logo
logo-text

Unduh buku ini di dalam aplikasi

Kabanata 3

MABILIS ANG NAGING pagkaripas ng takbo ni Soledad ng makarating sa kaniya na paparating na ang isang dosenang hukbo na ipinadala ni Diosdado.
Madilim at wala ng tao sa labas. Tanging kuliglig at mga yapak niya sa mga tuyong dahon na lamang ang naririnig sa mga oras na iyon.
Panay ang baling ng kaniyang ulo sa likod upang tignan kung siya ba ay malapit ng abutan. Nang matanaw niya ang ilang sulo ay mas lalo pa niyang binilisan ang pagtakbo. Ngunit nakakaramdam na rin siya ng pagkahapo. Kanina pa siya tumatakas sa mga ito.
Sandaling huminto si Soledad upang huminga at maghanap ng pupuwede niyang daanan. Sa muling paglingon ay mas lumiwanag ang sulo. Nang makita niya ang malaking bato sa pagitan ng dalawang malaking puno ay agad siyang nagtungo roon upang magtago.
“Soledad! Lumabas ka na! Wala ka ng ibang tatakbuhan kung hindi sa amin! Nakapalibot na halos lahat ng hukbo ko rito. Sa tingin mo ba ay makakalabas ka pa?” ani Diosdado.
Kasama nito ang tatlong hukbo sa kaniyang likod. Panay ang kaniyang pag-ikot ng mga mata upang hanapin ang babae. Madilim at hindi madaling mahanap, ngunit kung hindi makikita ay siguradong magiging kasiraan niya.
Napatakip ng bibig si Soledad ng marinig niyang mayroong ilang mga yabag ng paa ang dumating kung nasaan siya. Taimtim siyang nagdadasal na sana ay umalis na ang mga ito.
“Nakita niyo ba?” rinig niyang tanong ng matandang lalaki.
“Hindi pa ho, ngunit patuloy ho ang paghahanap sa kagabutan,” sagot nito at sa pakiwari niya ay umalis na ito upang maghanap muli.
Mahinang nagmura si Diosdado. Hindi niya alam kung sino ang nagtimbre sa babae na siya ay paparating ngunit kapag nalaman niya kung sino ay sisiguraduhin niyang parehas sila ni Soledad ng magiging kapalaran.
Sa muling pag-ikot ni Diosdado ay unti-unting nawala ang mga galit sa kaniyang mukha ng mapansin ang telang puti na nakalabas mula sa malaking bato na siyang kilalang-kilala sa bansa ng Aldepania. Ito ang bato na nasa pagitan ng dalawang punong naglalakihan.
Tumaas sa ere ang kanang kamay ni Disosado at sinenyasan ang tatlong kasama na maglakad patungo roon. Dahan-dahan, sinusubukang huwag gumawa ng ingay.
Napangisi si Diosdado. Alam niyang sa gabing iyon, mapapasakamay niya ang buhay ni Soledad.
“Ama! Ano itong nabalitaan ko mula kay punong Graciana na ako raw ay iyong ipagkakasundo sa prinsipe ng Grebanio?!”
Hindi na nagawa pang kumatok ni Emira sa silid ng kaniyang ama at dali-daling pumasok sa loob. Wala ring ni isang guwardiya ang nakapigil sa kaniya.
Tila inaasahan din naman ng hari ang pagpunta ng kaniyang anak na babae.
“Ipinaalam na pala sa’yo ni punong Graciana,” saad nito na tila ba isang normal lamang ang ginawang desisyon nito habang si Emira ay labis-labis ang paninibugho.
“Ama!” galit at hindi makapaniwalang tawag nito sa ama.
Noon lamang nagtaas ng tingin ang hari. Napailing si Emira ng makitang walang pagsisisi sa mga mata nito ang ginawang desisyon.
“Akala ko pa naman ay malinaw sa inyo ang pagkadisgusto ko sa pamilyang iyon,” aniya at hindi na hinintay pang sumagot ang sariling ama.
“Emira,” tawag ni punong Graciana sa kaniyang alaga.
Tinutulungan niya itong magbihis suot ang tradisyunal nilang kasuotan. Kanina pa ito tahimik at walang imik mula ng makabalik galing sa ama.
