logo text
Tambahkan
logo
logo-text

Unduh buku ini di dalam aplikasi

Chapter 6 : Sir Rafael

ALAS sais pa lamang ng hapon ay nakagayak na siya papunta sa bahay nila Rafael. Katulad ng dati ay isang bulaklaking long sleeve at mahabang itim na palda ang suot niya. May bandana rin na ipinulupot niya sa kanyang leeg. Nang matiyak na maayos na ang sarili ay agad siyang lumabas ng bahay. Kabado man ay pinalakas na lamang niya ang loob upang muling harapin si Rafael. Sayang kasi ang ibabayad sa kanya kapag hindi siya pumunta doon.
Wala pang mga bisita nang bumungad siya sa maluwang na hardin ng mga ito. Doon gaganapin ang salo-salo at imbitado ang mga malalapit na kaibigan ni Rafa na tagadoon lang din sa lugar. Imbitado rin naman ang kanyang ina subalit tumanggi ito dahil walang kasama ang itay niya. Dumiretso siya sa kusina upang tumulong na magluto nang makasalubong niya si Rafa. Iiwas sana siya pero huli na dahil nakita na siya nito. Muling humagod ang tingin ng binata sa suot niya habang nakakunot ang noo. Kahit siya ay nababaduyan sa kanyang damit pero wala siyang magagawa. Mas kumportable na siyang isuot ang mahahabang damit ngayon.
"Anong ginagawa mo rito? Sa pagkakaalam ko ay hindi ka imbitado rito," mapang-uyam nitong sambit kaya agad siyang napayuko. Ibang-iba na ito sa Rafa na kababata niya. Wala na ang pilyong ngiti nito at ang mga matang may paghanga kung tumitingin sa kanya. Hindi niya naman ito masisisi dahil sa labis na sakit na idinulot niya rito.
"Kinakausap kita," mariing sambit nito. Bakas sa mga mata ang galit habang nakatitig sa kanyang mukha. Kumibot ang mga labi niya upang pigilan ang pagtulo ng luha. Huminga siya ng malalim bago sumagot.
"Narito ako para tumulo–"
"Narito ka hindi para tumulong dahil bayad ang serbisyo mo, tama ba?" mas lalong naging mapang-uyam ang tanong nito. Wala siyang nagawa kung hindi ang mapayuko bago marahang tumayo. Nanliliit siya sa sarili pero wala siyang magagawa kung hindi ang tanggapin na lamang ang lahat.
"Ano pang itinatanga mo? Marami na silang ginagawa sa kusina!" singhal nito na nagpatigagal sa kanya. Napatuwid siya ng tayo bago ito sinulyapan pero likod na lamang nito ang nakita niya.
"Rafael," pagtawag niya rito. Mabilis naman itong lumingon habang nanlilisik ang mga mata.
"Sir Rafael ang itawag mo sa akin dahil namamasukan ka lang sa amin, maliwanag ba?" singhal nito na nagpakirot sa kanyang puso. Nangilid ang mga luha niya pero hindi niya ito hinayaang pumatak habang kaharap ang lalaki. Tumango na lamang siya dahil tila may nakabara sa kanyang lalamunan.
"Rafa, tawag ka ng inay mo." Mula sa labas ay sumulpot si Edelyn. Lalong nanikip ang dibdib niya nang hinayaan ng binata na tawagin ito sa pangalan niya lang.
"Hoy, Aly. Halika, tulungan mo akong ipasok ang mga pinamili ko!" bulyaw ng babae sa kanya kaya agad siyang kumilos. Pasimple niyang pinahid ang mga luhang nagbabadyang tumulo sa mga mata niya.
