logo text
Tambahkan
logo
logo-text

Unduh buku ini di dalam aplikasi

Chapter 2.1

“SAVANNAH?” kunot ang noong tanong ni Carl sa pinsang si Garry. May ikinukwento itong isa diumanong black agent na alagad ni Mayor Simon Lizardo. Ang Savannahng ito raw ang tagalinis ng kalat ng mayor at ng lahat ng politikong nasa partido nito kaya walang mahalungkat ang kahit na sino.
“Hindi ba parang pang-TV lang ang ganitong klaseng istorya?” hindi naniniwalang wika pa niya. Agents? Taga-linis ng kalat? That sounded absurd to Carl.
“Bahala ka kung ayaw mong maniwala pero mag-ingat ka. May mangilan-ngilan nang naghahanap sa Savannah na ‘to dahil ang alam ko ay may malalaking tao rin sa lungsod na ‘to ang gumagamit sa expertise niya. Isa pa, bata ni Lizardo ang makakalaban mo sa eleksyon, hindi imposibleng may gawin iyan para umatras ka,” payo ni Garry.
Tatakbong mayor ng lungsod ng Aldemar si Carl. Sa angkan nila nanggaling ang mga naunang alkalde doon ngunit nagbago ang takbo noong pumasok sa politika si Simon Lizardo. Malakas ito sa tao at hindi man nito aminin ay siniraan talaga nito ang pamilya nila manalo lamang sa eleksyon.
Nang matapos ang unang termino nito ay ang asawa naman nito ang pinatakbo at nanalo rin. Sa sumunod na eleksyon ay isa na naman sa kamag-anak nito ang tumakbo bilang alkalde hanggang sa Simon na naman ulit. Ganoon ang ginagawa nito para hindi tuluyang maalis sa kamay nito ang lungsod na iyon. Alam naman ng lahat na kahit hindi ito ang nakaupo sa posisyon ay nakikialam ito at dummy lamang ang mga kamag-anak nito.
Dahil din sa pamumuno ni Simon ay naging mas moderno ang Aldemar ngunit sa kabila niyon ay napuno rin ng korapsyon ang lungsod na iyon. Matatawag na probinsya ang Aldemar…noon. Ngunit ngayon ay tila mas marami pa ang pasugalan doon kaysa sa Maynila. Hindi rin lingid sa kanyang kaalaman ang talamak na prostitusyon.
Malakas ang suporta kay Simon dahil maraming malalaking tao ang nakaalalay dito. Malalaking taong sumisira sa buhay ng mga taga-Aldemar dahil sa mga ilegal na negosyo. Kaya ganoon na lang ang pagnanais ni Carl na maging mayor ng lugar na iyon.
Bukod sa nangako siya sa pumanaw niyang abuelo na babawiin niya sa mga kamay ni Simon ang Aldemar ay nais din niyang linisin ang bayan na nilisan man niya nang panandalian ay mahal na mahal pa rin.
Sa Aldemar siya lumaki ngunit sa Maynila siya nag-aral ng high school at sa ibang bansa naman siya nagkolehiyo. Nang maka-graduate sa kursong Economics ay bumalik siya sa Aldemar. Dahil wala pa siyang planong tumakbo bilang alkalde ay nagtayo muna siya ng negosyo na sinuportahan naman ng kanyang mga magulang.
Nag-isip siya ng negosyo kung saan mas mapapalapit siya sa mga tao at mas maging matunog ang pangalan niya sa Aldemar. Nagtayo ng isang malaking palengke si Carl sa Aldemar. Hindi iyon tulad ng palengkeng-bayan na sobrang dumi. Sinigurado niyang pagdating sa kalinisan ay walang masasabi ang mga tao sa De Dios Market.
Hindi naman niya akalaing maiisipan niya ring magtayo ng ganoon sa mga karatig lungsod kaya malaki na ngayon ang negosyo niya. Mayroon na rin siyang groceries at ilang lupaing taniman ng mangga at iba pang gulay.
Ngayon ay mas malapit na siya sa masa. At ang mga ito pa ang nag-udyok sa kanya para lumaban sa susunod na eleksyon. That was hitting two birds with one stone. Nakapagpayaman na siya, matutupad pa niya ang hiling ng abuelo nang hindi nagmumukhang trapo.
