logo text
Tambahkan
logo
logo-text

Unduh buku ini di dalam aplikasi

THE CLASH OF RIVALS

THE CLASH OF RIVALS

Elvade


KABANATA 1

THE CLASH OF RIVALS
written by Elvade
SA MALAWAK na isla ng Vlandia, matatagpuan ang Veroin Kingdom. Isang aharian kung saan ang lahat ay nabiyayaan ng angking kakayahan. Natural na mula pagkabata ay may kan'ya-kan'ya na silang abilidad. Ang iba ay may kakayahang makaintindi ng hayop, telepathy, space dimension o spatial, apoy, yelo, hangin, healing, pangpatulog at ang isa sa tinaguriang pinakamalakas sa lahat ng kakayahan--ang Thunder God.
Ang Thunder God quirk ay natatangi sa lahat. Kung mayroon kang ganitong kakayahan ay maaari kang maging isang knight na may pagkakataong makapagsilbi sa pinakaimportanteng tao sa kaharian--ang hari.
Maaari pa rin namang makapagsilbi ang ibang salamangkero kahit na hindi sila nagkaroon ng ganoong kakayahan ngunit dadaan sa tamang proseso at nararapat lamang na nakapagtapos sa natatanging institusyon.
Dahil kinatatakutan ang Thunder God, madalas ay sila ang mga inuuna ng mga kalaban para tapusin at ang mga taong iyon ay ang Shadow Clan. Sila iyong mga naghahangad ng kapangyarihan at posisyon sa siyudad--mga taong hindi nabiyayaan ng malakas at kapaki-pakinabang na kakayahan kaya naman ang grupong ito ay nagbalak na magsama-sama at kumalap pa ng ibang miyembro.
Sa Veroin Kingdom matatagpuan ang mga naglalakihang mga gusali na pinaninirahan ng mga mayayamang mamamayan. Nariyan din ang Time Tower, isang pambihirang gusaling may sampung palapag at may malaking orasan sa pinakatuktok nito na pag-aari ng Hari at siya ring madalas niyang pasyalan.
Tulad ng ibang mga isla ay kilala rin ang kaharian ng Veroin bilang isa sa may pinakatanyag na unibersidad para sa may mga kakayahan, ang Camelot Magical Academy. Isang institusyong nagbibigay oportunidad na hasain pa ang kakayahan ng isang salamangkero at magbibigay ng sapat na ideya sa kanila kung paano nila makokontrol ang kanilang kakayahan.
Sa unibersidad na ito nag-aaral si Aeros Clamoria. Isang labing-anim na taong gulang na kahit nagbibinata ay nasa pangangalaga pa rin ng isang simbahan.
Kahit lumaking walang mga magulang ay lumaki naman siyang masaya at may tamang pangaral sa tulong ng isang matandang babae na si Sister Eden.
“Aeros, pakisundo si Syric dahil maghahapunan na!” sigaw ng Sister habang nakadungaw sa bintana.
Tiningala niya ang boses na iyon at nakita niya si Sister Eden. Abala pa sana siya sa pagsasanay na gumamit ng espada kung kaya't napakamot siya sa ulo nang tawagin siya nito. Inutusan lang naman siya nito na sunduin si Syric na abala sa pangunguha ng kahoy para sa pagpaayos ng sirang parte ng simbahan.
No'ng mga nakaraang araw kasi ay masyadong napalakas ang hangin kaya nasira ang lagayan nila ng panggatong na nasa likuran ng simbahan kaya naman ay nararapat lamang na si Syric ang gumawa ng tungkuling iyon dahil mas madali sa kanya iyong trabaho.
Si Syric ay may kakayahang kontrolin ang tubig sa kahit na anong gusto niya. At bihira man kung tawagin pero siya ay may dalawang kakayahan at iyon ay ang kontrolin ang tubig at yelo.
“Syric! Sa'n ka ba?” Umalingawngaw ang boses ni Aeros sa kabuuan ng gubat at umabot iyon sa kaniya, na naging dahilan upang magliparan ang mga nagpapahingang mga ibon sa kani-kanilang pugad.
Hindi niya na lamang binigyang pansin ang mga ito.
“Mizu no shibuki!” (Water Slash) sigaw ni Syric at kasabay niyon ay ang sabay-sabay na paglabas ng matutulis na bagay na gawa sa tubig at mabilis ang mga itong pinatumba ang isang puno.
Pagod na rin siya dahil masyado nang matagal ang paggamit niya ng kaniyang kakayahan kaya naman ay tumungo siya sa malaking puno at umupo roon.
“Syric! Syric!” patuloy na sigaw ni Aeros hanggang sa natagpuan niya na ito na nakaupo sa paanan ng malaking puno, hinihingal habang nakapikit.
