logo
logo-text

Unduh buku ini di dalam aplikasi

Ang Bampirang Ilustrado

Ang Bampirang Ilustrado

Rick Resonable


Prologo

Y no temáis a los que matan el cuerpo, mas al alma no pueden matar; temed antes a aquel que puede destruir el alma y el cuerpo en el quemadero.
Nabahiran ang kamusmusan ng kanyang pagkatao nang bumakas at masaksihan ng kanyang lantay na mga mata ang isang malagim na bagay na tanging makikita lamang sa kasulok-sulokan ng isinumpang impyerno. Sa sandaling iyon, biglang tumigil ang takbo ng oras. Nanigas ang kanyang kalooban at ang bugso ng damdamin, pati na ang kanyang isipan, na para bang ito'y naging bato na dala ng matinding pagkagulat. Kasabay ng napakalakas na buhos ng ulan, mula sa kailaliman ng kanyang puso, tumulo sa nanlisik pa niyang mga mata ang mga luhang pinaghalo sa hinagpis at kapaitan. Ibig sumigaw ng malakas ang kanyang mga damdamin ngunit sa tindi ng pagkagulat dahil sa nakikitang di inaasahang pangyayari ay naipon lamang ang pagbugsong ito sa kanyang dibdib na siyang nagpapahirap sa kanyang paghinga.
Ang tanging maririnig lamang niya ay ang mga malalalim at malalakas na pagkulog na gawa ng kalangitan.Sa bawat pakli ng liwanag na dala ng mga pagkidlat, sa maputik at mabasang lupa, naroon at nakakulob ang isang may katandaang lalaki. Dahil sa malakas ang buhos ng ulan, ang kasuotang kulay itim na chachetta at pantalones nito ay halos balot na balot na ng mga malalapot na putik. Pati ang kanyang mukha ay nababalutan na rin ng yaong putik sanhi ng pagtatalampisik mula sa nabasang lupa dulot ng mga mabibilis na mga pagpatak ng buhos-ulan. Nakakagimbal tingnan ang nakadilat nitong walang buhay na mga mata, na sa likod ng kadiliman ng buong paligid ay makikita sa pagpakli lamang ng kidlat. Tila nakatitig ito sa kanya na may mukhang pag-aalala na siyang huling nagawa nito. Sa noo ay makikita ang isang maliit na sugat, isang maliit na butas, kung saan dumadaloy na parang walang hangganan ang mapupula niyang dugong humahalo na sa tubig-ulan. Ito ay ang tama ng bala na bumaon sa kanyang noo buhat galing sa isang di malamang uri ng baril na pinaputok sa kanya.
Ang yaong bala na ito ay ang kumitil sa buhay ni Don Armando Guevarra y Roquia, ama ni Julian Guevarra y Chavez.
Gustuhin mang tumayo ni Julian para tunghan ang nakahandusay na katawan ng ama, ngunit hindi naman niya magawa dahil sa tama rin ng bala na bumaon sa gawi ng kanyang binti. Dito lamang niya naramdaman ang napakatindi at napakakirot na sakit na idinulot ng kanyang pagkakatama. Bukod sa kanyang gawing binti, naramdaman din ni Julian ang matinding sakit sa kanyang tagiliran at huli na rin ng namalayan niyang may tama din siya sa bahagi ng kanyang katawang ito.
Sa kanyang kinalalagyan, nagkahalo na ang kanyang dugo sa tubig-ulan. Ang daloy din ng luha sa kanyang mga mata ay nahalo rin dito, nahugas, dahil sa malakas na ulan sa gabing iyon. Ang musmos na katawan ni Julian ay nadungisan na ng malapot na putik na tila bang kapalit na ng kanyang balat ang yaong mabasang lupa. Sa gulang na sampung taon, nadurusa ng batang si Julian Guevarra ang hamak ng kanyang buhay na sinasaklaw ng sakit at hirap na mga dala ng dahang-dahang kamatayan.