“Wala akong dapat ikatakot, Garry,” ani Carl sa pinsan. “Wala akong ginawang masama kaya bakit ako mag-iingat sa mga taong ‘yan? Walang makakasira sa laban ko, kahit ang Savannah pang iyan. Isa pa, hindi naman mukhang totoo.”
“Totoo. Napatunayan ko na,” seryosong tugon ni Garry.
“Ha?”
“Dahil nga naging interesado ako kay Savannah, nag-email ako sa kanya. May isang website kung saan makikita ang email nitong si Savannah, pribadong site. May bayad nga, buksan mo pa lang, eh. Tuso talaga. Sinubukan kong makipag-transact ilang buwan na ang nakakaraan.” May inilabas si Garry mula sa bag nito, isang envelope iyon.
Tinignan niya ang pinsan na parang itinatanong dito kung ano ang laman ng envelope. “Litrato iyan ng mga bagay na makikita sa opisina ni Mayor Lizardo.”
“Aanhin mo ‘to?”
“Wala. Wala akong maisip na ipagawa kay Savannah, eh. Ang gusto ko lang naman ay mapatunayang nag-e-exist siya.”
“So, nakaharap mo ba ang Savannahng ‘to?” tanong ni Carl habang iniisa-isa ang mga larawan mula sa envelope.
“Hindi. Sa e-mail at phone calls lang kami nakakapag-usap. She e-mailed me when she had the photos. Ipinakita niya sa’kin ang ebidensya na nagawa na niya ang usapan namin. ‘Tapos tinawagan niya ako para sabihin kung saan ko dadalhin ang perang pambayad. Gumagamit siya ng voice changing app, pa-iba-iba ang boses niya sa ilang beses na nakapag-usap kami sa phone. Nang makuha niya na ang pera pinapunta naman niya ako sa isa pang lugar, alam mo kung ano ang nakuha ko?”
“Ano?”
“Baggage number sa isang grocery store. ‘Dun ko ‘yan nakuha,” anito na ang tinutukoy ay ang mga litrato. Ang mukha ni Garry ay pinaghalong hindi makapaniwala at manghang-mangha.
“Wow,” aniya habang tumatawa. “Cool, huh?”
“Kaya maniwala ka sa’king nag-e-exist ang ganitong mga black agents. Honestly, ilang months na rin noong maka-transact ko ‘tong si Savannah. Ngayon ko lang sinabi sa’yo. May ipapagawa pa nga sana ako kaso tinanggihan ako. ‘Tapos ‘nung sinubukan kong tawagan, unattended na iyong number. Nagtataka nga ako kung bakit ayaw niya, eh.”
“Ano ba ang ipagagawa mo?”
“Manmanan ang makakalaban mo sa eleksyon. Siyempre, maganda na ang safe.”
“Kung anu-ano ang iniisip mo. Tigilan mo na ‘yan. Totoo nga siguro si Savannah pero hindi ko siya kailangan sa pagtakbo ko bilang mayor ng Aldemar.”
“CARL De Dios,” patango-tango si Savannah habang pinagmamasdan mula sa isa sa mga laptops ni Megan ang mukha ng bago niyang subject.
Paggising na paggising ni Savannah ay nakatanggap siya ng tawag mula kay Roma. Ibinigay nito ang kanyang misyon para sa mga susunod na buwan. Milyon ang halaga ng misyong iyon kaya walang angal na tinanggap ni Savannah.
“Gwapo, ano?” ani Megan. Nasa likuran niya ito kaya hindi niya nakikita ang reaksyon nito.
Tumango lang si Savannah. Hindi siya mahilig sa gwapo. Mali. Hindi siya mahilig sa lalaki. Kahit yata iharap pa sa kanya ang pinakagwapong lalaki sa balat ng Universe ay hindi siya matitinag. Love was just not for her. Gagawin lang niyong komplikado ang buhay niya.
“How can I destruct that man?” tanong ni Savannah, mas sa sarili kaysa kay Megan.
Tinapik ni Megan ang isang itim na folder sa tabi nito. “’Yan ang files na naglalaman ng mga impormasyon tungkol dito kay Mr. Pogi. Honestly, mukhang mahihirapan kang hanapan ng butas ang lalaking iyan. Malinis ang record. Maganda ang credentials. Sinabi ba sa’yo ni Roma na kailangan mong magtrabaho ng malapit sa lalaking iyan?”
“Oo. Hindi ko nga alam kung matutuwa ako sa misyong ‘to, eh.”
“Milyones ang bayad, bakit hindi ka matutuwa?”
“Madaling mag-disguise pero ang gawin iyon sa matagal na durasyon, duda ako.”
