logo text
Tambahkan
logo
logo-text

Unduh buku ini di dalam aplikasi

(4) SANTA TELL ME

Kabanata 4 || December 25, 2014
Xandro's POV
Eto na pala. Parang dati binibilang ko pa sa isip ko kung ilang araw na lang bago dumating 'to. Pero ngayon ang bilis lang lumipas ng mga araw dahil pagod ako sa trabaho kaya 'di ko namalayan na heto na naman pala tayo.
Nung una, nagagalit talaga ako t'wing darating yung araw na 'to. 'Di niyo naman siguro ako masisisi diba? Nawala lang naman yung isang parte ng buhay mo, 'di ka ba magagalit non?
Pero habang tumatanda ako, 'di na 'ko nagagalit, 'di ko na ata kayang magalit. At 'di ko namamalayan na nawalan na pala ako ng emosyon. Parang nawalan na 'ko ng kaluluwa at pati pananampalataya ko sa Kanya ay nawala na din at dinala na kung sa'n man siya nagpunta.
Dahil kahit araw Niya 'to, 'di ko mapigilang kwestyunin kung ba't sa dinami dami ng tao sa mundo, si nanay pa ang kinuha Niya.
Bakit yung nanay ko pa yung nawala? Bakit 'di na lang ako? Bakit 'di na lang ako na mukhang wala namang kasiguraduhan sa buhay?
Edi sana kung ako na lang yung kinuha Niya, masaya na siguro silang pamilya, masaya na siguro si tatay. 'Di na siguro mamaliitin ng pamilya ni nanay si tatay. At 'di ko na rin siguro bitbit yung lungkot at ewan, konsensya siguro? Na dahil sa'kin mismo kaya nawala yung nanay ko.
Pucha! Aga agang drama naman neto, Dro!
Tigil tigilan mo nga 'yang kabaklaan mo.
Natawa na lang ako sa naisip ko bago nagsimulang magbihis. Bibisitahin ko muna si nanay sa sementeryo bago ako pumasok sa trabaho.
**************************
"Hi sir, ano hong hanap nila?" Tipid ngiting tanong ko sa isang lalaking medyo may edad na. Siguro'y nasa lagpas kuwarenta na ito.
"Ah meron ba kayong size 42 nito, hijo?" tanong nito habang sinisipat ang sapatos na hawak. -Rubber shoes ito na bagong labas ng isang kilalang brand.
"Ichicheck ko muna sir, eto lang ho ba?" tanong ko rito saka kinuha ang inabot niyang sapatos. Dito sa men's shoes section ako naatasan hanggang sa mga susunod na tatlong buwan. Pwede akong lumipat sa ibang section kung may magugustuhan raw akong iba o kung di ko raw gusto rito. Pero napagpasyahan kong dumito na lang dahil okay naman kahit yung mga katrabaho ko.
"Ah oo nga pala, size 39 pa nito," aniya sabay pakita sa'kin ng isa pang sapatos na kulay puti at may kulay blue na stripe sa gilid. Yung stripe na parang balat ng tigre.
"Sige sir, saglit lang ho," paalam ko nung naibigay niya na sa'kin iyong isa.
"Sige, salamat," wika nito at nagtingin tingin muna sa ibang sapatos na naroon.
Tumalikod na ako't naglakad papunta sa likod kung saan nakalagay ang mga intercom. Pinindot ko iyon at nagtanong na. Nung sumagot naman ang nasa kabilang linya ay mabilis na akong umalis doon para makapunta sa stock room na nasa itaas na palapag.
Kung nung nakaraan ay marami ang tao dito sa mall upang bumili ng ipangreregalo, ngayon ay dumoble pa ito lalo sa dami dahil sa mga nagiikot-ikot. Maraming mag-isa lang at may iba rin namang magkasintahan pa. Pero mas marami pa rin ang pamilya na nandirito't namamasyal. Naghagdan na lang ako dahil siksikan ang mga tao sa escalator na nadaanan ko. Kinailangan ko ring gumitgit at mag-excuse sa mga nakakasalubong at nakakasabay ko nung nakaakyat ako bago nakarating sa pupuntahan ko.
Ngayon ko lang napansin na bukod sa dami ng tao ay kaya pala parang mas sumikip ang aming espasyo dahil sa dami ng disenyo at mga "santa claus" na inilagay nila sa bawat lugar ng mall.Pagpasok ay kaagad kong hinanap ang mga sapatos at ang tama nitong sukat. Nung may nakita'y chineck ko rin ang loob nito kung maayos bago lumabas. Swerte nga nung bibili dahil last stock na pala namin 'to.