Kahit di makatayo ay pinilit pang tunghan ni Julian ang kanyang pinaslang na ama. Gamit ang lakas ng kanyang balikat at mga braso, gumapang siya sa maputik na lupa para ilapit ang kanyang sarili dito. Ininda at tiniis niya ang nararamdamang sakit sa binti at tagiliran, magawang mahawakan man lang, kahit sa huling pagkakataon ang amang kanyang minamahal. Natatabunan naman ng malakas na kulog ang kanyang mga nagdudurusang sigaw sa pagtawag sa pangalan ng ama na sa bawat paggapang ay ang tanging nagagawa lamang niya. Napapasigaw din siya tuwing bubungad ang napakakirot na sakit ng kanyang mga natamong tama sa mapayating katawan dahil sa mga pagkakataong malalapnos niya ito sa lupa.
Tila naman lumalayo sa kanya ang bangkay ng ama. Sa bawat pulgadang nagagawa sa paggapang ni Julian ay para namang hinihila palayo ang walang buhay na katawan ni Don Armando mula sa kanya. Ito ay dala ng panghihina na ng kanyang katawan dulot ng pagkakawala ng dugo, kaya naman mga ilang hakbang sa paggapang lamang ang nagawa niya at di natunghan ito. Sinubukan niyang abtan ang katawan ng ama sa kanyang kaliwang kamay ngunit sa ilang gawing pagpipilit maabot ay di niya ito nagawang mahawakan.
Iyak na naghihinagpis. Ito na lamang ang nagawa ng batang Julian Guevarra.
Lingid sa bagwis na dala ng hangin, ramdam na ng batang Julian ang buong panlalamig ng katawan, isang masaklap at kakaibang lamig ang kanyang naramdaman na di lamang nanunuot sa kanyang kalamnan. Unti-unting binabalot na rin ng kadiliman ang kanyang paningin, tatwang unti-unting hinihigop na rin ng karimlan ang kaluluwa niya. Binabawi na ang kanyang buhay, dahan-dahan ito, paunti-unti na may pagdudurusa. Isang kasamaang-palad na yaong nangyayari kay Julian.
Isang masamang kapalaran dahil sa kagimbal-gimbal at walang-awang pananambang sa kanilang mag-ama.
Matapos ang ilang sandali, tuluyan ng bumalot sa kanyang paningin ang gumugunawang kadiliman. Sa dahan-dahang pagkawala ng buhay ay tuluyan ng napapikit ang kanyang mga mata. Dinig pa man niya sa sarili ang malalakas na kabog ng kanyang puso na tila bang binibilisan ang pagkabog nito upang asamin ang mga nalalabing huling mga sandali. Isang malakas na pagkulog ang muli na namang yumanig na parang pinagsamang tunog ng iba't ibang uri ng tambol. Kasunod nito ay ang pagbuhos ng ulan na walang hanggang bumubuhos sa lupa at lalo pang lumalakas matapos ang ilang mga pagkulog. Ang malalamya at malalamig pakinggang buhos ng tubig-ulan na bumabagsak sa mga puno't halaman ang siyang magiging huling awiting madidinig. Lamig, napakatinding lamig, ito ang nag-iisang nadarama ni Julian sa buong katawan niya pati na sa kanyang buong kaluluwa. Wala na yatang mas lalamig pa sa kamatayang pupuntahan niya.
At ang karumal-dumal na kamatayang ito ang siyang puputol sa mga pangarap ng isang batang Julian Guevarra.
Ngunit sa likod ng buhos ng tubig-ulan sa lupa, at sa mabilis na tibok ng kanyang puso, mga malalakas na pagtapak ng paa sa lupang matubig ang biglang nadinig ni Julian. Mga mabibigat ngunit marahang hakbang ang mga ito na lumusong sa matubig at maputik na lupa. Waring takot ulit ni Julian ay bumalik ang mga mamamatay-taong nanambang sa kanila. Bumalik marahil ang dalawang lalaking iyon para tapusin at ibaon ang kanilang ginawang kriminalidad.
Ang dalawang nakamaskarang guardia civil na bumaril sa ama niyang walang buhay na at sa kanya na nagdudurusa ngayon patungong kamatayan.
