logo text
Tambahkan
logo
logo-text

Unduh buku ini di dalam aplikasi

Chapter 4

Alex’s POV
Flashback
"Hi!" Bati ni Sebastian saka nilagay ang dala niyang papel sa harap ko. Napakalaki ng ngiti niya sa labi na nagpataas ng kilay ko. "Sebastian Jacob Aragon, pwedeng mag-apply?"
Anong kalokohan na naman ba ang pumasok sa isip ng lalaking ito?
Kinuha ko ang papel at napataas ang kilay ko nang makitang curriculum vitae niya ito. “Wala akong alam na open positions dito. Mas maganda kung sa HR ka pumunta or kausapin mo na lang ang daddy mo.” Sagot ko at inabot ang papel sa kanya bago muling bumalik sa pag-type.
“Actually, nanggaling na ako doon pero wala doon ang hinahanap kong position. Ang nag-iisang position na gusto kong makamit.” Sabi niya at mukhang sinadya pang huminto para makita ang reaction ko. Hindi ko siya pinansin, sa halip pinagpatuloy ko ang ginagawa ko. “Position sa puso mo.”
Muli kong tinaas ang tingin ko upang taasan siya ng kilay. "Kikiligin na ba ako doon?" Tanong ko bago muling ibalik ang tingin ko sa monitor.
Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, palagi akong ginugulo ni Sebastian. Madami na rin akong narinig na pick up lines mula sa kanya na imbis magpakilig ay nagpainit ng ulo ko.
"Tsk." Rinig ko ang inis sa tono niya. Kung inaakala niya, madadala ako sa mga banat niya, ibahin niya ako. Hindi ako mapapasama sa koleksyon ng mga babae niya. Padabog siyang umupo sa mesa ko, "Pwede bang maki-cooperate ka kapag nilalandi kita?"
Gusto kong matawa dahil para siyang batang naagawan ng candy. Nakasimangot habang nakaupo sa mesa ko.
"Ayoko."
"Bakit ba ang sungit mo?"
"Bakit ang kulit mo?"
"Kasi gusto kita." Mabilis niyang sagot. "Ikaw, gusto mo din ba ako?"
"Hindi." Mabilis ko ring sagot sa kanya baka sakaling iwasan na niya ako kapag nalaman niyang hindi ko siya gusto.
"Wala namang ibang tao dito, umamin ka na." Sabi nito bago nilapit ang mukha niya. "Huwag kang mag-alala, hindi kita iiwan."
End of Flashback
∆ ∆ ∆ ∆ ∆
"Bakit ka ba naman kasi nagtatakbo sa staircase tapos ang dami mo pang dalang gamit?" Tanong ni Sierra habang inaalalayan ako papuntang kama. Sinubukan kong iakyat ang paa ko sa kama pero napapikit ako sa sakit.
"Sinuntok ko si Sebastian."
"Ano?! Bumalik na si Sebastian?" Tanong niya at tumango naman ako. Mukhang hindi siya makapaniwala kaya naman kinurot niya ang sarili niya para malamang hindi siya nananaginip. "Bakit mo naman ginawa iyon?"
"Wala lang."
"Anong wala lang? Trip mo ganun? Mukhang gusto mo talagang mawalan ng trabaho." Sabi nito habang inaalalayan ang paa kong malagay sa kama. "Gusto mong ipa-check kita kay Dr. Mendez, mukhang iba yata ang tama mo ngayon."
"Tsk. Wala akong tama sa utak ahh." Sagot ko sa kanya. "Napikon lang talaga ako. Sabihan ba naman akong 'wag ko daw siyang iwan. Kapal!"
"A-aray!" Sigaw ko nang maramdaman kong diniinan ni Sierra ang paglagay ng yelo sa paa ko. "Dahan dahan naman."
"Baka sakaling magising ka Alexandra. Sa tingin mo ba may babalikan ka pang trabaho matapos ang ginawa mo?" Tanong niya at nagtaas na siyang boses.
"Kaya nga bitbit ko na lahat ng gamit ko." Sagot ko sa kanya. "Alam ko namang hindi ako papatawarin ng lalaking iyon."
Napailing na lang si Sierra, halatang hindi siya sang ayon sa ginawa ko. Naiintindihan ko naman siya, gusto niya lang akong maging practical lalo pa't may mga kapatid akong pinapaaral.
"Ewan ko pa Sierra, hindi ako nakakaramdam ng konsensya sa ginawa ko. Ang totoo nga niyan parang gumaan 'yung nararamdaman ko, nailabas ko na ang sama ng loob ko."
Sasagot pa sana si Sierra nang pumasok na si Dr. Mendez sa cubicle. "Kamusta na ang paa mo? Nagagalaw mo na ba?" Tanong nito, binitawan naman ni Sierra ang paa ko para subukan kong galawin.