MALIWANAG ang hardin ng gabing iyon. Napalilibutan ng ilaw ang buong paligid. Naroon ang mga barkada nila ni Rafa noong highschool sila pero ngayon ay hindi na siya pinapansin. Nakita kasi ng mga ito kung gaano naapektuhan si Rafa dahil sa ginawa niyang panloloko dito. Nagbago ang tingin sa kanya ng lahat dahil sa nangyari pitong taon na ang nakararaan. Ang iba ay nagagawa na siyang kausapin at pansinin pero hindi na katulad ng dati. Mas lalong naging masama ang tingin sa kanya ng mga ito simula ng maatake sa puso ang kanyang itay. Isinisisi ng mga ito sa kanya ang nangyari sa kanyang ama. Ang sabi nila'y mga magulang niya ang sumalo sa karmang dapat ay para sa kanya. Sampung taon na ang nakaraan pero naroon pa rin ang galit ng mga ito, ayon kay Karen ay muntik nang mawalan ng ganang mabuhay si Rafa noon. Mabuti na lamang dahil laging nasa tabi nito si Chrissy. Laging nagpapakalango sa alak at napabayaan ang pag-aaral. Nawala ang scholarship nito kaya naman kahit ang pamilya ay apektado. Tanging si Rafa at ang scholarship kasi nito ang inaasahan nila para mabago ang kanilang buhay. Hindi naman sumuko si Chrissy. Hindi iniwan ng babae si Rafa hanggang makabangon ito mula sa pagkakalugmok. Nagsumikap ang lalaki at nagdoble kayod habang itinataguyod ang pag-aaral. Nakapagtapos ito hanggang sa maging successful sa ibang bansa.
Naglakad-lakad muna siya sa paligid ng hardin hanggang sa makapunta sa madilim na parte. Nais niyang lumayo pansamantala sa mapanghusgang mata ng mga taong naroon. Tutal ay wala pa naman silang gagawin dahil nagkakasiyahan ang mga ito. Parang ordinaryong tao pa rin si Rafa kung makisalamuha sa mga mangingisdang naroon. Nagkayayaan ang mga ito bukas upang pumalaot na agad namang pinagbigyan ng lalaki. Siguro nga ay ang pakikitungo lang nito sa kanya ang nagbago pero ang Rafa na kilala niya noon ay ganoon pa rin ngayon.
Natanaw niya si Chrissy na naroon din at kinakalikot ang hawak na cellphone. Tila nababagot ang anyo nito kaya agad niyang nilapitan.
"Chrissy," pagtawag niya rito. Ngayon lang sila nagkaroon ng pagkakataon na malapitan ito. Gusto niyang magpasalamat sa kaibigan dahil hindi nito iniwan si Rafa.
"Bakit narito ka? Hindi ba dapat ay tumutulong kang mag-asikaso ng mga bisita?" tanong nito sa malamig na tono. Labis siyang nagtaka sa inasta ng babae dahil kagabi ay mainit naman siyang hinarap nito o baka pakiramdam niya lang iyon?
"Mamaya pa kapag magliligpit na," sambit niya at binalewala ang malamig nitong pakikitungo. Na-miss niya ang kaibigan pati na rin si Natsumi kaya naman gusto niyang magkakuwentuhan sila.
"Kung ganoon, maghanap ka ng gagawin mo hindi 'yong iniistorbo mo ako!" singhal nito. Nasaktan siya sa inasta nito kaya hindi niya mapigilang maluha.
"Galit ka rin ba sa akin? I'm sorry, Chrissy.. Alam mo kung ano ang nangyari noon–"
"Anong alam niya tungkol sa nangyari noon?" sabay pa silang napalingon ng babae sa nagsalita. Naroon si Rafa habang kunot-noong nakatingin sa kanila.
"Ah, wala 'yon, honey. Nagkukuwentuhan lang kami ni Alyssa," sambit ng babae habang matamis ang pagkakangiti. Napatango naman si Rafa habang nakatitig sa kanya na parang binabasa ang laman ng kanyang isip. Umiwas siya ng tingin kaya naman binalingan na lamang ng binata ang nobya.
"Hon, ipakikilala kita sa mga kaibigan ko," magiliw nitong sambit habang nakatingin kay Chrissy. Tila may mga karayom na tumusok sa kanyang dibdib. Ten years ago ay ganoon din kalambing si Rafa sa kanya. Pero nasira ang lahat dahil lang sa isang pagkakamali.
