logo text
Tambahkan
logo
logo-text

Unduh buku ini di dalam aplikasi

RED FLAVOR THREE

KAHIT na sabihin pang lalaki na ang tingin ng karamihan kay Raine ay hindi naman iyon naging dahilan para mapanghinaan siya ng loob. Mas natuwa pa nga siya dahil nasiguro na niyang walang lalaking gugulo sa pag-aaral niya. Kaya naman niyang pagtiisan ang pambabaeng ugali ni Yuan kahit na sabihin pang parang hinihingi na nito ang dugo niya kapag nagtatama ang paningin nilang dalawa. Buti na lang at marami siyang baong pambabara lagi kaya siya ang may huling salita kapag nagsasagutan na silang dalawa.
"Ano na naman ang itinitingin-tingin mo riyan?" masungit na tanong ni Yuan kapag napapansin niya ang mata ni Raine na nakatitig sa kanya. "Sinasabi ko namang hindi ako pumapatol sa isang bakla eh!"
"Bawal na bang tumingin sa pader na nasa likod mo?" tanong ni Raine sa isang nang-aasar na tinig. "Pag-aari mo na ba ang buong unit na ito?”
Bago pa man magawang sagutin ni Yuan ang tanong ni Raine sa kanya ay narinig na niya ang pagtunog ng phone nito. Bigla na lamang nawala ang atensyon ng baklang kasama niya sa kanya nang sinagot niya iyon. Hindi naman niya trip makinig sa usapan ng iba ngunit hindi naman iyon nangangahulugang hindi niya malalaman na may kinalaman sa online selling ang tawag na iyon.
“Oo, may stock pa ako ng sinasabi mong product,” narinig pa ni Yuan na sinabi ni Raine sa kausap. “llang piraso ba ang kailangan mo? Okay, sige, dadalhin ko na lang diyan sa dorm ninyo ang product. Just make sure na nakahanda na rin ang pambayad mo. Oo, sa harap lang ako ng dorm ninyo magpupunta. Okay, bye.”
Nagulat na lamang si Yuan nang bigla na lamang siyang tinawag ni Raine nang sandaling iyon, “Baka may gusto kang ipabili sa akin. Lalabas ako.”
“Hindi ko kailangan ang tulong mo,” inis na sagot ni Yuan nang sandaling iyon. “Umalis ka na kung gusto mo.”
“Tsk, alam ko namang may buwanang dalaw ka, pero huwag mo naman sanang gawing araw-araw dahil dagdag lang iyan sa stress natin pareho,” litanya agad ni Raine na para bang sinesermunan lang si Yuan nang sandaling iyon.
Isang masamang tingin na lamang ang pinakawalan ni Yuan nang muli na namang nagtama ang paningin nila. Wala nang ibang choice si Raine kundi ang umalis na lang dahil siguradong mababato na siya ng binata kapag nagtagal pa siya sa loob. Napailing na lamang siya dahil malala pa sa isang babaeng may buwanang dalaw ang pag-uugali ni Yuan. Hindi niya talaga malaman kung ano ang nakain niya at nagawa niyang mapagtiisan ang kakaibang ugali nito.
Hindi naman mapalagay si Yuan nang napag-isa na siya. Oo, pinaalis niya si Raine dahil naiinis siya sa ‘binatang’ kasama niya. Iyon nga lang, sa hindi malamang dahilan ay bigla naman niyang hinanap ang presensiya nito na para bang nagsasabing walang buhay ang kwarto niya kapag wala si Raine sa loob. Naiinis siya dahil alam niya sa sarili niyang wala na siyang dapat pakialam pa sa kung ano man ang gagawin ni Raine sa mga oras na iyon. Gusto niyang sapakin ang sarili niya dahil pakiramdam niya ay miss na niya agad ito kahit na ilang minuto pa lang ang nakalilipas buhat nang paalisin niya ito.
“Yuan, nagawa nang lasunin ng baklang iyon ang utak mo,” kastigo agad ni Yuan sa sarili. “Umayos ka kung ayaw mong sumakit ang ulo mo sa kanya.”
Kahit na kastiguhin pa nga ni Yuan ang sarili niya ay hindi pa rin niya napigilan ang kanyang sarili na sundan si Raine nang sandaling iyon.