Nahihilo siya at halos nawawalan na ng paningin. Ang kaniyang pandinig ay halos nakapokus na sa kung gaano kabilis ang tibok ng kaniyang puso.
Agad nagmadali si Aeros papunta sa direksyon ni Syric upang tingnan kung maayos ba ang lagay nito.
Halos hindi niya na namamalayan na may mga kaunting galos na siya sa kaniyang binti dahilan ng kaniyang pagsulong sa gubat na ang tanging suot lang ay sandong puti at kulay itim na shorts, na pinares niya sa kaniyang tsinelas.
Hinawakan niya ang braso nito at pilit na pinapatayo habang inaalalayan nang masigurong wala namang dapat ipag-alala. Napagod lang talaga.
“’Yan! ’Yan ang napapala mo sa kayabangan mo. Bakit kasi ’di ka pa nagpahinga?” sermon niya rito dahilan upang buksan ni Syric ang kaniyang mga mata at kasabay niyon ay ang pagkakita niya ng nag-aalalang mga mata ng kaibigan.
“Alam mo namang gumagabi na, yabang mo kasi eh!” Napangisi na lamang si Syric sabay tingin kay Aeros.
“Tumahimik ka nga. Palibhasa kasi, ’di mo pa alam ang kakayahan mo. Siguro wala ka talagang powers eh, no?” Bahagya siyang tumawa kaya naman binigyan siya ni Aeros ng mahinang suntok sa tagiliran.
Papauwi na sana sila nang isang malakas na bagyo ang dumating. Malakas ang hangin at ulan kaya pansamantala silang sumilong sa isang malaking puno pero balewala dahil sa sobrang lakas nito. Nabubunot ang mga puno mula sa lupa at nagliliparan. Halos hindi na rin nila makita ang kanilang daraanan sa sobrang lakas ng ulan.
“Ao no Shouheki!” (Blue Barrier) malakas na sigaw ni Syric nang lumipad sa direksyon nila ang isang malaking puno. Unti-unting nabuo ang isang barikadang gawa sa tubig at pumalibot ito sa kanila upang magsilbing proteksyon mula sa mga nagliliparang sanga ng mga puno. Ngunit dahil sa malakas na hangin at sa lakas ng impact ng isang malaking sanga ng kahoy na nakipagsagupa sa spell ni Syric, nagkaroon ng maliit na bitak sa kaniyang water barrier.
Nagngingitngitan ang mga ngipin ng binata habang ginagawa ang abot ng kaniyang makakakaya upang mapigilan ang tuluyang pagkawasak ng kaniyang water barrier. Ilang minuto pa ang lumipas at hindi na niya kayang tagalan pa ito. Kusang nawala ang epekto ng kaniyang spell na naging dahilan upang rumagasa ang malaking sanga ng kahoy patungo sa kanila.
“Mizu no shibuki,” naibulalas ni Syric at mabilis niyang pinakawalan ang isang pakurbang patalim na gawa sa tubig na humiwa sa papalapit na sanga ng kahoy.
Napabuntonghininga na lamang siya dahil sa kabutihang palad ay nagawa niyang protektahan ang kaniyang sarili at si Aeros na nasa kaniyang likuran lamang habang pinagmamasdan lamang siya sa paggawa ng mga nakakamanghang spell.
“Syric, tama na! Itigil mo na 'yan!” natataranta na sigaw ni Aeros sabay pigil kay Syric.
Sa sobrang pagod nito ay halos hindi na ito makahinga at makakilos pero sa sandaling iyon ay isa na namang malaking puno ang lumipad papunta sa kanilang direksyon.
“Kōri no maiso!” (Ice Burial!)
Nang tamaan iyon ni Syric ay agarang nagyelo ang puno at nawasak. Pawang niyebe ang mga parte nito nang magliparan sa ere.
Basa na silang pareho at nilalamig pero sa kagustuhang makaligtas ay ginawa ni Syric ang makakaya niya. Alam niya rin na sa mga oras at pagkakataong ito ay obligado siyang maprotektahan ang kaibigan. Nahihilo man at nahihirapan na ay nagpatuloy pa rin siya.
Aminado si Syric na mababa ang kaniyang stamina ngunit alam niyang kung hindi siya magpapakatatag ay pareho silang mapapahamak kung kaya't wala sa isip niya ang sumuko. Gayunpaman, hindi alam ni Aeros kung ano ang gagawin lalo pa't hindi niya pa alam kung anong kakayahan mayroon siya, o kung meron man.
Alam niyang mahina siya at kung hindi dahil kay Syric na nasa tabi niya ngayon ay matagal na siyang nalagutan ng hininga dahil saang banda man ay nagliliparan ang mga puno, na anumang oras ay pwede silang tamaan ngunit nariyan ang ginawang panagga ni Syric na gawa rin sa makapal na yelo. Wala siyang ibang alam gawin kung hindi ang gumamit ng espada ngunit sa kamalas-malasang pagkakataon, naiwan pa niya ito sa lagayan niya.