Bukod kasi sa okasyon na ipinagdiriwang nila ngayon ay may extended sale rin dito sa mall na pinagtratrabahuhan ko hanggang sa bagong taon. Kaya talagang dinadagsa ito ngayon.Pagkalabas ko 'y may lumapit sa'king isang lalaking mukhang mas matanda lang sa'kin ng ilang taon. Magtatanong na sana ito dala ang ilang sumbrero pero may tumabi sa aking isang katrabaho at tinapik ang balikat ko.
"Sige na, ako na bahala kay sir. Baba ka na, baka hanap ka na," anito sabay bumaling ng tingin dun sa lalaki at nagtanong.
"Sige, salamat 'dre," mabilis kong sambit at tumalikod na. 'Di ko nga alam kung narinig pa niya dahil tumalikod na rin ang mga ito. Pero mabuti na lang at siya na ang nag-assist roon dahil kahit nakakailang araw na ako'y 'di pa rin ako ganung kasanay sa dami ng bumibili.
Bumaba na ako gamit lang ulit ang hagdan at naglakad na ako ng mabilis pabalik sa huling pwesto na pinag-usapan namin nung customer ko kanina. Napatigil naman ako nung makita kong may mga kasama na ito. Isang binatilyong lalaki at isang babae, na sa malamang ay yung asawa niya.
Mukhang limang taon pababa ang tanda ko sa kasama niyang binatilyo na sa tingin ko'y anak nila. Malaking bulas na ito ngunit halatang nasa high school pa lang. Ang nanay naman nito'y mukhang kasing tanda lang din ng kaniyang tatay.
Nagtatawanan silang mag-ina noong may iniaabot na sapatos ang lalaki sa anak nito. Napatingin ang binatilyo sa tatay niya't ngumiti. Sumilay din ang ngiti sa nanay nito.
Mukhang ang saya saya ng pamilya nila. Masaya ang tatay, ang nanay, lalo na ang anak. Siguro'y ang sarap talaga sa pakiramdam kung may nanay kang nasa tabi mo ano? Ang sarap siguro sa pakiramdam kung buo yung pamilya mo.
Kung may isang hihilingin man ako sa buhay ko, ayun yung makumpleto kaming pamilya kahit alam kong napakaimposible na mangyari no'n. 'Di naman ako mainggiting tao pero 'di ko alam ba't sa t'wing makakakita ako ng isang buong pamilya, napapaisip na lang ako na sana kami rin.
Tinigil ko na ang kung ano-anong pinag-iisip ko at dumiretso na sa kanila. Binati ko ang lalaki at napaharap naman ito sa'kin. Kinuha nito ang mga sapatos at tiningnan. Sinukat rin muna nila nung binatilyo at nung okay na ang lahat ay magkakasama na silang umalis para bayaran yun.
Tiningnan ko ang relo ko sa kaliwang pupulsuhan ko. Alas kwatro ng hapon pa lang. Dalawang oras pa bago matapos ang shift ko dito.
Mahaba habang oras pa bago matapos ang araw na 'to.
Tiis lang, Xandro. Tiis lang.
*********************************
"Uy X! Aga natin ngayon ha?" bati ng isang babaeng katrabaho ko sa coffee shop. Siya yung cashier namin na panggabi. Alas syete pa lang at pumasok na ako kahit may trenta minutos pa bago ang mismong shift ko.
Hindi naman ako nahuhuli sa pagpasok pero hindi rin talaga ako pumapasok ng maaga dahil kadalasan ay nasa tamang oras naman ako. Ngayon lang siguro dahil ayokong manatili sa bahay.
Binilhan ko lang ng fried chicken at ice cream sila ate at tatay at kumain kasama nila. Pagtapos noon ay nagpaalam na rin ako at umalis na para makapasok dito. Gusto ko pa nga sanang magpahinga pero ayoko nang makita yung mukha ni tatay na malungkot kaya umalis na lang ako.
"Aga mo rin nga eh," tipid na sagot ko sa kanya bago naglakad papunta sa likod ng shop. Kung tutuusin ay mas maaga pa nga siya sa'kin dahil mamaya pa ang oras niya pero mas nauna pa siyang pumasok.
