigaw ni Kadyo. Ngunit sa sobrang pag-aalala ni Emma ay di niya na ito pansin.
"Aleli!"
Sumungaw si Emma sa balon.
"Aleli anak asan ka?!" sumigaw pa.
Umalingawngaw ang kanyang boses sa buong balon.
"Ahak! Ang baho naman!"
"Mukhang walang tubig ang balon!"
Umalis na ito sa bunganga ng balon at inilinga na naman ang paningin sa buong paligid.
"Emma!"
At sa wakas ay nag-abot na ang dalawa.
"Kadyo! Nasaan si Aleli??!!" umiiyak na si Emma. "Kadyo! Kadyo nasaan si Aleli!"
Niyakap ni Kadyo si Emma.
"Umalis na tayo dito Emma, hindi ligtas dito sa gubat.."
Hindi naman nagpapilit pa si Emma.
"Aleli... hu-hu!"
Habang lumalakad ay alerto ang mga mata ni Kadyo. Bawat kaluskos at pagkilos ng mga dahon ay kanyang pinagmamasdan.
Ngunit wala naman silang dapat na ipangamba. Dahil ang mga kalaban nila ngayon ay kasalukuyang nagpipiyesta.
Har!
Ruwaar!
( Champ!Chomp!Champ! )
Maiingay na mga malalaking bunganga na ngumunguya habang nag-aagawan pa sa mga piraso ng lamang loob nang kaawa-awang batang si Aleli.
Hinatak at kinaladkad ng isa sa mga batang taga-tubig ang katawan nito mula sa uka na kanilang nilikha sa ilalim ng lupa sa silong.
Pagtapos ay pilit binali ang katawan nito sa pamamagitan ng pagputol sa dalawang hati at saka iginapang na pabalik sa kanilang lungga.
Sa matandang balon.
Doon nila ngayon pinagpipiyestahan ang masarap na pananghaliang napakatagal na panahon na rin nilang hindi natikman.
At ito ay isang matamis na tagumpay para sa kanila. Na isa sa mga dugo ni Kadyo ang nilalamon nila.
June_Thirteen

Komentar Buku (65)

  • avatar
    DecenaLyka

    na gosto han ko Yong kwento

    13d

      0
  • avatar
    Marlo Elle

    more

    15/08

      0
  • avatar
    Rhogie Ducusin

    hoho

    04/08

      0
  • Lihat Semua

Bab-bab Terkait

Bab Terbaru