May isa pang folder na iniabot sa kanya si Megan. “Iyan na ang mga kakailanganin mo. Inipit ko rin diyan ang susi ng bago mong apartment.”
“What? Kailangan kong lumipat?” reklamo niya. Hindi iyon nabanggit ni Roma.
“Kung sakaling imbestigahan ka, hindi ka mahihirapan. Pwede ka pa rin namang pumunta rito kahit anong oras mo gusto.”
Binuklat ni Savannah ang folder, kompleto iyon mula resume hanggang requirements na kailangan niyang ipasa. “Veronica Ruiz? Di ka man lang nag-isip ng creative na pangalan,” natatawang sabi niya kay Megan.
“Roni ang nickname mo. Cool ‘diba?” pagmamalaki ni Megan. “Aralin mong mabuti ang mga impormasyon diyan. Ito na ang pinakamalaking proyekto natin ngayong taon. Wala muna raw tayong gagawing malalaking deal pagkatapos nito. Napapagod na yata si Roma.”
“Hindi naman tayo magugutom kahit ilang taon tayong magbakasyon,” hindi niya nababahalang tugon.
“Pero ano ang gagawin natin? Tutunganga?”
“Libutin ang Pilipinas o ang Asia. Marami tayong puwedeng gawin,” suhestiyon niya.
“Oo na. Siya, aralin mo na iyan. Dadaan muna ako sa tindahan ko, naroon na ang mga order ko.”
May tindahan si Megan sa bungad ng Calvento. Ang Calvento ay ang kalye kung saan sila nakatira. Walang ibang tao roon kundi sila at hindi niya alam kung may nakakaalam sa buong Aldemar na may tao sa kalyeng iyon dahil parang ghost town iyon. Sa bungad nagtayo ng negosyo si Megan dahil doon lang may mga dumadaang tao.
Isa iyong honesty store na kung anu-ano ang laman. Itinayo iyon ni Megan para lang doon i-deliver ang mga ino-order nito online. Wala itong pakialam kung may magnakaw sa mga paninda nito o hindi kumuha ng tamang sukli. Ang importante lang dito ay may mailagay na address para sa delivery. Ganoon ka-weird si Megan at marahil ay ganoon din siya dahil sa loob ng labing anim na taon ay napagtiyagaan nila ang isa’t isa.
Puno ng CCTV cameras ang honesty store nito kaya alam nito ang bawat kaganapan sa loob. Alam din nito kung sino ang hindi ‘honest’ sa mga customer nito. Kapag may nagnakaw ay ginagantihan nito sa ibang paraan. Kung minsan ay idinadamay pa siya nito sa pagganti.
Nang mapag-isa si Savannah ay inaral na niya ang mga impormasyon sa disguise na kanyang gagawin. Kailangan niyang mag-apply bilang secretary ni Carl De Dios dahil ang bilin sa kanya ay magtrabaho sa loob ng kampo nito.
Pagdating ni Megan ay may box itong iniabot sa kanya. “Bagong cellphone para sa bagong buhay,” pabirong sabi nito sa kanya.
“Hindi ko ‘to kailangan.”
“Kailangan mo ‘yan. Private ang number mo, para sa’min lang iyon ni Roma. Diyan sa bagong cellphone mo ise-save ang number ng mga bago mong makikilala para pagkatapos ng misyon, tapon na lang. Maghanda kang maigi, mamaya dumiretso ka na sa apartment ‘tapos bumili ka na ng mga bagong damit para sa disguise mo. Bukas, simula na ang misyon.”
“TANGGAP na ako?” tanong ni Savannah sa HR officer na kaharap.
“Yes, Miss Ruiz,” nakangiting sagot ng lalaki. Ni wala pang limang minuto silang magkausap, tanggap na siya. May palagay siyang kagagawan iyon ni Roma. “You will start today. Noong isang linggo pa kasi bakante ang posisyon na in-apply-an mo. Your desk will be on the third floor of this building.” Inabutan siya nito ng isang papel. “Just give this note to Mr. De Dios.”
Tumango siya at tumayo na. Tatlong palapag lang ang building na iyon, hindi magarbo para sa isang malaking negosyo. Marahil nga ay simpleng tao lang si Carl De Dios. Ayon sa impormasyon na galing kay Megan ay makamasa ang Carl na ito at ang mga tao pa ang nagtulak ditong tumakbo bilang alkalde ng Aldemar.