Kakaisang buwan ko lang rito sa shop noong isang araw. Medyo gamay ko na rin ang pamamalakad dito hindi tulad dun sa mall. Mas komportable rin ako sa lugar na 'to dahil kahit papaano'y mas konti ang tao dito kaysa do'n.
Pero kung sa katrabaho naman ang pag-uusapan, mas komportable ako sa mga kasamahan ko sa mall kaysa dito. Mas approachable sila kesa dito na may kanya kanya nang grupo tapos 'di pa namamansin 'pag hindi ka nila kaibigan. Si Raquel nga lang ata nakakausap ko dito eh. Pero 'di naman ako nagrereklamo doon, okay na 'ko sa konti lang ang kaibigan o kausap. Buti na nga lang at napagtyatyagaan pa ni Raquel yung katahimikan at kasungitan ko.
Pumasok na 'ko sa loob ng locker room para kuhanin ang apron, uniform, at sumbrero ko. Wala pa yung iba kong mga kashift. Malamang mamaya madumi na naman dito pagdating nung mga 'yon.
Dumiretso na ako sa cr na katabi lang nung locker namin at nagbihis na. Pantaas lang ang uniform namin at ang pangbaba ay kami na ang bahala kaya nakakatipid naman ako. Isang set lang ang binigay nilang uniform kaya bumili na lang ako ng isa pang emergency o pamalit. Yung isa ay nandito at yung isa ay nilalabhan ko sa bahay. Sinasalitan ko na lang.
Lumabas na ako at dumiretso sa may counter. Busy na si Raquel sa mga customer at ako naman ay naghihintay lang ng extra'ng trabaho. Bawal pa kasi kaming kumuha ng trabaho sa mga nakashift pa kung mapaaga man kami ng dating.
Kapag masyadong marami na ang customer ay saka lang kami pwedeng tumulong o kaya naman 'pag nag undertime ang mga ito. At sa kaso ni Raquel, nagpaundertime raw ang kapalitan niya kaya siya na ang gumagawa.
Nawala lang ako sa pag-iisip nung kinulbit ako ni Raquel.
"Nasa'n nameplate mo? Lagay mo na. Seven thirty na," anito at tinaas taas ang kilay. Binaba ko ang tingin sa dibdib ko at napansing wala pala doon ang sinabi niya. Narinig ko naman siyang tumawa bago nagpaalam na iinom lang.
Kinapa ko naman ang bulsa ng apron ko at kinuha ang nameplate roon. Palayaw lang raw ang kailangan kaya X lang ang pinalagay ko dito. Yun lang din ang alam ng mga katrabaho ko kahit ni Raquel. Walang may alam na ang pangalan ko talaga ay Xandro. Wala naman talaga akong pake kung malaman nila o hindi ang pangalan ko. Nagpunta naman ako dito para magtrabaho.
LUMIPAS ANG ilang oras na abala kami dahil sa dami ng customer. Akala ko ay kaunti lang ang tao rito dahil karamihan ay nasa pasyalan o nasa bahay na pero mali pala ako. Mas dumami ang mga bumibili kahit pagtingin ko sa orasan ay magaalas diyes na.
Maya maya ay narinig ko naman ang mga iba kong kasamahan na may siniset up sa kabilang dulo ng shop. Medyo malaki rin kasi ang shop na ito.
Nasa kanang bahagi ang pinto at ang ibang mga upuan na pwedeng paghintayan. Ang sa gitna naman ay ang mismong counter kung saan kami nagtratrabaho na katapat rin ng ilan pang mga mesa at upuan. Magkadugtong lang ang pinagbabayaran nila at ang pinaggagawaan namin ng mga inumin at pagkain rito kaya nakikita nila kung paano namin ginagawa ang mga inoorder nila.
Meron ding mga bookshelf sa gilid ng mga mesa kung saan pwede silang manghiram ng libro. Pwede rin sila dito mismo magbasa dahil may mga nakalagay ring bean bags at ilang desk at upuan doon sa tabi ng bookshelves pero bibihira ko lang makita na inuupuan ito ng mga customer. Siguro dahil panggabi ako at walang nagbabasa rito ng gabi kaya gano'n. Meron naman ako minsang nakikita na umuupo roon pero 'di dahil sa magbabasa sila kundi dahil okupado na ang ibang upuan at 'yon na lang ang pwede.