Napabuntong hininga siya. Mamayang gabi ay dadating ang pamilya Advincula upang magkakilala ang dalawa. Halos naghahanda na ang lahat at siya na lamang ang hindi nakakaalam. Sinabi niya iyon upang makapaghanda rin siya. Alam niya kung gaano kalabis ang galit ng dalaga sa pamilyang iyon.
“Ikaw ay magtutungo sa mga bata mamaya. Nais mo bang makita ka nilang nakabusangot at hindi maipinya iyang mukha mo?” tanong niya rito.
Pagod at sukong napabuntong hininga naman si Emira. Masiyadong okupado ang kaniyang isip. Sa ginawa ng kaniyang ama ay tila binuksan nito ang sugat na akala niya ay maghihilom pa.
“Hindi ko lamang maintindihan si ama,” simula niya, “Labing-isang taong gulang ako ng makita ko kung paano patayin ang aming ina na ipinag-utos ni haring Caesar. Ipinapatay siya sa kasalanang walang matibay na ebidensiya,” puno ng hinanakit niyang sabi.
Ang kaniyang ina ay pinagbintangan na nakiapid sa asawa ng kapatid ni haring Caesar. Walang kapatawaran sa bansang Grebanio ang kasalanang iyon kaya naman kamatayan ang kaparusahan ang ipinataw sa kaniyang ina.
Ang hindi niya maintindihan ay walang sapat na ebidensiya ang hukuman ng Grebanio sa kasong iyon. Ayon pa sa mga humarap ng kaso at nakasaksi ng paglilitis, iisang beses na namataan ang dalawa na nagkita sa hangganan ng Aldepania at Grebanio. Bukod doon, ang kaniyang ina lamang ang pinatay. Ang asawa ng kapatid ni haring Caesar na si Leonel ay nakakulong sa pinakatago at puno ng sekyuridad na piitan.
“Huwag mo munang intindihin ang bagay na iyon, Emira. Mayroon kang mas malaking hamon na kinakaharap ngayon. Ang makuha ang puso ng mga Aldepanio.”
Iniharap siya ni punong Graciana sa kaniya. Pagtapos ay binigyan ng isang ngiting na nakapagpangiti na rin sa kaniya.
Dinampot niya ang maliit na korona na nakalagay sa lamesa sa gilid at ipinutong sa ulo ng dalaga.
“Walang makakapigil sa’yo sa mga nais mong marating,” anito at tinapos na ang pagbibihis niya.
Hindi mawala ang ngiti sa kaniyang labi habang tinitignan ang mga batang estudyante na nag-aaral mabuti at nakikinig sa klase.
Sa totoo lang, natutuwa siya. Naging estudyante rin siya kaya alam niya kung ano ba talaga ang tunay na kaganapan sa loob ng isang silid. At iyon ang nakikita niya ngayon. Kahit na nag-aaral at nakikinig ay hindi maitago ang kakulitan ng mga bata.
“Sadya ho talagang mga pasaway ang mga bata ngayon, mahal na prinsesa,” ani ng punong guro.
Tumango siya at huminto dahilan para mapahinto rin ang mga nakasunod sa kanila.
Kasama niya ang dalawang dalagitang nagsisilbi sa kaniya sa loob ng palasyo na sina Aiden at Abigail. Tapos ay tatlong guwardiya na siyang pinagkakatiwalaan din niya. Sina Jacob, Elijah at Bryan. Si punong Graciana ay naiwan sa palasyo upang pamunuan ang pag-aasikaso ng hapunan mamayang gabi.
Bukod sa punong guro ay kasama rin nila ang kanang kamay nito at ang ilan pang mga guro na nais lamang sumama nila.
“Minsan ka na bang naging pasaway sa iyong magulang binibining Melissa?” tanong niya at nanatiling nakahinto.
“O-opo, prinsesa,” kinakabahan nitong sagot.
Ngumiti siya at tumango. Nagpatuloy siya sa paglalakad. Ang dalawang kamay ay nanatili sa likod.
“Sa tingin mo ay ilang taon ka nagsimulang maging pasaway?” muli niyang tanong. Nginitian niya ang estudyanteng lumabas mula sa palikuran. Tumatakbo pa iyon palabas ngunit ng makasalubong sila ay biglang naging tuwid ang pagtayo at naglakad ng nakayuko.