"Sige, Hon. Susunod ako," tugon ng babae. Nang wala na si Rafa ay tinitigan siya nito sa mga mata na para bang nagbabanta.
"Alyssa, sinaktan mo siya 10 years ago. Dinurog mo siya nang makipagtanan ka. Ako ang bumuo sa kanya kaya hindi ako papayag na maagaw mo siya sa akin," mariing sambit nito. Napailing naman siya dahil wala naman siyang balak agawin ang lalaki dito.
"Teka, nagkakamali ka. Wala akong balak na–" hindi na niya naituloy ang sasabihin dahil tinalukiran siya nito at mabilis na sumunod sa nobyo.
Tuluyang bumuhos ang mga luhang kanina pa niya pinipigilan. Bumigat ang dibdib niya dahil sa halo-halong emosyon na matagal niyang kinimkim. Wala nang natira sa mga kaibigan niya. Lahat sila ay galit dahil sa ginawa niya. Mahirap dahil pakiramdam niya ay nag-iisa siya. Walang mapagsabihan ng saloobin dahil ayaw niyang bigyan pa ng alalahanin ang mga magulang. Ang bigat-bigat ng kalooban niya. Gusto niyang humagulgol ng iyak pero baka may makarinig kaya pilit niyang pinakalma ang sarili. Tila ba ayaw maubos ang kanyang mga luha. Napapagod na siyang umiyak.
"Alyssa, anong nangyari sa 'yo?" Napalingon siya sa nagsalita kasabay ng pagpunas sa kanyang mga luha.
"May gagawin na ba tayo, Edelyn?" tanong niya rito pero mataman lang itong tumitig sa kanya.
"Alam mo, nakita namin noon kung paano magdusa si Aling Salome dahil sa nangyari kay Rafa. Apektado rin noon si Karen dahil hindi lang ang kuya niya ang niloko mo. Pakiramdam niya ay trinaydor mo siya. Sampung taon na ang nakalipas, nakalimot na ang mag-anak sa dinala mong pasakit sa kanila tapos bigla kang babalik. Anong nangyari sa 'yo? Limang taon kang nawala at nakipagtanan sa lalaking iyon? Tapos babalik kang parang ibang tao. Hindi na ikaw si Alyssa na nakasama naming lumaki sa bayang ito. Anong nangyari sa 'yo, Alyssa?" tanong nito. Malumanay ang boses nito na parang nais lamang maunawaan ang lahat ng nangyari. Naging kaibigan din niya si Edelyn noon. Naging magkalaro sila kasama si Rafael. Kaunti lamang kasi ang nakatira sa bahaging iyon ng Villa Verde kaya naman ang turingan nila ay parang isang malaking pamilya.
"Ipaliwanag mo ang sarili mo, Alyssa. Huwag kang manahimik na lang dahil lalo kang kukutyain ng mga tao," sambit nito na may halong simpatya. Nakikita niya ang awa sa mga mata nito.
"Baka kailangan na tayo sa kusina," sambit niya bago ito iniwan doon para makaiwas sa pag-uusisa nito. Natigilan pa siya nang matanaw mula sa kabilang panig ng mga halaman sila Chrissy at Rafa na magkayakap at naghahalikan. Muling kumirot ang dibdib niya. Hindi niya namalayang muling tumulo ang luha niya sa sakit na nararamdaman.
"Mahal mo siya. Nakikita ko sa mga mata mo na mahal mo siya," muling sambit ni Edelyn. Mabilis niyang pinahid ang mga luha at nagmadaling pumunta sa kusina.

Komentar Buku (124)

  • avatar
    peratercharisa

    nkakaiyak..nice ang story..relatable💕💕💕

    06/08

      0
  • avatar
    Rome Azaiah

    good

    05/08

      0
  • avatar
    John Mark Naboa Fajardo

    Huhl

    30/06

      0
  • Lihat Semua

Bab-bab Terkait

Bab Terbaru