Mag-iisang buwan na simula nang mamatay ang Mama ni Holly. Mag-iisang buwan na din siyang nakakulong lamang sa kwarto, bumababa lamang kapag kakain at pagkatapos ay babalik na ulit. Hindi rin siya pumapasok, wala siyang gana sa lahat. Tinali niya ang kaniyang mahabang buhok at lumabas ng kwarto. Gabi na kaya naman nakakaramdam na siya ng gutom, ngunit hindi pa man siya tuluyang nakakababa ng hagdan ay kusang tumigil ang mga paa niya sa paghakbang. Mula sa kusina ay dinig na dinig niya ang malalakas na tawanan ng mga naroon. "May bisita ba si Papa?" tanong niya sa sarili. "Saan po ba ang magiging kwarto ko Papa? Excited na po kasi ako," sabi ng isang matinis na boses. Na-estatwa siya. Anong sinasabi no'n? Papa?Kwarto? "H'wag mo ngang tanungin ang tito mo ng ganiyan Liza, nakakahiya." "Hayaan mo na Locel, dito na naman kayo titira. At kayong dalawa, Papa na ang itawag niyo sa'kin, h'wag kayong mahihiya." Nai-kuyom ni Holly ang parehong kamay. Totoo ba ang narinig niya? Malakas ang kabog ng kaniyang dibdib na naglakad muli hanggang sa tuluyan na siyang makababa. Kinakabahan siya dahil posibleng tama ang nasa isip niya. At lalo pang kumabog ang dibdib niya nang makita na ang mga ito, mukhang nagkakasayahan pa. Sa harap ng Papa niya ay isang babae na sa tingin niya ay mas bata ng mga limang taon dito, katabi naman ng babae ang dalawang anak nito, isang babae at isang lalaki na sa tingin niya ay kambal at nasisiguro niyang ka-edad lamang niya. Napatingin sa gawi niya 'yong Locel. Medyo nagulat pa ito nang makita siya. "Siya na ba ang kapatid namin?" tanong no'ng Liza. Namimilog pa ang mga mata nito habang nakatingin sa kaniya. "Ang ganda naman niya Papa." Pinagpawisan siya ng malamig. Kumibot-kibot ang labi niya, hindi niya malaman kung magsasalita o hindi. Sobra ang pagkabog ng dibdib niya. "A-anong kapatid?" mahina niyang tanong na parang siya lamang ang nakarinig dahil sa panginginig ng boses. Mas lumapad pa ang pagkakangiti nito sa kaniya. "Halika na dito, kumain na tayo. Dito ka sa tabi ko." Hindi niya pinansin ang sinabi nito bagkus ay tumingin siya sa Papa niya na patuloy lamang sa pagkain, hindi man lang siya nito tinapunan ng tingin. "Pa?" nagtatanong na tawag niya dito. "Kung ayaw mong sumabay sa amin, patapusin mo muna kami," walang ganang sabi nito. Mabilis na nangilid ang luha niya dahil do'n. "Ano ka ba Marlon. Hija halika, sumabay kana sa amin," sabi nito na nameke pa ng ngiti. Napasinghap siya. Gusto niya itong lapitan at paalisin sa pwestong 'yon ng Mama niya pero wala siyang lakas. Parang naubos ang lakas niya sa mga narinig at nakita. Sapat na 'yon para manghina siya. Nanginginig ang mga kamay at tuhod niyang tumalikod. Napapalunok siyang naglakad. "Imposible," umiiyak niyang sabi. Kamamatay lamang ng mommy niya pero nakuha nitong mag-asawa ulit ng ganoon na lamang kabilis, parang walang nangyari. Wala ba talaga itong pakialam sa posible niyang maramdaman? Anak siya nito at bakit ganoon na lamang ang naging trato nito sa kaniya? "Ang s-sama sama ng l-loob ko," nahihirapan niyang sabi dahil sa sobrang pag-iyak. Dinaklot niya ang dibdib dahil pakiramdam niya ay naninikip 'yon. Ang pagkamatay ng mommy niya sa isang aksidente, pinalabas itong pangkaraniwan lamang dahil sa naka-inom daw ito ngunit hindi siya naniwala doon, bukod kasi sa hindi ito nagmamaneho ng lasing ay mayroon itong saksak sa kaliwang dibdib na pinalabas din na dahil lamang iyon sa nabasag na windshield ng kotse. Ngunit sa nangyayari ngayon ay hindi na niya 'yon mapaniwalaan pa ng tuluyan. Alam niyang masama ang mamintang dahil wala siyang ebidensiya pero bakit iyon ang nararamdaman niya? Bakit iyon ang nasa isip niya? At ang tungkol sa sinabi ni Liza kanina, ayaw iyon tanggapin ng isip at puso niya. Totoo bang kapatid niya ang mga ito? Paano nangyari 'yon? Kailan pa niloloko ng Papa niya ang Mama niya? Dumapa siya sa kama at doon umiyak ng umiyak. Gulong-gulo ang isip niya at ang mga narinig niya kanina ay lalo pang nagpagulo dito. Nasasaktan siya ng sobra para sa sarili niya at lalo na para sa Mama niya. Sumama lalo ang loob niya sa Papa niya, paano nito nagawa 'yon sa Mama niya? Hanggang sa nakatulugan na niya ang pag-iyak. Nagising siya kinabukasan dahil sa sikat ng araw na tumatama sa kaniyang paa mula sa nakabukas niyang bintana. Hindi agad siya kumilos, ang bigat ng pakiramdam niya. Nakatulala lamang siya sa kisame na animo'y naghahanap ng sagot sa kaniyang mga