“Wala naman sigurong masama kung aalamin ko kung ano ang monkey business niya,” pangangatuwiran agad ni Yuan sa kanyang sarili. “Kukuha lang ako ng ebidensiya na magpapatunay na may monkey business siyang ginagawa para mapaalis ko na siya rito.”
MALAWAK ang pagkakangiti ni Raine nang nakuha na niya ang bayad sa produktong inorder sa kanya. Kahit papaano ay hindi na niya magagalaw pa ang allowance na ibinigay sa kanya ng mga magulang niya nitong nakaraang linggo. Napahimas na lamang siya sa tiyan niya nang kumalam na iyon. Nawala na sa utak niya ang pagkain dahil sa dami ng ginagawa niya, plus kailangan pa niyang makipagtuos palagi sa ugali ng roommate niya.
“Kailangan kong kumain ng something na red at matamis,” sambit ni Raine sa sarili habang papunta siya sa cafeteria ng kanilang school. “Siguro naman ay hindi ako mabibigo ngayong araw.”
Habang naglalakad siya ay naramdaman na siyang sumusunod sa kanya nang oras na iyon. Sigurado siyang mays sumusunod sa kanya dahil alam naman na niya kung paano ang mga kilos nito. Paano siya naging expert? Simple lang, madami siyang naging stalkers noong babaeng-babae pa ang hitsura niya. Hindi nga lang niya inakalang kahit mukha na siyang lalaki sa paningin ng lahat ay may magtatangka pa ring sumunod sa kanya. Ikinalma na lamang niya kaagad ang kanyang sarili nang oras na iyon para hindi makahalata ang sumusunod sa kanya na huli na niya ito. May alam siyang isang parte ng paaralan na tago sa nakararami. Maaari niyang pasunurin doon ang taong sumusunod sa kanya para magkaalaman na kaagad. Kung babae ang sumusunod sa kanya ay tatakutin na lamang niya iyon na magsusumbong siya sa admin kung uulitin pa nito ang pagsunod sa kanya. Kung lalaki naman ang taong iyon, well, hindi na niya iyon idadaan pa sa isang mabuting usapan. Babalian na lamang niya agad buto ang lalaking iyon para madala na ito sa pagsunod sa kanya.
Tulad nang inaasahan, sinundan pa rin siya ng stalker niya hanggang sa lugar na naisip niyang pagdalhan sa taong iyon. Nang nasiguro niyang wala na itong mapagtataguan pa sa kanya ay tiningnan niya kaagad kung ano ang gender nito nang hindi tumitingin sa mukha nito. Nang nasiguro niyang lalaki ang stalker niya ay mabilis na siyang umatake. Ginamit na niya ang nalalaman niya sa judo para mabalian ng buto ang nasabing lalaki. Handa na siyang umpisahan ang pagbali sa mga buto nito nang narinig niya ang boses nito.
“Ikaw ba ay hindi marunong kumilala ng mga taong sumusunod sa iyo?!” inis na tanong ni Yuan habang pilit na ikinakalma ang sarili nang oras na iyon. “Kung hindi pa ako nagpumiglas sa iyo ay hindi mo pa ako pakakawalan!”
“Kasalanan mo rin naman kasi,” pangangatuwiran ni Raine. “Ni hindi ka man lang nagsasalita kaya pasensiya ka na. Kung nagsalita ka lang ay hindi na sasapit pa sa ganito ang lahat. Wala pa naman akong nababali kaya hindi mo na kailangang magpaospital pa.”
“So may balak ka talagang balian ako ng buto?!” inis na tanong ni Yuan sa ‘binata’. “Makapunta nga sa admin at nang maireklamo na kita!
Napakamot na lamang ng ulo si Raine nang sandalig iyon. Ang simpleng pagkain lang sana niya sa cafeteria ay mapupunta pa yata sa pakikipag-usap sa admin ng paaralan. Well, ayaw naman niyang magkaroon ng additional na problema sa binata kaya no choice na siya kundi ang ilibre na lang din ito sa cafeteria.