“Syric!” Napasigaw dahil sa takot si Aeros nang makita niyang mawalan ito ng malay.
“A-anong gagawin ko? Syric, gumising ka!”
Niyugyog niya ito ngunit hindi pa rin nagigising. Kaya naman ay ipinuwesto niya si Syric sa likuran niya nang sa gano'n ay maprotektahan niya ito sa kahit na anong paraan.
Wala na rin iyong panangga ni Syric dahil nang mawalan ito ng malay ay naglaho rin ito na parang bula.
Buti na lamang at ilang minuto, tumigil na ang bagyo. Pansamantalang kumalma ang paligid ngunit kita ang pinsala na dulot nito.
Tanging kaluskos ng mga dahon ang maririnig sa paligid dulot ng hindi kalakasang hangin at ang langitngit na tunog mula sa mga puno na nababali. At maging ang kokak ng palaka at mga insekto ay nakikisabay rin sa hingal ni Aeros.
Lumingon-lingon si Aeros habang nanginginig sa lamig habang si Syric naman ay wala pa ring malay. Nang kargahin niya ito sa kaniyang likuran ay saka niya pa lamang naramdaman ang kirot na nasa kaniyang kaliwang braso.
Malalim ang sugat nito kung kaya't mabilis din ang pag-agos ng dugo niya mula rito pero hindi niya iyon ininda. Tanging mahinang impit lamang ang kaniyang napakawalan nang tuluyan na siyang nagsimula sa paglalakad.
Ilang minuto pa lang siyang naglalakad habang buhat si Syric nang makarinig siya ng kakaibang ingay mula sa langit. Para iyong ingay ng kulog o kaya naman ng palahaw na hindi niya maintindihan.
Tumingala siya, kasabay niyon ay ang paglaki ng kaniyang mga mata.
Nakita niya.
Isang bagay na pinagmumulan ng kakaibang ingay na pabagsak sa kanilang direksyon. Isang kulay asul na enerhiya na nagliliwanag, at mabilis ang pagbulusok niyon pababa.
Bago pa man iyon bumagsak ay naitapon niya na si Syric at kasabay niyon ay ang kaniyang walang hanggang sigaw dahil sa kirot na nararamdaman. Huli na rin para makailag pa siya.
Nakuryente siya. Wala siyang ibang alam gawin kung hindi ang sumigaw dahil sa sakit at hirap. Ang sakit ay walang katulad. Nawawala siya sa huwisyo dahil sa pakiramdam na iyon. Parang sinusunog siya nang buhay.
Ang kuryenteng iyon ay naglakabay sa kaloob-looban ng kaniyang sistema na pawang lahat ng kaniyang laman loob ay nawawasak. Kasali na roon ay ang pakiramdam niya na pawang tinatadtad siya ng malalakas na sipa at sabay ng pag-uumpog ng kaniyang ulo. Ang kaniyang mga buto ay parang paulit-ulit na pinupukpok ng matitigas na bagay. Hindi siya mapalagay.
Hanggang kalaunan ay bumigay na ang kaniyang katawan.
Sa gubat na iyon, kung saan hindi lamang puno ang nakahilata habang nauulanan, naroon'n din ang katawan ni Syric na walang malay at ang sunog na katawan ni Aeros.
Nang magising si Syric, nakahilata na siya sa kaniyang kama. At noong maalala ang nangyari ay agad siyang bumangon ngunit mabilis siyang napigilan ni Sister Eden, na siyang nagbabantay sa kaniya mula no'ng maiuwi sila sa simbahan.
Natatarant at ala sa sarili. Tuliro at puno ngpangamba. Hindi niyakayang maisip ang posibilidad na nangyari habang wala siyang malay ng mga oras na ‘yon.
“Sister, si Aeros? Nasaan si Aeros?”
Inalis ni Sister Eden ang tingin niya kay Syric sabay takip ng kaniyang bibig. Kalaunan ay napaiyak si Sister Eden dahil kahit siya ay hindi rin alam kung ano nang gagawin niya.
Sa pagkakataong palang iyon ay may kutob na si Syric.
“Hindi…” tanging bulong niya at mabilis na nilagpasan si Sister Eden upang hanapin si Aeros kahit na sumasakit pa ang kaniyang katawan.
“Syric!” tawag sa kaniya pero hindiniya iyon pinansin.
“Aeros… Huwag naman sana…” naiiyak niyang bulong.

Komentar Buku (12)

  • avatar
    OcampoDarill

    addidjdjsjisksndkxjdjdjd

    03/09/2024

      0
  • avatar
    requinalabrojasnicenicole

    hiiiii

    27/07/2024

      0
  • avatar
    John Jemich Mangaoang

    nice

    14/03/2024

      0
  • Lihat Semua

Bab-bab Terkait

Bab Terbaru