Napangiwi ako dahil kaunting galaw lang ay kumikirot na ang paa ko. Nakita ko namang napailing si Dr. Mendez. "Mukhang kakailanganin mo ng x-ray para malaman natin kung may mga nabaling buto."
"H-ho?"
"Tatawag kami ng ambulance para dalhin ka sa hospit---." Pinigilan ko na si Dr. Mendez sa pagsasalita. Ayokong sunduin ako ng ambulance dito, mamaya malaman pa ng iba ang ginawa ko sa boss nila.
"Bigyan niyo na lang po ako ng saklay. Ako na ang bahalang pumuntang hospital."
"Seryoso ka ba dyan Alex?" Tanong naman ni Sierra. "Mahihirapan ka."
"Kaya ko ang sarili ko, huwag kayong mag-alala." Sabi ko at sinenyasan silang kuhanan na ako ng saklay.
Ito na siguro ang karma ko sa pagsuntok kay Sebastian.
∆ ∆ ∆ ∆ ∆
Sabi ng doctor may naipit na ugat sa paa ko. Hindi naman daw malala kailangan ko lang ipahinga ang paa ko at lagyan ng yelo para bumilis ang paggaling nito. Binigyan din niya ako ng pain reliever at nag-advise na ituloy ko ang paggamit ng saklay sa loob ng isang linggo.
Natigilan ako sa paglalakad nang makita ko si Sebastian na nakaulo sa waiting area. "Anong ginagawa mo rito?" Hindi ko napigilang tanong nang makalapit ako sa kanya.
Tumayo siya sa kinauupuan niya para harapin ko. Pasimple kong kinagat ang labi ko nang makita ko ang bakas ng pagsuntok ko sa kanya. Pumutok ang gilid ng labi niya, hindi ko alam na napalakas ang suntok ko sa kanya.
"Sinabi sa akin ni Sierra na nandito ka sa hospital dahil natapilok ka at hindi makalakad." Sagot niya sa tanong ko.
Hindi ko napigilang mapailing, kahit kailan talaga napakadaldal ni Sierra. Bakit kailangan pa niyang sabihan si Sebastian? Akala ko ba bestfriend ko siya.
"Okay ka lang?" Tanong niya habang inaalalayan akong umupo sa tabi niya. Tango lang ang naging sagot ko. Hinihintay kong pagalitan niya ako o sabihang wala na akong trabahong babalikan pero hindi ko inaasahan ang sunod niyang sasabihin. "Ihahatid kita."
Hindi na niya ako hinintay pang sumagot. Kinuha niya ang saklay ko at marahan akong binuhat. Nakonsensya ba siya sa pang-iiwan niya sa akin noon kaya naman tinutulungan niya ako ngayon.
Sa loob ng tatlong taon, akala ko mawawala ng isang suntok ang sakit na iniwan niya. Mali ako, sa una lang masayang makaganti.
Huminto siya sa paglalakad at lumingon sa akin. "Okay ka lang? Bakit naluluha ka?" Tanong niya sa akin.
"Masakit pa rin kasi." Tanging sagot ko bago tumingin sa ibang direction.
"'Wag kang mag-alala bibili nalang akong pain reliever bago kita iuwi." Sabi niya at napatango na lang ako. Sana nga kayang pawiin ng simpleng gamot ang lahat ng sakit.
Habang buhat buhat niya ako, muli na namang bumabalik ang mga nararamdaman ko dati. Hindi ko maipaliwanag. Kapag nandyan siya, bumibilis ang tibok ng puso ko. Sa tuwing magkalapit kami, katulad ngayon, mas lalong bumibilis ang takbo nito.
"Hindi mo ba ako papagalitan o tatanggalin sa trabaho?" Tanong ko upang matigil na ang kahangalan ng utak ko.
"Bakit naman kita tatanggalin?" Tanong niya sa akin. "Magaling ka namang secretary. Isa ka sa pinagkakatiwalaan ni Daddy, bakit kita papakawalan?"
"Dahil sa ginawa ko kanina."
"Ito ba?" Tanong niya sabay nguso ng labi niya. "Hindi mo naman kasalanan ito. Nabunggo ako kaya naman nagkasugat ako."
"P-pero… bakit mo pinagtatakpan ang kasalanan ko?" Bigla akong nautal nang magtama ang mga mata namin. "Sinuntok kita."
"Alex kinalimutan ko na ang ginawa mo kanina. Wala akong planong magsumbong o parusahan ka." Sagot niya sa akin. "Kaya please, kalimutan mo na lang."

Komentar Buku (99)

  • avatar
    AnnalexSandoval

    nag papa pansin si sir Sebastian at hindi na maoa fucos sa work si alex hayss kalimutan mona kasii

    22d

      0
  • avatar
    Cindy Araneta

    nakaka longkot

    06/08

      0
  • avatar
    Jhan Carlo

    thanks

    21/07

      0
  • Lihat Semua

Bab-bab Terkait

Bab Terbaru