Dumaan muna si Savannah sa comfort room bago dumiretso sa opisina ni Carl. Kailangan niyang siguraduhing walang kakaiba sa itsura niya. Napailing na lang siya nang makita ang kabuuan niya sa salamin.
She was wearing floral blouse and white slacks. Mukha namang disente, medyo manang lang. Nakalugay din ang buhok niya, hindi siya masyadong sanay kaya nakakairita pero kailangan niyang tiisin. Kailangan iyon para hindi mapansin ang earpiece niya para kung saka-sakaling tumawag sina Megan at Roma ay masagot niya agad. Ang earpiece na may kasama na ring mic. Napakaliit na device ngunit kaya ang ganoong functions. Si Megan lang ang gumawa niyon, ganoon ito kahenyo pagdating sa mga modernong gadgets. Kung paano nito iyon nagagawa ay ayaw na niyang alamin.
Nag-apply siya nang manipis na make-up at nagsuot ng reading glasses na bilog ang lens at gold ang frame. Nacute-an lang siya roon kaya niya binili, wala talaga iyong grado. Napakalinaw pa ng kanyang mga mata.
Himinga nang malalim si Savannah. “Your name is Veronica Ruiz,” aniya sa sarili habang nakangiti sa harap ng salamin. Mahigpit na bilin ni Roma na kailangan ay palagi siyang nakangiti. She has to look friendly. Kailangang pagkatiwalaan agad siya ni Carl para mas mapadali ang trabaho niya.
Paglabas ng banyo ay tsinek niya ang lugar. Tinandaan niya kung saang mga parte ng gusali may CCTV camera. Iyon ang una niyang ginagawa kapag may mga gusaling pinapasok. “Na-hack mo na ang mga camera rito?” pabulong na tanong ni Savannah kay Megan. Naka-activate ang earpiece na gamit niya. Kapag activated ang earpiece ay maaari silang makapag-usap at malalaman nito ang lokasyon niya.
“Okay na. Nakita na kita, kaway ka naman,” pabirong sabi nito.
Nakangiting umiling na lang si Savannah at nagtungo na sa pakay. Magaan na kumatok si Savannah sa opisina ni Carl. Napangiti siya. Kaya niyang pasukin ang opisina na iyon nang hindi dumadaan sa pinto pero dahil hindi siya si Savannah sa puntong iyon ay magpapakatao muna siya.
Kaya niyang umakyat sa matataas na gusali nang hindi gumagamit ng hagdan, na-perpekto niya na ang stunt na iyon sa paglipas ng panahon. Noong una, bumabalibag pa siya at mumuntikang pumalya ang mga misyon.
“Tuloy,” anang isang baritonong tinig.
Pagpasok ni Savannah sa silid ay agad na bumungad sa kanya ang isang lalaking nakatagilid mula sa puwesto niya. Nakaharap ito sa computer at may kung anong binabasa. Habang hindi pa ito nakatingin ay iniikot na niya ang mga mata sa paligid, walang CCTV camera sa opisina nito. Nakakapagtaka lang. Ganoon ito ka-confident na walang mawawala sa silid na iyon? “Good morning, Mr. De Dios. I’m Veronica Ruiz, your new secretary.” Lumapit si Savannah para ipatong ang note na galing sa HR officer sa table nito.
Dahan-dahang iniikot ni Carl ang swivel chair paharap sa kanya at napadiretso siya ng tayo dahil sa gulat. Nagulat siya sa pagpitlag ng kanyang dibdib. “Ano ‘to?” piping tanong niya sa sarili.
“Hi, Miss Ruiz,” bati ni Carl. Nakatingala ito habang nakatingin sa kanya at saka ngumiti. “Welcome to the company.”
Ngumiti lang si Savannah at saka bahagyang tumango. She was still bothered by her reaction towards him.

Komentar Buku (37)

  • avatar
    Maxima Abana Cabasag

    Good story :)

    19d

      0
  • avatar
    SiarotJenelou

    nice gamr

    28/06

      0
  • avatar
    Harvey S Santillan

    nice story

    31/05

      0
  • Lihat Semua

Bab-bab Terkait

Bab Terbaru