Garza, Garza, Garza. Babaunin ni Julian sa kanyang kamatayan ang pangalang ito ng isa sa mga kawal ng guardia civil. Ang apelyidong hindi niya makakalimutan at dadalhin niya hanggang sa kanyang kamatayan. Nadinig niya ito matapos masampit ng kanyang kasama nang binaril nito si Julian ng dalawang beses; sa binti at sa tagiliran. Mula noon ay hindi na nawala sa isipan ni Julian ang apelyido na ito.
Sa hakbang ng paang nakasapatos sa matubig na lupa, alam ng batang Julian na galing lamang ito sa iisang tao. Di tumigil ang pagtalampisik ng putik at tubig na nagagawa sa paglakad nito. Hanggang sa huminto na ang yaong mga hakbang at dama niyang nasa malapit lang ito sa binulagtaang kinaroonan niya.
Tila bang tumigil ang pag-ulan nang huminto ang mga tapak na ito ngunit dinig pa rin ni Julian ang malakas na buhos ulan sa paligid. Nagpatunay dito ang pagkulog at pagpakli pa ng kidlat sa kalangitan. Di na niya nadama ang tampisik ng mga putik at mga patak ng tubig-ulan sa kanyang mukha na siyang pinagtatakhan niya. At marahil, wari niya, ay namatay na nga siya sa sandaling iyon kaya hindi na niya magawang madarama pa ang mga ito.
Binukang pilit ng batang Julian Guevarra ang kanyang mga mata. Pinilit niya itong maibuka para makita kung kanino galing ang yaong mga tapak ng paang nadinig. At sa kanyang pagdilat, dito nakita niya ang isang anino. Isang tao at nakatayo ito malapit sa kanya.
Sa pagpakli ng kidlat sa buong paligid, dito ay nakita niyang nakatitig ang yaong tao sa kanya na nakapayong pa't nakasuot ng puting camisa na may tsaleko, chachetta at pantalones. Nakatungkod pa ito sa kanyang pinaggayakang baston na itong nagpatayo sa kanya ng tindig. Ngunit, di man nakitang malinaw ni Julian ang buong mukha ng taong iyon, alam niyang may kakaiba sa nakitang ginoo. Ang mga mata niya ay nanliliwanag sa pula na tila inuri sa kulay dugong hinalo sa baga ng apoy. Dama sa mga matang ito ang alab ng kanyang damdaming may halong kasamaan at kamatayan. At sa pagpakli ulit ng kidlat, sa binungisngis na bibig na ginoo, lumitaw ang dalawang matatalim na bagay. Mga pangil, mga mahahaba at matutulis na pangil ito na maihahalintulad sa mga pangil ng isang mabangis na hayop.
Si Kamatayan.
Si Kamatayan ang huling wari ng batang Julian ng makita ang lalaki. Marahil ay kukunin na nito ang kanyang buhay. Marahil ay ito na ang sundo niya na magwawakas sa kanyang buhay. Isang halimaw, walang ibang naisip maipagtulad si Julian sa nakitang ginoo kundi isang mabangis na halimaw.
Mi Sangre, ang mahinang bulong ng halimaw kay Julian.
At bago bumalot ng tuluyan ang kadiliman sa kanya, ang yaong halimaw ang huling nakita ni Julian sa maulang gabing iyon. At wala nang mas mahalimaw pa kaysa sa walang awang halimaw na kung tawagin ay kamatayan.
At huwag kayong mangatakot sa mga nagsisipatay ng katawan datapwa't hindi nangakakapatay sa kaluluwa: kundi bagkus ang katakutan ninyo'y yaong makapupuksa sa kaluluwa at sa katawan sa impierno.

Komentar Buku (21)

  • avatar
    Rick Balorio

    pinaka gusto ko sa LAHAT ng nabasa

    27d

      0
  • avatar
    Hans Del Valle

    5142

    18/07

      0
  • avatar
    Jus Tine

    good story

    21/06

      0
  • Lihat Semua

Bab-bab Terkait

Bab Terbaru