katanungan. Ilang minuto pa ang lumipas bago siya tumayo, naligo at bumaba. Napakatahimik ng bahay, ang tagaluto lamang nilang si Manang Flor ang naabutan niya sa kusina. "Ipaghahanda na kita hija. Wala ang Papa mo ngayon kasama siya ng..." Hindi nito naituloy pa ang sasabihin at napatungo na lamang nang makita nito ang reaksyon sa kaniyang mukha. Nalulungkot siya ngunit nangingibabaw pa rin ang galit. "Okay lang po Manang. Ako na po ang bahala dito." Kumuha siya ng pagkain at walang ganang sumubo. Mapait siyang ngumiti. Kung totoong kapatid niya ang mga 'yon, masasabi niyang matagal na nang lokohin ng Papa niya ang Mama niya. Tingin kasi niya ay magkasing-edad lamang sila ng mga ito. Tiningnan niya ang tagaluto na nakayuko pa rin. "Manang, kilala niyo ba 'yong Locel?" tanong niya. Nag-angat ito ng tingin sa kaniya, mukha itong nagulat dahil natigilan ito at napatitig sa kaniya. Nameke siya ng ngiti. "Sige Manang, hindi mo kailangan sagutin, alam ko naman na hindi mo siya kilala." Lalo pa itong natulala sa kaniya habang kumikibot-kibot ang labi. "Tapos na po ako." Tumayo na siya at nang nasa may pintuan na ay nilingon niyang muli ang tagaluto. Pansin niya ang panginginig ng kamay nito. Base sa pinapakita nitong reaksiyon mula pa kanina ay masasabi niyang may nga alam ito. Iyon nga lang, hindi siya pwedeng mamintang agad-agad. Ang magagawa lang niya sa ngayon ay manahimik habang nagmamasid. "Malalaman ko rin ang totoo Mama," bulong niya habang nakatingin sa picture nila at ng mama niya. Nasa kwarto lang siya at ginugugol ang oras sa pag-iisip. Ganoon lamang ang eksena niya buong araw. "Ang saya-saya ko talaga Papa. First time kong makapunta doon, salamat po ah." Nilingon niya ang pintuan na parang makikita niya doon ang masayang mukha ni Liza. "Walang problema. Sige na magpahinga na muna kayo, alam kong napagod kayo." Mabilis niyang hinagilap ang headset at sinalpak 'yon sa tainga niya. Nilakasan niya ang volume dahil ayaw niyang marinig ang masasayang boses na 'yon. Nalulungkot, naiinggit at nagagalit, 'yon ang nararamdaman niya. Kung dati ay sila 'yong masaya, sa isang iglap ay nagbago ang lahat. Nagbago ang pakikitungo sa kaniya ng kaniyang Papa na parang isa lamang siyang sampid sa bago nitong pamilya. Pakiramdam niya sa mga oras na 'yon ay mag-isa na lamang siya. Inayos niya ang sarili nang mawala ang ingay sa labas. Matapos ay bumaba siya. Sa sala ay nakita niya ang Papa niyang nagbabasa ng libro. Lumapit siya dito. "Pa," tawag niya. Hindi ito sumagot at kahit ang lingunin siya ay hindi nito ginawa. Gusto niyang maiyak. "Bakit mo ginagawa sa'kin 'to P-papa? May nagawa po ba akong mali?" tanong niya habang nangingilid na ang mga luha. Hindi pa rin ito sumagot kaya nagpatuloy siya sa gusto niyang sabihin at itanong. "At ang t-tungkol sa k-kanila..." parang naumid ang dila niya at hirap na hirap itanong 'yon. "Totoo po bang kapatid ko ang mga 'yon? S-sabihin mo nga s-sakin Papa, kailan mo pa niloloko si Mama?" Tuluyan nang pumatak ang luha niya sa huling linyang kaniyang binitawan. At doon lamang din siya nilingon nito ngunit galit ang mga mata nitong nakatingin sa kaniya. "Tumigil ka na. Wala kang karapatan magtanong," sagot nito at bumalik na muli sa pagbabasa. Kinagat niya ang labi para ikubli ang paghikbi. Masyadong masakit ang naging sagot nito sa kaniya. "Kailan mo pa n-niloloko si Mama? Iyon lang Papa ang gusto kong sagu---" "Sinabi kong tumigil ka na!" Napapitlag siya sa pagsigaw nito at napatitig na lamang. Sa unang pagkakataon ay sinigawan siya nito dahil lamang sa nagtanong siya. "P-papa," umiiyak niyang tawag dito. Umaasang hihingi ito ng paumanhin dahil sa nasigawan siya nito katulad ng ginagawa nito dati, pero mukhang imposible na 'yon dahil tinalikuran na siya nito. Wala siyang ibang nagawa kundi ang panoorin ito paalis, habang siya naman ay nasasaktan na pinapanood ang bawat paghakbang nito. Sa mga oras din na 'yon, pakiramdam ni Holly ay hindi na niya kilala ang Papa niya, maging ang sarili niya. Dahil sa trato nito sa kaniya, pakiramdam niya ay namatay siya at nabuhay muli at hindi na makilala ang sarili. Parang may itinatago na hindi niya matuklasan. Pinahid niya ang luha nang makasakay na sa kotse. "Malalaman ko rin ang totoo, Ma." Pinaharurot niya ang kotse palayo.
Terima kasih
Dukunglah penulis untuk menghadirkan kisah-kisah yang luar biasa untuk Anda
nice
07/10/2024
0ganda
23/07/2024
1good story
13/07/2024
0Lihat Semua