Nasa kaliwa at dulong bahagi naman ng shop ang mini stage at sa kabilang gilid nito ay ang banyo at washroom para sa mga customer.
"Hmm, hello, hello, mic test," ani ng isang lalaking medyo malaki ang pangangatawan. Nakaayos na ang mga kagamitan sa maliit na stage na nasa dulo ng shop at tao na lang ang kulang.
Ayon kay Raquel, t'wing may events ay may naiimbitahang magtanghal dito sa shop namin. Pwede rin itong rentahan ng mga kilalang banda o kahit ng mga naghahanap lang ng mapagraraketan. Tatlong taon na rin kasi siya rito at naabutan niya na ang mga iyon. Alam niya rin na kahit holiday minsan ay may nagtatanghal raw rito. Kaya ito siguro yung sinasabi niya noon. May nakaassign na sigurong banda para sa gabing ito.
Kung gayon nga ay unang beses ko pa lang makakapanood ng live na pagtatanghal habang nagtratrabaho sa isang buwan ko na rito.
Marami ring tumatangkilik sa shop naming ito kahit gabi na dahil nasa ikalawang palapag ito at kitang kita sa bintana ang mga ilaw mula sa kabahayan ng lungsod na nasa baba at tapat lang ng bintana namin.
"Hello, ladies and gentleman," masayang bati nung lalaki na nakamikropono. Iba ito sa nagsalita kanina. Sa tingin ko ay kasing edad ko lang ito o mas matanda ng kaonti sa'kin. Yung lalaki namang nagcheck ng mic kanina ay nasa likod na at may hawak na gitara.
"Good evening and Merry Christmas sa ating audience ngayong gabi," bati ng lalaki na may malaking ngiti sa labi at animo'y sayang saya sa kung ano mang dahilan. Nagsimula na siyang mangamusta at magtanong tanong sa madla.
Matapos ang ilang minutong pangangamusta ay nagsimula na silang magpatugtog at kumanta ng mga kantang pampasko. 'Di ko alam kung may epekto ba ang banda pero parang nadagdagan pa lalo ang mga customer namin ngayon kumpara sa normal na gabi namin. Pinokus ko na ang sarili sa trabaho at binilisan na rin namin sa pagkilos. Doble ingat rin ang ginagawa namin sa mga dapat naming gawin kahit kailangang mabilis.
Saktong katatapos ko sa huling order na inutos sa'kin nang tiningnan ko ang relos ko. Magaalas onse y medya na ng gabi pero madami dami pa ring tao. Pumasok muna ako sa loob ng kitchen para umupo saglit pero parang nawala ang pagod at pangangalay ko nung may marinig akong babaeng kumakanta sa labas. Tumayo ulit ako at sumilip mula sa pinto ng kitchen para tingnan kung sino yung babae.
Pagkasilip ko ay may nakita akong isang babaeng katamtaman lang ang tangkad pero parang biniyayaan talaga sa ganda. 'Di siya masyadong maliit pero 'di rin ganoong katangkad, mas matangkad pa siguro ako kung itatabi ako dito.
Ang ganda nito kahit nasa malayuan at sigurado akong mas maganda ito kung sa malapitan ito titingnan. Morena lang ito pero parang anghel ang mukha. Malamlam ang medyo singkit niyang mga mata at sakto lang ang tangos ng kaniyang ilong. Malarosas rin ang kulay ng kaniyang labi kahit wala siyang suot na kolorete sa mukha. Medyo mamula mula rin ang mga pisngi nito na para bang nahihiya siya sa pag apak sa entablado. At may dimple rin ito sa kanang pisngi na lalong nagdagdag ng kagandahan sa mukha nito.
Katamtaman lang din ang katawan nito, 'di masyadong payat at 'di rin mataba. Yung tipong nakararaos ito sa buhay at parang wala man lang problemang iniisip. Mahaba rin ang kulot nitong buhok na kulay itim sa taas pero may kulay rosas sa bandang ibaba.
Maganda rin ang boses nito at para bang anghel na inihehele ka sa gabi kapag hindi ka makatulog. Nakakahinahon ito ng sistema pero para bang nakakalampag rin ang puso mo dahil sa boses niya. Yung tipong pwedeng pampatulog pero pwede ring pampagising ng puso.