Natawa siya. Ganoon din siya noong nasa highschool. Mahilig tumakbo lalo na kapag malapit na siyang mahuli sa klase.
“Siguro ho ay nagsimula noong highschool,” sagot nito, hindi mawari kung para saan ang pagtatanong ng prinsesa.
“Ako ay mula ng makalakad ay pasaway na,” natatawa niyang sambit na siyang sinabayan ng mga kasama nila.
Saksi ang mga kasama niya sa palasyo kung gaano kapasaway si Emira kahit pa prinsesa ito. Naroon ang pagtakas niya sa umaga upang mag-ikot sa bayan at makita ang kaniyang mga kababayan. Mayroon ding pinagdidiskitahan niya ang mga kasama niya sa tuwing siya ay natutuwa.
“Normal lamang ang pagiging pasaway, binibining Melissa. Lahat tayo ay nagdaan sa pagiging pasaway, sakit ng ulo sa magulang.
Kung ikaw ay nagsimulang maging pasaway noong ikaw ay nasa sekondarya, ikaw ay may isip at alam na kung ano ang tama at mali. Alam mo na kung paano manimbang at mamili. Ito pa kayang mga batang wala pang nauunawaan sa mundo?”
Muli siyang huminto sa tapat ng isang silid. Sa silid na iyon ay mas nagkakagulo ang mga bata dahil nagpapasa ang mga iyon ng papel sa lamesa ng kanilang guro. Pagtapos magpasa ay dumadampot ng laruan ang mga bata at naglalaro na.
“Inosente ang bawat bata. Kung mayroong dapat na protektahan ay sila dahil sila ang kinabukasan ng Aldepania.
“Huwag niyong ihingi ng pasensiya ang pagiging pasaway at makulit nila. Naging bata rin ako minsan. Kung babalik ako sa pagiging bata ay pipiliin ko pa ring maging isang pasaway.
“Hayaan niyo silang magkamali. Sa bawat pagkakamali ay may bagay na matututunan sila na hindi maituturo ng ating eskwelahan,” aniya at nagpatuloy ng maglakad patungo sa gym ng eskwelahan.
SA DULO NG gym ng paaralan ay tanaw ni Cassius ang kaganapan na nangyayari sa loob.
Dahil oras na ng tanghalian ay nagpapamigay ng pagkain at ilang kagamitan pang-aral ang ilang naka-uniporme na nagmula sa palasyo.
Inilibot niya ang kaniyang paningin. Sabi ng kawal na sumundo sa kanila kanina ay nandito ang prinsesa ng Aldepania. Nais niya iyong makita kahit sandali upang magkaideya siya kung sino ba ang prinsesa na iyon.
Nadako ang kaniyang paningin sa kung saan may mga batang naglalaro sa palaruan. Doon ay nakita niya ang isang babae na nakasuot ng mahabang damit na kulay berde na mayroon ding mga kulay kayumanggi. Mahaba ang manggas niyon at hubog na hubog sa katawan ng dalaga. Nakalugay rin ang kulay kayumangging buhok nito na kulot ang bandang ibaba habang mayroong maliit na korona sa ulo nito.
Sa palagay niya ay iyon na ang prinsesa. Nasa gilid ito ng duyan habang dinuduyan ang isang bata. Tila masaya ito sa kaniyang ginagawa na makipaglaro sa mga bata.
“Prinsesa Emira, ako naman! Ako naman! Gusto ko rin magduyan!” ani ng isang batang babae na lumapit dito.
Binalingan ito ng tingin ng dalaga at ginulo ang buhok sa ituktok nito.
“Dalawang duyan pa at ikaw na ang susunod. Malinaw ba?”
Sunod-sunod ang naging tango ng bata habang nakangiti. Mas lalo namang lumawak ang ngiti ni Emira dahil doon.
Hindi namalayan ni Cassius na pati siya ay nangingiti habang pinapanuod ang prinsesa at mga bata.
“Ikaw ang aking mapapangasawa.”

Komentar Buku (31)

  • avatar
    NicaFarah

    for just an money

    7d

      0
  • avatar
    Harry Velasco

    ang Ganda ng kwento

    24d

      0
  • avatar
    Vianne Mae Provido Calauod

    nice story and i like it

    08/07

      0
  • Lihat Semua

Bab-bab Terkait

Bab Terbaru