“Alam mo, baka nalilipasan ka na rin ng gutom, tara kain tayo sa cafeteria,” yaya agad ni Raine sabay hawak sa kamay ni Yuan nang sandaling iyon. “Huwag mo nang alalahanin pa ang gastos dahil treat ko na ito!”
Bago pa man makapalag si Yuan ay ganap na siyang nahila ni Raine papuntang cafeteria. Hindi na siya nagtangka pang magpumiglas nang sandaling iyon dahil alam na niya kung gaano kalakas ang baklang kasama niya. Kung hindi lang siguro bakla si Raine ay baka kaibigan na niya ito. Iyon nga lang, namula na lamang siya nang napagtanto niyang pinagtitinginan silang dalawa nang pumasok sila sa cafeteria. Sino ba naman kasing matinong lalaki ang hahawak at magpapahila na lamang sa kapwa niya lalaki papasok sa isang kainan? Nakaramdam kaagad siya ng pagkailang nang sandaling iyon.
“Ate, dalawa ngang cake na kulay red saka dalawang iced tea,” sambit agad ni Raine nang nasa counter sila. “Gusto ko iyong pinakamatamis ah!”
Nangunot na lamang ang noo ni Yuan sa sinabi ni Raine. Mukhang may balak pa yata ang kasama niya na pataasin ang blood sugar nilang dalawa. Hindi na siya magtataka pa kung bakit hyper lagi si Raine. Sigurado na siyang may kinalaman ang matatamis na pagkain sa pag-uugali nito. Iyon nga lang, hindi naman niya maintindihan kung bakit nag-specify pa ito ng kulay sa cake na kakainin nila.
“RED is equal to love na sobrang tamis,” kinikilig na sabi ni Raine nang nagtanong na ang binata sa kanya.
“At talagang nagawa mo pang ikumpara sa salitang love ang kulay na iyan,” bored na sagot ni Yuan.
“Of course! Red naman talaga ang kulay ng pag-ibig eh,” sambit ni Raine. “Red is the color of heart and blood, iyan din ang nakikita sa pagmumukha mo kapag namumula ka na sa kilig.”
“Hindi ko alam kung anong uri ng sayad ang mayroon ka,” naiiling na sabi ni Yuan. “Pero sasabihin ko na sa iyong hindi sa lahat ng pagkakataon ay matamis ang ibig sabihin ng kulay na iyon. Hindi rin naman lahat ng relasyon ay matamis. May iba pa ngang lasang kalawang kung sakali. Kung minsan nga, mapait pa.”
“Tsk, baka naman nasasabi mo lang iyan dahil bitter ka sa salitang pag-ibig,” panunukso agad ni Raine sa binata. “Come on, wala namang masama kung maniniwala kang matamis ang kulay pula.”
“Nah, ayaw kong paniwalaan ang mga sasabihin mo dahil halata namang malakas na ang sayad mo,” sambit ni Yuan. “Kasi hindi naman talaga lahat ay happy ending ang resulta. Ang iba nga, niloloko lang eh.”
Napanguso na lamang si Raine nang sandaling iyon, “Baka nga tama ang hula ko na bitter ka sa salitang love dahil minsan ka nang nasaktan.”
Nangunot na lamang ang noo ni Raine nang biglang nanahimik si Yuan nang sandaling iyon. Mukhang may natamaan siyang ego habang pinag-uusapan nila ang salitang pag-ibig. Nawala ring bigla ang bickering mood nila nang sandaling iyon at napalitan na iyon ng awkward atmosphere. Ibubuka na sana niya ang bibig niya para humingi ng paumanhin sa nasabi niya nang inunahan na siya nito.
“Subukan mo lang na humingi ng apology sa akin at babanatan kitang bakla ka,” pagbabanta ni Yuan kay Raine.

Komentar Buku (12)

  • avatar
    j******o@gmail.com

    nice one

    08/10/2022

      0
  • avatar
    QueenSamarra

    Catchy ng blurb! Very memorable din ng first meeting nina Raine at Yuan! I just found a gem, will be reading more of the author's stories for sure! 🥰

    14/07/2022

      0
  • avatar
    Virgllio Enriquez

    oo malakas

    20/06/2022

      0
  • Lihat Semua

Bab-bab Terkait

Bab Terbaru