Yung tipong boses pa lang, panalo ka na tapos may bonus ka pang ganda. Yung ang sarap na sa tenga paulit ulitin ng boses niya pero 'pag tiningnan mo ang mukha niya, parang tinamaan ka pa ng kung ano't 'di ka na mapapaiwas ng tingin sa kanya.
Napatigil ako sa pagtitig sa babaeng 'yon ng makarinig ako ng mahinang tawa sa gilid ko.
Si Raquel pala. Tinaasan ko naman ito ng kilay na para bang nagtatanong. Eto ang gusto ko sa kanya e, kahit 'di ako magsalita, nababasa niya ng kung ano yung sinasabi ng mukha ko.
"Ngiting ngiti, X ah! Ang ganda niya 'no?" aniya na may ngiting nakakaloko sa mukha. Binababa't taas pa niya ang kilay niya para lang maasar ako lalo. 'Di na ako umimik at tanging 'tsk' na lang ang sinagot ko sa kanya.
"Sus, gusto mo na siya 'no? Sabagay, ang ganda naman. Sana ako rin," pagsasalita ulit nito pero 'di ko narinig yung huling sinabi niya dahil humina na ang boses nito.
"Ano yung huling sabi mo?" pagpapaulit ko pa.
"Wala! Sabi ko mas maganda pa 'ko dya'n," anito sabay tawa. Pinisil pa niya ang pisngi ko bago nagpaalam na babalik na raw siya sa pwesto niya. Umalis na rin ako sa may pintuan at pumunta na sa mismong pwesto namin para kumuha sana ng gagawin nang narinig ko ulit ang boses nito.
"Hi po! For the second song, I'll be singing with Simon. Let's give him a round of applause," nakangiting ani nung babae at sumabay sa palakpak.
'Di ko alam kung ba't parang nawala ako sa mood nung tingnan ko yung Simon na lumapit dun sa babae. Napailing na lang ako nung naisip kong bagay sila. Mas mataas ito kumpara doon sa babae at halatang may kaya rin sa buhay dahil sa porma. Nang maayos na ang background song nila ay nagsimula na silang humuni pero nauna yung babae kumanta.
Nagngitian pa sila bago siya magsimula. Tss.
Ewan ko ba pero nung nagsimula na ulit siyang kumanta, gusto ko na lang ulit makinig at tumingin sa kanya kahit katabi niya yung Simon. Ano ba 'to? Ba't ba 'ko nagkakaganito?
Ang saya niya panooring nag eenjoy sa pagkanta at sa sobrang pag eenjoy ko rin sa panood sa kanya ay 'di ko namalayang may nahulog na pala akong gamit sa mesa ng 'di sinasadya. Napatingin sa'kin ang ibang mga customer kaya humingi naman ako ng pasensya.
'Di ko alam pero malamang ay narinig niya ang pagkalaglag ng gamit rito dahil noong kinanta niya 'yon ay nagtagpo ang mga mata namin. Para akong nanigas sa kinatatayuan ko at 'di makaalis ng tingin sa kanya. Gusto ko sanang yumuko o umiwas ng tingin dahil nakakahiya at parang nahuli pa akong gumagawa ng masama pero 'di ko alam ba't di ako makaiwas.
Bumalik lang ako sa katinuan noong iniwas nito ang mga mata niya sa'kin at tumingin dun sa Simon na ngayon ay kumakanta na.
'Di ko na naiintindihan ang pagtatanong sa'kin ng manager namin kahit ang pagtawag sa'kin ni Raquel dahil lutang pa rin ako sa pagtingin niya sa'kin.
Ang ganda ng mga mata niya. Para bang hinihigop ako nito at dinadala sa ibang mundo o planeta. Yung mundong parang kami lang dalawa, na kahit anong nangyayari sa paligid ko ay wala na 'kong pakialam basta makasama ko lang siya.
At 'di ko rin alam kung bakit dumadagundong ng ganito yung dibdib ko.
Pucha. Dahil ba sa kape 'to?

Komentar Buku (11)

  • avatar
    Rhafael Ducusin

    Sarap sa pakiramdam na pasko

    14d

      0
  • avatar
    ViloriaEllen

    nice to read

    22d

      0
  • avatar
    Maria Jessil Casas

    more money come

    22/07

      0
  • Lihat Semua

Bab-bab Terkait

Bab Terbaru